Chapter 4 - Lagot ka na naman!
“Aba-aba! Anong mayroon, Sekani?” tanong ng ina niya nang makita nitong naghahanda siya ng masarap na pagkain. Maaga kasing gumising si Sekani para bumili ng mga masasarap ng pagkain. Ginamit niya ang mga bigay na pera sa kaniya ng mga suki niya sa palengke. Nang malaman kasi ng mga ito na naka-graduate na siya sa highschool ay natuwa sila dahil alam ng mga ito kung gaano siya naghirap para lang makatapos sa pag-aaral.
“Nanay, tatay, simula po ngayon ay mabibigyan ko na kayo ng magandang kinabukasan. Magce-celebrate tayo dahil may maganda na akong work,” sagot niya na siya namang kinagulat ng mga ito. Ang nakahiga niyang ama na dapat ay natutulog pa ay biglang napabangon sa narinig nito.
“Bakit? Saan ka naman nag-apply?” tanong ng ama niya.
“Diyan ho sa bayan. Coffee shop po ang papasukan ko,” sagot niya kaya lalo nang nalaglag ang mga panga ng mga magulang niya.
“Aba’y paano naman iyon nangyari? Hindi ba’t kailangan tapos ng college ang mga pumapasok sa mga ganoong trabaho?” tanong pa ng ina niya kaya umiling siya ka agad.
“Si Nitina ang gumawa ng lahat. Siya ang tumulong sa akin kaya nakapasok po ako roon,” sagot niya.
“Ang bait talaga ng batang iyon. Gusto ko siyang makita para mapasalamatan ng personal,” natutuwang wika ng ina niya na siya namang sinang-ayunan ng ama niya.
“Tama, papuntahin mo rito minsan si Nitina para makapag-pasalamat tayo,” saad naman ng ama niya.
“Hayaan niyo, isang araw ay isasama ko po siya rito.”
Isa-isa na niyang kinilik ang mga magulang niya sa hapagkainan. Ngayong umaga ay kakain sila ng masarap ng pagkain. Kitang-kita ni Sekani sa mga magulang niya ang saya na nararamdaman habang kumikinang ang mga matang nakatingin sa mga pagkain na nakahain.
**
Nagkita sina Sekani at Nitina sa coffee shop na pagtarabahuhan niya bukas. Pinapatawag daw kasi ito para ibigay ang mga uniform niya. Masaya na medyo kabado siya dahil ngayon lang niya mami-meet ang magiging amo niya roon. Sumakay siya sa tricycle dahil malayo-layo ang coffee shop na iyon. Ayaw naman niyang maglakad dahil ayaw nitong maging madungis ang itsura niya ‘pagharap sa magiging amo niya mamaya. Gagawin niya ang lahat para maging maayos ang trabaho niya. Hindi niya bibiguin ang pamilya niya at pati na rin si Nitina.
“Dito na lang po,” sabi niya sa tricycle driver at saka inabot ang bayad niya. Pagbaba niya roon ay saktong kadarating lang din doon ni Nitina.
“Nitina!” Sigaw ni Sekani sa babaeng kaibigan. Lumingon ito sa kaniya at saka siya binigyan ng masiglang ngiti. Nasilaw bigla si Sekan sa natural na ganda nito. Ang maganda nitong ngiti sa malayo ay ang siyang nagpakilig sa kaniya.
“Mabuti naman at on time ka. Very good ka riyan, Sekani. Nagmamadali rin kasi si Conrad at may iba pa itong lakad ngayon. Halika ka na agad sa loob para makita ka na niya,” aya nito sa kaniya habang akay-akay ang kamay niya. Napangisi si Sekani dahil muli na naman siyang nakaramdam ng kuryente nang hawakan nito ang kamay niya. Palagi na lang niya iyong nararamdaman kay Nitina sa tuwing hahawakan siya nito. Palihim tuloy siyang napapangiti.
Pagpasok nila sa loob ay nagulat si Sekani dahil nakita niya roon ang tatlong lalaki na ka-tropa ni Emon na madalas mam-bully sa kaniya. Anong ginagawa ng mga ito roon?
“Silang tatlo rin ang bagong coffee server dito,” sabi ni Nitina habang nakaturo sa tatlong alagad ni Emon na sina Chadwick, Jaxon at Colton. Kumaway ang mga ito kay Nitina at Sekani. Pilit na ngumiti si Sekani, kahit sa loob-loob niya ay mukhang hindi siya mag-e-enjoy sa pagtatrabaho rito dahil may mga ka-workmate siyang mga siraulo.
Hinila na siya ni Nitina papasok sa loob ng office room ni Conrad. Pagpasok nila sa loob ay nakita na ni Sekani kung sino ang magiging boss niya.
“I-ikaw ba si Sekani na tinutukoy niya?” tanong nito agad sa kaniya.
