HINDI KILALA ni Carol ang lalaki na kahalikan ng kan’yang asawang si Jerome. Subalit hindi n’ya matiis na manahimik at hayaan na lamang na gaguhin s’ya ng gano'n. At napakabigat sa kan’yang dibdib na tiisin ang kababuyang nagaganap sa pagitan ng asawa at ng naturang lalaki sa tuwing nakatalikod s’ya. Kung kaya't dalawang araw bago ang pakikipagkita n’ya kay Elise ay nagtungo si Carol sa bar kung saan n’ya nakita si Jerome na may kahalikang lalaki, para alamin ang katauhan nito. Inakala ni Carol na regular customer lang ito sa bar na iyon, ngunit higit pa do'n ang kan’yang napag-alaman.
Pagkatapos n’yang makipagkita kay Elise ay hindi dumiretso pauwi si Carol, sa halip ay tinahak n’ya ang ruta patungo sa lugar kung saan n’ya planong katagpuin ang lalaking namamagitan sa kanila ng kan’yang pinakamamahal na asawa, ang lalaking walang iba kung hindi si John.
Noong gabi na nagtungo si Carol sa bar ay nakita na n’ya si John, pero wala s’yang lakas ng loob na komprontahin ang lalaki. Bukod doon, wala rin s’yang balak na gumawa ng eksena sa pinagtatrabahuan nito kaya binalak na lamang n’ya na kausapin ito sa ibang lugar. Sinundan ni Carol si John hanggang makauwi ito sa tinutuluyan nitong apartment. Akma na sana n’ya itong kakausapin ngunit nang oras ding iyon ay tumawag sa kan’yang cellphone ang mister na si Jerome, na labis n’yang ikinabigla. Hinahanap s’ya nito. Hindi makapaniwala si Carol kaya nag-decide s’yan ipagpaliban na lang muna ang pakikipag-usap kay John.
Ngunit sa loob ng dalawang araw na lumipas ay wala namang pinagbago si Jerome. Madalas pa rin itong umaalis ng bahay nila at sinasabi na tungkol sa trabaho lang ang lahat. Sa likod ng isip n’ya marahil nakikipisan ito kay John sa tuwing nawawala ito sa tabi n’ya. Kaya naman lihim s’yang nandidiri rito.
"Manong, dito na lang po." Wika ni Carol sa taxi driver at matapos magbayad ay nagpasalamat s’ya rito. Bumaba s’ya sa taxi at pinagmasdan ang inuupahang apartment ni John. Hindi matao ang kalye na kinaroroonan ng tinitirahan ni John, luma at kupas na rin ang pintura ng naturang gusali at may pagkamasukal ang paligid nito. Halatang hindi masyadong nalilinisan dahil mataas na ang mga talahib. May ilang establisiyemento sa kabilang kalsada tulad ng mini mart at water reffiling station ngunit sarado na ng oras na 'yon. At iilang unit na lamang din ang makikitang may ilaw, ang ilan ay hindi pa sigurado kung may nangungupahan.
Ngayon ay araw ng Martes, pasado alas onse ng gabi. Napatingala si Carol nang silipin n’ya ang apartment ng lalaki, nagbabakasakali na nakauwi na si John, ngunit madilim pa sa unit na inuupahan nito. Nagpasya si Carol na manatili at magbakasakali, at 'di naman s’ya nabigo dahil pagkaraan ng halos isang oras ay nakita na n’ya si John.
Bumaba ito sa sinasakyang motorsiklo at nagsimula nang pumanaog. Napabuntong hininga si Carol. Ito na ang pagkakataon na hinihintay n’ya. Ito na ang pagkakataon na maraming beses n’yang inisip sa utak n’ya kung gagawin ba n’ya o hindi. At ngayong nandito na s’ya ay hindi na n’ya ito dapat atrasan pa. Mabilis na tinahak ni Carol ang direksyon papunta sa gusali na kinaroroonan ng apartment ni John bitbit ang kan’yang shoulder bag at pag-asa na sa binabalak n’yang pakikipagkasundo kay John ay magtagumpay s’ya.
