Nang makarating sila sa kanilang kwarto ay dali-dali initago ni Chloe ang libro sa ilalim ng kanyang higaan. Agad din silang humiga para hindi mahuli.
Maya-maya pa ay pumasok na ang Matrona sa kanilang silid. Nanginginig naman si Chloe sa takot samantalang si Stephanie naman ay natulog na. Nang makitang kumpleto naman ang mga bata sa loob ay umalis narin palabas ang Matrona.
Kinaumagahan ay maaga pang gumising sila Stephanie upang tumulong sa pagluluto. Ang mga bata kasi na nasa edad na 13 pataas ay kailangan ng tumulong sa pagluluto sa bahay ampunan. Dumadami narin kasi ang dumadating bawat buwan kaya kailangan din nilang tumulong.
Habang nasa hapag-kainan naman sila Stephanie at Chloe ay hindi parin nito maiwasang kabahan.
“Steph, mamaya kapag pumunta ka ng school niyo dalhin mo ang libro sayo ha?” pahayag nito.
Tumango naman si Stephanie bilang tugon sa kanya at ipinagpatuloy ang pagkain.
“Baka kasi makita nila mamaya habang nandito ako sa labas ng bahay na nag-aalaga sa mga bata,” bulong pa nito.
“Magpapa-donate ako mamaya sa mga kaklase ko,” wika naman ni Stephanie kaya nagulat si Chloe.
“Seryoso ka?” ‘di makapaniwalang tanong nito. “Paano nalang kapag sobrang miserable ng nararamdaman ng mag dodonate sayo, ayos lang ba ‘yon sayo?” tanong pa nito.
“Oo naman, as long as makaramdam lang ako kahit gaano pa ‘yan kasakit ay ayos lang sa akin,” sagot naman nito.
“Ikaw ang bahala,” sagot ni Chloe at ipinagpatuloy ang pagkain.
Pagkatapos nilang kumain ay nag-ayos na si Stephanie papunta sa paaralan. Walking distance lang naman ang eskwelahan niya mula sa bahay ampunan kaya nilalakad niya lang.
Nang makarating siya doon ay agad namang lumapit sa kanya ang kanyang mga kaklase.
“Steph, pakopya naman ng assignment mo sa Physics, hindi kasi namin alam paano ‘to sagutan,” pahayag naman ng kaklase niyang si Dave.
Agad namang inilabas ni Steph ang kanyang assignment at agad na ibinigay dito. Pinag-agawan ng mga kaklase niya ang kanyang sagot. Mayroon pa naman silang ilang minuto bago magsimula ang klase sa Physics. Nang makabalik sa kanya ang kanyang papel ay lukot-lukot na ito at napupunit narin kaya agad siyang kumuha ng bagong papel upang ito ay palitan.
Abala naman ang mga kaklase niya sa pag-uusap dahil tapos na silang mangopya kay Stephanie.
“You know what friend, I heard that the son of the Chairman of this schopl will transfer here,” pahayag ni Cheska sa kanyang mga alipores.
Nagulat naman ang mga ito. “Talaga Cheska? Dinig ko nga ay ka batch lang natin ‘yon, kung totoo man ay sana dito lang siya ilagay sa section natin, right?” wika ni Anne.
“I bet so, our section has me so definitely dito siya ipapasok,” pahayag naman ni Cheska.
Pagkatapos ng kanilang klase ay lumabas na si Stephanie upang kumain ng tanghalian ngunit hindi niya naman dinala ang kanyang bag. Pagkatapos niyang kumain ay bumalik narin siya sa kanilang classroom, pero nakita niya nalang na nakabukas na ang kanyang bag. Tiningnan niya ito at nakitang wala na ang librong kinuha nila ni Chloe sa restricted area kagabi.
Pagkatapos ng klase niya ay deritso na siyang umuwi. Ganoon parin ang ginagawa niya pagdating, ang tumulong sa kusina at mag-alaga ng mg nakababata sa kanya.
