IKA-SIYAM ng gabi, dalawang araw na ang nakakalipas.
Kinapa ni John ang lata ng beer na nasa gilid n’ya at tinungga iyon. Ngunit wala na itong laman kaya bahagyang nainis ang binata. Wala s’yang trabaho sa bar ng buong araw kaya nasa apartment lang s’ya maghapon at inaabala ang sarili sa paglalaro ng online games. Tinanaw ni John ang ilang bote ng beer sa kan’yang tabi at nagbakasakali na mayro'n pang may laman sa mga iyon ngunit lahat ay ubos na, kung kaya sa ayaw man n’ya at sa gusto ay kailangan n’yang itigil pansamantala ang ginagawa para kumuha ng another set of beer in can sa ref. At iyon nga ang kan’yang ginawa.
Tumayo s’ya mula sa pasalampak na pagkakaupo at ibinaba sa makalat na receiving table ang kan’yang laptop saka nagpunta sa kinaroroonan ng kan’yang refregirator. Walang pang-itaas na damit ang lalaki at naka-boxer shorts lamang. Nagkalat din sa studio type apartment n’ya ang kan’yang damit at ibang gamit, bote ng beer, balat ng junkfood at noodles in cup na maghapon n’yang kinakain.
"Bwisit naman!" Singhal ni John nang mapagtanto na wala ng kahit ano sa kan’yang refregirator, liban sa lata ng sardinas na malapit nang ma-expired. Hindi n’ya namalayan na naubos na pala ang kan’yang supplies kaya napagpasyahan n’yang pumunta sa pinakmalapit na convenient store.
Mabilis na nagsuot ng pantalon ang lalaki at kupas na t-shirt. In-off muna n’ya ang kan’yang laptop saka kinuha ang wallet at susi ng apartment saka s’ya nagpunta sa pintuan para lumabas. Nang hahawakan na ni John ang doorknob ay bigla namang may pumihit nito mula sa labas at itinulak ang pinto sa kan’yang direksyon dahilan para mauntog ‘yun sa noo ang lalaki. Napaatras si John at napamura sa sakit. Ngunit mas ikinagulat n’ya nang iluwa no'n si Rhia na namumula sa galit.
"Hayup ka, John!" Bungad sa kan’ya ni Rhia matapos nitong pumasok sa loob ng apartment ng lalaki.
"Ang kapal ng mukha mong ulupong ka!" Hindi na napigilan ni Rhia ang sariling emosyon at pinagpapalo ang gulat na gulat na lalaki.
"Ano ba? Tigilan mo nga ‘yan!" Singhal ni John habang sinasalag ang mga hampas ng babae.
Tinigilan naman ni Rhia ang ginagawang pamamalo sa lalaki dahil bahagya na rin s’yang hinapo. Kitang-kita n’ya na namumula naman sa galit si John. Kunsabagay, hindi inaasahan ng lalaki ang pagdating ni Rhia at ang pananakit nito sa kan’ya.
"Ano bang ginagawa mo? Nababaliw ka na ba talaga, Rhia? Trespassing ka na nga tapos nananakit ka pa?" Bwelta n’ya rito. Hindi naman kinakitaan ng pagkatinag ang babae.
"This is my place, not yours! Ako ang nagbayad ng renta mo rito. May karapatan akong pumunta dito kung kailan ko gusto, John!"
Sarkastikong natawa si John bagaman inaasahan na n’ya na ipapamukha na naman sa kan’ya ni Rhia na ito ang nagbayad ng apartment n’ya sa mga nakaraang buwan at nag-deposito pa nga ng malaking halaga ang dalaga para sa advance p*****t. Pero wala pa rin s’yang pakialam.
"Bakit ka nandito? Ano bang kailangan mong lintik ka?"
"Nandito ako para kunin ang akin. At para pagbayarin ka sa mga utang mo!"
"Putangina, Rhia! Ano’ng pagbayarin ng utang ang pinagsasabi mo d’yan?!” Nag-init na ang ulo ni John. Ayaw na ayaw n’yang nakakarinig ng tungkol sa pagbabayad ng utang kaya bahagyang tumaas ang kan’yang boses at nakita n’yang napaatras si Rhia.