Na papatnubayan s’ya ng langit.
***
MARAHAS na inihagis ni John ang suot na denim jacket at naupo sa bukbok na sofa. Pagod na pagod s’ya para sa buong araw na 'yon. Maraming gawain sa bar na kinaiirita n’ya at matumal naman ang kan’yang kliyente. Wala na s’yang pera, kung kailan kating-kati pa naman ang mga palad n’yang magsugal. Nasa gano'ng sentimyento ang binata nang makaramdam s’ya ng antok at nang akmang ipipikit na n’ya ang mga mata ay biglang may kumatok sa kan’yang pinto. Napadilat si John at napamura.
Sino naman ang istorbong iyon dis oras ng gabi?
***
AANDAP-ANDAP ang dibdib ni Rhia matapos n’yang iparada ang kan’yang kotse 'di kalayuan sa apartment ni John. Ilang araw na rin ang nagdaan simula nang huli n’ya itong nakita at malimit namang wala ito sa apartment sa tuwing nagtutungo s’ya rito.
Para kay Rhia, walang tamang oras para singilin ang lalaki sa mga utang nito sa kan’ya.
***
MAKALIPAS ang ilang beses pagkakatok, sa wakas ay binuksan na rin ni John ang pinto ng kan’yang apartment. At gano'n na lamang ang pagtataka ng lalaki nang tumambad sa harapan n’ya ang hindi pamilyar na mukha ni Carol, hanggang balikat ang buhok nito at nakasuot ng kulay puting blusa at saka pantalon.
Napalunok-laway naman si Carol nang makita ng malapitan ang lalaking kalantari ng kan’yang mister. Muling nagbalik sa kan’yang alaala ang senaryo na kahit kailan ay hindi na mabubura sa kan’yang isipan, ang gabi na nahuli n’yang kahalikan ito ni Jerome. Mariing kinuyom ni Carol ang kamao ngunit pinigil n’ya ang galit.
"Ano’ng kailangan mo?” Namangha si Carol sa tono ng tanong ni John. Walang galang at bastos.
"John Sandoval, tama ba?"
"Ako nga. At ikaw?”
"Ako si Carol. Carol San Diego, ako ang asawa ni Jerome San Diego. At sigurado ako na kilala mo s’ya.”
Ang mga sumunod na tagpo ay sa loob na nang apartment ni John.
Tahimik na nakaupo si Carol sa sofa at pinagmamasdan ang makalat na paligid. Katamtaman lamang ang laki ng apartment kung saan naninirahan si John, studio type bagaman may sariling banyo. Mayroong isang makalat na kama na tambak ng mga umog na damit ng lalaki, isang bukbok na sofa na kan’yang kinauupuan at dining table na kinalalagyan ng mga bote at lata ng beer na walang laman.
"Beer?" Alok ni John kay Carol na agad namang tinanggihan ng babae. Napatango na lang ang lalaki saka inilagay sa mesa ang beer in can tapos muling humarap kay Carol.
"Nagpunta ka ba rito para hanapin ang asawa mo?" Mapang-insultong tanong ni John kay Carol. Matalim naman s’yang tinitigan ng babae. At saka sumagot.
"John, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Nagpunta ako rito para kausapin ka. Para..." Bahagyang nanginig ang boses ni Carol ngunit pinilit n’yang magpatuloy.
"...pakiusapan kang layuan ang asawa ko.” Napatango si John saka sarkastikong natawa. Namangha ito sa angking katapangan ni Carol para pumunta sa lugar n’ya at sabihin ang nakakatawang bagay na iyon.
"Pasensya ka na, ha? Pero hindi ko magagawa ang gusto mo." Napatayo si Carol dahil sa sinabing iyon ni John. Namuo ang luha sa kan’yang mga mata pero pinigilan n’yang umiyak sa halip ay nagpakatatag at nanindigan s’ya. Mariin n’yang kinuyom ang kamao bago matapang na sumagot.
