Chapter 2 : Patimpalak
Tunog ng banda mosiko ang gumising kay Sekani. Umagang-umaga ay gumagala na agad ang mga ito para iparamdam na fiesta na ngayon sa bayan nila. Pagdilat ng mata niya ay sinalubong siya ng amoy na niluluto ng nanay niya. Napabangon siya bigla at saka tumakbo sa kusina nila. Ganoon siya ka-excited kapag may masarap silang pagkain. Hindi siya puwedeng magkamali. Adobong manok ang niluluto ngayon ng ina niya. Adobong manok na madalang niya lang makain sa bahay nila. Nakakain niya lang iyon kapag may espesyal na okasyon. Isa iyon sa mga paborito niyang ulam kaya naman tuwang-tuwa siya ngayon.
"Reward mo iyan, anak, dahil sa kasipagan mo," sabi sa kanya ng ina niya na nakaupo sa isang papag habang nagluluto ng adobong manok.
"Mapaparami po ang kain ko mamaya niyan. Ngayon pa lang ay ginugutom na ako sa amoy niyang niluluto niyo," sabi niya habang nagto-toothbrush sa banggera nilang gawa sa kawayan.
Sa bandang kaliwa naman niya ay nakita niya ang ama niyang nagsasalin sa ilang garapon na ginawa nitong buko gelatin.
"Pati ang panghimagas ay handa na rin. Ramdam na ramdam ko na ang fiesta sa atin," masaya niyang wika kaya nginitian siya ng ama niya.
"Kahit wala tayong bisita, basta masaya tayong nagsasalu-salo ay masaya na kami ng nanay mo," sabi ng tatay niya na ngiting-ngiti sa kanya. Hindi makakaila na sa ama niya kinuha ang pagiging palangiti niya at ang maganda nitong katawan. Sa murang edad kasi ay batak na ito sa trabaho kaya naman magandang-maganda na agad ang hulma ng katawan niya.
Maagang naligo si Sekani. Lumabas siya para magliwaliw. Tuwang-tuwa siya sa mga nagkalat na tao at sa mga sari-saring tindero't tindera na ngayon lang niya nakita. May nagtitinda ng sisiw, mga manggang hilaw, taho, lobo, sorbetes at kung anu-ano pa.
Habang naglalakad siya papunta sa bayan ay nakita niyang nakaayos na ang stage na paggagamitan ng mga kalahok sa Victoriana's next top model. Ginaganap ang patimpalak na iyon taun-taon tuwing fiesta sa Vitoriana town.
Sa kabilang banda naman ay nakita niya ang isang kumpulan ng tao. Naintriga siya kaya pumunta siya roon para makita kung ano ba ang pinagkakaguluhan ng mga ito. Pinilit niyang makapasok sa kumpulan ng tao hanggang sa makarating na siya sa bungad. Doon niya nakita na may mga naka-display pala roon na mga maliliit na laruang sasakyan na sobrang gara. Bigla siyang nakaramdam ng inggit nang makita niya ang ilan sa mga kaklase niya na may-ari ng mga sasakyan na iyon. Si Emon ang isa roon na kilalang rich kid sa school nila.
Nagtama ang mga mata nila nito. Agad nang umiwas nang tingin si Sekani dahil alam niyang aasarin na naman siya nito. Aalis na sana siya pero bigla siya nitong hinatak pabalik doon.
"Ang ganda ng mga laruang sasakyan ko noh?" tanong nito na ang tono ng boses ay may halong pagmamayabang.
"O-oo," maikling sagot na lang ni Sekani.
"Wala ka niyan. Hindi mo kayang bumili niyan dahil isa ka lamang tagahugas ng mga pinggan sa nakakadiring restaurant. Kawawa ka naman. Hindi mo manlang ma-enjoy ang buhay mo. Maaga kang pinapahirapan sa inyo na halos ikaw na ang bumubuhay sa mga magulang mo. Lalaki ka niyang bansot!" panunura nito kaya bigla na namang nanliit si Sekani sa sarili niya.
"Ang talo mo lang sa kanya ay hinding-hindi mo makakausap o malalapitan ang bestfriend niyang si Nitina na crush mo. Doon lang lamang si Sekani sa iyo," sabi ng isang kaklase nila na inasar talaga si Emon para lalong mag-init kay Sekani.
"Gago ka, huwag na huwag mong sosyotain si Nitina. Akin lang iyon. Sa mayaman lang iyon mapupunta. Sa kagaya kong mayaman na, pogi pa," pagmamayabang pa nito sa kanya.
Hindi na lang kumibo si Sekani. Kapag nagsalita pa kasi siya ay lalo lang hahaba ang asaran. Para matigil ay umalis na lang siya roon.
Papauwi na siya sa bahay nila nang marinig niyang tinatawag siya nang tumatakbo na si Nitina. Nilingon niya ito. Biglang bumagal ang tingin niya rito habang tumatakbo ito papalapit sa kanya. Kuminang ang mata niya dahil nakaayos na si Nitina ngayon. Tumatakbo ito habang dala-dala ang ilang tupperware na nakalagay sa isang malaking supot. Gandang-ganda siya rito habang papalapit sa kanya. Sa isip-isip niya ay suwerte naman ng lalaking mapapangasawa nito.
