Chapter 11 : Liar
Huminga nang malalim si Nitina bago pindutin ang doorbell ng bahay nila Teressa. Kararating lang nila pero tila nawala agad ang tapang na baon niya kanina. Kahit alam niyang may back up naman siyang mga lalaki ay takot pa rin siya dahil halimaw ang lalaking makakaharap nila mamaya. Ilang sandali pa ay bumukas na ang pinto at lumabas doon si Teresa na gulat na gulat. Napahinto pa ito sa paglalakad pero mayamaya lang din ay tumuloy na rin ito para pagbuksan sila ng gate.
“Oh, Nitina. Anong ginagawa mo rito? Ayos ka na pala,” bati nito sa kaniya habang nakangiti. Hindi agad kumibo si Nitina. Nakipagtitigan pa muna siya rito. Inaalam pa niya kung may konsensya pa ba itong nararamdaman matapos ang ginawa nila sa kaniya. Kung magso-sorry ito agad sa kaniya ngayon ay aatras na agad siya pero ramdam na parang nagmamaang-maangan pa rin ito.
“May itatanong ako sa iyo,” wika na ni Nitina kaya nawala na ang ngiti nito.
“Ano ba iyon?”
“Bago iyan ay maari ba kaming pumasok sa loob ng bahay ninyo?”
“Oh, sige, halika kayo. Pasok,” sabi niya at saka sila inayang pumasok sa loob.
Pagpasok sa loob ay nagulat sila sa isang matandang babae na bedridden na ngayon. May oxygen ito. Kung titignan ay parang malala na ang lagay nito.
“Mama ko nga pala ‘yan,” sabi ni Teressa kaya napatingin sina Nitina sa kasama niyang sina Sekani at Conrad. “Mukhang matanda na noh? Matagal na kasi siyang bedridden. Nagpursige ako sa pageant para sa kaniya. Para makabili ako ng gamot at iba pang pangangailangan niya. Wala na kasing ibang aasahan kundi ako na lang. Wala na ang papa ko. Matagal na itong patay kaya ako na lang at ang boyfriend ko ang tumutulong sa kaniya.
“So, boyfriend mo pala iyong madalas mong kasama sa rehearsal ng pageant natin?” tanong ni Nitina sa kaniya.
“Oo, si Roberto” maikli nitong sagot at mayamaya ay bigla itong lumabas sa isang kuwarto roon. Nang makita siya ni Nitina ay bigla itong napaatras habang nanlalaki ang mata. Hidni siya puwedeng magkamali. Ito ang lalaking naging siyokoy kanina. Bago ito muling pumasok sa kuwarto ay sumenyas pa ito sa kaniya ng quiet sign. Nagtaka siya kung para saan iyon. Nagtinginan tuloy silang tatlo. Nakita rin kasi ito nila Sekani at Conrad.
“Anyway, ano nga pala iyong itatanong mo?”
“Ah, eh, ano nga ba iyon? Tila nakalimutan ko na,” sagot niya.
Bumukas ulit ang pinto ng kuwarto na pinasukan ng boyfriend niyang si Roberto. “Puwede ba kitang makausap in private, Nitina?” tanong ni Roberto sa kaniya kaya nagulat siya.
“B-bakit? Anong mayroon, Roberto?” pagtataka ni Teresa. Doon na naamoy ni Nitina na parang walang alam si Teresa sa ginawa ng boyfriend niya.
“Tungkol doon sa pageant. May hiniram kasi ako sa kaniya,” sagot ni Roberto. Nagtaka na lang si Nitina dahil wala naman itong hinihiram sa kaniya. Pero, nakuha naman niya ang gustong parating nito kaya sinakyan na lang niya.
“Ah, oo nga pala. Teka lang, Teresa, mag-usap lang kami sa saglit, ha?” sagot niya at saka lumabas kasama si Roberto. Kabado man ito ay sumama pa rin siya sa labas para kausapin ito.
“Sorry sa ginawa ko Nitina. Patawarin mo ako kung tinakot kita. Sinadya kong gawin iyon para matalo ka. Para mahakot ni Teresa ang lahat ng premyo. Walang-wala na kasi kami. Ubos na ubos na ang pera namin. Parehas pa kaming nawalan ng trabaho dahil sa isang away sa kompanya na pinagtatrabahuhan namin. Malapit na kaming maghiwalay kung magtutuloy na mailap sa amin ang pera. Malapit nang mabaliw si Teresa sa mga problema namin. Ikaw ang pinaka kalaban sa pageant niyo kaya napilitan na akong takutin ka. Nagmamakaawa sana ako sa iyo na huwag mong iparating sa iba ang nakita mo. Alam ko, kaya ka narito ay para sabihin kay Teresa ang nakita mo. Please, patawarin mo ako. Nakita mo naman na bedridden na ang ina niya. Kung pati ako ay mawawala pa sa kaniya ay baka mabaliw na si Teresa. Walang alam si Teresa sa nangyari. Ako lang ang may gawa niyon. Hindi niya rin alam na isa akong kataw o sireno. Nagmamakaawa ako sa iyo, Nitina. Sana mapatawad mo ako,” mahaba nitong sabi sa kaniya kaya natameme na lang siya. May dahilan naman pala ito kaya nagawa iyon.