"Ang kapal naman ng mukha mong sabihin sa akin ang bagay na iyan!"
"Ang asawa mo ang lumapit sa akin, ibig sabihin, s’ya ang may kailangan sa akin. So, bakit ako ang sinasabihan mong lumayo sa kan’ya? Bakit hindi s’ya ang pagsabihan mo, ha?" Napatiim-bagang si John. Hindi na n’ya nagugustuhan ang tinatakbo ng kanilang usapan. Una, pagod s’ya. Ikalawa, ang kapal naman ng mukha ng babaeng ito para puntahan s’ya sa apartment n’ya at utusan ng gano'n-gano'n lamang!
"Babae ako, John, at mahal ko ang asawa ko. Nagpunta ako rito para pakiusapan ka ng maayos. Layuan mo si Jerome. Layuan mo ang asawa ko, parang awa mo na!" Mangiyak-ngiyak na singhal ni Carol. Desperado na s’ya kung sa desperado. At kahit magmukha man s’yang katawa-tawa sa mata ni John ay wala na s’yang pakialam. Ang importante sa kan’ya ay si Jerome at ang kanilang pagsasama. Hinding-hindi n’ya mapapayagan na masira lamang iyon ng kung sino!
"Please. Alam mo na puede kitang idemanda kung gugustuhin ko lang! Ako ang legal na asawa ni Jerome. Ako ang mas may karapatan sa kan’ya sa 'ting dalawa!" Nagulat si Carol nang magdabog si John. Marahas nitong hinampas ang lamesa dahilan para tumapon ang beer in can na naroon at magkandahulog sa sahig ang ilang kubyertos kabilang na ang isang patalim. Minasdan ni Carol ang mga kalat na iyon bago umakyat ang kan’yang tingin at sinalubong ang nangangalit na mga mata ni John.
"Anong sinabi mo? Idedemanda mo ako?!" Singhal ni John. Tila umakyat na sa kan’yang ulo ang naiipong galit para kay Carol.
***
SAMANTALA, kararating lamang ni Jerome sa kanilang bahay ng alanganing oras na iyon. Matapos maiparada ang kotse ay napansin kaagad n’ya na nakapatay ang ilaw ng bahay at mukhang wala doon ang kan’yang misis na si Carol. Kaya upang makompirma ay tumuloy s’ya sa loob at hinanap ang asawa hanggang sa makarating s’ya sa kanilang kuwarto, ngunit kahit anino nito ay hindi n’ya nasumpungan doon.
Napailing ang nobelista, inisip n’yang mabuti kung saan maaaring pumunta ang kan’yang asawa ng oras na iyon. Nagpasya s’yang magpalit ng damit pang-alis. Sa kan’yang pagmamadali ay hindi sinasadyang nasagi n’ya ang picture frame malapit sa cabinet, dahilan para mabasag ang salamin nito. Natigilan si Jerome at dinampot ang naturang frame kung saan nakalagay ang picture nilang mag-asawa noong kinasal sila. Napakagat s’ya ng pang-ibabang labi, lalo pa nang mapagtanto n’yang nasugatan s’ya ng bubog na dulot ng nabasag na frame at ang kan’yang mapulang dugo ay nagmantya sa larawan ng kan’yang pinakamamahal na si Carol.
Hindi maganda ang kutob n’ya.
***
MABILIS na napatayo si Carol saka bahagyang napaatras nang humakbang papalapit sa kinaroroonan n’ya si John. Sa hitsura nito ay tila nagalit n’ya ito ng husto dahil sa sinabi n’ya.
"Ang kapal naman ng mukha mong sabihin sa akin ang bagay na ‘yan, ha? Ako pa talaga ang ipapakulong mo? Ayos ka din!”
