Chapter 16 : Apoy
Nagulat si Sekani dahil paglabas niya ng bahay nila ay bigla siyang hinarang ng tatlong lalaki na malalaki ang katawan. Galit ang tingin ng mga ito sa kaniya. Pakiramdam niya ay may balak ang mga ito na saktan siya. Natakot siya dahil wala pa naman sa bahay ngayon si Wasuna. Nasa lugar ito ngayon nila Reyna Avilako para mag manman.
“Anong kailangna ninyo? Bakit kayo nakaharang sa harap ng bahay ko?” Nagtapang-tapangan si Sekani pero ang totoo ay nangangatog na ang mga tuhod niya.
“Kailangan mo nang mabura sa mundong ito bago mo pa kami maunahan,” sagot sa kaniya ng isa sa kanila. Walang anu-ano ay tinadyakan siya ng isa sa kanila kaya tumumba siya agad sa sahig.
Nakahawak ng bakal si Sekani. Pinalo niya agad iyon sa lalaking sumipa sa kaniya. Tinamaan ito sa braso kaya’t nakita niyang may berdeng dugo na lumabas nang masugatan ito. Doon niya nakumpirmang hindi mga tao ang mga ito. Napangiwi ang lalaking iyon. Sa sugat lang na nagawa ni Sekani ay tila natakot na agad ang mga ito.
“Oh, bakit tumigil kayo?” matapang niyang tanong. Ramdam na kasi niya na parang aatras na ang mga ito. Naduwag agad ang mga ito.
“Anong tinatanga-tanga ninyo? Sugurin siya,” bulyaw ng lalaking nasugatan niya. Agad namang sumunod ang mga ito. Sa pagkakataong iyon ay sa mga ulo na nito pinalo ni Sekani. Napangiwi si Sekani dahil tila berdeng gulaman na sumabog doon ang dalawang ulo ng mga lalaking iyon. Sa ilang saglit lang ay agad niyang napaslang ang mga ito. Lalong natakot ang lalaking una niyang nasaktan.
“Nananalo ka man ngayon pero sa susunod ay sisiguraduhin kong hindi na,” banta pa sa kaniya nito pero hindi na niya hinayaang makatakas pa ito.
“hindi na. Tapusin na nating ngayon,” sabi ni Sekani at nang akmang tatakas na ito ay mabilis niyang pinalo ang isa pa nitong braso. Tinamaan ito kaya’t bumagsak siya sa lupa.
“Tama nga si Reyna Avilako. Mabangis ka kahit hindi pa man nagigising ang kapangyarihan mo,” sabi nito at saka niya tinusok ng mahaba niyang kuko ang sarili niyang dibdib.
Hinatak niya sa loob ng bahay nila ang lalaking iyon at baka kasi kung ano pa ang isipin ng mga tao. Mabuti na lang nga at walang tao nang sumugod ang mga ito. Pagpasok niya sa loob ay parang tubig na natunaw ang mga kaninang jelly na katawan ng mga lalaking iyon. Nasaksihan din niya kung paano natunaw ang katawan ng lalaking huli niyang nakalaban. Hindi na niya kailangang ilibing o itago pa ang mga ito dahil kusa na silang nawala.
“Sekani?!”
Nanlalaki ang mata ni Wasuna nang dumating ito sa loob ng bahay niya.
“Wala na. Tapos na. Napaslang ko na ang mga iyon,” sagot niya agad.
“Talaga? Hindi ka ba nasaktan?”
“Hindi. Mahihina naman ang mga lalaking iyon. Tila mga dapok ang katawan. Kaunting palo lang ng bakal ay durog agad sila,” sabi niya.
“Sorry kung na-late ako. Narinig ko lang kasi kay Reyna Avilako na pinasugod ka nito kaya napauwi tuloy ako. Mabuti na lang pala at kaya mong pagtanggol ang sarili mo kahit wala ako.”
“Anong pinaplano ng Avilako na iyon? Bakit tila atat niya akong mapaslang?”
“Naaning na ito ngayon. Pakiramdam niya raw kasi ay ikaw ang papaslang sa kaniya pagdating ng araw. Natatakot siya saiyo kaya gusto niyang mas maaga pa lang ay mapaslang ka na niya,” sagot ni Wasuna sa kaniya habang pinapanuod kung paano matunaw ang huling lalaki na nakalaban ni Sekani.