"At nagkaro'n ka na rin pala ng amnesia, ha? Ano pa nga ba? Eh, 'di iyong mga pera na binigay ko sa ‘yo! Akin na ang bayad mo. Akin na!" Kung galit si John ay mas galit si Rhia. Kung tutuusin, s’ya ang mas may karapatang magalit sa kanilang dalawa dahil s’ya ang nalugi.
Nakilala ni Rhia si John nang minsan s’yang pumunta sa bar kung saan ito nagtatrabaho. Gwapo ang lalaki at naagaw kaagad nito ang atensyon n’ya ngunit alam n’yang isa itong bayaran kaya para pansamantalang mapasa kan’ya ang lalaki ay tinapatan n’ya ng salapi ang serbisyo nito. Pero hindi nagtapos sa isang gabi ang pakikipag-ugnayan n’ya rito at para patuloy na masolo ang lalaki ay binigyan ito ni Rhia ng mga mamahaling regalo, mga damit, gadget at ultimo sasakyan. Ang tanging hangad lang n’ya ay maging pag-aari ang lalaki at gagawin nito kung anoman ang gusto n’yang ipagawa dito kaya naman nakipagkasundo s’ya rito.
Noong umpisa ay tumutupad si John sa kanilang kasunduan ngunit kalaunan ay naramdaman na lamang ni Rhia na tila pinagtataguan na s’ya nito. At hindi iyon makatarungan para sa kan’ya! Napakalaking kahunghangan iyon para kay Rhia gayong hindi din naman biro ang perang pinuhunan n’ya para mapasa kan’ya lang si John. Kaya kahit magmukha s’yang tanga kahahabol dito ay gagawin n’ya mabawi lamang n’ya ang dapat na sa kan’ya! Sa kabilang banda, hindi tiyak ni Rhia kung ang perang pinuhunan n’ya ang gusto n’yang mabawi o si John mismo at ang atensyon nito sa kanya noon.
Umakma si John na susuntukin si Rhia ngunit sa halip na sa babae ay ang pinto ang kan’yang sinuntok. Nanggigigil na talaga s’ya sa inaasal nito at sa pagiging desperada nito.
"Rhia, umalis ka na bago pa kita masaktan. Alis na!" Singhal n’ya rito sabay ang pagtataboy, pero matigas ang ulo ng babae.
"Hindi ako aalis dito hangga't hindi ko nakukuha ang bayad mo!" Giit pa rin ng babae na labis na ikinainis ni Johh. Galit s’yang na napakamot sa kan’yang ulo na halos ikatuklap ng anit n’ya.
"Ano bang bayad ang sinasabi mong lintik ka? Siraulo ka na, 'no?" Mariing hinawakan ni John si Rhia sa braso at kinaladkad palabas ng kan’yang apartment.
"Anong gagawin mo sa aking hudas ka? Bitiwan mo ‘ko! Tatawag ako ng pulis! Ano ba?" Sigaw ni Rhia. Ngunit tila walang naririnig si John at patuloy pa rin ito sa pagkaladkad sa kan’ya. Sa totoo lang ay nagtatapang-tapangan lang naman talaga s’ya at natatakot pa rin sa kung anong maaaring gawin sa kan’ya ng lalaki.
Hanggang sa makarating na sila sa dulong bahagi ng pasilyo ng gusaling iyon kung saan isinandal s’ya ni John sa pader at ikinulong sa mga bisig nito. Abo't langit naman ang kaba ni Rhia. Wala s’yang ideya sa planong gawin sa kan’ya ni John lalo pa't tila galit na galit ito dahil sa panggugulo n’ya, bukod doo'y amoy-alak din ito.
"A-anong gagawin mo sa 'kin, John? Binabalaan kita, sa oras na may gawin kang hindi maganda sa akin sinusigurado kong mabubulok ka sa bilangguan!" Banta n’ya rito.
Natawa naman si John saka dumura.
