Chapter 21 : Ang Plano ni Gustava
Nagulat si Sekani dahil nasa hospital na siya nang magising ito. Nakita niya sa tabi ng kama niya sina Wasuna at Gustava. Parehas itong tulog dahil gabi na. Bumukas ang pinto at isang lalaki ang biglang niluwa nito. Napatingin ito sa kaniya nang makitang gising na siya. "Hi! Gising ka na pala," bati nito sa kaniya. Napakunot ang noo ni Sekani dahil ngayon lang niya nakita ang lalaking iyon.
"S-sino po kayo?" tanong agad niya. Naglapag ang lalaki ng makakain sa table niya. Sinalin nito ang mainit na lugaw sa isang mangkok at saka binigay sa kaniya.
"Ako si George, boyfriend ni Gustava,"pagpapakilala nito kaya nagulat siya. Napaisip tuloy ka agad siya kung tao ba ito o sireno ba rin? Gayunpaman ay pinili niyang maging tahimik na lang tungkol sa sikreto ng mga taga Chimera Town.
"May boyfriend na pala si Tita gustava. Anyway, maraming salamat nga po pala sa lugaw at pagdalaw niyo rito sa akin."
Kalmado man ngayon si Sekani ay gulong-gulo pa rin ang isip niya kung bakit wala na siya sa Chimera Town nang magising siya. Isa pa, malaking palaisipan sa kaniya kung bakit nakasama niya sa labas ng Chimera town si Gustava.
“Dahan-dahan, Sekani. Mukhang gutom na gutom ka,” sabi sa kaniya ni George.
“Masyado po kasi akong nanghina kaya siguro bumabawi na ang katawan ko. Nagtatakaw na ako ngayon.”
"Mabuti kung ganoon. Pero wala ka na bang nararamdamang iba? Ayos ka na ba talaga?"
"Okay naman na po ako. Malakas na ako at mukhang maaari nang makalabas bukas," sagot niya. Bigla tuloy sumagi sa isip niya ang nangyari sa kaniya bago siya mawalan ng malay kanina. Tandang-tanda niya kung paano siya gustong patayin ng lola niya. Nadismaya siya kay Reyna Adelinda dahil sa ginawa nito sa kaniya. Hindi niya alam kung mapapatawad pa ba niya ito dahil sa ginawa sa kaniya. Lalong hindi niya alam kung sino pa ba ang dapat niyang kampihan. Malaking pasasalamat na lang niya at narito sa tabi niya si Gustava.
“May buntot ka na rin ba, Sekani?” tanong bigla ni George kaya nagulat siya.
“A-alam niyo po ang tungkol sa mga taga Chimera Town?” Umupo sa kama si George habang hawak-hawak ang alak niya na nabili sa labas.
“Oo. Sa katunayan nga ay dati ko nang nakakasama ang mga magulang mo na sina Sikhina at Cain. Nang maghiwalay kami ni Gustava ay nawalan na ako ng balita sa kanila. Kumusta na ba sila?”
Nalungkot bigla si Sekani sa tanong na iyon ni George.
“Kilala mo ba si Reyna Avilako?”
“Yeah. Ang reyna ng mga masasamang kataw. Bakit? May masama bang nangyari sa mga magulang mo?”
“Kinuha niya ang mga magulang ko. Binihag niya.” Nanlaki ang mata ni George sa nalaman niya kay Sekani.
“Anong pakay niya sa mga magulang mo? Hanggang ngayon pala ay masama pa rin ang babaeng iyon,” sabi ni George na tila may galit din si Reyna Avilako.
“Hindi ko rin alam kung ano ang pakay niya sa mga magulang ko. Gusto ko nga rin malaman. Gusto ko na siyang harapin pero pakiramdam ko ay baka malagay lang din ako sa alanganin.” Nagsalin ng tubig sa baso si George para ibigay kay Sekani. Tapos na kasi itong kumain ng lugaw.
“Tama ka. Mapanganib nga iyon. Baka mapatay ka lang niya. Ang mabuti pa ay paghandaang mabuti ang pagligtas sa mga magulang mo. Huwag muna ngayon. Magpalakas ka. Tiyak naman na magiging malakas ka kapag naglabasan na ang kapangyarihan mo. Anak ka ni Sikhina na makapangyarihan. Apo ka ni Reyna Adelinda kaya sigurado akong malakas ka at maaring ikaw ang makatalo kay Reyna Avilako.”
