Chapter 19 : BFF
Kanina pa poot si Wasuna dahil ginagawa siyang laruan ni Tulya. Manong patakbuhin siya sa damuhan, pakainin ng maliliit ng isda at hinihimas-himas pa ang mga balahibo niya.
“Akin na ang pusa ni Sekani,” sabi ni Gustava nang makita nitong hawak-hawak ni tulya si Wasuna. Natuwa tuloy si Wasuna dahil sa wakas ay mukhang ibabalik na siya ni Gustava kay Sekani.
“Heto po, Binibining Gustava,” magalang na sambit ni Tulya at saka inabot sa kaniya ang pusang itim na si Wasuna. Bago tuluyang mapunta si Wasuna kay Gustava ay gumanti muna siya kay Tulya. Sinadya niyang kalmutin ang braso nito kaya napangiwi si Tulya.
“Ang bad mo, Muning,” sabi ni Tulya na tatawa-tawa habang kinakamot ang kalmot ni Wasuna.
“Deserved mo ‘yan, gaga!” sabi pa ni Wasuna at saka siya inirapan.
Tumuloy sina Gustava at Wasuna sa isang bahay doon na gawa sa puno. Ang bahay na iyon ay naglalaman ng sari-saring pagkain. Hindi nalalayo sa pagkaing tao ang mga pagkain din ng mga sirena sa Chimera Town. Kumuha si Gustava ng tinapay, Prutas at kung anu-ano pa. Dinala niya iyon sa kulungan ni Sekani.
Natutulog ito nang dumating sila roon.
“Prinsipe Sekani?” tawag ni Gustava.
“Hoy, gumising ka riyan!” sigaw naman ni Wasuna kaya nagising na si Sekani.
“Oh, kumain ka na muna at tiyak na nagutom ka nang maglakbay ka kanina,” mabait na sabi ni Gustava kaya napangiti si Wasuna sa kaniya. Hindi inaakala ni Wasuna na magiging mabait ito kay Sekani.
“Salamat po, Binibining Gustava,” sagot ni Sekani nang maipasok na ni Gustava ang mga pagkain sa loob ng kulungan niya.
“Sekani, tanungin mo nga siya kung bakit bigla itong bumait sa iyo. Gusto kong malaman kung ano ang dahilan. Malakas kasi ang kutob ko na may something ang babaeng ito sa mga magulang mo,” utos ni Wasuna kay Sekani.
“Patawarin mo ako kung hindi agad kita nakilala. Nang titigan kita ngayon ay hindi nga maikakaila na anak ka ni Sikhina,” sabi ni Gustava.
“Matanong ko lang po. Ano po ang relasyon niyo sa mga magulang ko?” tanong na ni Sekani. Nag-abang naman agad si Wasuna sa sagot nito.
“Bestfriend ko si Sikhina. Lahat ng sikreto niya ay alam ko. Pati na rin ang pag-aasawa niya ng mortal na si Cain. Nawala ang ina mo rito dahil tinakwil siya ng Lola Adelinda mo. Mahigpit kasing pinagbabawal dito sa Chimera Town na mag-asawa ng mortal. Ayaw na ayaw iyon ni Reyna Adelinda. Kaya naman nang malaman nitong nabuntis siya ng isang tao ay sinumpa sila nito at saka pinalayas sa Chimera Town. Pero bago makaalis dito sa Chimera Town ang mga magulang mo ay tinanggal ni Reyna Adelinda ang kapangyarihan ni Sikhina. Ganoon din ang mga alaala nila para wala na silang matandaan tungkol sa lugar na ito.”
Napanganga si Wasuna sa narinig niya. Ganoon din si Sekani. Ngayon alam na niya kung bakit bigla itong bumait kay Sekani.
“Tanungin mo naman siya kung puwede ba siyang tumulong sa pagsagip sa mga magulang mo?” utos ulit ni Wasuna.
“Binibining Gustava? Puwede niyo po ba akong matulungan na mailigtas sina nanay at tatay kay Reyna Avilako?” Hindi agad nakasagot si Gustava. Seryoso itong tumingin sa kaniya.
“Patay. Mukhang negative,” pangunguna ni Wasuna.
“Huwag ka munang nega! Wala pa ngang sagot e,” iritadong sabi ni Sekani.
