Kabanata 1
“ATE Alana, laro tayo!” salubong sa akin ni Benjie nang makarating ako mula sa eskwela.
Pinantayan ko ang tangkad ng kapatid kong nasa apat na taong gulang pa lang at ginulo ko ang buhok niya. “Pasensya na, Benjie. May kailangan pa kasi akong gawing project eh.”
Nang makita ko ang lungkot sa mga mata niya ay agad kong kinuha ang kendi sa bulsa ko. “Pero eto may ibibigay sa ‘yo si Ate, huwag ka na lang maingay kay mama at mapapagalitan na naman ako no’n.”
Agad niyang kinuha ang inaabot ko at nanakbong lumabas ng bahay. Hindi naman ako nag-alala na mag-isa siya dahil nasa labas ang dalawa ko pang kapatid na sina Gio at Vina.
Agad na nagsalubong ang kilay ko nang makitang bukas ang pintuan ng kwarto ko sa taas.
Nangingialam na naman siya!
“Anong ginagawa nyo po dito, Mama?” pilit kong kinakalma ang boses na tanong.
Napapitlag ang madrasta ko na nasa harap ng study table ko. Napatingin ako sa scrapbook na isa sa project ko sa english. Nakabukas iyon at mukhang kanina niya pa binabasa ang laman.
Tumikhim siya. “Pinalitan ko lang ang kubrekama mo at kinuha ko ang marumi mong damit. May masama ba?”
“Sabi ko naman po sa inyo, huwag na po kayong mag-abalang linisin ang kwarto ko at kaya ko naman na.”
Tinaasan niya ako ng kilay at inismiran. “Ikaw na bata ka imbes na magpasalamat ka, talagang tatarayan mo pa ako.”
“Hindi po ako nagtataray.”
Sinimangutan niya ako at padabog na kinuha ang lagayan ng mga maruming damit. “Ano bang kinakatakot mong makita ko dito sa kwarto mo at ayaw na ayaw mong pumapasok ako dito?”
Hindi na ako nagsalita at sinimulang kalasin ang butones ng suot kong uniporme umaasang makatunog siya at lumabas na.
“Mag-do-doktor ka talaga ano?”
Mariin akong napapikit at napatingin sa scrapbook ko na talaga ngang binasa niya.
“Aba, matalino ka oo! Pero hindi biro ang pag-aaral ng medisina, Alana. Gusto mo bang mamulubi ang ama mo sa pagpapaaral sa ‘yo? Paano naman kami ng mga kapatid mo–”
“Mama, huwag po kayong mag-alala. Kaya ko pong kumuha ng scholarship para sa kursong gusto ko.” Hindi na nakatiis na putol ko sa kanya.
Pagak siyang tumawa. “Ingat-ingat sa paglipad nang mataas anak, masakit kapag lumagapak.”
Lumapit ako sa kanya at niluwangan ang bukas ng pinto. “Pasensya na Mama, pero pwede po bang iwanan nyo na ako at mag-aaral pa po ako?” sarkastiko kong pagngiti sa kanya.
Nagdikit ang labi niya at tumalim ang tingin niya sa akin. “Bastos kang talaga! Isusumbong kita sa Papa mo!”
Hindi ko na pinansin pa ang pagbubunganga ni Mama Agnes at isinara na ang pinto nang tuluyan na siyang makalabas. Napapabuntonghiningang naghubad ako at ibinagsak ang katawan sa kama.
Kinuha ko ang larawan namin ni Mommy sa side table at hinaplos iyon. “Pangako Mommy, magiging doktor ako.” Niyakap ko iyon at nakaramdam ng lungkot. “I miss you, Mommy.”
Tiyak kong mamaya ay masesermunan na naman ako ni Papa kapag nagsumbong sa kanya si Mama Agnes. Sampung taon na ang nakakalipas nang pakasalan ni Papa si Mama Agnes, ilang buwan pa lang ang nakakalipas nang mamatay ang tunay kong ina sa isang aksidente.
Hindi ko matanggap na ganoon kadaling napalitan ni Papa si Mommy pero inintindi ko iyon at nakisama sa bago niyang asawa. Kahit nga ayokong tawagin siyang mama ay kinasanayan ko na rin alang-alang sa ama ko at mga kapatid. Nga lang sa paglipas ng mga taon ay madalas kaming nagkakabanggaan ni Mama Agnes. Noong bata rin ako ay madalas niya akong saktan sa simpleng maling nagagawa ko pagkatapos ay papalabasin niya sa ama kong ako ang may kasalanan.
Kung hindi lang sa mga kapatid ko at kay Papa ay papayag na ako sa gusto ni Lola na sa kanya na pumisan sa Cebu.
Pero ngayong magkokolehiyo na ako, binabalak kong sa Maynila mag-aral. Pumayag naman na si Papa pero inunahan niya na akong hindi niya kaya iyong school na gusto kong pasukan at maging course. Nursing ang pre-med course na kukunin ko at itutuloy ko iyon sa medisina. Tama si Mama Agnes na malaking pera ang kakailanganin sa kursong nais kong kunin. May car repair shop at grocery store si Papa na siyang bumubuhay sa amin pero alam kong hindi naman niya ibubuhos ang lahat ng kita niya roon para sa pag-aaral ko.
Ngunit may solusyon na ako sa problemang iyon, ang scholarship na ibinibigay ng mga Sy taon-taon sa school namin. Kilala ang pamilyang Sy sa lugar namin bilang matulungin at mababait sa kabila ng yaman na meron sila.
Ang lupang kinatitirikan ng school namin ay pagmamay-ari nila at simula nang naitayo ang St. Joseph ay taon-taong may pinagpapalang estudyante kapag sila ang napili para sa scholarship na binibigay ng pamilyang Sy. Hindi naman kasi basta-basta ang scholarship na ibibigay ng mga Sy, bukod sa tuition fees at boarding ay buwan-buwan din na may matatanggap na allowance para sa pag-aaral ang sinumang makukuha.
Ibinibigay iyon madalas sa nangungunang estudyante kaya naman labis ang pagsisikap ko sa pag-aaral. Hindi ko hinahayaang bumaba ang mga grades ko at marami akong sinasalihang extra-curricular activities.
Tumayo ako at sinimulang ayusin ang mga librong babasahin ko para sa mga quiz bukas. Kakaupo ko lang sa harap ng study table nang magsimulang bumigat ang mga mata ko sa antok pero ipinilig ko ang ulo ko at ginising ang sarili sa paulit-ulit na mahinang pagsampal sa magkabilang pisngi.
Hindi ko namalayan ang oras sa pag-aaral at pagsilip ko sa bintana ay madilim na.
Mahihinang katok ang narinig ko sa pinto na tiyak kong si Gio. “Ate, kakain na!”
“Susunod na ako!” balik-sigaw ko at iniligpit muna ang mga gamit ko.
Napabuntonghininga ako nang maabutang tahimik si Papa na ni hindi man lang ako sinulyapan nang maupo ako. Pagtingin ko kay Mama Agnes ay namumula ang mga mata niya. Tiyak kong kung ano na namang idinagdag niya sa mga kinuwento niya kay Papa.
Tuloy nang matapos kumain ay si Vina ang pinag-urong ni Papa at pinatawag ako sa veranda. Inabot ko sa kanya ang kinanaw kong kape.
“Kape po muna kayo, Pa.”
“Maupo ka, Alana.”
Sinunod ko siya at naupo sa harap niya. Hindi pa man nagsasalita ay alam ko na ang sasabihin niya.
“Ano itong ikinuwento na naman sa akin ng Mama Agnes mo? Binastos mo daw siya kanina?”
Kinuyom ko ang kamao ko.
Saang banda ko ba siya binastos?!
“Pa, hindi naman po ‘yon totoo. Ang ibig kong sabihin, hindi po iyon ang intensyon ko. Gusto ko lang gumaan ang trabaho ni Mama kaya sinabi kong sa susunod ako na ang bahala sa kwarto ko maging sa labahin ko.”
“Alana, bakit ba hanggang ngayon parang ang hirap pa din sa ‘yo na tanggapin si Agnes bilang mama mo?” napapabuntonghiningang tanong niya hindi pinansin ang pagpapaliwanag ko.
Hindi ko siya Mama!
“Pa naman eh. Mama nga ang tawag ko sa kanya, paanong hindi tanggap?”
Natahimik siya at inabot ang tasa ng kape. Sumimsim siya roon at muli akong sinulyapan.
“Iyong sa pag-aaral mo–”
“Nasabi nyo na, Pa. Alam ko pong hindi nyo kaya, huwag po kayong mag-alala hindi ko naman po ipipilit iyong gusto ko. Saka may scholarship naman po–”
“Gaano ka nakakasigurong sa ‘yo mapupunta ‘yon, Alana? Bali-balita na ang tungkol sa pakikipagrelasyon ng kaklase mong si Meredith sa panganay na anak ng mga Sy.”
Kumunot ang noo ko. “Ano naman pong kinalaman ni Meredith doon Pa?”
“Posibleng sa kanya ibigay ang scholarship na ‘yon. Giliw na giliw si Donya Almira sa batang iyon–”
“Pa! Oo at matalino din si Meredith pero mas mataas ang mga grado ko sa kanya. Nangunguna din ako sa klase kaya tiyak kong akin ang scholarship na iyon at hindi sa kanya.”
“Alana, ayoko lang umasa ka. Masasaktan ka lang.”
Tumayo ako. “Kailangan ko na pong matulog at maaga pa po ang pasok ko bukas. Huwag po kayong mag-alala, magso-sorry po ako kay Mama.”
Naabutan ko si Mama Agnes na nasa gilid ng pinto at halatang pinakinggan ang pag-uusap namin ni Papa.
“Sorry po, Ma.” Malakas ang boses kong saad at niyakap siya nang makita sa gilid ng mga mata kong nakatingin si Papa.
Hindi naman siguro mangyayari ‘yon? Bakit nila ibibigay kay Meredith ‘yon? Imposible…girlfriend lang siya ni Ashton pero ako ang top one.
***
KALOKOHAN ang sinabi ko kagabi. Walang imposible pala talaga.
“Napakaswerte mong bata ka! Talagang nagpunta pa dito si Madam Almira para lang sabihin na sa ‘yo ibigay ang scholarship ngayong taon. Congrats hija, magandang kinabukasan ang nag-aabang sa ‘yo.”
Sinulyapan ako ni Ma’am Flor na siyang principal ng St. Joseph at tumagilid ang ngiti niya marahil sa nakitang reaksyon ko sa sinabi niya.
Tama pala ang ama ko, kay Meredith nga ibibigay ang scholarship ngayong taon. Hindi patas pero anong laban ko.
“I guess, wala na akong aasahan pang scholarship dahil ikaw na ang napili nila.” Hindi ko napigilang malungkot na saad.
Tila nakonsensya si Meredith sa sinabi ko at umiling-iling siya. “Hindi Alana, huwag kang mag-alala kakausapin ko sila Donya para sa ‘yo ibigay–”
Pilit akong tumawa at umabrisete kay Meredith pinapalis ang paninibughong nararamdaman ko para sa kanya. “Sira naman ‘to. Ayos lang ako ano ka ba? Kukumbinsihin ko na lang ang kapatid ni Papa na nasa ibang bansa para pag-aralin ako, huwag mo nang isipin ‘yon. Saka masipag ka din naman at deserve mo ‘yong s-scholarship. Ayos lang talaga ako.”
Sinungaling! Hindi ka ayos!
Humiwalay ako kay Meredith at nagpaalam na pupunta sa banyo pero dumiretso ako sa hindi ginagamit na classroom sa school at nang masigurong walang tao ay doon ko lang pinakawalan ang mga luha ko. Umiyak ako sa pangarap na pakiramdam ko ay malabo ko nang maabot.
Makalipas ang ilang minutong pag-iyak ay umiling-iling ako. “H-Hindi! Ayos lang ‘to. Pwede k-kong kausapin si Lola. Tama. Pwede din akong maghanap pa ng ibang scholarship. Marami naman sa m-maynila!” Humihikbi kong saad at pinakalma na ang sarili.
Bago bumalik sa klase ay nagtungo muna ako sa banyo at naghilamos ng mukha. Kinuha ko ang reading glass ko sa bag at isinuot iyon.
Pagdating sa klase ay agad kong nakita ang hindi mapakaling hitsura ni Meredith na mukhang inaantay ako.
“A-ayos ka lang ba talaga?”
Tumango ako at pilit muling ngumiti. “Ayos lang.”
Sa pamilyang meron ako, ang pagpapanggap na ayos lang ay naging madali na sa akin. Hindi ko ugaling ipagsabi ang mga hinaing ko sa buhay, kahit sa mga malalapit kong kaibigan. Ayoko. Para saan pa? Para maawa sila sa akin?
Hindi ko kailanman nais na makakuha ng simpatya at awa mula sa ibang tao.
“Kita tayo bukas!” kaway ko kay Meredith at tinalikuran na siya.
Kasabay nang pagtalikod ko ay ang pagkawala ng ngiti sa labi ko. Pagdating sa bahay ay naabutan ko si Papa na tuwang-tuwa na niyayakap si Vina.
“O, andyan na pala ang ate mo. Alana, luluwas kami sa maynila sa susunod na linggo dahil nakapasok sa singing contest sa tv itong kapatid mo. Ang galing hindi ba?”
Tumango ako at ngumiti. “Congrats, Vina!”
“Salamat, Ate!”
“O para namang napipilitan ka lang batiin ang kapatid mo. Ba’t ganyan ang mukha mo?” ani Mama Agnes na lumabas ng bahay dala-dala ang tray ng meryenda nila Papa.
“Hindi po. Masaya po ako para kay Vina, napagod lang sa school. Iidlip lang po ako sa taas.”
“Pero teka, iyong audition na sinasabi sa atin no’ng talent manager. Birthday ni Alana ‘yon eh.”
Ngumiti ako at umiling. “Ayos lang ako Pa. Pwede namang pagbalik nyo na lang tayo mag-celebrate eh.”
Hindi nagpapalit na nahiga ako sa kama at ipinikit ang mga mata. “Nakakapagod…” bulong ko.
Nakakapagod talagang magpanggap na ayos ka lang kahit hindi naman.
Pero bakit ko nga ba kailangang magpanggap?
Ah alam ko na, kasi mas madaling sabihing ayos ka lang kasi kesa ipaliwanag kung bakit hindi.