"John, puede naman natin ‘tong pag-usapan ng maayos. Kaya nga ako nandito. Hindi ko lang talaga masikmura ang ginagawa ninyo ng mister ko. Alam kong hindi mo mahal si Jerome, alam kong pera lang n’ya ang habol mo kaya ako nakikusap sa ‘yo na layuan mo s’ya. Kung gusto mo babayaran ko ang paglayo mo sa mister ko basta ipangako mo lang sa ‘kin na hinding-hindi ka na magpapakita sa kan’ya!" Pakiusap ni Carol.
"Lumayas ka na sa pamamahay ko bago pa magdilim ang paningin ko at kung ano pa ang magawa ko sa ‘yo!" Pigil ang galit sa tinig ni John bagaman nanggagalaite na talaga s’ya. Ngunit hindi nagpatinag si Carol. At gano'n na lamang ang pagkamangha n’ya nang lumuhod ang babae sa harap n’ya.
"Ay, tingnan mo nga naman ang bwiset na ‘to?!" Singhal n’ya.
"Pakiusap, John, nakikiusap ako sa ‘yo! Mahal na mahal ko ang asawa ko! At kaya kong gawin ang lahat para lang manatili s’ya sa akin." Pigil ang mga luhang sambit ni Carol. Bagaman labag sa kan’ya ang ginagawang pagpapakababang iyon ay nakahanda pa rin n’yang panindigan ito, lalo na kung ito lamang ang natatanging paraan para makumbinsi n’ya si John na layuan si Jerome. Ngunit gano'n na lamang ang pagkabigla ni Carol nang pinagtawanan lang s’ya ni John. Ang lakas ng tawa nito na punong-puno ng pang-iinsulto. Nakita n’ya pang nagpunas pa ‘to ng luha pagkatapos tumawa.
"Alam mo naaawa ako sa ‘yo. Biruin mo, kailangan mo pa talagang ilagay sa kahihiyan ang sarili mo para lang layuan ko ang asawa mo? Pero tama ka naman. Hindi ko naman talaga mahal si Jerome. Pera lang n’ya ang habol ko at ang serbisyo ko lang din gusto n’ya." Marahang nilapitan ni John ang nakaluhod na si Carol at hinaplos ang pisngi ng babae, na agad din naman nitong iniilag. Kitang-kita ni John ang galit sa mga mata ni Carol ngunit wala s’yang pakialam.
"Ikaw talaga ang may kasalanan kung bakit nangyayari sa inyo ‘yan. Ikaw ang dapat na sisihin." Marahas na napatingin sa kan’ya si Carol, mga tinging punong-puno nang pagtatanong.
"Wala ka sigurong kuwentang asawa. At hindi ko masisisi si Jerome kung bukas makalawa eh iwanan ka na n’ya. Tingnan mo nga ‘yang sarili mo sa salamin, nakakadiri ka. Kaya ka siguro pinagpapalit sa ‘kin ng asawa mo kasi ang pangit-pangit mo." Isang sampal ang iginawad ni Carol bilang ganti sa mga mapang-insultong sinabing iyon ni John. Bahagyang ininda ng lalaki ang hapdi ng sampal at saka marahas na hinawakan sa braso ang naturang babae. Kinaladkad n’ya ito patungo sa pinto ng kan’yang apartment.
"Tangina mo, lumayas ka sa pamamahay kong babae ka!" Singhal n’ya rito. Nagpumiglas si Carol sa pagkakahawak sa kan’ya ni John hanggang sa makukuha s’yang tiyempo at tinuhuran n’ya ito! Napasigaw si John sa sakit at napasandal sa mesa.
"Hayop kang babae ka!" Angil nito sapo ang nasaktang p*********i. Gigil na gigil naman si Carol habang pinagmamasdan ang talipandas na kalantari ng kan’yang asawa!
Husto na!
Husto na ang lahat ng panghahamak na ‘to! Punong-puno na ang dibdib n’ya ng sama ng loob mula sa hambog na lalaking ito. Hindi s’ya ipinanganak at nabuhay sa mundo para lamang insultuhin! Para lang maliitin at pagmukhaing pangit at kaawa-awa!