“Sana, huwag mo nang ulitin iyon. Hindi rin kasi tama. Paano na lang kung malala ang nangyari sa akin nang bumagsak ako sa stage. Pasalamat ka mabait ako at naiintindihan ko naman kung bakit nagawa mo iyon. Pero sana magandang trabaho na ang pasukin mo o ninyo para hindi na kayo nakakapanakit ng tao. Pinapatawad na kita, pero ipangako mo sa akin na kahit anong mangyari ay huwag mong iiwan si Teresa. Ikaw na lang pala ang mayroon siya kaya kahit ano pang mabigat na problema ang dumating ay pagtiisan niyo at ayusin mabuting. Sige na, ligtas ka na kaya huwag ka nang mag-alala,” sagot niya kaya napangiti ang mangiyak-ngiyak nang si Roberto.
“Babawi ako sa iyo, Nitina. Hindi man ngayon ay baka pagdating ng araw ay makatulong ako sa iyo. Basta, if you need help, kahit ano pa ‘yan, sabihan mo lang ako at darating ako para tulungan ka. Strong ang magic ko. Iyon ang kakayahan nang pagiging kataw o sireno ko. Kapag may lalaking nanguguglo sa iyo ay tawagan mo ako at ako ang bahalang tumulong sa iyo. Muli, maraming salamat, Nitina,” sabi nito kaya napangisi na lang siya.
Pagpasok nila sa loob ay parehas nang maaliwalas ang mukha nila.
“Salamat ulit at nabayaran mo na ako, Roberto,” acting ni Nitina habang hawak-hawak ang isang libong piso.
“Ha? Nangutan ka kay Nitina, Roberto?” gulat na tanong ni Teresa habang nanlalaki ang mata kay Roberto.
“Oo, nagugutom kasi ako noong rehearsal ninyo. Wala akong ibang nalapitan kundi siya lang dahil alam kong mabait si Nitina. Salamat nga pala ulit, Nitina. Pasensya na rin kung nakautang ako sa iyo,” sabi ni Roberto kaya mahiya-hiya si Teresa kay Nitina.
“Ayos lang iyon,” sagot ni Nitina habang binubulsa na ang perang props niya. Gulong-gulo man sa nangyayari sina Sekani at Conrad ay nanatili na lang silang kalmado habang walang nangyayaring aberya.
“Pasensya ka na, Nitina. Anyway, ano nga pala ulit iyong itatanong mo?” tanong ulit ni Teresa.
“Ah, naalala ko na. Naghahanap pa kasi ng staff itong friend kong si Conrad. May coffee shop siya. Baka gusto ninyong mag-apply doon,” sagot ni Teresa na kinagulat naman ni Conrad. Kumindat sa kaniya si Nitina kaya nakuha naman agad niya ang pinaparating nito.
“Ah, oo, naghahanap ako. Baka gusto ninyong mag-apply?” sabi ni Conrad na ngingiti-ngiti.
“Sayang naman. May work na kasi kaming papasukan bukas. Kakatanggap lang din namin sa isang company ng mga frozen food na pinag-apply-an namin. Pero, salamat sa alok ninyo. Nakakatuwa naman na dumayo pa kayo rito para alukin kami.”
“Sayang nga. Hindi bale, sipagan niyo na lang ang buhay para maging asensado kayong dalawa.”
**
“Anong nangyari, Nitina?” tanong agad ni Conrad nang makasakay na sila sa sasakyan.
“May dahilan pala kaya niya nagawa iyon,” sagot niya. Kinuwento niya sa dalawa kung ano ang napag-usapan nila ni Roberto.
“Kaya naman pala. Kawawa naman pala talaga sila. Mabuti na lang at naagapan agad ni Roberto ang dapat na isisiwalat mo. Kung nalaman pala ni Teresa na isa siyang siyokoy ay baka lalong lumala ang gulo sa kanila,” sabi ni Conrad.
“Napaikot nila ang ulo mo, Nitina. Mga sinungaling sila. Wala silang problema at wala rin sakit ang ina niya. Hindi totoong bedridden iyon. Acting lang ang lahat. Ayoko mang maging weird sa inyong dalawa pero kataw ang tatlong iyon. Si Teressa, Roberto at ang ina ni Teresa.” Nagulat sina Nitina sa sinabi ni Sekani.
Bumaba ulit ng sasakyan si Sekani para bumalik sa loob ng bahay nila Teresa. Kinabahan ang dalawa kaya agad nila itong sinundan.
Nang pare-pareho na silang makapasok ulit sa bahay nila Teresa ay lahat sila ay nanlalaki ang mata sa nakita nila sa loob. Tama nga si Sekani. Manloloko ang mga ito.