Chapter 3 : Bagong buhay
Nagising si Sekani na tahimik at wala ng tao sa paligid. Masakit ang ulo niya nang bumangon siya. Napatulo bigla ang luha niya dahil wala manlang tumulong sa kanya kanina nang mawalan siya ng malay-tao. Sa dami ng tao kanina ay wala manlang nakakita sa kanya. Hinayaan lang din siya ng grupo nila Emon na nakahandusay doon. Hindi manlang inalam kung buhay pa ba o patay na siya?
Pinilit niyang tumayo kahit nanghihina pa siya.
Naglalakad na lang siya ngayong mag-isa habang madilim at tahimik na ang kapaligiran. Kung may makakakita man sa kanya ngayon ay pagtatawanan pa siya. Pagewang-gewang kasi ang lakad niya habang pilit na pinipigil ang luha niya na kanina pa gustong kumawala. Habang kinakapa niya ang ulo at sinisigurado na walang sugat ay doon niya nalaman na may bukol pala siya sa gitnang likod ng ulo niya.
"Karma na lang bahala sa kanila," paulit-ulit niyang sabi habang naglakakad pauwi sa kanila.
Bigla niyang naalala ang patimpalak na sinalihan ni Nitina. Hindi tuloy niya alam kung natalo ba ito o nanalo? Baka magalit pa ito sa kanya dahil iisipin ni Nitina na hindi siya nito pinanuod at wala siyang pakelam sa contest na sinalihan niya.
Isa pa, tiyak na nag-aalala na ngayon ang mga magulang niya. Paumaga na ng oras na iyon kaya alam niyang hanggang ngayon ay hindi pa natutulog ang mga ito dahil sa kakahanap at kakaisip sa kanya. Inis na inis siya kay Emon dahil pati ang mga magulang niya ay naapektuhan dahil sa ilang oras na pagkawala niya. Ganoon pa man ay nagpapasalamat pa rin siya dahil maayos pa rin ang lagay niya ngayon.
"Natatanaw ko na po siya!" dinig niyang sabi ng isang pamilyar na boses. Tinanaw niya ang isang anino sa malayo. Nang unti-unti na siyang lumapit ay doon niya napagtanto na si Nitina ang babaeng iyon na nakaabang sa harap ng bahay nila.
Pati siya ay nag-alala rin? tanong niya sa sarili niya habang papalapit siya roon. Nagulat pa siya nang paglapit niya ay sinalubong siya nito nang isang mahigpit na yakap.
"Anong nangyari? Bakit ngayon ka lang? Saan ka ba nagsuot?" sunud-sunod nitong tanong sa kanya habang ang tono nang pananalita ay naghahalong pag-aalala at galit.
"M-may nangyari kasi sa akin kanina," sabi niya. Hindi siya makapaniwala na narito si Nitina at nag-aalala sa kanya.
"Anong nagyari sa iyo?" tanong naman agad nito pagbaklas nang yakap sa kanya.
"N-naaksidente ako. Nahulog ako sa isang mababaw na bangin. Nawalan ako ng malay kaya ngayon lang ako nagising at nakauwi," pagsisinungaling niya.
Agad naman nitong tinignan ang katawan niya. "Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa iyo? Wala ka bang sugat o bali sa buto?" pag-aalala pa rin nito sa kanya.
"Wala naman. Bukol lang na malaki sa likod ng ulo ko," tatawa-tawa niyang sabi kaya napalo pa siya nito nang mahina sa braso niya.
"Next time, mag-ingat ka na. Nakakainis ka. Hindi mo tuloy napanuod ang pagkapanalo ko," sabi nito na kinagulat niya.
"Nanalo ka?! Wow naman! Congratulations!" masaya nitong sabi at saka siya niyakap. Nabigla si Nitina sa ginawa niya. Iyon ang unang beses na niyakap niya si Nitina.
Nahimasmasan lang sila nang tawagin na si Sekani ng nanay niya.
"Anak, nariyan ka na ba? Ayos ka lang ba?!" sigaw nito sa loob ng bahay nila.