Dahil sa namuong tinding galit at suklam ay mabilis na iginala ni Carol ang paningin sa paligid ng bahay at nakita n’ya ang isang walang lamang bote ng alak. Agad n’ya iyong kinuha at inihampas sa ulo ni John bago pa tuluyang makatayo ang lalaki. Bumulagta si John sa sahig habang sapo ang duguang ulo.
"Tangina mong babae ka!" Singhal ni John.
"Tangina mo rin!" Giit ni Carol. Muli n’yang hinampas ng bote ang walang kalabang-labang si John. Tinamaan itong muli sa ulo dahilan para ito mahilo.
"Pinakiusapan kitang pilit pero inalipusta mo lang ang pagkatao ko! Ang kapal ng mukha mo!" Tuluyan nang nagdilim ang paningin ni Carol, nabulag na s’ya sa mga masasakit nitong salita. Hindi na n’ya mapigilan ang matinding poot at galit na kanina pa nag-uumalpas sa kan’yang puso! Ngunit malakas si John kaya nagawa nitong sipain si Carol dahilan para bumagsak ang babae sa sahig at mamilipit sa sakit. Sapo ni Carol ang kan’yang sinapupunan.
"Punyeta kang babae ka!" Sapo ni John ang duguang ulo. Bagaman nahihilo ay pinilit n’yang bumangon. Mariin n’yang kinuyom ang kamao. Galit na galit na s’ya at hindi na n’ya alam kung paano iyon pipigilan! Nilapitan n’ya si Carol at sinabunutan. Napasigaw naman ang babae dahil sa sakit. Kinaladkad n’ya itong bahagya ngunit pinaghahampas s’ya nito dahilan para mabitiwan n’ya ito. Ngunit mabilis n’ya itong nahawakan ulit tapos sinakal n’ya si Carol at dinuraan.
"Masakit ba?" Bahagyang inilapit ni John ang kan’yang mukha kay Carol.
"Gusto mo ulitin ko pa ang sinabi ko kanina para mas maramdaman mo?" Nagpumiglas si Carol kaya mas diniinan ni John ang pagkakasakal nito sa kan’ya dahilan para mag-apuhap ito ng hininga.
"Pangit ka kasi. Hindi magaling sa kama kaya ipinagpalit ng asawa!" Pagkatapos ay humalakhak si John, mga halakhak na may halong pang-iinsulto.
Tumulo ang luha sa mga mata ni Carol sa gitna ng paghihirap dulot nang pagkakasakal sa kan’ya ni John. Muli n’yang naalala ang lahat-lahat, ang dahilan kung bakit s’ya nasa gano'ng sitwasyon! Ang lahat-lahat bago ang tagpong iyon! Ang pagtataksil ng asawa n’yang si Jerome! Ang pang-iinsulto sa kan’ya ni John! Ang lahat-lahat ng masasama at masasakit nitong sinabi sa kan’ya! At ang poot, galit at pagseselos na kan’yang nadarama ang nagbigay ng lakas sa kan’ya upang labanan ang malalakas na bisig ni John.
Alam ni Carol na nanghihina na rin ang lalaki dahil sa dami ng dugo na nawala rito kaya sinamantala n’ya ‘yun. Nang maramdaman n’yang lumuwag ang pagkakasakal sa kan’ya ni John ay itunulak n’ya ito gamit ang buo n’yang lakas dahilan para tumihaya ito sa sahig, tapos nahagip ng mga mata ni Carol ang isang kutsilyo na nasa sahig— doon nabuo sa isipan n’ya ang isang malagim na balak!
Mabilis n’yang sinunggaban ang naturang patalim at walang pagdadalawang-isip na isinaksak sa dibdib ni John bago pa ito tuluyang makabangon. Malalim ang ulos na iyon at hindi pa nakontento doon si Carol. Pinaibabawan n’ya si John at muling isinaksak ang patalim sa dibdib nito. Hinugot n’ya iyon at muling inulit hanggang sa hindi na n’ya alam kung paano huminto. Umagos ang masaganang dugo sa sahig na mula sa patay na katawan ni John, na hinaluan ng mga luhang punong-puno ng pagkamuhi at kalungkutan na mula naman kay Carol.
