Chapter 14 : Ang apo ng pinakamalakas na sirena
Kinabukasan ay sinubukang umuwi ni Sekani sa bahay nila. Wala na ang yelo nang datnan niya ito. Pagpasok niya sa loob ng bahay ay marumi ang lahat. Ang natunaw na yelo siguro na nasa bubong ay naging tubig at putik sa buong paligid. Kaya naman hindi nakapasok nang umaga si Sekani sa kaniyang work para maglinis doon.
“Teka nga, Wasuna. Ano ba iyong berberoka na tinutukoy mo sa akin kahapon?” tanong niya habang pinupunasan niya ng basang tela ang mga putik sa papag nila.
“Ang Berberoka ay isang malaking nilalang na parang katulad ng isang ogre. Mayroon itong berdeng balat at parang bato ang kutis ng kanyang balat. Marahil ay dahil matagal na itong nakatira sa tubig, dahil ang berberoka ay isang water monster. Ang mga berberoka ay malevolen. Ibig sabihin ay masasama silang nilalang. Kumakain sila ng mga tao, kadalasan mga namamangka o mga bata na napapadpad sa kanyang teretoryo ang pinupuntirya nila. Nagpapanggap ang mga ito bilang isang magadang water spirit. Oo, mukhang halimaw pa rin ang itsura nila pero iyong tipong parang mermaid ang style. Dati ay marami sila sa Red Town. Pero dahil naubos na ito dahil sa kakapatay ng mga mabagsik na kataw ay halos madalang na silang makita sa ngayon. Ang alam nga ng iba ay wala na talaga sila. Ubos na. Pero may isang natatanging Berberoka na nagtatago at matagal nang nakatira sa isang kakaibang ilog sa Red Town. Madalang itong makita dahil makapangyarihan ang kahuli-hulihang Berberoka na natira roon.”
“So, siya ang kailangan nating puntahan?” tanong pa ni Sekani.
“Oo, siya ang palagi kong nakikita sa panaginip ko na nagbigay sa iyo ng kakaiba at malakas na kapangyarihan.”
“Teka, sabi mo mailap ito at makapangyarihan. Hindi kaya delikado ang pakikipagkita sa kaniya? Baka pagdating natin doon ay kainin lang tayo nito?” Ngayon pa lang ay pinanghihinaan na ng loob si Sekani kaya alam ni Wasuna na sa part na ito sila ngayon mahihirapan.
“Pagpaplanuhan natin ang pagpunta sa kaniya. Sa ngayon ay maging go with flow na lang muna tayo. Habang nagwo-work ka ay mag-iisip muna ako ng plano.”
Pagkatapos nilang maglinis doon ay nagluto naman ng pananghalian si Sekani. Gulay ang niluto niya para maging energetic sa pag-iisip si Wasuna. Kailangan niyang pakisamahan ito ngayon dahil alam niyang si Wasuna ang susi para maibalik ang mga magulang niya.
Pagkatapos nilang mananghalian ay pumasok na muna sa trabaho si Sekani. Hindi ata maganda ang pagpasok niya sa trabaho dahil madalas siyang kausapin at pagtinginan ng mga customer. Ito ay dahil trending siya sa kahapon dahil sa nangyari sa bahay nila. Kaya naman minabuti na lang ni Conrad na pamahingahin na lang siya sa bahay dahil alam niya na maguguluhan lang lalo si Sekani roon.
Alas dos ng hapon nang makauwi siya sa bahay. Nagulat pa si Wasuna dahil maaga siyang umuwi.
“Anong nangyari? Bakit ang aga mo?”
“Ang daming tao na nangungulit sa akin doon. Natutuliro lang ako kaya pinauwi na lang muna ako ni Sir Conrad.”
“Sabagay, nasaksihan nga pala kahapon ng mga tao ang nangyari. Talagang dudumugin ka ng mga ito. Karamihan pa naman sa mga tao ay madaldal. Kahit alam nilang may pinagdadaanan ang isang tao ay tatanong at tatanungin ka pa rin nito sa nangyari. Isa iyan sa ayoko sa mga tao,” dismayang sabi ni Wasuna.