"Umalis ka na at 'wag na 'wag ka nang babalik sa lugar kong babae ka! Pag hindi ako nakapagpigil baka mabali ko na ‘yang leeg mo! Saka ano pa bang gusto mo sa akin, ha? Iyong bayad ko 'ka mo? Eh, 'di ba, kinuha mo na nga iyong kotse ko at itinigil mo na rin ang pagbabayad sa apartment ko? Kinuha mo na rin iyong mga binigay mong mamahaling damit, relo at gadgets kaya ano pa ba ang gusto mo?" Nag-isip si John at may mare-realize s’ya.
"Gusto mong bayaran ko pati iyong mga ginastos mo sa akin? Tama ba? Para sabihin ko sa ‘yo hindi ko hiningi ang lahat ng ibinigay mo. Kusang loob mong ibinigay sa akin ang mga bagay na iyon. Kung tutuusin nga ay akin na ‘yon at wala ka ng karapatang bawiin pa!” Napakagat-labi si Rhia dahil sa sinabi ng lalaki na kung tutuusin ay totoo naman. Wala itong hiningi sa kan’yang kahit na singkong duling dahil s’ya mismo ang nagbigay ng mga materyal na bagay na iyon ng kusang loob.
Nang walang makuhang sagot mula sa babae ay marahas na napabuntong-hininga si John at pinakawalan si Rhia. Kinapa ng binata ang bulsa ng pantalon at nakuha doon ang isang sigarilyo, na mabilis n’yang sinindihan gamit ang lighter na nasa bulsa din n’ya. Hinithit n’ya iyon at ibinuga ang usok kay Rhia. Matalim n’ya itong tinitigan mula ulo hanggang paa.
Totoong napakaganda ni Rhia. Hinding-hindi makakalimutan ni John iyong unang beses na nakita n’ya ang babae sa bar kung saan s’ya nagtatrabaho. Mag-isa itong umiinom at malungkot kaya nilapitan n’ya ito. Sinamahan n’ya itong uminom at nakinig din s’ya sa masasalimuot nitong kuwento, at nauwi sa s*x ang landian nila ng gabing ‘yun. Bago sila maghiwalay ng landas ay sinabi sa kan’ya ni Rhia na hindi s’ya nito makakalimutan at umasang makikipagkita sa mga susunod na araw. Hanggang sa dumating nga ang sandali na inalok s’ya nito na maging nobyo n’ya kapalit ng malaking halaga at mga mamahaling regalo na walang pagdadalawang isip naman n’yang tinanggap dahil pera na’t grasya ang lumalapit sa kan’ya pakakawalan pa ba n’ya? Ngunit bago naman n’ya tanggapin ang alok na iyon nga babae ay naglatag s’ya ng kondisyon para kay Rhia. Na ang pagiging nobyo n’ya rito ay hindi pang-seryosohan, kung kailangan nito ang serbisyo n’ya ay darating s’ya pero hanggang doon na lang iyon. No feelings attached 'ika nga, kliyente lamang ang turing n’ya kay Rhia gaya ng ibang nagbabayad para sa serbisyo n’ya.
Pero ramdam n’yang sineryoso na ni Rhia ang kanilang relasyon. Minsan nga ay isinama pa s’ya nito sa event ng kan’yang negosyo at pinakilalang kasintahan sa harap ng mga mayayamang taong kinaiinisan ni John. Dumating din sa punto na pinagseselosan na ni Rhia ang iba n’yang kliyenteng babae at binabae. Pumupunta ito sa bar para makipag-away at umabot na sa punto na pinagbabawalan na s’ya nitong lumabas kasama ang iba, maging ang pag-gimmick kasama ang mga barkada n’ya.
Ang sabi ni Rhia ay nakahanda s’yang magbayad ng mas malaki mapasa kan’ya lamang ang buong panahon at atensyon ni John na kinaiinisan naman at kinasawaan ng huli. Pakiramdam ni John ay ikinukulong s’ya ni Rhia, na inaangkin s’ya nito at kinokontrol.
Aminado si John na nasasakal na s’ya sa prisensya ng babae kaya sinubukan n’yang makipagkalas dito. As usual, hindi pumayag si Rhia. Galit na galit ito at sinabing unfair iyon. Sa isip ni John ay nasisiraan na ng ulo na si Rhia at kapag patuloy pa s’yang lumapit sa babae ay baka mabaliw na rin s’ya. Kaya naman sinimulan n’ya itong pagtaguan. Nanlamig s’ya rito at hindi na sinasagot ang mga texts o tawag nito, na husto namang ikinagalit ni Rhia. Ngunit sigurado na si John sa pakikipagkalas n’ya sa babae. Ayaw na n’ya itong makita. Gustong-gusto na n’yang mawala ito sa buhay n’ya!