"Opo, nanay. Ayos lang po ako! Sorry po sa pag-aalala niyo!" sigaw din niya.
Bago tuluyang umuwi sa kanila si Sekani ay inihatid niya muna si Nitina sa bahay nito.
"Ang daming sumigaw kanina sa pagkapanalo ko. Tuwang-tuwa ang mga pamilya ko at mga kaklase ko. Maganda ang laban dahil may isa ring kalahok na gaya ko na maganda at magaling din. Ang nagpanalo lang sa akin ay ang sagot ko sa tanong nila. Alam mo naman ako...brainy," kuwento niya habang hindi nawawala ang ngiti sa mga labi niya.
"Nakakapanghinayang talaga na hindi ko napanuod ang laban mo. Naiinis ako," sagot niya habang napapakamot ng ulo.
"Hindi bale, marami pa namang pagkakataon. Next time, dapat mapanuod mo na nang buo ang laban ko. Kung bakit naman kasi tatanga-tanga ka kanina. Hindi mo tinitignan ang nilalakaran mo. Mabuti na lang talaga at mababaw ang bangin na pinaglaglagan mo."
Hindi man naging maganda ang gabi ni Sekani ay the best naman ang nangyari kinaumagahan dahil naka-bonding pa niya si Nitina ng solo at tahimik. Hindi na niya ata nabilang kung nakailang ngiti at tawa siya habang kahuntahan niya ito. Pati ang sakit ng ulo niya ay nakalimutan na niya dahil sa babaeng iyon.
**
Hanggang sa makatapos sila ng highschool ay sobrang solid pa rin ng pagkakaibigan nilang dalawa. Habang tumatagal ay lalong gumaganda si Nitina. Nakailang sali na rin ito sa beauty pagent. Lahat ata ng contest na iyon ay panalo siya kaya naman sobrang proud si Sekani sa kanya.
Nagkita si Sekani at Nitina sa park ng bayan nila kinagabihan matapos ang graduation nila. Tuwang-tuwang ikinuwento ni Nitina sa kanya na kumain sila sa labas bilang selebrasyon sa pagka-graduate niya ng highschool. Sa kabila niyon ay nakaramdam ng inggit at lungkot si Sekani. Nakatapos kasi siya ng highschool na wala manlang kasama na umakyat sa stage. Wala naman siyang award, pero iba pa rin ang saya kapag kasama mo ang mga magulang mo na umakyat sa stage. Isa pa, tanging pagkain lang ng hotdog ang pagdidiwang nila sa bahay nito kanina. Iyon lang ay masaya na siya. Kitang-kita ni Sekani ang pagkakaiba niya kay Nitina. Bagay na nagtutulak sa kanya na huwag nang ibigin ito dahil alam niyang wala siyang maipagmamalaki sa babae.
"Anong course at saan ka nga pala mag-aaral ng college, Sekani?" tanong nito sa kanya. Inabutan siya nito ng cupcake. Regalo ni Nitina sa kanya bilang pagtatapos nila sa highschool. Hindi agad nakasagot si Sekani. Nahiya siya bigla. "Hindi ka pa ba nakakapag-isip?" tanong ulit nito sa kanya. Doon na siya tuluyang nagsalita.
"Ang totoo niyan ay hindi ako mag-aaral ng college," sabi niya kaya nakita niyang nagulat si Nitina.
"Ha? B-bakit naman?" tanong nito habang nanlalaki ang mata.
"Alam mo naman na ako lang ang inaasahan nila nanay at tatay. Ako ang naghahanap-buhay sa bahay. Hindi ko kayang pag-aralin ang sarili ko sa college. Mahal mag-aral sa ganoon ‘di ba? Maliit lang ang kita ko sa restaurant na pinagtatrabahuhan ko. Ang sahod ko ay para na lang sa pagkain namin sa araw-araw. Ang maganda ko na lang gawin ay tumalon na sa totoong buhay. Magtatrabaho na agad ako tutal ay may tumatanggap naman na ngayon kahit highschool graduate lang," sabi niya kaya nakita niyang nanlumo ang mukha ni Nitina.