“Steph!” tawag naman sa kanya ni Chloe kaya lumapit siya rito.
Tiningnan lang siya ni Stephanie sabay upo sa tabi nito. Nasanay nalang din si Chloe at iba pang nakapaligid kay Stephanie na ganyan ang pakikitungo niya sa kanila dahil narin sa sitwasyon nito.
“Nasaan na ang libro? Ano nakapag donate na ba sila sayo ng emosyon, ano na nararamdaman mo ngayon,” sunod-sunod na tanong ni Chloe kay Stephanie.
Napa-iling naman si Stephanie. “Nawala ang libro eh,” sagot nito.
Napahawak nalang si Chloe sa kanyang noo.
“Ano?” ‘di makapaniwalang saad nito. “Paano nalang ‘yan? Teka lang, paano ba nawala?” bulyaw ni Chlod kay Stephanie.
Ayos lang din naman ito sa kanya dahil hindi namann ito nakakaramdam. Napatingin naman ang ibang mga bata kay Chloe.
“Ang ingay mo, Chloe,” reklamo naman ng isang babae kay Chloe habang nagpapatulog ng bata sa duyan.
Napangiti naman bahagya si Chloe sa babae. “Ay pasensya na Jo, ito kasing si Stephanie may kasalanan sa akin,” pahayag naman nito.
“Hayaan mo nalang ‘yan, alam mo namang manhid ‘yang babaeng ‘yan eh, bakit mo pa kasi kinaibigan,” wika naman ni Jo kay Chloe.
Napataas naman ang kilay ni Chloe sa kanya sabay tayo. “Aba, kung makapagsalita ka naman Jo akala mo ang ganda mo eh no, kahit na walang emosyon ‘tong si Stephanie mas pipiliin ko pa siyang maging kaibigan keysa naman sa isang katulad mo na ubos ng yabang,” pahayag naman ni Chloe kaya napatayo si Jo at nilapitan siya.
“Anong sinabi mo! Ulitin mo nga, Chloe?” saad nito at akma na sanang sasampalin si Chloe, ngunit agad naman itong pinigilan ni Stephanie.
“Huwag na kayong mag-away,” saad nito sa dalawa.
Napa-irap naman si Jo sa ginawa ni Stephanie sabay alis ng kamay nito. “Magsama kayong mga baliw kayo,” saad nito at agad ng umalis.
Napa-upo naman si Chloe at sumunod din sa kanya si Stephanie. Napabuntong-hininga nalang ito at napatitig sa kaibigan niya. Naaawa narin siya sa sitwasyon ngayon ni Stephanie, kasi mas gugustuhin niya pang magka-emosyon kahit na puno ito ng sakit at pighati keysa naman sa walang nararamdaman, para lang din siyang patay na buhay kaya parang wala lang din sa kanya ang mga nangyayari.
Lumapit naman sa kanila ang isang lalaki.
“Joshua ikaw pala,” wika naman ni Chloe.
Napatingin naman si Joshua kay Stephanie sabay bigay ng isang piraso ng bulaklak.
“Steph, bigay sayo ni Joshua,” saad naman ni Chloe.
Tinanggap din naman ito ni Stephanie sabay tingin kay Joshua. Bahagya namang napangiti si Joshua kay Stephanie, ngunit patuloy parin siyang tinitingnan ni Stephanie.
“Hindi ba kayo nagkikita sa Kinsley?” tanong ni Chloe kay Stephanie.
Napa-iling naman si Stephanie kay Chloe, kaya napatingin din siya kay Joshua.
“Ikaw?”
“Oo, palagi ko siyang nakikita sa school, pero hindi lang ako lumalapit dahil nahihiya ako sa kanya,” sagot naman ni Joshua.
“Alam mo ikaw Joshua, kung may gusto ka man dito kay Stephanie, ay nako tigil-tigilan mo na dahil wala kang mapapala dyan sa nararamdaman mo sa kaibigan ko.”