"John, wala na ba tayong pag-asa?" Nagbago ang tono ng boses ni Rhia, lumambot ito, na mas ikinairita ni John. Kung nagpapaawa ito pwes hindi s’ya nito makukuha.
"Anong pinagsasabi mo? 'Di ba, sinabi ko na sa ‘yo na kliyente lang kita? Alin sa mga sinabi ko noon ang hindi malinaw sa iyo, ha? Ginagalit mo talaga ako!" Singhal ni John.
"Pero mahal kita, John—" Tinangkang yakapin ni Rhia ang binata ngunit sa halip na yakapin pabalik ay marahas s’ya nitong itinulak, dahilan upang mapaupo s’ya sa sahig. Hindi na napigilan ni Rhia ang pagtulo ng mga luhang kanina pa nais kumawala sa kan’yang mga mata. Tiningnan n’ya ng masama si John na mukhang hindi nagsisisi sa ginawa nitong pananakit sa kan’ya.
"Matagal na tayong tapos. Isaksak mo ‘yan diyan sa kokote mo. Oo, naging masaya akong kasama ka pero hindi ibig sabihin no'n ay mahal na kita. Kasi kahit kailan hindi naman kita sineryoso. Kaya wala kang mapapala sa akin. Umalis ka na nga! Dapat pag balik ko wala na ang anino mo sa lugar ko kung ayaw mong kaladkarin kita!” Banta ni John sa babae. Sandali n’ya itong pinagtapunan ng mapang-insultong tingin bago tumalikod at dire-diretsong umalis palabas ng gusaling iyon.
Bago s’ya bumaba ng hagdan ay may nasalubong s’yang isang lalaki. Hindi n’ya ito kilala ngunit ningitian s’ya nito. Hindi n’ya ito pinansin sa halip ay nagpatuloy s’ya sa mabilis na pagbaba. Naiinis talaga s’ya dahil sa engkwentro nila ni Rhia kaya napagpasyahan n’yang bumili ng mas maraming beer at sigarilyo.
Naiwan namang luhaan at nasasaktan si Rhia, na mula sa pagkakaupo sa sahig ay mabilis na tumayo. Pinagpag n’ya ang nadumihang bahagi ng kan’yang kasuotan at pinahid ang mga luha.
Sukdulan ang galit sa kan’yang puso para kay John, para sa lalaking mahal n’ya ngunit nanakit sa kan’ya! Sinimulang maglakad ni Rhia papabalik sa apartment ni John. Nang makarating na s’ya sa tapat ng pinto nito ay walang pagdadalawang isip n’yang binunot ang baril sa kan’yang bag na pag-aari n’ya. Mariin n’ya iyong hinawakan. Hindi pa ito ang huling pagkakataon na babalik s’ya sa apartment nito at hindi pa ito ang huling pagkakataon na babawiin n’ya ang dapat na sa kan’ya. Tinitiyak n’ya iyon at nakahanda s’yang gawin ang kahit na ano para mapasa kanyang muli si John.
Mabilis na itinago ni Rhia ang hawak na baril matapos makarinig ng ingay sa 'di kalayuan. Inayos n’ya ang sarili at isinuot ang dalang sunglasses bago halos patakbong tinungo ang exit. Sa daan bago bumaba sa hagdan ay nakita ni Rhia ang isang lalaki habang abala sa pagbabasa ng diyaryo na nakasandal sa pasilyo ngunit hindi na n’ya ito masyadong pinagtuunan ng pansin at ipinagpatuloy ang pag-alis habang aandap-andap ang dibdib.
***
SAMANTALA, ibinaba ni Jerome ang kunwaring binabasang diyaryo pagkalagpas sa kan’ya ni Rhia. At pagkatapos ay sinundan n’ya ng tingin ang naturang babae hanggang sa tuluyan na itong makalabas sa naturang gusali na kinaroroonan nila.