“Hindi na pala ako ligtas sa bahay na ito. Kailangan na nating maghanap ng bagong mapagtataguan,” sabi niya.
“Oras na para humanap ka ng kakampi. Oras na para makilala ka ng lola mo.”
“Sino? Si Reyna Adelinda?”
“Tama. Dapat na tayong tumungo sa Chimera Town para sakaling gusto kang paslanging ulit ni Reyna Avilako ay may kakampi malang tayo.”
Kinandado mabuti ni Sekani ang bahay nila bago ito umalis sa kanila. Ngunit hindi pa man sila nakakaalis doon ay rumaragasang sasakyan ni Conrad ang biglang dumating.
“Sekani, samahan mo ako. Kailangan tayo ni Nitina ngayon. Pinasok daw ni Emon ang bahay nila,” sabi nito sa kaniya kaya dali-dali siyang sumakay sa sasakyan nito.
Habang binabagtas nila ang daan patungo sa bahay nila Nitina ay nagtataka si Sekani. Ang alam niya ay baldado at matino na ito ngayon kaya’t bakit nakakagawa na naman siya ng kawalangyaan.
Pagdating sa bahay nila Nitina ay bukas na bukas ang gate nila. Pagpasok nila doon ay palihim nang pumasok si Wasuna sa katawan ni Sekani.
Nadatnan nila na nakatali ang mga magulang ni Nitina sa salas nila. Sa kusina naman ay nakagapos ang mga kasambahay sa mga upuan ng hapagkainan nila.
“Nasaan si Nitina?” tanong ni Conrad sa mga kasambahay.
“Nasa kuwarto po siya kasama ni Emon.”
Tumakbo agad sila paitaas ng bahay na iyon. Pagpasok nila sa kuwarto ni Nitina ay nagulat sila dahil papasok na sina Emon at Nitina sa isang maliwanag na portal.
“Ano ‘yan?” nanlalaking matang tanong ni Conrad.
“Tulungan niyo ako,” pagmamakaawa ni Nitina.
Pagdaka nama’y tumakbo si Sekani para hilahin si Nitina. Pagkatapos niya iyong gawin ay sinipa niya nang malakas si Emon para tuluyan na itong makapasok sa loob ng portal.
Nang wala na ang portal ay napayakap na lang si Nitina kay Sekani habang umiiyak.
“Sh*t! Ano iyon? Bakit ganoon si Emon?” pagtatakang tanong ni Conrad.
“Hindi si Emon iyon. Sigurado ako,” sagot ni Nitina habang umiiyak pa rin.
“Kung ganoon ay sino iyon? Doppelganger mo?” tanong pa rin ni Conrad.
“Maaring kataw din iyon,” sagot ni Sekani.
“Kataw? Anong kataw?” tanong naman ni Nitina.
“Sirenang masama.”
Naisip bigla ni Sekani na kaya si Nitina naman ang pakay ng mga kataw ay dahil alam nilang mahalaga ito sa kaniya. Ginagawa na ngayon ni Reyna Avilako ang lahat para mapalapit ito sa kaniya. Nang sa ganoon ay mabilis siya nitong mapatay. Ang sa kaniya lang ay kung siya lang naman ang gustong papaslangin nito, siya na lang. Huwag na ang mga magulang at si Nitina.
**
“Sa tingin mo ba ay ayos lang na iniwan natin doon si Nitina? Hindi kaya siya balikan ng mga kataw?” tanong ni Sekani kay Wasuna habang naglalakad na sila papunta sa Chimera Town.
“Oo, basta huwag silang pawawala ng kandila sa kahit na anong sulok ng bahay na iyon ay walang mangyayaring masama sa kaniya.”
“Ah, takot ang mga kataw sa apoy?”
“Ganoon na nga.”
“Sana ay apoy na lang ang maging kapangyarihan ko para mas matakot sila sa akin,” hiling ni Sekani.
“Iyan din ang inaasahan ko. Iyan din ang hiling ko,” sagot sa kaniya ni Wasuna.
Mukhang kalmado lang si Sekani pero stress na rin siya. Simula nang mawala ang mga magulang niya ay wala na siyang magandang tulog. Putol-putol. Madalas pa itong magkaroon ng masamang panaginip. Mabuti na lang at kinakaya niya. Dahil na rin sa tulong ni Wasuna.
Sa kanilang pagpunta sa Chimera town ay hiniling niya na tanggapin sana siya ng lola Adelinda niya.