“Kayo po pala ang may-ari nito,” sabi naman ni Sekani na nanlalaki rin ang mga mata.
“Wait, magkakilala na ba kayo?” naguguluhang tanong ni Nitina.
“Yup. One time naligtas na ako ni Sekani sa sasakyan na muntik nang makasagasa sa akin noon sa palengke. Nang time kasi na iyon ay nagmamadali akong maghanap ng mga food na iluluto ko. May bisita kasi kami sa bahay at biglaang naubos ang mga sangkap na kailangan ko. Sa kakamadali ko ay muntikan na akong masagasaan ng truck. Thank God, dahil niligtas ako nitong si Sekani. Hinila niya ako sa truck na pabulusok sa gawi ko. Dahil sa ginawa niya ay buhay pa rin ako ngayon. Utang ko ang buhay ko sa kaniya,” kuwento nito na kinangiti naman ni Nitina.
“Masaya ho ako na ikaw po pala ang boss ko,” sabi ni Sekani habang payuko-yuko sa kaniya.
“Grabe itong si Sekani. Nang time na iyon ay gusto ko siyang bigyan ng malaking pera para sa pabuya ko sa kaniya, pero hindi niya tinanggap. Ayaw niyang tanggapin ang pera ko. Kaya ang ginawa ko nang araw na iyon ay pinakyaw ko ang paninda niyang gulay. Tamang-tama dahil ang mga tinda niya ang talaga namang pakay ko noon sa palengke,” kuwento pa nito kaya napapangiti si Nitina kay Sekani na para bang gusto nitong sabihin sa kaniya na sobra siyang proud sa kaibigan niya.
“Salamat po ulit dahil naubos agad ang paninda ko nang araw na iyon,” sabi ni Sekani na payuko-yuko pa rin kay Condrad. Pinigil naman siya ni Nitina. “Hindi mo naman kailangang yumuko nang yumuko. Mas matanda pa nga tayo riyan e,” bulong nito sa kaniya kaya napangisi na lang si Sekani
“No, Sekani. Ako dapat ang magpasalamat. Thank you dahil utang ko ang buhay ko sa iyo. Kung tutuusin ay kulang pa ang ginawa kong iyon para sa iyo. Pero, don’t worry, dito na lang ako babawi. Welcome sa aking coffee shop. Galingan mo ang pagse-serve ng mga coffee ko para marami tayong maging customer. By the way, ito na ang uniform mo. Nagmamadali rin kasi ako at may lakad pa ako.” Inabot na nito sa kaniya ang tatlong magiging uniform niya.
“Sige na, ako nang bahalang magpaliwanag sa kaniya ng mga dapat niyang malaman,” sabi ni Nitina sa kaibigan niyang si Conrad.
“Okay, salamat. Mauna na ako at baka ma-late pa ako.” Dali-daling tumakbo si Conrad palabas sa office niya.
Nang maiwan ang dalawa roon ay naupo naman sa chair ni Conrad si Nitina. Nakatingin ito nang seryoso sa kaibigan niyang si Sekani.
“Bakit ganiyan ka makatingin?” tanong ni Sekani sa kaibigan niya.
“Kung maari lang ay iwasan mo na lang ang tatlong ugok na sina Chadwick, Jaxon at Colton. Alam ko na kasi na ang mga iyan ang madalas na mang-trip sa iyo.”
“Akong bahala. Hindi naman siguro sila gagawa ng gulo rito. Mahiya naman sila kay Sir Conrad,” sagot niya at saka isinukat ang isang uniform niyang polo na itim. Pinatong niya lang iyon sa suot niyang tshirt. Pagsuot niya ng uniform ay humarap siya sa malaking salamin na naroon. Napangiti siya dahil nakita niyang bagay sa kaniya ang uniform na iyon. Habang nakatingin siya sa salamin ay napansin niya sa salamin na nakatitig si Nitina sa suot niyang black shoes na gamit-gamit niya simula pa noong highschool pa siya. Gasgas na gasgas na ang balat niyon kaya siguro ito nakatingin sa sapatos niya. Naramdaman ni Sekani na parang naawa na naman si Nitina sa kaniya. Kaya ang ginawa niya ay naglakad agad siya malapit sa lamesa na nasa harap nito para hindi na makita ni Nitina ang suot niyang sapatos.
“Tara, Sekani,” aya nito sa kaniya at saka siya muling hinila palabas doon. Napatingin at nagulat tuloy ang tatlo sa kanila dahil hawak-hawak ni Nitina ang kamay niya. Sumenyas pa ang mga ito sa kaniya na parang gustong sabihin na isusumbong sila nito sa amo nilang si Emon. Patay na patay pa rin kasi si Emon kay Nitina hanggang ngayon. Alam iyon ng mga kaibigan niya kaya tiyak na malalagot na naman siya kay Emon kapag nakita siya nito.