Napangiti si Jerome. At makaraan ang ilang minuto ay nakita naman n’ya ang papalapit na si John na may bitbit na mga pinamili nito. Muling napangiti ang nobelista at inayos ang kwelyo, hanggang sa tuluyan nang nakapanhik si John at isang dipa na lamang ang kanilang pagitan.
"Hi, Mister Sandoval."
"At sino ka naman?" Takang tanong ni John.
***
KINAGABIHAN, sa bahay ng mga San Diego.
"You sure you're okay?" Nag-aalalang tanong ni Elise kay Carol. Kasalukuyan n’yang kausap ang kaibigan sa kabilang linya. Naisip n’yang kumustahin si Carol ng gabing iyon at nalaman n’ya na maghapon itong mag-isa sa kanilang bahay. At hindi pa nagpapakita si Jerome.
"Yes, I am. Thank you, Elise." Malungkot na saad ni Carol.
"Gusto mo bang pumunta ako diyan?"
"No, hindi na. Alanganing oras na rin para mag-drive. Ayos lang ako. Siguro baka dumating na rin naman si Jerome." Wika ni Carol bago napatingin sa telepono na nasa gilid n’ya.
"Hindi mo ba s’ya pwedeng tawagan at tanungin kung nasa'n na s’ya o kung may plano pa ba s’yang uwian ka?" Bakas sa tono ni Elise ang pagkainis dahilan para matawa si Carol. Nauunawaan naman n’ya ang kung bakit iyon sinabi ng kaibigan.
"Hindi ko s’ya puedeng tawagan kasi s’ya ang tumatawag sa ‘kin dito sa bahay, Elise." Saad ni Carol. Totoo iyon, isa pa sa mga bilin ni Jerome na sa tuwing nasa labas ito ay hindi s’ya puedeng tawagan ni Carol. Sa halip ay ito ang tumatawag sa kan’ya mula sa telepono. Minsan isang beses ay sinubukang tawagan ni Carol ang cell phone ng mister para lang ma-diskubre na iniiwan nito ang naturang bagay sa kan’yang study room. At gaya ng dati, hindi na n’ya ito kinuwestyon.
"Pambihira! Habang tumatagal eh kahinahinala na iyang asal ng asawa mo, ah? Sigurado ka ba talaga na pagsusulat lang ang inaatupag n’yan at hindi kung anong milagro, Carol?" Tanong ni Elise na ikinabigla naman ni Carol. Hindi n’ya alam ang isasagot.
"Elise, ano namang milagro ang gagawin ni Jerome, ha?"
"Ayoko na lang magsalita pero alam mo na! Kasi naman kung sa akin ‘yan, naku, hindi ako papayag ng ganyan! Paano kung may iba palang inaatupag iyang asawa mo at sinasabi lang n’yang nagsusulat s’ya kuno? Paano kung ang lahat ng mga pagbabawal n’ya sa ‘yo na malaman kung saan s’ya nagpupunta pag wala s’ya sa opisina nila o d’yan sa bahay n’yo eh may dahilan? May gusto s’yang pagtakpang kalokohan—" Napakagat labi si Carol dahil sa mga narinig mula kay Elise. Mariin n’yang kinuyom ang kamao. Hindi n’ya ugali ang makipagtalo at naiintindihan n’ya ang pinupunto ng kaibigan, nag-aalala ito sa kan’ya, ngunit hindi na n’ya naiibigan ang mga pinagsasabi nito. Naisip n’yang tapusin na ang tawag na iyon, pakiramdam n’ya ay mali ang desisyon n’yang tawagan ang kaibigan.
"Pasensya ka na, Elise, pero masama ang pakiramdam ko. Kailangan ko nang magpahinga. Bye." Hindi na hinintay ni Carol ang sagot ng kaibigan at ibinaba na n’ya ang telepono.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan n’ya. Nanghihina ang kan’yang tuhod matapos marinig ang mga hinala ni Elise kaya nagpasya s’yang maupo sa kama.
Kalokohan, sa isip n’ya.