At iyon ang eksenang gumitla at tumambad kay Rhia nang buksan nito ang hindi nakakandadong pinto ng apartment ng binata.
Nabitiwan ng babae ang bitbit na shoulder bag kaya nagkalat ang mga laman nu’n ngunit mabilis din naman n’yang iniligpit kahit na natataranta s’ya.
Napalunok-laway si Carol at napatingin sa hindi pamilyar na babae. Natauhan s’ya at binitiwan ang hawak na patalim. Nahindik s’ya sa nakitang anyo ni John.
Patay na ito, napatay na n’ya ito!
"Anong ginawa mo kay John?" Ngatal na wika ni Rhia. Pinuntahan n’ya ang lalaki sa apartment nito ngunit hindi n’ya akalain na ganitong tagpo ang kan’yang masasaksihan. Hindik na hindik s’ya sa nakikitang katayuan ng lalaking pakay!
Napaatras si Rhia nang gumalaw si Carol. At bago pa ito tuluyang makatayo ay nagtatakbo na palabas ng gusaling iyon ang takot na takot na si Rhia. Halos mahulog pa s’ya sa pagbaba sa hagdan at nang makarating sa labas ay mabilis s’yang sumakay sa kan’yang kotse at pinaandar iyon— kasabay noon ang pagdating naman ng sasakyan ni Jerome. Namukhaan kaagad ng nobelista na pagmamay-ari ni Rhia ang naturang kotseng kaaalis lamang. Kaya naisip n’ya na nagpunta na naman ito sa lugar na iyon para makita si John. Ano pa man ang dahilan nito ay hindi mahalaga sa kan’ya ngayon dahil ang importante ay makita n’ya si John.
Mabilis na bumaba si Jerome sa kan’yang kotse matapos maiparada iyon. Tiningala pa ng nobelista ang unit ni John at nakitang bukas ang ilaw nito tapos ay pumanaog s’ya. Hindi maintindihan ni Jerome kung bakit gano'n na lamang ang kabog ng kan’yang dibdib habang tinatahak ang daan patungo sa unit ni John. Hindi n’ya batid ngunit tila ginagapangan s’ya nang 'di maipaliwanag na takot at kilabot. Na parang isang bangungot ang naghihintay sa kan’ya sa oras na marating n’ya ang apartment nito.
At hindi nga s’ya nagkamali.
Dahil bumulaga kay Jerome ang karumaldumal na sinapit ni John sa mga kamay ng kan’yang pinakamamahal na asawa, si Carol, na lumuluha at duguang gitlang-gitla sa krimeng nagawa.
Napaawang ang bibig ng nobelista. Nanghina ang kan’yang tuhod at humilab ang kan’yang sikmura. Punong-puno ng dugo ang sahig kung saan nakahandusay ang bangkay ni John. At tadtad ito ng saksak sa dibdib na mula sa kutsilyong malapit sa kinaroroonan ni Carol.
Samantala, namukhaan naman ni Carol ang mister at napahagulgol s’ya. Nanginginig ang buo n’yang katawan at hindi n’ya alam ang gagawin. Mabilis namang pumasok si Jerome sa apartment ni John at isinara ang pinto saka n’ya dinaluhan ang asawa. Mahigpit naman s’yang n’yakap ni Carol.
"Jerome... H-hindi ko sinasadya. Hindi ko sinasadya!" Umiiyak na saad ni Carol habang nakayakap sa kan’yang asawa.
"Maniwala ka sa akin, Jerome. Pinagtanggol ko lang ang sarili ko, sinaktan n’ya ako!"
Inalo ni Jerome si Carol. Hinimas nito ang likod ng babae habang nakayakap. At sa unang pagkakataon ay nanangis ang nobelista. Hindi n’ya inaasahan na magagawang pumatay ng kan’yang asawa. Hindi n’ya naisip na kayang gawin iyon ng kan’yang pinakamamahal na si Carol!
"Shhh. Naniniwala ako sa ‘yo, Carol. Naniniwala ako sa ‘yo. Alam kong wala kang kasalanan dito." Saad ni Jerome. Kumalas s’ya sa pagkakayakap sa kan’yang misis at marahang pinisil ang pisngi nito. Awang-awa si Jerome kay Carol. Hindi pa n’ya nakitang ganito ito kamisrable sa buong buhay n’ya. Bakas sa anyo nito ang tinding sakit na nararamdaman.
"Patawarin mo ako, Carol. Patawarin mo ako." Mahinang usal ni Jerome dahilan para mapangiti si Carol. At muli n’yang n’yakap ang babae.
"Jerome, ayokong makulong. Ayokong..."
"Hindi ka makukulong. Hindi ako makakapayag na ikulong ka nila."
"Pero natatakot ako..."
"'Wag kang matakot. Hindi kita pababayaan." Hinarap ni Jerome ang asawa. Oo, hinding-hindi makakapayag si Jerome na pagbayaran ni Carol ang nagawa nitong pagpatay kay John sa kulungan. Hindi n’ya maaatim na sapitin iyon ng kan’yang pinakamamahal na asawa, bagaman aminado si Jerome na magulo pa ang lahat sa kan’yang isipan dahil sa nakabibiglang pangyayari.
"Maghugas ka ng kamay mo, Carol. Linisin mo ang sarili mo. Alisin mo ang dugo sa katawan mo, dali!"Utos n’ya rito. Napaawang naman ng bibig ni Carol. Kitang-kita n’ya ang pag-aalala sa mga mata ng kan’yang asawa ngunit bakas din dito ang hustong takot— takot sa maaaring sapitin n’ya sa kamay ng batas dahil sa nagawang krimen.
Akmang tatayo na si Carol habang inaalalayan ni Jerome nang biglang makaramdam nang pagsakit ng tiyan ang babae dahilan para mapasapo s’ya sa kan’yang sinapupunan. At gano'n na lamang ang gitla ni Carol nang Makita n’yang may dumadaloy na masaganang dugo sa kan’yang binti! Nagbalik sa gunita ni Carol iyong tagpo kung saan sa kalagitnaan ng kanilang pagbubuno ay sinipa ni John ang kan’yang sinapupunan.
"Jerome, ang anak natin!" Sigaw ni Carol dahilan para mapatingin naman si Jerome sa kan’ya. Hindi kaagad naka-imik ang nobelista dahil maging ito’y ginapangan ng matinding takot para sa kaligtasan ng sanggol na nasa dinadala ng kan’yang asawa.
"Jerome, ang anak natin, tulungan mo ang anak natin! Wag mo s’yang hayaang mamatay!”
***
HINDI na maalala ni Carol ang mga nangyari bago s’ya mawalan ng malay-tao. Ang huli n’yang natatandaan ay hindi magkamaayaw ang kan’yang mister na si Jerome para lang maisugod s’ya sa pinakamalapit na pagamutan upang sagipin ang kanilang anak na nasa kan’yang sinapupunan. Ramdam na ramdam ni Carol ang pagmamahal ng kan’yang asawa na matagal din simula nang huling ipinaramdam nito sa kan’ya. Nakakatawa nga lang kasi kailangan pang mangyari ang mga bagay na iyon upang muli s’yang mahalin nito tulad noon.
Hanggang sa makarating sila sa ospital, hawak ni Jerome nang mahigpit ang kan’yang kamay. Narinig n’ya na sinabi pa nitong hindi s’ya nito iiwan, dahilan upang labis na masiyahan ang kan’yang puso. Marahil, kung may magandang nangyari sa masalimuot na kaganapang iyon— iyon ay ang naramdaman ulit ni Carol na hindi s’ya nag-iisa.