Chapter 20 - Revenge ni Gustava
“Ano hong ginawa niyo, Mahal na Reyna!” hiyaw ni Gustava nang makitang duguan si Sekani. Lumapit ito ka agad sa katawan ni Sekani na nakatusok sa puno. Dali-dali niyang tinanggal doon si Sekani kaya naman lalong dumanak ang dugo sa katawan nito.
Nang tignan ni Gustava si Reyna Adelinda ay nanginginig ito sa takot. Halatang hindi rin nito sinasadya ang nangyari.
“G-gustava, gawin mo ang lahat para mabuhay ang apo ko. Sinusubukan ko lang naman siya. Gusto ko lang naman siyang galitin para lumabas ang kapangyarihan niya pero hindi ko inaasahang ganito ang mangyayari pagkatapos ko siyang atakihin kanina.”
“Alam niyo naman pong wala tayong mangagamot dito. Iyon ang wala sa atin kaya dapat ho ay nag-ingat kayo. Sobrang daming dugo na ang nawawala sa kaniya. Delikado na ang lagay ni Prinsipe Sekani,” naiiyak na sabi ni Gustava kaya pati si Wasuna na tulala na lang doon ay napapaiyak na lang din.
Dinala ni Gustava si Sekani sa ilalim ng ilog. Pumasok sila sa bahay nito. Pagpasok nila sa bahay na iyon ay kusa nang nawala ang tubig doon. Hiniga niya si Sekani sa kama na gawa sa laway ng mga jelly fish. Ang sino mang nilalang na mahiga sa kama na iyon ay kusang gagaling ang sugat.
“Anong balita?” tanong ni Reyna Adelinda na sumunod sa kanila.
“Sarado na ang sugat niya pero wala pa rin itong malay. Maputla na rin ang itsura niya. Gusto ko sana siyang dalhin sa hospital ng mga tao, tutal ay mukhang tao pa rin naman si Prinsipe Sekani,” sagot ni Gustava.
“Kung ano ang sa tingin mo na dapat gawin ay gawin mo na.”
“Mag-iingat na lang po ako, Reyna Adelinda,” sabi ni Gustava kaya tumango na lang sa kaniya si Reyna Adelinda.
Gumawa ng portal si Reyna Adelinda. Doon pumasok si Gustava na buhat-buhat sina Sekani at Wasuna.
Niluwa ng portal sina Gustava sa hospital ng Victoriana Town. Maalam si Gustava sa pamumuhay ng mga mortal dahil dati na niyang nakasama si Sikhina kapag gumagala sila sa mga pasyalan ng mga tao. Pumasok agad si Gustava sa Emergency room. Sinalubong sila ng mga nurse doon. Hiniga si Sekani sa stretcher. Bago siya lumabas doon ay pinaliwanag niya muna sa doctor ang nangyari kay Sekani. Gumawa na lang siya ng kuwento na nahimatay bigla si Sekani kaya ito walang malay ngayon. Pagkaraan ng ilang minuto ay sinabi ng doctor na kailangan ng dugo ni Sekani. Kinailangang pumunta ng banyo ni Gustava dahil gagawa siya ng pera. Kapangyarihan din kasi nito na gawing kahit anong bagay ang mahahawakan niya. Nakakita siya ng tissue doon. Ginawa niyang pera ang mga iyon para makapagbayad na siya ng bill sa hospital. Nang sa ganoon ay masalinan na ng dugo si Sekani.
**
Lumabas muna ng hospital si Gustava para magliwaliw. Matagal-tagal na kasi siyang hindi nalalabas sa Chimera town kaya susulitin niya ang pagkakataon na nasa labas siya. Hindi pa kasi pinayagang lumabas sa hospital si Sekani dahil nagpapalakas pa ito. Gayunpaman ay stable na ang lagay niya. Habang nakaupo sa isang bench sa park si Gustava ay bigla niyang nakita ang dating tao na naging crush niya. Napatayo siya nang makitang tila pauwi na ito ng bahay galing sa trabaho.
“G-george?”
Napatingin ang lalaki nang tawagin niya ito. Nang una ay tila hindi pa siya nakilala nito. Nakakunot lang ang noo nito habang tinititigan siya, pero mayamaya lang ay napangiti na rin ito.
“W-wait. Ikaw ba ‘yan, Gustava?”
