❀⊱Avvi's POV⊰❀
Isang linggo na akong kasal, at isang linggo ko na rin na hindi nakikita ang lalaking nagsasabi na asawa ko lang daw siya sa papel. Masakit ito para sa akin, pero hinahayaan ko lang siya dahil hindi ako namimilit ng tao. Nandito lang ako sa aking silid, at madalas ay iniiwasan ko ang tawag ng mga kaibigan ko. Walang dahilan para magmukmok ako dito sa loob ng aking silid, pero heto at ginagawa ko. Ayokong magpakita ng pagkatalo, pero talunan naman talaga ako. Saan ka naman kasi nakakita na ikaw na ang nalamangan, ikaw pa ang sinisisi at pinagbibintangan. Ibang klase din naman.
'Yung pagmamahal ko kay Lucio, nandito lang sa puso ko, nananatili lang dito sa puso ko at hindi ko ipaparamdam sa kanya upang hindi niya ako abusuhin. Fragile man ang puso ko, pero hindi naman ang buo kong pagkatao dahil lumalaban ang isipan ko. Lumalaban ako hangga't alam ko na nasa katwiran ako, at kung alam ko na tama ako, iyon ang gagawin ko. Iyan ang isang ugali ko na hindi alam ni Lucio. Palaban ako.
"Avvi, maiwan ka na muna dito dahil papasok na kami ni Ate Natalie mo sa trabaho. Kung may lakad ka man, ikandado mo ang lahat ng pintuan at mga bintana. Tandaan mo din ang ibinilin ko sayo, huwag na huwag kang magpapa-agrabyado sa asawa mo." Isang ngiti lamang ang isinagot ko kay ate. Pagkatapos ay tumalikod na siya at isinara na ang pintuan ng aking silid.
Ilang minuto ang lumipas bago ako lumabas at nagtungo ng banyo. Pagkatapos kong maghilamos at mag toothbrush ay nagtungo naman ako ng kusina. May pagkain ng iniwan sila ate para sa akin pero wala pa ako sa mood kumain.
Nagtimpla na lang ako ng kape, pero bago ko pa mainom ang kape ay ilang katok ang narinig ko sa pintuan. Agad kong binuksan ang pintuan, baka kasi isa sa kaibigan ko ang dumating, pero laking gulat ko ng makita ko si Lucio na nakatayo sa pintuan, kunot ang noo at hindi maipinta ang mukha nito. Ano na naman kaya ang problema ng lalaking ito? Isang linggo siyang hindi nagpapakita, pagkatapos darating dito na galit na agad kahit wala namang dahilan.
Hindi ako nagsasalita, hinihintay ko kasi na siya ang unang magsalita pero hindi naman niya ginagawa, basta na lang siyang pumasok sa loob ng bahay kahit hindi ko naman siya pinapapasok, at ayoko naman talaga sana siyang papasukin. Okay na ako na hindi ko siya nakikita, at least hindi ako nasasaktan at hindi sumasakit ang ulo ko. Mahal ko man siya, pero hindi naman ako magpapakatanga.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ko. Ayaw naman kasi niyang magsalita. Muntanga lang na pumasok at wala namang sinasabi.
"Kuhanin mo ang lahat ng gamit mo at duon ka na tumira sa bago kong condo," sagot niya. Natawa ako ng pagak. Talaga ba? Wala naman akong interes na tumira sa bago niyang condo. Siya na lang mag-isa, hindi ako interesado na makasama siya.
"Okay na ako dito. Maayos naman ako dito kaya pwede ka ng umalis at ikaw na lang ang tumira duon. Please lang Lucio, huwag na tayong maglokohan pa dito. Sige na, umalis ka na dahil marami pa akong gagawin dito."
Humarap siya sa aking bigla at masama niya akong tinitigan. Kumunot ang noo niya ng makita niya ang suot ko na manipis na pantulog at bakat na bakat ang dibdib ko. Wala naman akong pakialam na. Basta ang mahalaga sa akin ay umalis na lang siya at hayaan na lang ako sa buhay na gusto ko.
