NANGINGINIG ang mga kamay ni Carol ngunit nanatili pa rin s’yang alisto sa kan’yang paligid. Ngayon na lang ulit s’ya nakapagmaneho simula noong malaman n’yang nagdadalang-tao s’ya, bukod doon ay pinagbawalan din s’ya ng asawa na mag-drive at baka kung mapaano pa s’ya sa kalye. Ngunit ibang bagay itong nangyayari ngayon. Sapagkat ang asawa n’yang dati ay panay pag-aalala sa kan’ya ay umaaktong tila wala nang pakialam sa kan’ya ngayon. At labis s’yang nasasaktan sa ginagawa nito!
Pinunasan ni Carol ang luhang tumulo sa kan’yang mata, dahilan para hindi n’ya napansin ang tumawid na pusa sa kalsadang tinatahak n’ya. Mabuti na lang dahil agad n’yang naapakan ang preno. Pero mas nanginig ang buong katawan n’ya sa kamuntik na disgrasya. Napasapo s’ya sa kan’yang sinapupunan at umusal ng isang panalangin.
Muli n’yang pinaandar ang sasakyan ngunit sa pagkakataong ‘yun ay mas maingat na s’ya. Mabuti na lang hindi pa rin naman nawawala sa kan’yang paningin ang sinusundang kotse ng mister. Napalunok-laway si Carol, maswerte pa rin s’ya, sa isip-isip n’ya. Sa buong panahon ng pagsasama nila ni Jerome bilang mag-asawa ay 'di sumagi sa isip ni Carol na kaya ito madalas na nawawala ay baka nga totoo ang hinala ng kan’yang kaibigang si Elise na mayroong ginagawang milagro ang kan’yang mister. At anoman ang bagay na iyon, hindi man s’ya patnubayan ng langit ay pangangahasan n’yang alamin.
***
NAPAHIKAB si John. Nasa labas s’ya ng bar na kan’yang pinagtatrabahuan ng oras na iyon. Napatingin sa kan’yang wrist watch ang binata at pagkuwa'y naisip n’yang manigarilyo. Maingay sa loob ng bar, mga nagkakasiyahang tao, nagkakainuman din.
Ibinuga ng lalaki ang usok mula sa hinithit na sigarilyo at muling napatingin sa relo. Pasado alas dyis na ng gabi at nagsisimula na ring bumilog ang buwan sa madilim na kalangitan. Nagpasyang pumasok sa loob ng establisyimento si John. S’ya namang pagparada ng isang sasakyan sa 'di kalayuan.
***
PAGKALIPAS ng ilang minutong pagsunod sa sasakyan ni Jerome at pagtahak sa daang hindi pamilyar kay Carol ay nakita na lamang ng babae na nag-park ang kotseng minamaneho ng kan’yang asawa sa tapat ng isang maingay, malaki at mailaw na bar. Nagtiim-bagang si Carol mula sa pagmamatyag sa malayo. Ipinarada n’ya ang kotse sa kabilang bahagi ng kalsada at pinagmasdan ang naturang establisyemento. Ngayon lamang n’ya nakita ang lugar na iyon sa tanang buhay n’ya. At mas lalo s’yang 'di makapaniwala nang makita n’ya si Jerome na lumabas sa kotse at dire-diretsong nagtungo papasok sa naturang bar na iyon.
Muling kinain ng kaba at magkahalong pangamba at pandidiri si Carol. Lalo pa't kitang-kita n’ya ang ilang makamundong aktibidad ng ibang lumalabas galing doon. Hindi n’ya maisip kung bakit nagpunta sa lugar na iyon si Jerome. May katatagpuin ba ito doon? Kung gano'n ay sino? Ang babae ba nito? Tama ba s’ya na mayro'n itong kalantari?
Napakuyom ng kamao si Carol habang hawak ang manibela. Kung ano man ang makikita n’ya sa oras na lumabas sa bar na iyon ang asawa n’yang si Jerome ay kailangan n’yang maging handa. Kailangan n’yang maging matapang. Bagaman ang isang bahagi ng kan’yang puso ay nangungusap na sana ay mali ang kinatatakutan n’ya. Na walang iba ang kan’yang pinakamamahal na asawa. Dahil parang hindi n’ya kakayanin kung magkataon ngang may kabit ito.