Ngumiti at saka tumango si Gustava. Tila, nagbalik ang dating feelings niya sa lalaking iyon. Lalapit na sana si Gustava para sana yakapin ito pero isang babae ang biglang sumulpot at saka niyakap si George.
“Honey!” Nagulat ang lalaki sa pagsulpot ng asawa niya.
“B-bakit narito ka?” gulat na tanong ni George.
“Surprise! Sinadya kong sunduin ka sa work dahil maaga akong nakatapos sa gawaing bahay,” sagot ng asawa ni George.
Natameme na lang si Gustava. Hindi niya inaasahang may asawa na si George.
Umalis na lang tuloy si Gustava. Nang lingunin niya ang dalawa ay nakita pa niya na nakatingin sa kaniya si George.
Natatandaan niya ang babaeng napangasawa ni George. Ang babaeng iyon ang dahilan kung bakit nagkahiwalay sila ni George noong dalaga at binata pa lang sila. Siniraan nang siniraan ni Cristina si Gustava kay George. Hanggang sa sinukuan na lang siya ni George. Nagpabauya na lang si Gustava dahil hindi rin naman nila maipagpapatuloy ang pagmamahalan nila dahil bawal sa lahi nilang mga sirena ang umibig sa mortal.
“Kailan pa bumalik ang babaeng iyon, George?” Kahit malayo na siya sa mag-asawa ay narinig niya ang tinanong ni Cristina.
“N-ngayon ko lang din siya nakita simula nang maghiwalay kami,” sagot ni George.
“Okay. Halika ka na. Magsasaing ka pa at magluluto ng ulam sa bahay,” sabi ni Cristina kaya napalingon bigla si Gustava sa kanila. Doon niya napagtanto na kasinungalingan lang ang sinabi nito kanina na tinapos niya ng maaga ang mga gawaing bahay.
“Gumawa ka pa talaga ng kuwento para maging maganda ang tingin sa iyo ni Gustava.”
“Talagang ganoon. Gusto kong iparamdam sa kaniya na talunan pa rin siya. Anyway, pahingi ako ng pera at magka-casino ako bukas. Hindi puwedeng hindi ako makakapag-relax.”
Napailing si Gustava. Hindi siya natuwa sa naging buhay ngayon ni George. Masyado siyang ina-under ni Cristina. Dahil doon ay nagtatakbo tuloy si Gustava para makalapit kay George.
Hinatak niya bigla ang kamay ni George at saka nilayo kay Cristina.
“Hey! Bitawan mo nga ang asawa ko!” bulyaw sa kaniya ni Cristina.
“Hindi! Hindi deserved ni George ang babaeng gaya mo na walang silbi!” bulyaw din ni Gustava sa kaniya.
“Aba! Matapang ka na ngayon, ah!”
“Talaga. Hindi na puwede sa akin iyong pagiging story maker mo. Babawiin ko na ang dapat sa akin.” Tumingin si Gustava kay George. “Papayag ka pang makipagbalikan sa akin? Iwanan mo na ang babaeng iyan na pabigat lang sa buhay mo,” sabi niya.
Tumingin si George kay Cristina. Bigla itong nagpaawa ng mukha pero hindi na umubra iyon sa kaniya. “Sa tinagal-tagal ng pagsasama namin ay wala ngang naging maganda sa buhay ko. Baog si Cristina. Hindi niya ako mabigyan ng anak kaya pumapayag na rin akong makipagbalikan sa iyo, Gustava,” sagot nito.
Sa harap ni Cristina ay hinalikan niya si George. Napasigaw si Cristina sa sobrang inis na nararamdaman niya.
“Simula ngayon ay bumalik ka na sa nanay mo. Kunin mo na ang lahat ng damit mo sa bahay ko dahil hindi na kita kailangan!” sabi ni George kay Cristina kaya napanganga na lang ito. Sa huli ay padabog na umalis doon si Cristina.
Alam man ni Gustava na mali na naman ang kaniyang gagawin ay hindi niya talaga mapigilan ang puso niya na hanggang ngayon ay umaapoy sa pagmamahal kay George. Bumalik na naman siya sa dating gawin. Magtatago na naman sila ni George. Gagawin niya ang lahat para hindi malaman ni Reyna Adelinda na umiibig na naman siya sa isang mortal.