Nakita ko ang paglunok niya ng laway, pero nakatayo lang ako sa harapan niya at hindi ako kumikibo. Hindi ko rin tinatakpan ng kamay ang katawan ko, para saan eh nakuha na naman niya ako ng buo. Naglakad na lang ako at nilagpasan ko siya, pero hinablot niya ang palapulsuhan ko kaya napahinto ako sa aking paglalakad.
"Huwag mo akong tinatalikuran Avvi. Hindi mo pa ako kilala kung paano ako magalit. Alam ko, na alam mo ng hindi ako totoong bakla, kaya umayos ka kung ayaw mong..."
"Kung ayaw kong ano? Sasaktan mo ako? Sige nga Lucio, ipakita mo sa akin ang ipinagyayabang mong tapang. Gusto kong makita, ipakita mo sa akin ang tunay mong kulay."
Hindi siya kumibo, masama lamang siyang nakatingin sa akin habang salubong ang kanyang mga kilay at kunot na kunot ang kanyang noo. Kumakabog ng mabilis ang dibdib ko at pilit kong pinaglalabanan ang hindi umiyak dahil ayokong magpakita ng kahinaan sa kanya. Kung inaakala niya na magpapakita ako ng takot sa kanya, at magiging sunod-sunuran lang ako sa sinasabi niya ay nagkakamali siya. Hindi naman ako ganuon kahinang babae. Oo marunong akong matakot, sino ba ang hindi? Pero kapag alam ko na kaya kong lumaban, lalaban talaga ako.
"Asawa na kita Avvi, kaya lahat ng gusto ko ay gagawin mo," ani niya kaya natawa ako ng mahina ng may halong sarcasm.
"Talaga ba? Hindi ba at ikaw naman ang nagsabi sa akin na kasal lang tayo sa papel? Hindi ba sabi mo ay huwag akong umasta na mamumuhay tayo na parang mag-asawa dahil sa papel lamang tayo kasal? Bakit ngayon ay ikaw ang umaastang asawa sa akin? Siguro naman ay okay lang sayo kung duon ka na lang sa condo mo at dito lang ako, kasi ayokong maging plastic sa sarili ko. Makakaalis ka na Lucio, marami pa akong gagawin," sagot ko at tinanggal ko ang pagkakahawak ng kamay niya sa palapulsuhan ko at nagsimula na akong maglakad pabalik ng silid ko.
"AVVI!" malakas niyang sigaw kaya kahit papaano ay nakaramdam ako ng takot, pero hindi ko ipinapakita sa kanya.
"Mag-empake ka na kung ayaw mong basagin ko ang lahat ng gamit ninyo dito. Ngayon din!" malakas niyang sigaw kaya napapitlag ako, pero hindi ko siya nililingon.
"NOW!" muli niyang sigaw na umaalingawngaw sa bawat sulok ng bahay. Hindi na ako nagsalita pa at padabog akong nagtungo ng aking silid sabay kandado ko ng pintuan. Pagsara ko ng pintuan ay duon na bumuhos ang luha ko. Gusto kong magpakita ng tapang, pero mahirap pala.
"Kaya mo ito Avvi. Huwag mong ipakita sa kanya na kakayan-kayanan ka lang nya," bulong ko sa aking sarili. Humugot ako ng malalim na paghinga at saka ko ipinikit saglit ang mga mata kong lumuluha.
Nang mapakalma ko na ang aking sarili ay pinunasan ko ang mukha ko, sabay hugot ko ng malalim na paghinga. Nagbihis ako at tinawagan ko si ate upang sabihin sa kanya ang gustong mangyari ni Lucio.
"Ate, nandito si Lucio. Ayoko sanang..." She cut me off.
"Avvi, sumama ka sa kanya dahil mag-asawa na kayo. Nagpadala na siya ng mensahe kanina pagdating namin dito sa trabaho, sinabi niya na iuuwi ka na niya sa condo niya. Karapatan niya 'yon dahil asawa ka niya," sagot ni ate kaya natawa ako ng pagak.
"Ate, wala siyang karapatan sa akin dahil sa kanya mismo nanggaling na kaylanman ay hindi niya ako mamahalin at papel lang ang nag-uugnay sa amin. Nakalimutan mo na ba 'yon?" sagot ko. Panandalian siyang natahimik pero naririnig ko ang malalim niyang paghinga. Mayamaya ay muli siyang nagsalita.