Hanggang sa nanlaki ang mga mata ni Carol.
Hindi pa nagtatagal nang pumasok sa loob ng bar si Jerome ay nakita na n’ya itong lumabas. At hindi ito nag-iisa! Kinusot ni Carol ang mga mata upang mas malinaw na masipat kung sino ang posibleng kasama ng kan’yang mister. Nakita ni Carol na nakikipagtawanan si Jerome sa kasama nito. At gano'n na lamang ang pagkapanatag ni Carol nang mapagtanto na hindi babae ang kasama ng kan’yang mister, sa halip ay isang lalaki. Bagaman hindi ito kilala ni Carol ay inisip na lang n’ya na baka isa ito sa mga bagong kaibigan ni Jerome. Napangiti s’ya. Walang babae ang kan’yang asawa. Hindi nagtataksil si Jerome.
Nasa gano'ng damdamin si Carol nang muli ay nanlaki ang mga mata n’ya at napaawang ang kan’yang bibig. Patuloy pa rin n’yang minamanmanan ang asawa kasama ang hindi n’ya kilalang lalaki nang makita n’yang hinawakan ni Jerome ang kamay nito. Ayaw man n’yang mag-isip ng marumi pero batid n’yang hindi iyon simpleng paghawak, alam ni Carol sa kaibuturan ng kan’yang puso na kakaiba iyon. At mula sa kaninang nagtatawanan ay nakita ni Carol na may binulong si Jerome sa lalaki, na sinangayunan naman nito.
Bumaba ng hagdan ang dalawa na magkahawak-kamay at mistulang patungo sa nakaparadang sasakyan ni Jerome. Habang daan, kitang-kita ni Carol na pinisil ng kan’yang mister ang puwitan ng kasamang lalaki dahilan para gumanti rin ito ng pisil. Muling napaawang ang bibig ni Carol sa nasasaksihang paglalandian ng dalawa.
At mas hindi n’ya inaasahan ang susunod na makikita.
Nang marating na nina Jerome at ng kasama nitong lalaki ang kotse na pag-aari ng nobelista, bago tuluyang pumasok sa loob ay nakita ni Carol na tumigil muna sa gilid ang dalawa. Isinandal ni Jerome ang kasamang lalaki sa kan’yang kotse at hinaplos nito ang pisngi ng kaharap. Gano'n din naman ang ginawa ng lalaki, matamis itong ngumiti bago sinalubong ang labi ng nobelista. Malalim ang mga halik na iginawad nila sa isa't isa, tila uhaw na uhaw at punong-puno ng pananabik. Tumagal din ng ilang minuto ang mainit na halikang iyon sa pagitan ni Jerome at ng kasama nitong hindi kilalang lalaki bago napagpasyahan ng dalawa na pumasok na sa kotse.
Napasapo ng bibig si Carol. Hindi n’ya alam ang susunod na mangyayari at wala na s’yang balak na malaman pa iyon. Tahimik s’yang napahikbi habang sinusundan nang tingin ang papalayong kotse ng asawa. Nag-aalab ang kan’yang damdamin at kahit na anong sandali ay maaari itong sumabog dahil sa panibugho!
Magkahalong awa at pandidiri ang namayani sa kan’ya ng oras na iyon. Awa para sa kan’yang sarili at pandidiri para kay Jerome. Hindi n’ya maatim kung paano nasisikmura ng kan’yang pinakamamahal na asawa ang gano'ng uri ng kalapastanganan! Hindi n’ya maisip kung bakit nangyayari ang bagay na iyon sa kanilang relasyon? Saan ba s’ya nagkulang? Saan ba s’ya hindi naging sapat?
Binuhay ni Carol ang makina ng kan’yang sasakyan. Bagaman punong-puno pa rin s’ya ng galit at sariwa pa sa kan’yang isipan ang kaninang nasaksihan ay maingat pa rin s’yang nagmaneho pauwi. Ang tanging gusto lang n’ya ay makaalis sa lugar na iyon at makalimutan ang nakakadiring eksena kung saan ang pangunahing tauhan ay ang kan’yang pinakamamahal na asawa. Tuluyan na ring kumawala ang luha sa mga mata ni Carol. Hindi na n’ya alam kung ano ang dapat isipin.
