IKAPITO ng gabi makaraan ang tatlong araw.
Iginarahe ni Rhia ang kotse sa tapat ng isang sikat na bar na kung tawagin ay Marienhof. Ang bar na iyon ay dinarayo ng mga mayayamang tao, mga modelo o artista na gustong magsaya at magliw-aliw. At sa bar na iyon nagtatrabaho ang pakay ni n’ya na walang iba kundi ang lalaking si John Sandoval.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng dalaga at nang akmang bababa na s’ya sa kan’yang kotse ay agad din s’yang natigilan at natuon ang kan’yang paningin sa tatlong tao na masaya at maingay na lumalabas sa naturang bar na iyon. Tinitigang mabuti ni Rhia kung sino ang lalaking may kaakbay na dalawang babae sa magkabilang braso nito at gano'n na lamang ang ngitngit n’ya nang mamukhaan n’yang si John ang talipandas na ‘yun!
"Ang kapal talaga ng mukha n’ya!" Tiim bagang na saad ni Rhia habang matalim ang mga tinging sinusunda ang patutunguan ng tatlo. At hindi pa man gaanong nakakalayo ay humiwalay ang isa sa mga babaeng kaakbay ni John at ito ay nakipaghalikan sa kan’ya. Kitang-kita naman ni Rhia kung paano hipuin at pisilin ng isa pang babae ang pwetan ni John. Lalong nagalit si Rhia sa nasasaksihan! Ni ayaw na nga n’ya itong panuorin dahil nandidiri s’ya kaya mabilis n’yang binuhay ang makina ang kan’yang kotse saka nagmaneho palayo sa lugar na iyon habang nag-aalab sa galit ang kan’yang dibdib.
Napansin naman ni John ang mabilis na andar ng sasakyan na kanina lang ay nakaparada sa tapat ng bar kung saan s’ya nagtatrabaho. Isang mapang-insultong ngiti ang gumuhit sa labi ng lalaki matapos mapagtanto kung kanino ang naturang kotse.
"Kilala mo ba ang may-ari ng kotseng iyon, John?" Tanong sa kan’ya ng mas matandang babaeng kaakbay n’ya sa kaliwa. Blonde ito at hanggang balikat ang kulot nitong buhok at meron itong mapupulang labi.
"Dating kliyente." Sarkastikong saad ni John.
"Bakit umalis s’ya kaagad?" Tanong naman ng isa pang babae sa kan’yang kanan. Mestisahin ito at mapupula din ang labi. Tulad ng naunang babae ay mas matanda rin ito sa kay John ng marahil mga limang taon pataas.
"Dahil alam n’yang hindi n’ya ako masosolo." May pangungutyang tugon ni John bago muling tiningnan ang direksyong tinahak ng sasakyan ni Rhia.
"Dahil sa'min ka ngayong gabi!" Duetong saad ng dalawang babae na sinang-ayunan naman ni John.
Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa marating nila ang nakaparadang sasakyan na pagmamay-ari ng dalawa at doon nga ay sumakay silang tatlo patungo sa isang motel. Mabilis na humarurot ang kotseng sinasakyan ni John kasama ang mga babae. Ang usok ng naturang sasakyan ay humalo sa hangin na umiihip pa-Silangan. Kasabay no'n ang pag-arangkada ng mas malakas na ingay at magaslaw na tugtog na nagmumula sa loob ng bar.
***
MAG-IIKA-ANIM ng gabi nang mapatingin si Jerome sa kan’yang relong pambisig. Galing s’ya sa publishing company at may mga bagay na i-diniscuss sa kan’yang editor-in-chief bago tuluyang umuwi ay napag-isip-isip ng lalaki na dumaan sa opisina si Rhia. Alam n’yang wala ng dahilan pa upang makausap n’ya ang babae matapos ang gabi kung saan sinabi nito na ayaw na nitong maging main character n’ya subalit may kung anong damdamin sa kan’yang loob na nag-uudyok kay Jerome para puntahan at makita ang babae. May gusto s’yang itanong dito. Kung kaya pinuntahan pa din n’ya ito bagaman walang katiyakan kung ano talaga ang gusto n’yang malaman.
Nang malapit na si Jerome sa opisina si Rhia ay mabilis n’yang nakita ang babae na sumakay sa sarili nitong sasakyan. Mula sa kinaroroonan ni n’ya ay kitang-kita n’ya ang kabalisahan sa anyo ng dalaga, parehong kabalisahan mula noong huli n’ya itong makita tatlong gabi na ang nakaraan.
Mabilis na pinatakbo ni Rhia ang kan’yang sasakyan at tinahak ang daan pakanan, na ipinagtaka naman ni Jerome. Saan posibleng pumunta si Rhia? Iyon ang mga katanungan sa isip n’ya na mabilis n’yang hinanapan ng kasagutan— sa pamamagitan ng pagsunod sa kotse ng babae.
Walang ideya si Jerome sa daang tinatahak nila. Ang nakakaalam lamang ng kanilang patutunguan ay si Rhia. Nagpatuloy sa pagsunod si Jerome sa kotse ng babae ng maingat sapagkat baka makatunog ito. At 'di nga nagtagal, sa ganap na ikapito ng gabi, sa simoy ng malamig na hanging Amihan at sa ilalim ng bilog na buwan ay kapwa tumigil ang kanilang sasakyan ni Rhia sa tapat ng isang malaki, makulay at sikat na bar. Dumistansya si Jerome mula sa bahagi kung saan napiling gumarahe ni Rhia ngunit tiniyak pa rin n’ya na makikita n’ya ng maayos ang dalaga.
Nahulaan n’yang may planong pumasok sa loob ng bar si Rhia ngunit hindi iyon natuloy nang may tatlong tao, isang lalaki na may kaakbay na dalawang babae sa kan’yang magkabilang braso, ang lumabas mula sa bar na iyon. Ang dalawang babae ay socialites at ang lalaki na sa palagay ni Jerome ay nasa pagitan ng edad 27 to 28 ay nagtatrabaho sa naturang bar na iyon bilang isang hosto o lalaking tagapagbigay ng aliw.
Tiningnan ni Jerome si Rhia na natatanaw n’ya mula sa hindi tinted nitong salamin ng sasakyan. Bakas sa mata ng dalaga ang matinding galit at masama itong nakatitig sa kinaroroonan ng lalaki. Lalo pang nagalit si Rhia nang makipaghalikan ang hindi kilalang lalaki sa kasama nitong babae.
Maya-maya ay mabilis nang umandar paalis ang kotse ni Rhia sa lugar na iyon at hindi na rin naman s’ya sinundan pa ni Jerome. Naiwan ang nobelista habang pinagmamasdan ang tatlong tao hanggang sa ang mga ito ay sumakay sa kotse at umalis na rin.
Napangiti si Jerome habang pinaglalaro ang mga daliri sa manibela. Natutuwa s’ya na para bang kinikiliti ang kan’yang puso.
***
SAMANTALA, napapitlag si Carol mula sa malalim na pagkakahimbing. Kinapa n’ya ang asawa na inaasahan n’yang nasa tabi n’ya ng sandaling iyon ngunit walang Jerome na naroon. Tuluyan nang iminulat ni Carol ang kan’yang mga mata upang hanapin ang mister.
Pasado ala una na ng madaling araw nang tingnan n’ya ang oras sa kan’yang cell phone, ngunit nasa'n si Jerome? Napabuntong-hininga s’ya at nagtali ng buhok. Maaaring nasa kusina ang kan’yang mister, o 'di kaya ito'y nagpapahangin sa may hardin. Matapos magsuot ng panlamig at sapin sa paa ay nag-martsa na si Carol tungo sa pinto palabas ng kanilang silid. Natatandaan n’ya pa na nakatulog na lang s’ya sa paghihintay sa mister two hours ago.
Nang makalabas na sa kanilang kwarto ay iginala ni Carol ang paningin sa kabuuan ng bahay, sa ibaba, sa sala maging sa kusina ngunit tila walang bakas na naroon ang kan’yang asawa. Naisip n’yang pagtapunan ng tingin at pansin ang study room nito na nasa dulong bahagi ng pasilyong kinatatayuan n’ya.
Ang kanilang bahay ay mayro'ng dalawang palapag. Mayro'ng sala at malaking kusina kung saan paboritong tambayan ni Carol tuwing napapadalas ang kanyang pagluluto o pagbi-bake, at isang malaking hardin sa labas. May tatlong silid naman sa itaas, master's bedroom—na silid nilang mag-asawa, silid para sa kanilang magiging anak at ang study room ni Jerome.