Nang makalapit na ito sa kanya ay doon lang siya nahimasmasan. "B-bakit?" mautal-utal pa niyang tanong dito.
"Panuorin mo ako mamayang gabi, ha?" sabi nito bigla na ngiting-ngiti sa kanya. Mas lalo siyang nabighani sa ganda nito sa malapitan ngayong may mga kolorete at naka-ayos na ang buhok niya.
"Oo naman, hindi ata puwedeng hindi kita mapapanuod. Hindi ko hahayang walang sisigaw sa iyo mamaya. Lalakasan ko ang sigaw ko sa iyo para manalo ka," sagot niya kaya natawa si Nitina.
"Oh, ito. Uwi mo sa inyo. Marami kaming handa sa bahay kaya naisip kitang dalhan. Alam ko naman kasi na hindi ka makakapunta ngayon sa bahay dahil mas pipiliin mo na alagaan at makasama ang pamilya mo kaysa maglakwatsa."
"Salamat, nag-abala ka pa. Nahiya tuloy ako, bigla," sagot niya habang napapakamot pa ang ulo.
"Sige na, diyan ka na at inaayusan na kasi ako ng makeup artist ko. Magkita na lang tayo mamaya," anito at tumakbo na ulit paalis sa kanya.
Pinanuod pa talaga niya ang pagkatakbo nito hanggang sa mawala sa paningin niya. Tatawa-tawa na lang siya. Pakiramdam niya ay napakahalaga niyang tao kay Nitina. Hindi niya inaasahan na sa lahat ng lalaking gaya niya na taga-Victoriana Town ay siya pa ang magiging close at bestfriend nito.
Pagpasok niya sa bahay nila ay nagulat pa ang mga magulang niya sa mga dala-dala niyang pagkain.
"Kay Nitina na naman siguro ‘yan galing," sabi ng nanay niya habang inihahain na niya ang mga tupperware na iyon sa lamesa nila.
"Sa kanya nga po." Amoy na amoy ang mga ulam na iyon. Sigurado siyang masasarap ang mga iyon kaya kumalam na bigla ang sikmura ni Sekani.
Napansin ni Sekani na natahimik bigla ang ina niya. Alam na niya ang dahilan. Maramil ay inakala nitong natalbugan ng mga ulam ni Nitina ang niluto niyang adobong manok.
"Tara na po, kain na tayo. Excited na akong kumain ng adobong manok ni nanay," aya ni Sekani sa mga magulang niya. Lumapit siya sa ina niya at saka niya ito binuhat paupo sa hapagkainan nila. Sunod niyang binuhat ang ama niya.
"Tama ba ang narinig ko? Mas excited kang kainin ang adobong manok kaysa sa mga ulam na binigay ni Nitina?" tanong pa nito sa kanya.
"Oo naman po. Walang tatalo sa lasa ng ulam niyo. Maamoy lang ang mga ulam na binigay niya, pero hinding-hindi nito matatalo ang lasa nang luto niyo," puri niya kaya tuluyan nang sumaya ang ina niya.
Masaya silang kumain ng tanghalian habang isa-isang kinukwento ni Sekani ang mga nasaksihan niya kaninang umaga sa labas. Ginawa niya iyon dahil alam niyang hindi nakakalabas ng bahay ang mga magulang niya.
Pagsapit ng gabi ay maagang pumunta sa bayan si Sekani para hindi siya mawalan ng upuan. Wala pang ilang minuto siyang nakaupo sa unahan ay agad namang napuno ang mga tao roon. Sa puntong iyon ay nag-umpisa na rin ka agad ang patimpalak. Dumagundong ang palakpakan ng mga tao nang makita nilang isa-isa nang rumarampa sa stage ang mga kalahok. Siyempre, nang si Nitina na ang lumabas ay nilakas talaga ni Sekani ang sigaw niya para maipakita niya rito ang todong suporta niya.
Bawat lalabas ito sa stage ay hindi puwedeng hindi siya sisigaw nang malakas. Dahil doon ay palagi tuloy napapatingin sa kanya si Nitina.
Nang i-a-annouce na ang nanalo ay nagulat si Sekani nang biglang may humatak sa kanya papunta sa likod ng stage. Nang makita niya kung sino ang mga iyon ay ang grupo pala ni Emon.
"Papansin ka talaga e! Nilalakasan mo pa ang sigaw mo para mapansin ka ni Nitina. Dapat sa iyo ay ginugulpi!" anito at saka siya sinapak nang malakas sa mukha niya. Sa pagsapak ni Emon sa kanya ay aksidenteng natama ang ulo nito sa bakal na pinagbaksakan niya.
Agad na nandilim ang paningin niya. Ang huling natatandaan niya lang bago siya tuluyang lamunin ng dilim ay ang mukha ni Emon na takot na takot na tumatakbo na palayo sa kanya.