“Gising ka na pala,” sabi ni Gustava na nagising na rin.
“Salamat po sa pagdala niyo sa akin dito,” sabi agad ni Sekani sa kaniya.
“Wala iyon. Teka, ayos ka na ba?”
“Yes po. Nakakain na rin ako dahil binili ako ni Tito George ng lugaw,” sagot niya kaya napatingin si Gustava kay George. Agad naman nitong inagaw sa kaniya ang iniinom nitong alak.
“Ano ka ba, George. Sa harap ka pa talaga ni Sekani umiinom ng alak. Itigil mo iyan. Saka, masama sa kalusugan iyan,” sunud-sunod na sabi ni Gustava kaya nangingiti na lang si Sekani. Ramdam niya na mahal na mahal ni Gustava si George. Bigla tuloy niyang naisip si Nitina. Ayos lang ba ito ngayon?
“Nawala sa loob na prinsipe nga pala itong si Sekani. Pasensya ka na sa walang paggalang ko,” sabi nito sa kanya kaya napailing agad si Sekani.
“Okay lang po. Saka, huwag niyong taasan ang tingin sa akin. Simple lang ako. Hindi ako prinsipe at ayoko sa Chimera Town. Nang patayin ako kanina ng lola ko ay tinatak ko na sa puso at isipan ko na wala akong kadugo na gaya niya. Ililigtas ko ang mga magulang ko nang hindi humihingi ng tulong sa kaniya.”
Napahawak si Gustava sa kamay niya nang makitang napaluha ito. “Alam ko kung bakit ganiyan ang nararamdaman mo. Pero hindi naman talaga masama ang Lola Adelinda mo. Kung nakita mo lang kanina kung paano siya umiyak at magmakaawa sa akin na iligtas ka ay makikita mo kung gaano ka niya kamahal. Aksidente ang nangyari. Sinusubukan ka lang niya. Gusto niya kasing makita kung may kapangyarihan ka na ba,” paliwanag ni Gustava sa kaniya pero galit pa rin siya. Nasaktan na siya at kamuntikan nang mamatay kaya hindi niya muna ito mapapatawad sa ngayon.
“Ayoko po munang pag-usapan siya. Masakit pa rin ang loob ko.”
**
Kinabukasan ay nailabas na sa hospital si Sekani. Sumama sina Sekani, Gustava at Wasuna sa bahay ni George. Namangha ang mga ito sa laki ng bahay nito. Mansyon.
“Ano na bang trabaho mo ngayon, George at ganitong kalaki ang bahay mo?” Manghang-mangha si Gustava dahil pakiramdam niya ay palasyo na ang bahay nito.
“Manager ako sa isang convinience store. Pero ang bahay na ito ay namana ko sa mga magulang ko.”
“A-ayos lang po ba kung dito muna kami? Hindi pa kasi ako maaring makauwi sa amin dahil tila hina-hunting na rin ako nila Reyna Avilako,” sabi ni Sekani.
“Mas maganda. Gusto ko nga ay dito na kayo habang-buhay para may kasama na ako. Saka, sana dito na lang din sa tabi ko si Gustava. Sana iwanan na niya nang tuluyan ang Chimera Town,” sabi ni George kaya nag-iba ang timpla ng mukha ni Gustava.
“Hindi muna sa ngayon, George. Malaki ang tungkulin ko sa Chimera Town. Pero aaminin ko na sa iyo na balak ko nang sumama sa iyo. Pinaghahandaan ko na iyan kaya sana ay bigyan mo pa ako ng panahon para maayos ko muna ang lahat bago ako umalis sa Chimera Town.”
“Kahit matagal ay ayos lang. Sanay naman akong maghitay. Ang mahalaga ay narinig ko mula sa iyo na handa ka naman pa lang iwan ang Chimera Town para sa akin. Doon lang ay panalo na ako.”
Ngayon pa lang ay parang nakikita na ni Gustava kung paano siya magiging masaya sa piling ni George. Hiling lang niya na sana ay matapos na ang lahat ng problema. Makita niya lang talaga na patay na si Reyna Avilako ay magagawa na niya ang lahat ng gusto niya. Si Reyna Avilako lang naman ang problema niya kung bakit hindi niya maiwan ang Chimera Town. Alam niyang malaki siyang kawalan kapag umalis siya roon. Marami ang malalagay sa alanganin.