"Pero mahal mo siya at sinusubukan mo pa rin na baka sakaling mapamahal siya sayo, hindi ba? Kung sakali man na dumating ang araw na hindi ka talaga niya kayang mahalin, bumalik ka sa amin at ilalayo kita," sagot ni ate kaya umiyak na ako sa kanya.
"Matapang ka Avvi, ipakita mo na hindi ka patatalo, at kung sakali man na talagang ayaw mo na, nandito lang kami. Magsabi ka agad at ilalayo kita, pangako. Mahal na mahal kita at alam na alam ko kung gaano mo kamahal si Lucio. Nuon pa man ay alam ko na ang tunay mong damdamin para sa kanya." Parang sasabog ang puso ko sa mga sinasabi ni ate. Napaka swerte ko dahil may kapatid ako na katulad niya.
Pagkatapos naming mag-usap ni ate ay nag empake na ako. Ilang katok ang narinig ko sa pintuan pero hindi ko ito binubuksan. Hinahayaan ko lang siyang kumatok, pero patuloy pa rin akong nag-eempake ng mga gamit ko.
"Buksan mo ang pintuan kung ayaw mong gibain ko ito!" sigaw niya. Humugot ako ng malalim na paghinga. Ilang segundo akong nakatingin sa kumakalabog na pintuan, pagkatapos ay tumayo na rin ako upang buksan ito.
"Hindi ka ba makapag hintay Lucio? Pwede ka naman sanang maghintay na lang sa labas, masyado ka naman yatang nagmamadali," may inis kong ani.
"May trabaho ako na mas higit na importante kaysa sayo kaya bilisan mo ang pag-eempake mo para makaalis na tayo," ani niya. Parang may milyong-milyong patalim ang dahan-dahang tumatarak sa puso ko. Masyadong masakit ang bawat salita na binibitawan sa akin ni Lucio.
Hindi ko na lang siya pinansin. Kinuha ko ang maleta ko at saka ko ito hinila palabas ng aking silid. Pagkakita niya na palabas na ako ng silid ko ay tumalikod na rin ito at iniwanan na ako. Nakasunod ako sa kanya na hindi niya ako nililingon hanggang sa makalabas na siya ng bahay.
Matapos kong ikandado ang pintuan at mga bintana ay nagtungo na ako sa sasakyan niya na naghuhumiyaw sa karangyaan. Napakaraming lihim ni Lucio na ngayon ko lamang unti-unting nalalaman. Akala ko ay simple lamang siyang tauhan ni Marcus, pero heto at nakikita ko sa kanyang kasuotan at sa kanyang sasakyan kung gaano ito kayaman. Pero hindi importante sa akin ang yaman ng isang tao, dahil mas mahalaga pa rin sa akin ang kabutihan ng puso ng isang tao, at kung paano ang rumespeto ng kapwa. Wala nuon si Lucio, hindi ko 'yon nakikita sa pagkatao niya.
Nakakatawa naman. May asawa nga akong tao pero kahit ang simpleng buksan sana ang pintuan ng sasakyan para mailagay ko ang mabigat kong maleta ay hindi man lamang niya magawa. Pero okay lang sa akin. Kung diyan siya masaya, eh 'di wow!
Sa likuran ako naupo pero sinigawan niya akong bigla na hindi ko raw siya driver, at hindi raw siya mukhang driver. Mahirap bang sabihin 'yon sa maayos na pananalita? Bakit kailangan pa niya akong sigawan? Ngayon pa lang ay nakikita ko na ang magiging buhay ko sa kanya.
"Sorry, akala ko kasi ayaw mo akong katabi. Sige diyan na ako uupo pero huwag mo naman akong sigawan dahil hindi mo naman ako alila. At kahit na maging alila mo ako, wala kang karapatan na sigaw-sigawan ako," sagot ko. Hindi na siya nagsalita pa. Kahit papaano ay nawala naman ang galit sa mukha niya pero hindi ibig sabihin ay mawawala na rin ang galit ko.
Hindi nagtagal ay nakarating kami sa isang napakalaking condominium unit. Pagpasok namin ng parking lot ay nagulat pa ako ng sinasaluduhan siya ng mga security guards at tinatawag na boss.
"Binili ko na lang ang condominium na ito para makontrol ko ang mga taong papasok dito sa loob. Ayokong malalaman ng kahit na sino na asawa kita." Ani niya.
Aray ko naman Lucio, dahan-dahan ka naman ng pagsasalita mo ng masasakit sa akin. Hindi naman ako bato para hindi makaramdam. Jusko ano ba itong napasok kong buhay?
"Pagdating natin sa pinaka ituktok ng building na ito ay huwag kang aasta na asawa kita. Gawin mo ang lahat ng gusto mo at gagawin ko rin kung ano ang gusto ko. May sarili kang silid at hindi tayo magtatabi, at wala rin akong planong tumabi sayo kaya huwag kang umasa na mauulit ang nangyari sa atin."
"Huwag kang mag-alala Lucio, wala din naman akong plano na tumabi sayo," sagot ko.
"Good. Huwag mo ring pakikialaman ang buhay ko," ani niya.
"Bakit mo ba kasi ako pinakasalan?" I asked, kahit medyo nanginig na ang boses ko sa dami ng masasakit na salitang binibitawan niya sa akin.
"I never wanted to get married in the first place, lalong-lalo na kung sayo. It was your sister's idea, not mine. I only went along because someone asked. Someone who was very special to my heart at hindi ikaw 'yon Avvi."
It felt like I had been slapped in the face. How could he be so callous, so heartless? Pero nandito na 'to, at kahit nasasaktan ako sa mga sinabi niya na ipinamumukha niya sa akin na may ibang babae siyang minamahal, hindi pa rin ako magpapakita ng kahinaan.
Nang makarating kami sa kanyang private parking lot ay nauna na siyang bumaba. Tumayo siya sa tapat ng private lift at hinintay lang niya ako. Lumabas ako ng kanyang sasakyan at kinuha ko ang malaking maleta ko, at kahit nahihirapan ako ay hindi ako humingi ng tulong sa kanya. Isa pa ay wala naman siyang balak na tulungan ako dahil wala naman siyang pakialam sa akin. Okay lang naman sa akin, wala naman akong magagawa kung kasuklaman niya ako dahil sa inaakala niya na plinano ko ang lahat ng ito. Basta alam ko sa sarili ko kung ano ang totoo.
Pagkarating namin ng top floor ay nagulat ako sa sobrang laki ng kanyang unit. May second floor at may private swimming pool. Namamangha man ako ay hindi ko ito ipinapakita sa kanya, pero hindi ako makapaniwala na ang Lucio na kilala ko na nagpapanggap na bakla ay isang napakayamang tao pala. Pero bakit siya nagpapanggap na bakla? May misyon ba siya kay Marcus o dahil sa lihim niyang pagmamahal kay Ate Natalie? Kung ano man ang dahilan niya ay wala na akong balak na alamin pa.
"Ang pangatlong silid sa itaas ang sayo, at huwag at huwag kang papasok sa silid ko o sa isang guest room dahil 'yang dalawang 'yan ang magiging silid ko," ani niya.
"Huwag kang mag-alala dahil wala akong plano. Nandito lamang ako upang gampanan ang sinasabi mong asawa sa papel, at huwag ka rin mag-alala dahil sisiguraduhin ko na mananatili lang na sa papel ang pagiging mag-asawa natin," sagot ko at tinalikuran ko na siya.
Pagkarating ko ng aking silid ay napahawak ako sa aking kaliwang dibdib. Ramdam na ramdam ko ang kirot ng aking puso. Ang sakit ng bawat salitang binibitawan niya sa akin. Pero kakayanin ko ito, at kung sakali man na talagang walang magbabago sa relasyon namin bilang mag-asawa, ako na mismo ang lalayo sa kanya at hihingi ng divorce upang maging malaya na siyang mahalin kung sino man ang gusto niyang makasama sa kanyang buhay.
"Avvi, Avvi. Bigyan mo ang sarili mo ng anim na buwan. At kapag sa loob anim na buwan na 'yon ay hindi mo siya napa-ibig, sumuko ka na at magpakalayo-layo upang makalimot." Bulong ng isipan ko.