Bakla ang kan’yang asawa? Bakla si Jerome?
Ngunit paano? Kailan pa? Wala s’yang ideya! Ni walang binanggit si Jerome bago sila magpakasal. At wala naman s’yang nararamdamang kakaiba sa kan’yang mister kung kaya't sobra talaga s’yang nagulat. Ngunit higit pa doo'y hindi n’ya matanggap na ipinagpalit s’ya nito sa isang lalaki!
Napahagulgol si Carol.
Itinabi muna n’ya sa gilid ng kalsada ang sasakyan saka umiyak. Umiyak s’ya nang umiyak habang pinaghahampas ang manibela. Samu't saring katanungan ang namuo sa isipan ni Carol. Hindi na ba s’ya sapat sa asawa kaya't naghanap ito ng iba? At sa isang lalaki pa? Gaano na ba ito katagal? Gaano na ba katagal iniiputan s’ya ng mister sa kan’yang ulo?
Mariing kinuyom ni Carol ang kamao.
Matinding pagkamuhi ang kan’yang nararamdaman. Pero bakit sa kabila ng lahat, bakit sa kabila ng lahat nang nangyari ay may bahagi pa rin sa puso n’ya kung saan nanatili ang pagmamahal para kay Jerome? Na kahit na nakagawa ito ng mabigat na kasalanan sa kan’ya at sa kanilang relasyon ay nakahanda pa rin ang bahagi na iyon na patawarin ang asawa kung sakali mang aminin nito ang kasalanan at humingi ng ikalawang pagkakataon?
Napahikbi si Carol. At muling nagmaneho pauwi. Alam n’yang kabobohan iyon at totoong nakakaawa s’ya subalit ang pagmamahal— ang pag-ibig na walang bahid dungis ang s’yang nangingibabaw sa kaloob-looban n’ya. Hindi n’ya maitatanggi na sa kabila ng itinuturing n’yang kalapastanganang nagawa ni Jerome sa kan’ya ay mahal na mahal pa rin n’ya ang asawa.
***
MAG-IIKA-ANIM na ng umaga, kinabukasan, nang marinig ni Carol ang pagparada ng sasakyan ni Jerome. Nasa kusina s’ya ng oras na iyon at abala sa paghahanda ng almusal nilang mag-asawa. Narinig ni Carol ang pagbukas ni Jerome ng pinto at ang mga yabag nito papasok sa bahay.
Pigil ang mga luha, nanginginig si Carol habang hawak ang kutsilyong ginagamit n’ya sa paghihiwa ng carrots. Ngunit sa kabila ng lahat ay pinili pa rin n’yang huminahon at umarte na parang ayos lang ang lahat. Binalingan ni Carol ang pinapakulong mainit na tubig. Hindi na n’ya inaasahang kakausapin s’ya ni Jerome ngunit gano'n na lamang ang gulat n’ya nang bigla s’ya nitong tanungin.
"May nangyari ba?" Napakainosente ng tanong na iyon ni Jerome na halos magpakulo sa dugo ni Carol. May nangyari? Mayroon! At mayroon kang hindi sinasabi sa akin, Jerome! Mga bagay na naglalaro sa isipan ni Carol na nais na sana n’yang pakawalan subalit tila umurong ang kan’yang dila, at sa halip na magsalita ay umiling na lang s’ya habang nakatalikod sa kan’yang asawa.
Ni hindi n’ya masikmura na makita ito sa ngayon dahil hindi n’ya alam kung ano ang posibleng mangyari. Ang isang bahagi n’ya ay gustong banlian ito ng kumukulong tubig dahil napakarumi nito. Tinatatagan lang n’ya ang kan’yang loob na 'wag mawala sa katinuan.
"Okay. Aalis ako ngayon. Dumaan lang ako para magbihis. At magpaalam." Saad ni Jerome saka ipinagpatuloy ang pagtahak paitaas.