Posible bang mayroong iba si Jerome? Hindi iyon maaari! Alam n’ya sa puso at sa isip n’ya na walang ibang inaatupag ang kan’yang asawa kundi ang pagsusulat nito, tapos! Kilala n’ya ito, tiwala s’ya rito at sa pagmamahal nito sa kan’ya!
Pero sa kabila ng lahat ay nangilid pa rin ang luha sa mga mata ni Carol nang mapagtanto ang katotohanan na ilang gabi na ring hindi umuuwi sa kanilang bahay ang kan’yang mister. Sa totoo lang ay sanay naman s’ya sa ugali nito ngunit pakiramdam n’ya ngayon ay may mali. Natatakot s’yang magkatotoo ang mga sinabi ni Elise, na kung tutuusin ay mga hinala na rin sa kan’yang puso na ayaw lang n’yang bigyang pansin. Pero may mga panahon talagang ganito kung saan nadadaig s’ya at nakukuwestyon ang tiwala n’ya para sa asawa.
Naputol ang sentimyento ni Carol nang makarinig s’ya ng ingay mula sa labas. May gumaraheng sasakyan. Mabilis s’yang lumabas sa kanilang silid upang silipin kung si Jerome na ba ito at gano'n na lamang ang tuwa n’ya nang makita ang pagdating ng asawa. Sa hitsura ni Jerome ay tila bumyahe ito ng malayo. Sinalubong ni Carol ang papasok na lalaki at buong galak na hinagkan. Mangiyak-ngiyak pa nga s’ya dahil husto n’yang kinasabikang makita ang mister.
"Jerome naman, nakakainis ka! Pinag-alala mo ako. Akala ko hindi ka pa uuwi." Hikbi n’ya rito. Nakaramdam s’ya ng mangilang beses na pagtapik sa kan’yang likod ngunit wala s’yang narinig na kahit na anong salita mula kay Jerome. Kaya mas hinigpitan n’ya ang yakap n’ya rito.
"Carol, pagod ako." Malamig pa sa yelong saad ni Jerome, kasunod ang mabilis na pagkalas nito mula sa kan’yang pagkakayakap. Nagpaawang naman ang bibig ni Carol dahil sa tinuran at ikinilos ng lalaki.
"Jerome naman..."
"Pasensya na. Gusto ko nang magpahinga. Ikaw din, magpahinga ka na lang rin." Saad nito saka dumireto paakyat ng hagdan at papunta sa kanilang kuwarto.
Naiwan namang namamangha si Carol at napasandal sa pinto. Hindi n’ya lubos na pinaghandaan ang inasal ng mister. Oo, mukha nga itong pagod ngunit lubha ba talaga itong pagod para kausapin s’ya nito ng sobrang lamig? Dati rati naman kahit gaano ito kapagod ay sabik pa rin ito na makita s’ya. Ito ang unang beses na nagkagano'n ang kan’yang asawa kung kaya nag-alala si Carol. Paano kung may problema pala ang kan’yang mister at hindi lang nito sinasabi sa kan’ya?
Inayos ni Carol ang sarili at ikinandado ang main door. Hindi ito ang panahon para maging mahina s’ya at damdamin ang inakto ni Jerome, sa halip, ay dapat n’yang tingnan nang mas malalim ang nangyayari. Ang mahalaga naman ay umuwi na ang kan’yang asawa at kung pagod ito ngayong gabi ay bukas na lamang n’ya ito kukumustahin. Tiyak naman na magiging okay na ito matapos makatulog.
Habang tinatahak ni Carol sa daan patungo sa kanilang silid ay gano'n ang laman ng kan’yang isip. Kinukumbinsi n’ya ang sarili na ang lahat ay magiging maayos din kinabukasan.
Napabuntong-hininga si Carol nang makapasok sa kuwarto nilang mag-asawa at napangiti nang makitang mahimbing nang natutulog si Jerome. Nagpapasalamat s’ya sa Diyos dahil ligtas ito kaya napagpasyahan ni Carol na gumising ng maaga bukas upang ipaghanda ng masarap na almusal ang kan’yang pinakamamahal na asawa.