“Alam mo, hindi madaling kalaban si Reyna Avilako. Masyado siyang malakas. Sa isang iglap lang ay kaniya niya tayong mapatay. Pero may paraan. May isang nilalang na kaya siyang paslangin,” sabi nito kaya natuwa sina Wasuna at Sekani.
“Sino kamo?” atat na tanong ni Wasuna
“Sino po?”
“Ikaw, Sekani. Ikaw ang tiyak ko na makakatalo sa kaniya. Sigurado kasi ako na may malakas kang kapangyarihan na namana kay Reyna Adelinda. Sigurado akong malakas ka rin,” sabi nito kaya napatitig si Wasuna kay Sekani na naging seryoso agad ang mukha.
Sang-ayon si Wasuna sa sinabi ni Gustava. Alam niyang tama siyan nang nilapitan. Sigurado rin si Wasuna na si Sekani rin ang makakatulong para mawala na rin ang sumpa sa kaniya.
**
Pagsikat ng araw ay nagising si Sekani sa boses ng kaniyang lola na si Reyna Adelinda. “Bumangon ka, tao,” seryoso nitong sambit sa kaniya.
“Nakakatampo. Hindi ko ho inaasahang ganito ang lola na makikita ko rito. Hindi ko inaasahan na sarili niyo hong apo ay kaya niyong ipakulong. Sana pala ay hindi na ako nagtungo rito. Wala rin pala akong mapapala sa paghingi ng tulong sa inyo,” galit na sabi ni Sekani habang matapang ang mukha.
“Kikilalanin lang kitang apo kung maipapakita mo sa akin ang iyong kapangyarihan,” sabi nito na tila wala lang sa kaniya ang mga sinabi niya.
“Hindi na. Wala na ho akong panahon na ipagsiksikan pa ang sarili sa iyo. Ituring niyo na lang ho akong iba sa iyo. Tao ako, hindi sirenang gaya ninyo,” galit pa rin niyang sabi.
“Manang-mana ka nga sa ina mong matigas ang ulo at sobrang ma-pride,” sabi nito sa kaniya kaya napangisi siya.
“Dahil ho siguro ay hindi maganda ang trato niyo sa kaniya noon. Hindi naman siguro magiging ma-pride si nanay kung wala siyang problema sa inyo.”
“Lumabag kasi siya sa pinaka pinagbabawal ko rito sa Chimera Town. Sa lahat pa na lalabag sa akin ay mismong anak ko. Mahigpit na pinagbabawal na bawal umibig sa mortal, pero ginawa pa rin niya. Ayoko sa mga tao dahil sila ang halos na umubos sa lahi namin noon. Walang puso ang mga tao kaya kapag may napapadpad na tao rito ay pinapatay agad namin. Maaring ganoon din ang gawin namin sa iyo kapag hindi mo napatunayan na apo nga ba talaga kita,” pananakot nito sa kaniya kaya bigla siyang kinabahan.
“Talaga ho bang ganiyan na kayo? Sarili niyong dugo ay kaya niyong patayin?”
“Kaya nga hangga’t maaga ay ipakita mo na sa akin ang kapangyarihan mo para makaligtas ka.”
“Kung magkakaron man ako ng malakas na kapangyarihan, hindi rin ako aanib sa iyo. Hindi ang gaya mo ang dapat kong pakisamahan. Dahil pala sa iyo ay naghirap kami. Kung may dapat pala akong kampihan ay si Reyna Avilako na lang,” galit na sabi.
Sumabog bigla ang kulungan ni Sekani. Sa galit ni Reyna Adelinda ay lumipad sa malayo si Sekani. Tumama sa malaking puno si Sekani.Nakita niya kung paano manlaki ang mata ni Reyna Adelinda. Doon na lang niya nalaman na kaya pala ito takot na takot ay isang matulis na bagay ang nakatusok sa tiyan niya. Doon na siya sumuka ng dugo.
“Apo, h-hindi ko sinasadya ang nangyari. Hindi naman talaga kita papatayin. Ginagalit lang kita para makita ko ang tunay mong kapangyarihan. Hindi ko inaakalang ganito ang mangyayari,” naiiyak na sabi ni Reyna Adelinda.
“Hindi kita lola. Wala akong kadugo na kayang patayin ang sarili niyang apo.” Pagkasabi ni Sekani niyon ay tuluyan na siyang nilamon ng dilim.