Napakuyom naman ng kamao si Carol. Pagkapasok ng mister sa silid nila ay doon na s’ya napaiyak. Halo-halong damdamin ang namamayani sa kan’yang puso ng oras na iyon. Una na ang poot at galit. Panibugho at pagseselos. Pandidiri at awa sa sarili. Subalit sa kabila ng mga damdaming ito ay mas nananaig pa rin ang tinatawag nilang pag-ibig.
Oo, dahil ayaw komprontahin si Carol ang mister tungkol sa kan’yang nakita. Ang totoo ay natatakot s’ya at hindi n’ya tiyak ang maaaring kahinatnan ng lahat kung kaya't naisip n’yang sarilinin na lang muna ang nakakasuklam na katotohanang nalaman n’ya. Dahil sa ngayon, ‘yun lang ang mabisang paraan.
Ipinagpatuloy ni Carol ang pagluluto ng almusal hanggang sa makababa na si Jerome at muling umalis. Napabuntong-hininga s’ya nang isara nito ang pinto. At bagaman nanghihina s’ya mula sa pagkakatayo ay kailangan pa rin n’yang kumain ng marami kahit na mag-isa lamang s’ya.
***
TULAD NG MGA NAGDAANG GABI, maingay at mailaw na naman ang bar kung saan na nagtatrabaho si John. Abot-tenga ang ngiti ng binata dahil marami na naman s’yang parokyano at malakas ang pasok ng pera sa kan’ya.
Maya-maya, nakita ni John na pumasok sa bar ang isa n’yang kliyenteng babae. Naisip n’yang lapitan ito at landiin. At gaya nga ng inaasahan n’ya ay sabik na sabik ito kaagad nang makita s’ya, sa katunayan ay hinalikan s’ya kaagad nito sa labi, na tinugunan naman ng lalaki, mas malalim at mas matagal na halos ikahilo ng babae nang maghiwalay ang kanilang labi.
"Bakit ngayon lang kita nakita dito?" Naglalambing na saad ng naturang babae kay John, mestisahin, mahaba ang kulay brown nitong buhok at may mga magagandang pares ng mata. Naupo naman si John sa tabi nito at hinagkan ito.
"Sorry naman kasi naging busy lang ako sa ibang bagay. Pero nandito na ako sa tabi mo. Grabe, na-miss kita." Nakangiting wika ni John sabay halik sa expose na balikat ng babae, na ikinatuwa naman nito.
"Gusto mo ba ng maiinom?" Alok n’ya rito na agad din namang tinugunan nito.
"Mas gusto kita." Saad ng babae sabay hila kay John. Sinalubong naman ng binata ng halik ang uhaw na uhaw n’yang pagnanasa para dito.
Samantala, sa 'di kalayuan ay inis na inis na pinapanuod ni Rhia ang paglalandian ng dalawa. Halos mabasag na ng babae ang hawak babasaging baso sa tindi ng nararamdamang emosyon. Ang kapal talaga ng mukha ng lalaking ito, sa isip-isip ni Rhia. Pero mas makapal ang mukha ng bruhang babaeng ito para ahasin sa kan’ya si John!
Patuloy lamang ang mainit na halikan nina John at ng babae ng sandaling iyon. Tila wala silang pakialam sa ibang tao o sa kung sino ang nasa paligid nila. Sa gitna ng kanilang halikan, gumapang ang kamay ni John patungo sa tagiliran ng naturang babae dahilan para makiliti ito at ma-distract. Napangisi naman si John.
"Ang bango-bango mo talaga. Ang sarap mong amuyin at parang gusto kitang tikman." Bulong ni John sa naturang babae na ikinahagikhik naman nito. Pero bago pa maka-score si John ay pinigil s’ya ng babae, tumayo ito.
"Sandali lang, John, but I need to pee." Awat nito sa lalaki.
"Bumalik ka, ha? Hindi pa ako tapos sa iyo." Pagmamakaawa ni John sabay ang pagngiti ng maharot.
"Wait for me, I'll be right back." Mapanukso ang ngiti ng babae bago tuluyang humiwalay sa pagkakapulupot kay John. Nagpalinga-linga ito sa paligid at pagkuwa'y nagtungo sa ladies room. Iyon naman ang nakitang pagkakataon ni Rhia para sundan ang babae.