"Naiintindihan kita. Huwag kang mag-alala. Balang-araw ay susuwertihin din kayo sa buhay. Ipagpatuloy mo lang ang pagiging mabait, masipag at magpapakumbaba mo. Isa lang naman ang gusto kong ipabago sa iyo. Iyon ay ang pagiging duwag mo. Please lang, malaki naman ang katawan mo. Lalaban ka naman kapag inaaway ka ng mga kapwa mo lalaki. Palagi ka na lang nagpapabugbog. Isang sapak mo lang sa mga iyon ay titigil na sila. Ako kasi ang naaawa sa katawan mo kapag nakikita kong may sugat at pasa ka," mahaba niyang sabi na kinatawa naman niya.
"Umiiwas lang ako sa maaring magawa ko sa kanila. Ayoko kasing makulong. Kahit alam kong ako ang nasa tama ay wala pa rin akong laban sa mga mayayaman na iyon," sabi niya kaya napangisi na lang si Nitina.
"Mabuti na lang at matured na ang pag-iisip mo. Isa iyan sa mga gusto ko sa iyo, e. Anyway, ganyan man ang estado ng buhay niyo ay proud ako sa iyo dahil kinakaya mong lahat ang paghihirap mo sa araw-araw. Suwerte ang mga magulang mo sa iyo dahil napalaki ka nila nang maayos, malakas at matalino," puri nito sa kanya kaya nangiti na siya.
"Salamat," maikli niyang sagot at saka ginulo ang buhok niya. Sinibangutan naman siya nito at saka ibinalik sa dating ayos ang buhok niya.
"May isa pa nga pala akong regalo sa iyo," sabi pa nito kaya nagulat si Sekani.
"A-ano naman iyon? Huwag na. Nakakahiya. Ako nga, walang regalo sa iyo, e," pagtatanggi niya agad.
"Magugustuhan mo ito. Makakatulong ito sa iyo, lalo na sa pamilya mo," sabi pa niya.
"Kung ganyan pala ay hindi na ako tatanggi. Ano ba iyon, Nitina?" Kapag para sa pamilya ay hindi talaga siya tumatanggi.
"Sa monday, hindi muna kailangang magpunta sa bundok para kumuha ng mga gulay na iititinda mo sa palengke. Hindi mo na rin kailangang magpauto sa maliit na restaurant na binabayaran ka lang ng maliit. Bakit? Dahil may bago ka nang pagtatrabahuhan," sabi nito na lalo niyang kinagulat. Napatayo siya habang nanlalaki ang mata kay Nitina.
"S-saan naman? Malapit lang ba iyan?" atat niyang tanong.
"Malaki magpasahod doon kaya huwag mo akong ipapahiya," sabi pa nito na patuloy siyang binibitin.
"Saan nga? Please, huwag mo na akong bitinin."
"Fine," sabi nito at saka siya tinawanan. "Simula sa monday ay sa coffee shop na ng kaibigan ko ikaw magwo-work. Malakas ako roon dahil ako rin ang model nila. Kinausap ko ang may-ari niyon na ipasok ka. Hindi mo na rin kailangang magpasa ng mga papel dahil ginawa ko na. Ako na ang nag-asikaso niyon dahil alam kong busy ka. Simula ngayon ay magbabago na ang takbo ng buhay mo. Kapag nakapag-ipon ka ay maari ka pang makapag-aral ng college," sabi nito kaya unti-unti nang namula ang mga mata ni Sekani.
Hindi siya makapaniwala sa ginawang iyon ni Nitina sa kanya. Sobrang saya niya dahil pangarap talaga niyang makapagtrabaho sa ganoong sikat na kainan na puntahan ng mga sosyal na tao. Dahil doon ay nayakap ni Sekani nang mahigpit si Nitina habang humihikbi siya. Ramdam na ramdam din ni Nitina ang saya na naibigay niya sa kaibigan niya. Pati tuloy siya ay naiiyak na dahil sa kanya.