***
KINABUKASAN, gaya ng napagpasyahan ni Carol bago matulog kagabi ay mas maaga s’yang gumising para ipagluto ng masarap na almusal si Jerome. Pagkalipas ng dalawang araw ay kagabi na lang ito umuwi. Ni walang ideya si Carol kung saan ito galing ngunit alam naman n’ya na may bago na naman itong sinusulat na nobela kaya nagsisimula na naman ito sa gano'ng gawi. Yun bang palaging nawawala.
Mabilis na isinantabi ni Carol ang iniisip nang mapukaw ang kan’yang atensyon sa pababang si Jerome. Bihis na bihis ito saka mukhang nagmamadali. Nakasukbit din sa kanang balikat nito ang bag na naglalaman ng laptop na ginagamit nito sa pagsusulat. Napangiti si Carol at mabilis na iniwan ang ginagawa upang salubungin ang mister, bagaman hindi n’ya inaasahan na maaga itong magigising.
"Good morning, Honey." Masayang wika ni Carol saka humalik sa pisngi ni Jerome. Isang matipid na ngiti naman ang itinugon nito sa kan’ya na labis n’yang ipinagtaka. "Pinagluluto kita ng paborito mo for breakfast. Malapit na akong matapos." Saad ni Carol.
"Sorry but I need to go. Marami akong kailangang gawin. Pasensya ka na." Saad ni Jerome. Akma na itong aalis nang pigilan s’ya ni Carol.
"Sandali lang, Jerome!" Matapang na wika ni Carol. Tiningnan naman s’ya ng asawa n’ya na para bang naiinip ito sa kung anong sasabihin n’ya.
"Um, hindi ka ba man lamang mag-aalmusal? Sabi ko pinagluluto kita ng paborito—"
"Hindi mo ba ako naintindihan? Ang sabi ko kailangan ko nang umalis. Madami akong kailangang i-accomplish ngayong araw." Bakas ang pagkainis sa tono ng boses ni Jerome na ikinabigla naman ni Carol. Palibhasa hindi inaasahan ng babae ang sagot na ito ng asawa. Nang 'di kaagad nakatugon si Carol ay sinamantala iyon ni Jerome para muling magsalita.
"Wala ka na bang sasabihin? Puede na ba akong mauna?" Nagbadyang tumalikod si Jerome ngunit natauhan naman kaagad si Carol. Hindi nagustuhan ng babae ang asal ng kan’yang asawa at pakiramdam n’ya ay binabastos s’ya nito.
"Jerome, may problema ka ba? Kung mayro'n eh puede mo namang sabihin sa ‘kin. Puede nating pag-usapan. Di ‘yung nagkakaganyan ka." Mangiyak-ngiyak na saad ni Carol.
"Look, I'm sorry, but I really need to go. I'm so sorry but I don't have time for this. Bye." Hindi na hinintay pa ni Jerome ang sagot ng kan’yang asawa sa halip ay nagdire-diretso itong sumakay sa kan’yang sasakyan at binuhay ang makina nito. Ni hindi na rin ito nag-abalang lingunin pa ang namamanghang si Carol dahil sa kan’yang asal at walang pagdadalawang isip na pinaandar ang kotse saka humarurot paalis.
Doon na tuluyang kumawala ang luha sa mga mata ni Carol. Napaupo s’ya sa sahig saka humagulgol. Hindi n’ya inaasahan na magagawa s’yang saktan ng pinakamamahal na mister sa pamamagitan ng mga salita nito. Hindi n’ya inaasahan na babalewalain s’ya nito ng gano'n gano'n na lamang.
Ang bilis ng pangyayari, aminado s’yang ‘di s’ya nakapaghanda sa magiging reaksyon. Paulit-ulit n’yang nakikita sa likod ng kan’yang mga mata ang galit na mukha ni Jerome no'ng komprontahin n’ya ito. Paulit-ulit n’yang naririnig ang hindi magandang tono ng pananalita nito. Lalo s’yang naiyak. Nasasaktan s’ya ng husto, lalo pa't ang nanakit sa kan’ya ng umagang iyon ay ang kan’yang pinakakamahal na si Jerome.
Ngunit ang mas masakit doon ay ni hindi n’ya alam kung anong ginawa n’yang mali. O, kung mayroon nga ba para tratuhin s’ya nito ng hindi tama.