Pagdating sa ladies room ay kaagad na nagtungo sa isa sa mga bakanteng cubicle ang babae. Pagkalipas ng ilang sandali ay lumabas na ito at gano'n na lamang ang hindik nito ng sumalubong sa kan’ya ang nakatutok na baril ni Rhia. Iginala ng babae ang paningin sa kabuuan ng ladies room, walang ibang naroon kung hindi silang dalawa lang ni Rhia.
"Who the hell are you?" Bagaman natatakot ay nakuha pa ding magtanong ng babae.
"Layuan mo si John! 'Wag na 'wag mo na s’yang lalapitan!" Singhal ni Rhia. Mas itinutok pa nito ang baril sa babae.
"Wait! Kilala ba kita? At ano bang sinasabi mo na, what, layuan ko si John?"
"Hindi at oo kung ayaw mong pasabugin ko 'yang bungo mo!" Banta ulit ni Rhia. Pero imbes na matakot ng tuluyan ay natawa lang ang naturang babae. Mapangutya ang tawang iyon dahilan para magtaka si Rhia. Marahil, nababasa ng babae na puro pagbabanta lang naman ang kaya n’yang gawin at wala s’yang lakas ng loob na kalabitin ang gatilyo ng baril na hawak nito.
"Bakit, sino ka ba sa tingin mo? Girlfriend ka ba n’ya? Pag-aari mo ba si John? Hindi naman, 'di ba?" Sa totoo lang ay napaawang ang bibig ni Rhia dahil sa tanong na iyon ng babae. Hindi n’ya iyon inaasahan at hindi rin n’ya alam kung ano ang kan’yang isasagot. Napangiti naman ang babae nang mabanaag ang kahinaan kay Rhia.
"Kung ako sa ‘yo eh lumayas ka na sa daanan ko kung ayaw mong tumawag ako ng pulis at sa kulungan ka matulog ngayong gabi. Feelingera!" Marahas na tinapik ng babae ang kamay ni Rhia dahilan para mahulog ang baril sa sahig. Pagkatapos ay nagmartsa na ito palabas ng banyo.
Naiwan namang manghang-mangha si Rhia. Mabilis n’yang dinampot ang baril saka itinago sa loob ng kan’yang bag. Napakagat s’ya ng labi. Nag-e-echo pa rin sa kan’yang pandinig ang tanong na ‘yon ng bwisit na babae sa kan’ya kanina. Oo nga naman, ano ba s’ya ni John? Ano ba s’ya nito para umakto s’yang tila pag-aari n’ya ang lalaki? Minsan itong napasakanya ngunit tapos na iyon. Si John na ang nagsabi, matagal na silang wala.
Mariing kinuyom ni Rhia ang kamao. Hindi n’ya inaasahang mapapahiya s’ya ng gabing iyon. Plano na n’yang umalis sa nakakainis na lugar na iyon. May iba pa namang pagkakataon para komprontahin si John.
Pagkalabas ni Rhia sa ladies room ay mabilis n’yang tinungo ang daan para makalabas sa bar. At nang makarating na s’ya sa parking lot kung saan nakaparada ang kan’yang kotse ay s’ya namang pagparada ng isang kulay itim na Innova. Napukaw nu'n ang atensyon ni Rhia lalo pa nang bumaba doon ang isang babae, nakasuot ito ng itim na bestida at nakalugay ang hanggang balikat nitong buhok. Napakunot ang noo ni Rhia dahil namukhaan n’ya ito. Sinipat n’yang mabuti ang naturang babae na bakas sa hitsura ang pagdadalawang-isip, ngunit maya-maya ay nagdire-diresto na rin ito papasok sa bar kung saan s’ya lumabas.
Labis na ipinagtaka ni Rhia ang tagpong iyon sapagkat hindi n’ya alam kung bakit nasa lugar na iyon ang asawa ng kilalang nobelista na si Jerome San Diego— na walang iba kundi si Carol.
***
PAGKARAAN NG DALAWANG ARAW, sa isang coffee shop, mag-i-ikatlo ng hapon.
"Carol, okay ka lang ba talaga? Bakit parang balisa ka? Nag-aalala ako sa iyo. Sabihin mo may nangyari ba?" Tanong ni Elise sa kaibigang si Carol. Magkasama sila ng babae ng araw na iyon dahil nagyaya itong makipagkita sa kan’ya. At gano'n na lamang ang gulat n’ya nang makita ang malungkot nitong hitsura.
"Masama lang kasi ang pakiramdam ko this past pero okay na ako ngayon. Siguro epekto ng pagbubuntis." Malungkot na saad ni Carol. Ang totoo n’yan, pinilit lang n’ya ang sarili na lumabas sa bahay nila ngayong araw dahil pakiramdam n’ya ay masisiraan s’ya ng ulo kapag nanatili pa doon ng matagal. Hinawakan ni Elise ang kamay ni Carol, bahagya pa ngang nagulat ang babae ngunit ngumiti din pagkatapos.
"Thank you sa pakikipagkita, Elise." Napangiti naman si Elise.
"Ikaw naman, wala ‘yon! Magkaibigan tayo, 'di ba?" Tumango naman si Carol. Pinisil ni Elise ang kamay ng kaibigan saka muling nagtanong.
“Si Jerome, umalis na naman ba?" Hindi alam ni Carol ngunit nakaramdam s’ya nang paninikip ng dibdib nang marinig ang ngalan ng asawa, ngunit hindi n’ya iyon masyadong ininda saka tinugunan din ang tanong ng kaibigan.
"Oo. Busy s’ya sa pagsusulat." Matipid n’yang saad. Nakumbinsi naman si Elise, binitiwan nito ang kamay n’ya at binalingan ang iniinom na kape.
"Alam mo ang swerte talaga ni Jerome sa iyo, 'no?" Biglang saad ni Elise, napatingin naman sa kan’ya si Carol. Mga tinging nagtatanong.
"Ang haba ng pasens’ya mo sa kan’ya at sa trabaho n’ya. Napaka maintindihin mo, Carol! Bibihira na lang ang gan’yang babae sa panahon natin ngayon, 'yon bang masyadong tiwala sa asawa nila.” Ramdam ni Carol na walang halong pambobola ang mga sinabing iyon ni Elise, kaya bahagya s’yang napatango bilang pagsang-ayon. At napangiti, ngunit isang malungkot na ngiti na 'di naman nahalata ni Elise.
"Mahal na mahal ko si Jerome, Elise. At hindi ko alam ang gagawin ko kung sakaling mawala s’ya sa akin."
"Paano mo naman nasabi iyon?" Nagtatakang tanong ni Elise. Palibhasa, napukaw ang babae sa tinuran ng kaibigan.
"May hindi ka ba nababanggit sa 'kin, Carol?"
"Wala naman. Siguro ay nami-miss ko lang si Jerome. Pasensya ka na." Natawa naman si Elise, nakumbinsi sa sinabi ni Carol at hindi na nagtanong pa ng kasunod, sa halip ay in-enjoy na lang nila ang kanilang mga inumin.
Napanatag naman si Carol, pansamantala. Tahimik s’yang napatingin sa labas ng coffee shop. Pakiramdam n’ya ay unti-unting bumabagal ang oras, gayon din ang mga kaganapan sa labas. Ipinikit ni Carol ang mga mata. At ninamnam ang awiting "How Deep Is Your Love" ng bandang Bee Gees na nangingibabaw sa lugar na iyon. Gayon din ang pait ng kinakain n’yang chocolate cake.
Pakiwari ni Carol ay dahan-dahang nahuhulog ang lahat sa kan’yang mga kamay. At para bang kaya na n’ya itong kontrolin. Muli n'yang idinilat ang mga mata at mabilis na babalik sa kan’yang gunita ang lahat-lahat. Ang katotohanang nasaksikhan mismo ng kanyang mga mata sa bar na ‘yun. Ang sikreto ng kan’yang pinakamamahal na asawa na gabi-gabi'y laman ng kan’yang mga bangungot. Ang malamig na pakikitungo sa kan’ya ni Jerome. Ang sakit, ang lahat ng sakit na nararamdaman n'ya hanggang ngayon.