Kabanata 5

1777 Words
Pagsisisi "ALANA!" Nabalikwas ako ng bangon sa kama nang marinig ang malakas na boses ng ama kong kinakatok ako. Nanginginig na inalis ko ang kumot na nakabalot sa katawan ko at hinang-hina na tumayo. Pinagmasdan ko muna saglit ang sarili sa salamin at inayos ang gulo-gulo kong buhok. Sinigurado ko ring walang makikitang marka sa katawan ko ang ama ko. Magang-maga ang mga mata ko pero wala naman akong maisip na ilagay roon para maalis ang pamamaga noon. Anong karapatan mong umiyak? May kaba sa dibdib kong pinagbuksan si Papa na ni hindi ko man lang narinig ang pagdating. Ang akala ko ay bukas pa ang uwi nila. "Por dyos por santo, anong nangyari sa 'yo anak?" alalang-alala na tanong niya sa akin nang mabistahan ang ayos ko. "P-Pa, nakauwi na ho pala kayo. Akala ko ay bukas pa ang uwi n'yo?" "Hindi na 'yan ang mahalaga. May sakit ka ba?" Inilagay niya ang palad sa noo ko at napapikit ako nang saglit na makaramdam ng hilo. "Aba! Nilalagnat ka. Uminom ka na ba ng gamot?" Umiling ako habang inaalalayan niya akong makabalik ng kama. Papahiga na ako nang bigla ay niyakap ko siya. "Alana..." Umiiyak na isinubsob ko ang mukha sa dibdib niya. "Anak, anong problema?" "Sorry p-po..." bulong kong tiyak kong hindi niya narinig. Tinapik-tapik niya ang likod ko. "Sana ay nagpasabi kang may sakit ka para mas inagahan ko ang uwi. Sige na at magluluto ako ng makakain mo't nang makainom ka ng gamot." Buong araw akong inalagaan ng ama ko at bagama't may tuwa sa puso ko dahil hindi ko na maalala ang huling beses niyang inalagaan ako tuwing may sakit, hindi mawala-wala sa isip ko ang nagawa ko kahapon. Ang sakit sa gitnang bahagi ng katawan ko ang magpapatunay na totoong nangyari iyon. Inuusig ako ng konsensya ko at gustong-gusto kong bumalik sa mansyon ng mga Sy para ipagtapat sa lahat ang tunay na nangyari. Pero ang takot sa puso ko sa pwedeng kahinatnan ko ang nangingibabaw sa isip ko dahilan para hindi matapos sa pagtatalo ang isipan ko. Hapon na nang magising ako at kumpara kaninang umaga ay magaan-gaan na ang pakiramdam ko. Dinig ko mula sa itaas na may bisita ang ama ko na nang silipin ko ay ang matalik pa lang kaibigan ng ama ko na si Tito Domeng. Babalik na sana ako sa kwarto nang maulinigan ko ang pag-uusap nila. "Ang sabi ay malala ang lagay ng Donya. Galit na galit nga raw si Don Miguel sa mga Agustin, sinisisi ang anak kung bakit inatake sa puso ang asawa. Ang dinig ko ay himala na lang daw kung makakaligtas ang donya." Tila nanigas ako sa kinatatayuan sa narinig ko. Inatake sa puso ang ina ni Arvie? "Kawawa naman. Napakabait pa naman nilang mag-asawa. Noon ngang namatay ang ina ni Alana noon ay sila ang tumulong sa amin para makapag-umpisa muling mag-ama." "Ay tunay Amil. Napakabait ng mga Sy, nga lang ay sinamantala ang kabaitan ng anak ng mag-asawang Agustin. Mantakin mo ba namang magkapatid pa talaga ang tinuhog. Kakaibang bata. Kahit naman ako kung makikita kong nag-aaway ang mga anak ko dahil sa isang babae ay tataas ang presyon ko. Ang rinig ko’y nahuli kasi no’ng panganay na may nangyari daw sa dalawa." "Kaya, napakainosente at amo ng mukha may itinatago naman pa lang--" "Papa!" tawag ko sa ama ko hindi na ninanais na marinig ang masasamang salita mula sa kanila para kay Meredith. Dahil ang mga salitang iyon ay dapat nilang sabihin sa akin. Hindi sa inosenteng si Meredith. "Alana, gising ka na pala. Ayos na ba ang pakiramdam mo? Nagpunta dito si pareng Domeng para maghatid ng mga tsokolate na padala ng anak niya," anang ama ko na nilapitan ako’t inakbayan. Pilit na ngiti ang ibinigay ko sa kaibigan ng ama ko na ngiting-ngiti sa akin. “M-magandang hapon po, Tito Domeng.” "Aba'y dalagang-dalaga na talaga ang anak mo, Amil. Napakaganda at manang-mana sa kanyang ina. Ang balita ko'y nangunguna sa klase iyan." "Aba oo naman. Honor 'yan, Pare. Hindi lang basta honor, pinakamataas sa kanilang klase,” may pagmamalaki sa boses na saad ng ama ko na pinisil pa ang balikat ko. "Pagpatuloy mo 'yan hija, kapag ika'y nakatapos pwede kitang ipapasok kay Ate Celia mo sa japan. Nurse siya doon at talaga namang malaki ang kita." “Nurse pala si Celia, Domeng?” “Ay oo, napakakalimutin mo talaga, Pare.” Hinarap ako ng ama ko. “Hindi ba ang sabi mo gusto mong mag-doktor, Alana?” “P-po?” “Doktor ba kamo? Aba, magandang kurso ‘yan. Magastos man Amil ay tiyak namang titingalain ka kapag naging dalubhasa ang dalaga mo.” Ngumiti ang ama ko habang ako naman ay napayuko. “Ganoon ba?” “Oo. Hindi lang japan ang mararating niyan ni Alana. Sa Canada, hindi ba’t doon naman nagtatrabaho ang misis ni Carlo. Malay mo’t poreyner ang mapangasawa ng panganay mo. Mas lalong lalago ang negosyo mo kapag mas malaki ang kapital.” Tumawa ang ama ko na tila gustong-gusto ang pinagsasabi ni Tito Domeng. “Bweno, mauna na ako’t dadalhin ko pa ‘to kina Ariel. Mag-inom tayo sa susunod na linggo, Amil. Birthday mo na no’n hindi ba?” “Sige sige, dito na lang tayo. Papahanda ako kay Misis.” “Ayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong sa akin ng ama ko nang tuluyan nang makaalis ang kaibigan niya. Tumango ako kahit may hapdi pa rin akong nararamdaman at bigat sa katawan. “Opo, Pa. Ako na lang po ang magluluto ng hapunan–” “Hindi ba’t sa maynila mo kamo gustong mag-aral?” Kumamot sa ulo ang ama ko. “Ang totoo’y mas maigi talagang sa Calatagan ka pa rin para mabantayan pa din kita at mas mapamura ang gastos sa pag-aaral mo.” Tumango ako. “O-oho naiintindihan ko po–” “Pero nang magpunta akong maynila ay nakita kong mukhang makabubuti nga kung doon ka mag-aaral. Sabi mo nama’y may mahahanapan ka ng scholarship doon sa gradong meron ka. Kung anong kakailanganin mo pa ay sige gagawan ko ng paraan. Maganda ngang makapagdoktor ka para naman masabi ng kamag-anak ng Nanay mo na hindi kita napabayaan.” “P-po? Pumapayag na kayong doon ako mag-aral?” Ngumiti ang ama ko at tumango. “Oo. Tama si Domeng, sayang ang talino at sipag mo anak. Hindi mo naman ako bibiguin hindi ba?” Napayuko ako at nakagat ang labi. “Pa–” “Patawarin mo sana ako kung minsan ay napapagalitan kita sa trato mo sa Mama mo. Minsan din ay hindi ko naipapakita sa ‘yo na masaya ako sa mga tagumpay mo sa school. Ang totoo’y proud na proud ako sa ‘yo, Alana. Ipinagmamalaki kita sa lahat ng kakilala ko at sinasabi kong napakaswerte kong naging anak kita.” Nangilid ang luha ko at umiling-iling. Kapag nalaman niya ang mga ginawa ko tiyak kong hindi niya na ako ipagmamalaki at itatakwil pa ako. “S-salamat, Pa. H-hindi ko po kayo bibiguin.” Niyakap ako ng ama ko at hinalikan ang tuktok ng ulo ko. Kinuyom ko ang kamao ko nasusuklam sa sarili ko. *** MAKALIPAS ang ilang araw ay binawian nga ng buhay si Donya Almira. Nagluksa ang buong Isla del Fuego sa pagkawala ng mabuting ginang. Maraming nalungkot at umani ng galit ang pamilya Agustin sa ilang mga kababayan namin. Samantalang si Meredith…ay naglaho na din. Ang huling balita ay ipinadala siya sa malayong lugar ng mga magulang niya dahil sa eskandalo. Pinagmasdan ko ang bakanteng upuan ni Meredith at ayon na naman ang konsensyang gabi-gabing hindi ako pinapatulog. “Alana?” “Uy!” Napapitlag ako sa pag-alog sa balikat ko. Galit akong tumayo at sinamaan ng tingin si Andrea. “Ano bang problema mo?!” sigaw ko na ikinagulat niya. Natahimik ang buong classroom namin sa ingay na nilikha ko. “Ba’t ka ba naninigaw, Alana? Pinapatawag ka ni Ma’am Raquel sa teacher’s room. Kakausapin ka daw.” Napalunok ako at napapahiyang iniwas ang tingin sa kanya. “P-pasensya na, nagulat lang ako.” Pumalatak siya. “Ilang araw ka nang wala sa sarili mo. Sana ayos ka lang,” pag-iling niya. “Tingin ka pa nang tingin diyan sa upuan ni Meredith. Close talaga kayo? Nasabi niya ba sa ‘yo kung kailan niya pa pinagsasabay ang magkapatid na Sy? Grabeng kalandian meron–” “Tumahimik ka nga!” singhal ko sa kanya at padabog na kinuha ang bag ko. Masakit ang ulo ko at pakiramdam ko lalagnatin na naman ako kaya magpapaalam na rin ako sa adviser namin para maaga akong makauwi. “Oh Alana, andiyan ka na pala. Halika dito,” anang adviser namin nang kumatok ako sa faculty room. “Pinapatawag n’yo daw po ako, Ma’am Raquel. May problema po ba?” “Maupo ka,” muwestra niya sa upuang nasa harap niya. Isinuot niya ang salamin at kinuha ang mga papel na nasa harap niya’t pinakita sa akin. “May problema ka ba hija? Ilang araw nang hindi magaganda ang score mo sa mga quizzes at activities natin. Pati assignment kahapon ay late mo na naipasa dahil nalimutan mo kamo.” “P-pasensya na po, m-medyo hindi lang po talaga maganda ang pakiramdam ko sa mga nakalipas na araw.” “Matataas ang grado mo sa mga nakaraang grading natin pero fourth grading na ngayon at bagama’t ikaw pa rin ang nangunguna sa klase, kung magsusunod-sunod ang mga gantong grades mo at pati final exam ay bababa ka, baka masayang ang pinaghirapan mo ng buong taon. Kung masama ang pakiramdam mo, magpa-check up ka para maresetahan ka ng mga gamot.” Tumango-tango ako. “Sige po, Ma’am. Pasensya na po ulit.” “Sandali lang pala, may sasabihin pa ako. Iyong scholarship ng mga Sy, ngayong wala na si Meredith malaki na ang posibilidad na sa ‘yo na mapunta ‘yon kaya pag-igihan mo na ang pag-aaral mo, Alana. Sayang ‘yon sige ka.” Naikuyom ko ang kamao ko at tumango muli. “S-sige po, salamat.” Tumayo ako at muntikan pang matumba dahil sa panlalambot ng magkabilang tuhod ko. “Alana, Diyos ko kang bata ka. Ang mabuti pa’y umuwi ka na muna. Huwag mong kalimutan magpa-doktor ah.” Habang naglalakad ako palabas ng school ay walang patid ang pagtulo ng mga luha ko. Nasa akin na ang gusto kong makuha. Ang scholarship. Pero wala ni katiting na saya akong nakakapa sa puso ko. Napaupo ako sa waiting shed at napahagulgol doon walang pake sa mga makakakita sa akin. Labis na pagsisisi ang nararamdaman ko. Paano kong maitatama ang maling nagawa ko? Paano…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD