Chapter 4

2527 Words
NANG ARAW ding iyon bandang mag-iika'tlo at kalahati ng hapon, sa opisina ni Rhia. Nakapikit ang mga mata at ninanamnam ng babae ang iniinom na alak nang biglang pumasok sa kan'yang opisina ang kaibigang si Lexa. Matangkad ito, mestisahin at mayro'ng kulay mais na buhok. Napadilat si Rhia at masamang tiningnan ang may sa bastos na kaibigan. At palibhasa, hindi n'ya inaasahan ang pagdating nito sa kan'yang opisina. Ang alam n'ya kasi ay nasa States ito o kung nasa'n mang sulok ng mundo. "The hell are you doing here?" Sa gulat ni Rhia ay iyon ang pambungad na tanong n'ya, dahilan para sarkastikong matawa si Lexa. Sumalampak muna ito sa sofa at nag-de kwatro, ninamnam ang aircon sa opisina n'ya bago binalingan si Rhia at ang iniinom nito. "Are you okay? Too early for a drink, huh?" Natatawa nitong saad. Inirapan naman s'ya ni Rhia. "Wala kang paki." Wika ni Rhia saka nilagok ang champagne. Tumayo ito mula sa pagkakaupo sa kan'yang shivel chair at nagtungo sa cabinet kung saan nakalagay ang kan'yang koleksyon ng mga mamahaling alak. "Want some?" Alok n'ya kay Lexa. "Dry martini." Sabi ni Lexa. "Well, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. May nangyari ba? Wait, let me guess..." Mapanuksong wika ni Lexa. Tiningnan naman s'ya ng masama ni Rhia habang nagsasalin ng kanilang inumin. "Dahil ba kay John kaya parang pang-best actress na naman ang drama mo sa buhay?" Tanong ni Lexa sa kaibigan matapos abutin ang inihanda nitong inumin. "Sort of. Nagpunta ako sa apartment n'ya kahapon." Pag-amin n'ya kay Lexa dahilan para muntik maibuga ng babae ang iniinom na martini. Napailing naman si Rhia at naupo sabay de kwatro. She at ease herself. "What? Doon sa mabaho, makalat..." "Name it." "...masikip at nakakadiri n'yang apartment?" "You heard me, right?" Hindi na napigil ni Lexa ang emosyon at napatayo sa upuan. Nilagok nito ang inumin hanggang maubos at inilagay ang wine glass sa table ni Rhia saka pinamewangan ang tila walang pakeng kaibigan. "Are you crazy? Why? Bakit ka nagpunta sa lugar na iyon? Ikaw lang mag-isa?" Tumango si Rhia bilang pagsang-ayon. "Wow! Bilib din ako sa iyo, e! Pasalamat ka't buhay ka pa rin until now." Natawa naman si Rhia sa reaksyon ni Lexa. Ito na talaga ang pinaka-overacting sa lahat ng overacting n'yang kaibigan. Napakarami nitong enerhiya sa katawan para mag-react ng bonggang-bongga sa mga bagay-bagay na hindi naman kailangan ng gano'ng uri ng reaksyon. "I'm fine. Mag-isa lang naman si John sa apartment n'ya." Alam ni Lexa ang tungkol kay John kasi nabanggit ito ni Rhia sa kan'ya since she laid eyes on him. Rhia and Lexa are bestfriends and partner-in-crime, pareho silang mahilig sa mga kung bansagan nila ay 'toys' at madalas ay alam ng isa't-isa kung mayroon silang bagong pinagkakaabalahan o pinaglalaruan. At alam din ni Lexa ang kabuan ng istorya nina Rhia at John, ang tungkol sa kalokohan n'yang kasunduan dito at hanggang sa kabaliwang damdamin nito para sa lalaki. "Hindi ko in-expect na ang bestfriend ko, ang CEO na tulad mo, mayaman, maganda, matalino ay maghahabol lamang sa isang tulad ni John! My gosh!" Saad ni Lexa sabay irap kay Rhia, na nagkibit-balikat lang. Napailing na lang si Lexa. She knows Rhia as far as she knows herself, very well. Alam n'yang kapag may ginusto ito ay nakukuha nito. At kung hindi man ay gagawin pa rin nito ang lahat para makuha lang iyon. Sa kanilang dalawa, ito ang may kasing lakas ng dragon na fighting spirit. Hindi na iyon bago dahil kitang-kita naman ang ebidensya sa mga achievements nito sa buhay at sa negosyo. Ang hindi lang maunawaan ni Lexa ay ang obsession ng kaibigan para kay John. Kilala n'ya ang lalaki. Nakita na n'ya ito not just once or twice but many times. Kasama s'ya ni Rhia sa mga pang-i-stalk nito sa lalaki at naging taga-awat na rin ng kaibigan tuwing gagawa ito ng eksena sa bar na pinagtatrabahuan ni John. Natatakot lang s'ya para sa kaligtasan ng kaibigan kung ipagpapatuloy pa nito ang pangungulit sa lalaki. Alam ni Lexa na baka kapag napuno na si John ay masaktan na lang nito si Rhia. O ang malala pa du'n ay baka mapatay nito ang kaibigan n'yang ubod tigas ng ulo at kulit. "Hindi pa ako tapos sa kan'ya, Lexa." Bakas ang galit sa tono ng boses ni Rhia. Bumalik na naman sa alaala ng babae ang senaryo noong nakaraang araw kung saan nagawa s'yang itulak at saktan ni John. Namuo na namang muli ang galit sa kan'yang dibdib para sa lalaki. Napalunok laway naman si Lexa dahil sa sinabi ni Rhia. Batid ng babae na seryoso iyon at walang halong pagkukunwari. "Anong plano mong gawin?" Napangiti si Rhia sa tanong na iyon ng kaibigan, saka n'ya nilabas n'ya ang tinatagong baril sa bag. Nanlaki naman ang mga mata ni Lexa. "Jesus Christ, rehistrado ba 'yan?" Usal ni Lexa. "Of course, gaga." "Are you out of your mind?" "Relax, tatakutin ko lang s'ya. Sana lang hindi n'ya ako galitin para 'di ko makalabit itong gatilyo." Nakangiting wika ni Rhia. Unti-unting nabibigyang daan ang planong iyon sa kan'yang isipan. Bakas sa kan'yang mukha ang pananabik. "Feeling ko hindi magandang ideya 'yan. Baka mapahamak ka." Saad ni Lexa. Napangiti naman si Rhia saka muling sinalinan ng martini ang baso ng kaibigan. "Masyado ka namang tense. Kalmahan mo lang at uminom ka pa. Cheers?" "Baliw." *** KINAGABIHAN, sa bahay ng mga San Diego. "Uy, okay ka lang ba talaga? Nag-aalala na ako sa iyo, eh." Saad ni Elise sa kabilang linya. Nang gabing iyon ay naisip ni Carol na tawagan ang kaibigan upang may makausap. Hindi s'ya nagkuwento ng tungkol sa inasal ni Jerome sa kan'ya kaninang umaga dahil naniniwala si Carol na iyon ay sa pagitan na lamang nilang mag-asawa. Gusto lang n'yang may makausap lalo't maghapon na s'yang nag-iisa sa malaking bahay nila. Ngunit kahit ano sigurong tatag ni Carol na 'wag magpahalata sa kaibigan na mayro'n s'yang dinaramdam ay tila napakatraidor ng kan'yang boses. Ni hindi nga n'ya napigilan ang sarili na maluha in between their conversation, lalo pa't naalala na naman ni Carol ang nangyari. "Sorry, Elise, masyado lang siguro akong emosyonal." Natatawang saad ni Carol saka pinunasan ang mga luha. "Okay? Pero hindi naman nakakaiyak iyong kinukuwento ko para maiyak ka, Carol. Sigurado ka ba talaga na okay ka lang?" Nag-aalalang tanong ni Elise. Inayos naman ni Carol ang sarili. "Of course, I am. Ganito siguro kapag buntis. Mabilis maiyak." Kalokohan, sa isip n'ya. "Maiba tayo, umuwi na ba d'yan si Jerome?" Tanong ni Elise. Napakagat naman ng labi si Carol bago sumagot. Kinomportable muna n'ya ang sarili sa pagkakaupo. "Oo naman, kagabi. Dito s'ya natulog. At kaninang umaga eh pinagluto ko s'ya ng masarap na almusal tapos nagustuhan n'ya 'yun.Pigil ang mga luha ni Carol nang sabihin ang kasinungalingang iyon. Ano bang kabaliwan ang naisip n'ya at nagawa n'yang gumawa ng kuwento na kabaliktaran sa totoong nangyari sa kanilang engkwentro ng mister kaninang umaga? "Mabuti naman kung gano'n. Malapit na kasi akong mag-hire ng private detective para pamanmanan iyang mister mo. Pero siyempre biro lang iyon. Pinapatawa lang kita. Glad, he's back to his senses." Natawa naman si Carol dahil sa sinabi ng kaibigan. Puro talaga ito kalokohan. Nasa gano'n silang eksena nang makarinig ng ingay sila ng ingay mula sa labas. Mabilis n'yang sinilip sa bintana kung saan ito nagmumula at nakita n'ya ang pag-garahe ng kotse ni Jerome sa ibaba. Laking tuwa n'ya 'pagkat hindi naman inaasahan ni Carol ang pag-uwi ng mister. "Si Jerome ba 'yon?" Tanong ni Elise sa kabilang linya. "Oo, Elise. Nandito na si Jerome." Nakangiting saad ni Carol. "Okay, sige. Ibababa ko na. Mabuti na lang dumating na s'ya. Ikumusta mo na lang ako sa kan'ya, 'kay?" Habilin ni Elise, na tinugunan naman nang pagsang-ayon ni Carol. Mabilis na ibinaba ni Carol ang telepono at lumabas sa kuwarto. Nakita kaagad n'ya ang kapapasok pa lang sa bahay na si Jerome. Nagdire-diretso ito sa pag-akyat sa hagdan. Nakangiting sinalubong at hinagkan ni Carol ang asawa ngunit bago pa lumapat ang labi ng babae sa pisngi ng kan'yang mister ay umilag na si Jerome, bagay na hustong ikinabigla ni Carol. Sinalubong ng babae ang malamig na tingin ng asawa. Punong-puno s'ya ng pagtatanong sa kan'yang mga mata tungkol sa inakto ngayon-ngayon lamang ni Jerome. "Sorry pero wala ako sa mood." Malamig pa sa hangin na wika ni Jerome bago ito tumuloy sa kuwarto nilang mag-asawa para magpalit ng panibagong damit panlakad. Nagsimula itong maghanap ng maisusuot sa cabinet bagay na pinagtakhan ni Carol. "Aalis ka?" Mangiyak-ngiyak na tanong ni Carol sa asawa, ngunit ni katiting na sagot ay wala s'yang narinig mula sa lalaki. Ipinagpatuloy lamang ni Jerome ang ginagawang paghahanap ng damit na pamalit. At nang makahanap ito ay wala rin itong pagdadalawang isip na nagbihis sa kan'yang harapan. Pakiramdam ni Carol ay hindi s'ya nag-e-exist sa paningin ng kan'yang asawa, at hindi na n'ya iyon nagugustuhan! "Jerome, hindi mo pa ako sinasagot. Aalis ka? Saan ka pupunta dis oras na ng gabi?" Napabuntong hininga si Jerome ngunit wala pa ring narinig na sagot mula sa kan'ya si Carol. Hanggang sa nilapitan na ni Carol ang mister na abala sa pagbu-butones ng suot nitong long sleeve. Desperada na s'ya. "May problem ba tayo? Kung mayroon eh puede naman nating pag-usapan, 'di ba? Hindi iyong ganito. Hindi ko alam kung bakit ka nagkakaganyan..." Patuloy sa pagsasalita si Carol habang pinagmamasdan ang asawa na parang hindi naman s'ya naririnig. Nananadya ba ito? Hanggang sa matapos na ni Jerome ang pagbu-butones sa kan'yang damit ay sunod na naghanap naman ito ng magagamit na neck tie. At nang makahanap ng babagay sa kan'yang kasuotan ay ibinuhol na n'ya 'yun sa kan'yang leeg. "Nakikinig ka ba, Jerome? Ano bang problema mo?" Tumaas na ang tono ng boses ni Carol. Naiinis na kasi s'ya sa nangyayari sa kan'yang asawa. May problema ba ito? Hindi na s'ya natutuwa sa kalokohan nito! "Jerome, ang sabi ko ay kung may problema ba tayo? May hindi ba ako alam?" Napatigil si Carol sa pagsasalita nang makaramdam s'ya nang pagsakit ng kan'yang tiyan. Nakita naman n'yang napatingin sa kan'ya si Jerome ngunit sandali lamang iyon. Wala pa nga iyong isang minute bago ito nagbadyang lumabas sa kanilang kuwarto. Binalewala naman ni Carol ang sakit na naramdaman saka hinabol ang mister. "Sabi ko sandali lang!" Sigaw ni Carol. Napahinto sa paglabas ng silid si Jerome. Sinamantala naman iyon ng babae para komprontahin ang asawa. Hindi na n'ya nagugustuhan ang ginagawa nitong pagbibingi-bingihan. Kailangang may gawin na s'yang aksyon. "Jerome, ano 'to? Bakit nagkakaganyan ka? May problema ka ba? At kung mayroon nga bakit hindi mo sinasabi? Ako ang asawa mo, 'di ba?" Nangilid na ang luha sa mga mata ni Carol. Aminado s'ya na hindi s'ya gano'n katapang emotionally lalo na sa mga ganitong mabibigat na bagay. Pero nagpakatatag pa rin s'ya. "At saan ka pupunta? Tungkol pa rin ba sa trabaho 'yang pupuntahan mo? Jerome, ano ba? Magsalita ka naman! Kasi alam mo malapit na akong mabaliw sa kakaiisip kung ano ba talaga ang nangyayari sa 'yo!" Sapo ang sumasakit na sinapupunan ay dahan-dahang naglakad si Carol papalapit kay Jerome. Naghihintay s'ya na magsalita ito. Na magsabi ito ng nararamdaman nito. Tinangkang hawakan ni Carol ang mister, ngunit bago pa dumampi sa braso ni Jerome ang kamay n'ya ay humakbang ito pasulong. Muntik nang mabuwal sa pagkakatayo si Carol, mabuti na lang ay mabilis n'yang naikapit sa pinto ang kaliwa n'yang kamay. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Jerome saka nilingon ang asawa. Minasdan n'ya si Carol mula ulo hanggang paa, isang malamig na titig dahilan para manginig ang kalamnan ni Carol. "Wala kang..." Nagbadyang kumawala ang luha sa mga mata ni Carol habang pinagmamasdan ang pagbuka ng bibig ni Jerome para magsalita. "...pakialam." Malamig pa sa simoy ng hangin ng gabi na sabi nito bago ipinagpatuloy ang paglakad. At iyon na nga ang naging hudyat upang tuluyan nang kumawala ang luha na kanina pa nag-uumalpas sa mga mata ni Carol. Naiwan s'yang kulang na lang ay panawan ng lakas. Ni hindi na n'ya kinayang suportahan ng mga nanginginig na tuhod kaya tuluyan na s'yang nabuwal. Napaupo s'ya sa sahig at pinanood ang paglabas ng pinto ng kan'yang asawa. Hanggang sa tuluyan na itong mawala sa kan'yang paningin. Nanginginig ang mga kamay ni Carol. Ni hindi n'ya alam kung anong mararamdaman n'ya. Galit ba? Lungkot? Mangha? Kung panaginip lang ito, nakikiusap s'ya sa Diyos na gisingin na s'ya mula sa bangungot na ito. Dahil hindi na n'ya kaya. Hindi n'ya pinaghandaan ang ganitong uri ng nakakapanginig-laman na pakiramdam dahil sa trato sa kan'ya ni Jerome. Napahagulhol si Carol. Sumigaw s'ya habang tumatangis. Mariin n'yang kinuyom ang mga kamao. Ano ba ang kasalanan n'ya? Mayro'n nga ba s'yang nagawang mali para iparamdam sa kan'ya ni Jerome, ng sarili n'yang asawa, ang napakasakit na damdaming iyon? Hindi n'ya kontrolado ang tinatakbo ng isip ni Jerome, ni hindi nga n'ya mahulaan ang mga susunod nitong gagawin. Hindi rin naman ito nagsasabi kaya hustong nahihirapan si Carol. Napatigil sa paghikbi ang babae nang mabigyang-daan sa kan'yang isipan ang bagay na ikinatatakot n'ya. Ang bagay na posibleng dahilan kung bakit gano'n na lamang ang inaasal ng kan'yang asawa. Posible kayang may ibang bagay na sangkot dito? O, tao? Na hindi totoong tungkol lang ito sa trabaho ng mister n'ya? Posible kayang may ibang babae ang kan'yang asawa? At ito ang dahilan kung bakit bigla na lamang itong nanlamig sa pakikitungo nito sa kan'ya? Napakagat ng pang-ibabang labi si Carol. Ayaw n'ya nais bigyan ng puwang sa kan'yang isip ang gano'ng uri ng kabaliwan! Ni sa hinagap ay hindi n'ya inakala na maaaring magkaro'n ng lamat ang kanilang relasyon ni Jerome. Ni hindi n'ya naisip na maaaring magloko ang kan'yang pinakamamahal na asawa. Labis-labis ang iniuukol n'yang tiwala rito bukod doon ay magkakaro'n na sila ng anak. Mabubuo na ang kanilang pamilya, kaya lalong hindi maintindihan ni Carol kung bakit kailangan pang masira ng lahat! Mahal na mahal n'ya si Jerome. Mahal na mahal n'ya ang asawa higit pa sa sarili n'ya. At kung totoo man na may ibang babaeng namamagitan sa kanilang mag-asawa ay hindi n'ya iyon hahayaan. Pinunasan ni Carol ang luha at inalalayan ang sarili para makatayo. Hindi s'ya maaaring maging mahina lalo pa sa pagkakataong ito. Kailangan n'yang tulungan ang sarili at maging matapang. Mas matapang! Narinig ni Carol na binuhay ni Jerome ang makina ng sasakyan nito. Kaya isang plano ang nabuo sa isipan n'ya. Nagtungo s'ya sa kanilang silid at mabilis s'yang naghanap ng damit-panlamig at isinuot iyon. Kinuha rin n'ya ang kan'yang bag na naglalaman ng kan'yang wallet, cellphone at susi ng kotse. Bago lumabas sa kanilang kuwarto ay sinilip muna n'ya sa bintana kung nakaalis na ba ang kotse na minamaneho ni Jerome, na nagkataon namang kalalabas lamang sa kanilang garahe. Hindi na nagdalawang-isip si Carol. Maingat s'yang bumaba sa hagdan at sumakay sa sariling sasakyan. Pinaandar n'ya ang makina saka inatras ito at nang makabuwelo ay sinundan ang daan na tinahak ng kan'yang asawa. Sa pagkakataong iyon ay iisa lamang ang layon ng utak Carol, ang malaman ang totoo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD