┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈
Kagigising lamang ni Avvi. Kanina pa rin tumutunog ang kanyang telepono kaya agad niya itong sinagot ng makita niya na ang kaibigan niya ang tumatawag sa kanya.
"Bruh! Nandyan ka ba sa inyo? Puntahan ka namin dyan ha, gagala tayo," ani ni Trisha mula sa kabilang linya. Nagulat naman si Avvi at hindi agad nakapag salita.
"Bruh! Anong nangyari sayo ha, bakit hindi ka makasagot?" ani muli ni Trisha kaya nagmamadaling magbihis si Avvi, at inilagay ang ilang gamit niya sa maliit na bag habang nagkakandarapa sa paglabas ng kanyang silid.
"Pasensya na, bagong gising kasi ako. Oo nandito lang ako sa bahay," sagot ni Avvi.
"Sige bruh, thirty minutes at nandyan na kami," wika ni Trisha at naputol din agad ang kanilang pag-uusap. Nagmamadali namang naglakad palabas ng condo si Avvi at nakasalubong pa niya si Lucio, pero hindi niya ito pinansin kaya napahinto sa paglalakad si Lucio at tinignan ang nagmamadaling si Avvi.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Lucio. Bigla namang napahinto sa paglalakad si Avvi at saka pa lamang niya nilingon ang kanyang asawa. Pagkatapos ay tinaasan niya ito ng kanyang kilay.
"Bakit mo tinatanong? Pinakialaman ko ba kung saan ka natutulog ng ilang araw? Hindi naman kita pinapakialaman kaya huwag mo akong pakialaman kung saan man ako pupunta. It's none of your business, you know?" sagot ni Avvi at tinaasan pa niya ng kilay ang kanyang asawa sa papel na kunot na kunot naman ang noo.
"May pakialam ako dahil asawa mo ako, nakakalimutan mo na ba 'yon, ha Avvi? Bumalik ka dito dahil hindi kita pinapahintulutang umalis," ani ni Lucio at hinablot pa ni Lucio ang palapulsuhan ni Avvi, pagkatapos ay hinila niya ito papalapit sa kanya.
"Asawa? Baka nakakalimutan mo Lucio, mag- ASAWA lang tayo sa papel, kaya huwag mong ipapamukha sa akin na may karapatan ka dahil simula't simula pa, ipinamumukha mo na sa akin ang pagiging asawa ko sa papel. Bitawan mo ako dahil hindi ko gusto na dumidikit ang balat mo sa akin," ani ni Avvi sabay tanggal niya sa kamay ni Lucio na nakahawak sa kanyang palapulsuhan, at pagkatapos ay tinalikuran na niya ito at nagmamadaling umalis bago pa man makarating ang kanyang mga kaibigan sa bahay ng kanyang ate.
"Avvi! Come back here!" malakas na sigaw ni Lucio, kaya nilingon ni Avvi ang kanyang asawa.
"No. Wala kang karapatan na pakialaman ako at pigilan ako. Sayo na rin nanggaling Lucio, walang pakialamanan, pero bakit mo ako pinapakialaman? Gawin mo ang lahat ng gusto mo at gagawin ko rin ang lahat ng gusto ko!" Malakas na sigaw na sagot naman ni Avvi. At pagkatapos ay nagmamadali na siyang pumasok ng elevator na hindi na nilingon pa si Lucio kahit tinatawag siya nito.
"Baliw ka Lucio kung inaakala mo na mapipigilan mo ako sa lahat ng gusto kong gawin. Hinahayaan kitang gawin ang lahat ng gusto mo dahil iyon ang kondisyon mo sa pagpapakasal nating ito, dahil sa papel lang tayo kasal, kaya huwag mo rin akong pakikialaman sa lahat ng gusto kong gawin. Bwisit ka talaga!" Bulong ni Avvi sa kanyang sarili. Pagbukas ng elevator ay nagmamadali na itong tumawag ng taxi. Buti na lamang at hindi naman kalayuan sa condo ang tinitirhan nila ni Lucio.
Gulat na gulat si Marcia ng makita niya si Avvi na pumapasok ng kanilang bahay.
"Ate dumating na ba ang mga kaibigan ko? Tumawag kasi kanina si Trisha at pupunta raw sila dito kaya ako nandito. Wala naman silang alam na may asawa na ako at wala akong balak na ipaalam sa kanila," wika ni Avvi sa kanyang kapatid na si Marcia.
"Wala pa sila. Buti at pumayag si Lucio?" Ani ng kanyang ate kaya natawa naman ng pagak si Avvi.
"Ate, kaya kami magkasama ni Lucio sa iisang bubong ay dahil kasal kami sa papel, pero hindi ibig sabihin ay susundin ko ang lahat ng sasabihin niya sa akin. Masyado na niyang tinatapakan ang pagkatao ko dahil sa paulit-ulit niyang sinasampal sa pagmumukha ko ang katotohanan kung bakit kami naikasal. Hindi niya ako mahal ate, at ni katiting na pagtingin ay wala siyang nararamdaman para sa akin. Para sa kanya, kapag nakakuha na siya ng pagkakataon ay ipapawalang bisa niya agad ang kasal namin, bakit ko pa hihintayin 'yon?" mahabang sagot ni Avvi sa kanyang kapatid. Humugot naman ng malalim na paghinga si Marcia at tinitigan ang kanyang kapatid at pagkatapos ay niyakap niya ito ng mahigpit.
"Dapat pala ay hindi ko na lang ipinilit na makasal kayong dalawa. I'm so sorry Avvi, kasalanan ko yata kung bakit ka nahihiralan ngayon. Ayoko lang kasing malamangan ka dahil siya ang unang lalaki sa buhay mo," wika naman ni Marcia.
"Don't worry ate, okay lang naman ako. Hindi naman kami nag-uusap at magkahiwalay kami ng silid na tinutulugan. Isa pa ay kararating lang nya dahil ilang araw siyang wala. Kahit isang tawag upang sabihin sa akin na buhay pa sya ay wala akong natanggap. Kilala mo ako ate, hindi ko ipipilit ang sarili ko sa taong ayaw sa akin. Kapag nakakuha na ako ng lakas ng loob o kahit na pagkakataon lang, aalis ako sa poder niya, duon ako pupunta sa malayong lugar at hindi na muna ako magpapakita. Gusto ko, sa pagbabalik ko ay ipamumukha ko naman sa kanya kung sino ang babaeng sinayang niya. Tignan ko lang kung kaya niyang panindigan na kaylanman ay hindi niya ako kayang mahalin," sagot ni Avvi.
Napangiti na lamang ang kanyang kapatid na si Marcia at kinuha ang bag na hawak ni Avvi upang ilagay sa silid nito. Humahanga siya sa katapangan at katatagan ng loob ng kanyang kapatid.
"Naliligo lang si Natalie, after naming makapag-ayos ay papasok na rin kami sa trabaho. Dito ka ba matutulog?" Tanong ni Marcia.
"Pwede ba ate? Na-miss na kita. Nuong nasa Baguio tayo hindi tayo magkasama kasi nasa boarding house ako, ngayong nandito na ako, nagkahiwalay na naman tayo dahil kay Lucio naman ako nakatira. Dito na lang muna ako ate, miss na miss na kita" wika ni Avvi kaya isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Marcia at niyakap niya ng mahigpit ang kanyang kapatid na si Avvi.
"Yes Avvi, dito ka muna sa akin dahil namimiss na rin kita. Hayaan mo ang walang kwentang asawa mo duon sa condo nya mag-isa," sagot naman ni Marcia.
"Sorry ate ha, dahil sa akin ay nasasaktan ka ngayon," wika ni Avvi na ikinagulat naman ni Marcia dahil hindi niya maunawaan ang ibig sabihin ng kanyang kapatid.
"Ako nasasaktan? Bakit naman ako masasaktan?" Gulat na ani nito sa kanyang kapatid. Natawa naman ng mahina si Avvi at humugot ng malalim na paghinga. Tumingin pa ito sa pintuan upang makasiguro na wala pa ang kanyang mga kaibigan.
"Ate alam kong mahal mo si Lucio, huwag kang magkakaila sa akin," sagot ni Avvi kaya natawa na si Marcia ng sinagot niya ang sinabi sa kanya ng kanyang kapatid.
"Yes, I like Lucio nuon. Sino ba ang hindi magkakagusto sa isang katulad niya, hindi ba? But I don't love him, Avvi. I swear I don't love him. Nuong una akala ko mahal ko sya, pero napatunayan ko na hindi ko sya mahal nuong gabing may nangyari sa inyo, nuong ikinasal kayo ay hindi naman ako nasaktan. Kaya lang ako nasaktan dahil pakiramdam ko ay naisahan ang aking kapatid ng isang lalaking nagpapanggap na bakla. Maniwala ka sa akin Avvi, kahit ako akala ko nuon ay mahal ko sya, pero mali pala ako ng akala. Huwag ka ng mag-isip ng kung ano-ano pa dahil magtiwala ka sa sinasabi ko sayo, hindi ko mahal si Lucio. Pero ikaw, ramdam na ramdam ko kung gaano mo sya kamahal kaya ko ipinilit na maikasal kayo, pero mukhang nagkamali yata ako dahil nakikita ko na hindi ka masaya. Pero ipangako mo sa akin, kapag napa-ibig mo sya, ipakita mo sa kanya ang kahalagahan mo, hayaan mo syang siya naman ang masaktan," sagot ni Marcia.
"Imposibleng mahalin niya ako, kasi si Ate Natalie ang mahal ni Lucio, siya ang babaeng isinisigaw ng kanyang puso ng gabing 'yon," ani ni Avvi at tuluyan ng nalaglag ang kanyang mga luha. Sa sobrang pagkahabag ni Marcia ay niyakap niya ng mahigpit ang kanyang kapatid.
"Kapag handa ka na Avvi, sabihin mo lang sa akin dahil ilalayo kita." Bulong ni Marcia kaya napangiti na si Avvi at pinunasan niya ang kanyang mga luha.
Hindi nagtagal ay umalis na rin ang kapatid ni Avvi kasama ang kaibigan nitong si Natalie. Si Avvi naman ay panay ang tingin sa orasang pangbisig niya dahil wala pa ang kanyang mga kaibigan.
Nagtungo si Avvi ng kusina upang ipagluto ang kanyang mga kaibigan para pagdating ng mga ito ay kakain na lamang sila ng agahan.
Hindi nagtagal ay dumating din ang kanyang mga kaibigan at ang reason ng mga ito ay heavy traffic daw sa Manila kaya inikutan lang ni Avvi ng mga mata nya ang sinabi ng kanyang mga kaibigan.
"Totoo nga! Ang haba kaya ng traffic, buti na lang at nalibang kami sa kwentuhan at hindi kami nainip sa haba ng traffic," ani ni Jhovel.
"Totoo na-traffic nga kami," pakli naman ni Ynah. Inirapan lamang sila ni Avvi at inalalayan na niyang maupo si Adi sa sofa dahil unti-unti ng lumalaki ang tiyan nito
"Grabe bruh, excited na akong makita ang unang baby ninyo ni Sebby. Alam na ba ninyo kung ano ang gender? Ani ni Avvi.
"Oo nga eh! Ang cute dahil may umbok na ang tiyan ko, excited na tuloy akong makita ang unang anak namin ni Sebastian. 'Yung gender hindi pa namin alam, sabi ng doktor much better kung five to six months na ang tiyan ko, kaya ilang months pa ang hihintayin namin," sagot ni Adriana.
"Ang sarap siguro magkaroon ng baby, ako ang unang hahawak ha," ani naman ni Trisha.
"Uunahan mo pa talaga ako? Syempre dapat ay ako muna ang unang hahawak sa anak ko, saka na lang kayo," sagot naman ni Adi kaya napanguso ang apat na magkakaibigan.
Natawa naman si Adriana habang hinihimas nito ang kanyang tiyan. Si Avvi naman ay nakatingin na lang sa kanyang mga kaibigan na tila ba may gustong sabihin tungkol sa kanila ni Lucio, pero hindi naman lumalabas sa kanyang bibig.
"Oh, bakit ang tahimik mo naman 'yata? May problema ka ba?" tanong ng kanyang mga kaibigan. Ngumiti naman si Avvi at umiling, pagkatapos ay inaya na niya ang mga ito sa kusina upang kumain, pero natigilan sila ng makarinig sila ng ilang katok sa pintuan.
"Teka baka may nakalimutan si ate," wika ni Avvi at nagmamadali niyang binuksan ang pintuan, pero nagulat siya ng pagbukas nito ay si Lucio ang nakatayo sa harapan niya. Kumakabog ng mabilis ang puso ni Avvi na napatingin sa kanyang mga kaibigan, kaya maging si Lucio ay napatingin din sa mga kaibigan ng kanyang asawa sa papel.
"Anong ginagawa mo dito?" gulat na tanong ni Jhovel ng makita niya si Lucio, pagkatapos ay napatingin sila kay Avvi na hindi makapag salita at hindi alam kung ano ang sasabihin sa kanila.
"Hinahanap ko lang si Marcia para kuhanin ko ang leather jacket ko na naiwanan ko dito nuong nakipag inuman ako sa kanila," ani ni Lucio na hindi inaalis ang tingin kay Avvi.
"Uhm, teka lang at kukuhanin ko, itinabi yata ni ate," sagot naman ni Avvi at agad na tumalikod upang tunguhin ang silid ng kanyang ate, pero hindi niya alam kung anong leather jacket ang hahanapin niya kaya naupo na lamang siya sa gilid ng kama at napahawak sa kanyang kaliwang dibdib. Damang-dama niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso.
"Bakit ka nandirito Lucio? Ano ba talaga ang kailangan mo? Alam kong hindi leather jacket ang hinahanap mo dito dahil wala ka namang suot na jacket nuong mag-inuman kayo nila ate. Bakit mo ba ako sinundan dito?" bulong ni Avvi sa kanyang sarili at pagkatapos ay tumingin siya sa pinto.
Humugot ng malalim na paghinga si Avvi at sinigurado niya na kalmado siya paglabas niya ng silid ng kanyang ate, gusto niyang makasigurado na hindi siya mahahalata ng kanyang mga kaibigan.
"Inhale, exhale." Ani nito sa kanyang sarili. At nang makasiguro siya sa kanyang sarili na maayos na siya ay nakangiti itong lumabas ng silid at humarap kay Lucio.
"Wala dito. Bumalik ka na lang mamayang gabi at tanungin mo si ate. Hindi ko kasi alam kung saan niya inilagay. Baka naman sa iba mo naiwanan at hindi dito," wika ni Avvi ng humarap ito kay Lucio.
"Ganuon ba? Sige hintayin ko na lang siya dito. Pwede ba?" ani ni Lucio kaya tumaas ang kilay ni Avvi.
"Sorry hindi pwede, kasi may lakad kaming magkakaibigan. Saka mamayang gabi pa makakauwi si ate. Walang maiiwanan dito pag-alis namin kaya ikakandado ko ang pintuan. Mamamalengke pa kami ng pang hapunan namin nila ate dahil ako ang magluluto mamaya dito. Pwede ka ng umalis," ani ko.
Ang mga kaibigan ko ay tahimik lang, nakaupo sila sa sa harapan ng table at nagsisimula ng kumain. Si Adriana naman ay tinawag si Lucio upang alukin na kumain ng agahan.
"Lucio, kumain ka na ba? Maraming niluto si Avvi, masarap magluto 'yan ng pagkain. Gusto mong tikman?" ani ni Adriana. Tumingin naman si Lucio sa nilutong hotdog at itlog ni Avvi saka ito tumawa ng mahina. Nakaramdam naman ng inis si Avvi dahil sa way ng pagtawa ni Lucio, parang nakaka-insulto ito para sa kanya.
"Kahit sa kumukulong tubig, maluluto ang mga 'yan. No thanks, okay na ako, kakain na lang ako sa labas," ani niya sabay talikod kaya tumaas ang kilay ni Avvi. Malakas na tawanan naman ang maririnig mula sa mga kaibigan ni Avvi.
"Grabe si Lucio, sa kumukulong tubig lang daw pwede ng maluto ang mga ito. Sya kaya ang ilublob ko sa kumukulong tubig?" inis na ani ni Avvi kaya mas lalong lumakas ang tawanan nila.