Ang study room na ito ay mayroong lamesa at upuan kung saan naroon si Jerome sa tuwing ito'y nagsusulat pag nasa bahay nila. Sa totoo lang, mahigpit si Jerome sa pagpapapasok ng kung sino, kahit si Carol, sa study room nito. Natatandaan pa nga ni Carol na noong isang beses ay tinangkang pumasok dito pero pinagtalunan nila iyong mag-asawa bagaman naayos din naman kinalaunan.
Binalewala na lang iyon ni Carol. Inisip n’ya na baka ang study room na iyon ay personal place at may sentimental value para kay Jerome. Palibhasa doon din nakalagay ang mga tropeo at sertipiko ng asawa mula sa mga kinatampukan nito sa larangan ng pagsusulat. At nasa lugar ding iyon nakatago ang mga winning novels nito simula binata pa ito.
Napatigil sa paglakad si Carol nang sapitin ang tapat ng study room ni Jerome at bahagyang nag-alinlangan nang akma na n’yang pipihitin ang doorknob nito. Palibhasa, bigla n’yang naalala ang bilin ng mister na 'wag basta-basta papasok do'n kaya napatingin na lang s’ya sa ibabang bahagi ng pintuan, sa siwang nito kung saan maaari n’yang malaman kung may tao sa loob. Ngunit ito ay madilim at nangangahulugang walang nasa loob. Para mas makasigurado ay nagkatok s’ya, makailang ulit, ngunit walang senyales na mayro'ng tao. Muling napabuntong-hininga si Carol saka bahagyang hinimas ang sinapupunan.
"Hindi pa siguro umuuwi ang daddy mo, Baby. Nasa'n na kaya ‘yon?" Malungkot na saad ni Carol sa kan’yang anak kasunod ng isang malungkot na ngiti.
Hindi ito ang unang beses na umuwi ng late ang kan’yang asawa, o 'di kaya'y anong oras na ay wala pa rin ito. Sa totoo lang, hindi na mabilang ni Carol kung ilang beses nga ba itong gabihin magmula nang makilala n’ya ito. Sa sobrang dami ay hindi na n’ya makwenta kaya nagpasya na lang s’yang bumalik sa pagtulog. Kung darating man si Jerome ay darating ito, hindi lang n’ya tiyak kung anong oras o kung kailan.
Siguro ay nangungulila lang s’ya sa mister, malamig ang gabi, masarap pa naman sanang may katabi.
***
KINABUKASAN,
"Bakit ngayon ka lang? Nakakainis ka!" Magkahalong inis at inip na wika ni Carol sa kadarating pa lamang na si Elise sa kanilang bahay. Inakap naman s’ya ng kaibigan saka ito sumalampak sa sofa. Pinapunta kasi n’ya ang babae kasi nabuburyong na s’yang mag-isa sa bahay nilang mag-asawa. At bukod doon, gusto ding kumain ni Carol ng paborito n’yang pralines kaya nagpasuyo na rin ito sa kaibigan bago pumunta sa kanila.
"Ito na po ang pinabibili mo mahal na reyna." Nakaismid na wika ni Elise sabay abot sa bitbit na tsokolate. Sabik naman itong kinuha ni Carol at inumpisahang buksan ang karton. Napangiwi naman si Elise habang pinapanuod ang kaibigan na para bang batang sabik na sabik sa pasalubong. Obviously, pinaglilihian iyon ni Carol pero hindi naman ito makalabas ng bahay para dayuhin sa mall ang naturang pagkain.
"Sandali nga lang, mag-isa ka lang ba dito ngayon?" Tanong ni Elise na tinugunan naman ni Carol sa pamamagitan ng isang tango. Natawa naman ang kaibigan n’ya saka ininom ang lemonade na kanina pa ay inihanda na ni Carol para sa pagdating n’ya.
"May sinusulat na naman ba ang asawa mo kaya vanishing na naman s’ya?" Nilunok muna ni Carol ang huling piraso nang kinakaing tsokolate saka uminom ng tubig bago nagsalita.
"Di ako sigurado pero, 'di ba, ganu’n naman talaga s’ya kapag may sinusulat?” Saad ni Carol.
"Aba, malay ko! Asawa ko ba s’ya?" Biro ni Elise. Hinampas naman s’ya ni Carol sa braso.
"Aray, ha? Pero pambihira ka, Carol! Hindi ko alam kung papaano mo natatagalan iyang gan’yang setup n’yo! Alam naman ni Jerome na buntis ka na, 'di ba?"
"Oo?" Sagot ni Carol sa tanong ni Elise sabay iling na tila iyon na ang pinaka-ignoranteng tanong na sinagot n’ya. Siyempre, alam ni Jerome na nagdadalang-tao s’ya!
"At maselan take note. Any moment kailangan mo ng assistance. Dapat palagi s’yang nasa tabi mo. Hindi ba s’ya pwedeng magsulat d’yan sa study room n’ya?" Inis na wika ni Elise.
Alam ni Carol na nag-aalala lang si Elise para sa kan’ya at sa ipinagbubuntis n’ya. At kung tutuusin, may katwiran naman ito. Ang buong akala rin ni Carol na ngayong buntis na s’ya ay mababawasan na kahit kaunti ang pagtatrabaho sa labas ni Jerome, pero hindi pa pala kaya nalulungkot s’ya. Maluwag ang iskedyul ni Jerome. Hindi nito kinakailangang pumasok sa opisina araw-araw. Maaari itong magsulat sa bahay nila at ipapadala na lamang via email o fax ang mga manuscript nito.
"Alam mo buti na lang architect si Jeremy at hindi isang nobelista na tulad ni Jerome."
"Ano’ng ibig mong sabihin?" Tanong ni Carol.
"Ang weird kasi ng asawa mo! Laging missing in action. Bakit ka kasi nag-asawa ng nobelista, Carol?"
"Sapalagay ko ay wala namang masama sa pagiging nobelista at weird ng asawa ko, Elise." Mahinahong tugon ni Carol saka muling sumubo ng tsokolate. Hindi ito ang unang beses na kinuwestyon ng kaibigan n’yang si Elise ang propesyon at ugali ni Jerome pagdating sa pagsusulat, normal iyon 'pagkat kung hindi mahaba ang pasens’ya at malawak ang pang-unawa n’ya sa kung bakit iyon ginagawa ni Jerome, bilang bahagi ng pagmamahal nito sa napiling propesyon, ay panigurado na mag-aaway at mag-aaway lang silang mag-asawa. At iyon ang pinakaiiwasang mangyari ni Carol hangga't maaari. Hindi n’ya gustong magalit ang mister kaya sobra-sobrang pang-unawa ang ibinibigay n’ya para dito at sa trabaho nito.
"Wala ka ba talagang ideya kung sa'n nagpupunta si Jerome sa tuwing nawawala s’ya para magsulat?" Biglang tanong ni Elise. Napaisip muna si Carol sabay iling.
"Wala. Since maging kami, kinasal at nagsama sa iisang bubong eh wala talaga akong idea." Pag-amin ni Carol.
“Okay pero wala ba s’yang naikukuwento? Kahit pahaging ganu’n?”
"Wala."
"Hindi mo tinatanong? Siyempre, curious ka 'ka mo at worried?" Umiling si Carol sa tanong na iyon ni Elise.
Sa totoo lang ay tinanong na n’ya si Jerome ng isang beses kung saan ito nagsusulat ng nobela sa tuwing wala ito sa kanila ngunit biglang nagbago ang reaksyon ng mukha ng mister n’ya. Hindi ito natuwa at sa halip ay nawalan ng ganang makipag-usap sa kan’ya. Ayaw nang maulit iyon ni Carol kaya kung puede namang hindi magtanong ay hindi na s’ya nagtatanong. Bukod doon, naniniwala si Carol na ang bawat tao ay mayro'ng pansariling lugar na hindi nila kailangang ibahagi kaninoman, kahit na sa kanilang malapit na kaibigan, kamag-anak o kabiyak.
"Bilib na talaga ako sa ‘yo, Carol. Ikaw lang ang nakakatagal sa gan’yang ugali ni Jerome. Ang laki ng tiwala mo sa kan’ya! Sana lang eh wag sirain ng mister mo ang tiwala na ibinibigay mo sa kan’ya at sa relasyon n’yo." May halong pangamba ang tono ng mga salita ni Elise dahilan para magtaka si Carol.
"Anong ibig mong sabihin, Elise?"
"Alam mo naman ang ibig kong sabihin." Oo, siyempre, alam n’ya at hindi s’ya tanga. Pero tulad ng dati ay binalewala lang iyon ni Carol.
"Ikaw na din ang may sabi na malaki ang tiwala ko sa asawa ko. At magpapatuloy ang tiwalang iyon bilang bahagi ng sinumpaan namin sa harap ng Diyos." Tugon ni Carol.
Hindi na sumagot pa si Elise matapos tumango.