Naupo sa papag si Sekani. Hindi rin nagtagal ay napahiga na lang siya. Unti-unti nang nanlalata ang katawan niya. Sa tuwing maaalala niya ang nangyari ay parang nagkakaroon siya ng anxiety.
“Sige, matulog ka na lang muna. Makakabuti iyan sa magulo mong pag-iisip,” sabi ni Wasuna. Kinumpas niya ang kamay niya. May lumabas na malamig na hangin doon na pumunta sa uluhan ni Sekani. Dahil sa ginawa niya ay mabilis itong nakagawa ng tulog.
**
Nag-aagaw ang liwanag at dilim nang magising si Sekani. Pagbangon niya ay si Wasuna agad ang hinanap niya.
“Wasuna?” Tumayo siya para tignan ang paligid ngunit kahit anino nito ay wala siyang nakita.
“Wasuna?” Nang hindi niya makita ito ay doon na siya dinapuan ng takot. Hindi kaya nakuha na rin ito ni Avilako habang natutulog siya kanina. Parte pa rin ng anxiety niya ang nangyayari sa kaniya ngayon. Agad-agad siyang natatakot at halos hindi mapakali ngayon.
Isisigaw na sana niya ulit ang pangalan ni Wasuna sa labas pero bigla niya itong nakita na naglalakad papalapit sa kaniya.
“Ano ba’t tila takot na takot ka?”
“Salamat naman. Akala ko e, pati ikaw ay nawala na rin. Saan ka ba nagpunta?”
Pumasok muna sila sa loob ng bahay bago mag-usap ulit.
“Habang tulog ka ay nagtungo ako sa Killen town. Nagtago akong mabuti pagdating ko roon. Kinulong ni Reyna Avilako ang mga magulang mo sa ilalim ng ilog,” sabi nito sa kaniya kaya nag-alala siyang muli.
“Ano? Papatayin ba niya ang mga magulang ko? Paano sila makakahinga roon?” galit agad na tanong ni Sekani.
“Kalma. Naroon nga sila sa ilalim ng tubig pero kinulong naman ito sa malaking bubbles kaya nakakahinga naman sila,” sagot niya kaya nakahinga na rin siya ng maluwag.
“Ano pang nasagap mo roon?”
“Sekani, hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko roon. Kahit ako ay nagulat din. Ang ina mo pala ay anak ni Reyna Adelina,” sabi pa nito sa kaniya na kinagulat niya
“Sino naman si Reyna Adelina?”
“Siya ang reyna ng mga mababait na sirena. Ang ina mo ay anak ni Reyna Adelina kaya sigurado ako na may kapangyarihan din siya. Ang hindi ko lang matukoy ay bakit parang mahina siya? Ang alam ko kasi ay kapag anak ng isang pinakamalakas na sirena ay malakas din dapat ang kapangyarihan nito. Kung tutuusin ay kayang-kaya niyang labanan si Reyna Avilako.”
“Ibig sabihin ay apo ako ni Reyna Adelina.”
“Ganoon na nga kaya kailangan nating alamin kung anong mayroon sa katawan mo. Kailangan natin mapalabas ang kapangyarihan mo.”
“Parang hindi makatotohan iyan, Wasuna. Alam ko sa sarili ko na normal lang akong tao. Wala kang mapipiga sa akin,” kontra agad niya.
“Hindi. Mayroon iyan, Sekani, maniwala ka sa akin,” pagpupumilit ni Wasuna.
“Sige. Bukas na bukas ay susubukan natin ‘yan. Kapag wala akong kapangyarihan ay wala tayong magagawa kundi ang puntahan na lang ang berberoka na sinasabi mo. Handa na ako. Magiging matapang na lang ako para sa buhay ng mga magulang ko.”
“Sige. Humanda ka dahil isasalang kita sa laban bukas.”