Nakaupo sa upuang kahoy si Cy sa tabi ng kanyang bahay. Wala siyang trabaho sa araw na iyon. Nagpapahinga lang siya saglit bago ipagpatuloy ang pagwawalis na ginagawa. Sa sobrang busy kasi niya sa palengke bilang kargador ay hindi na niya nagagawang walisan pa ang harapan ng kanyang bahay. Nasa tatlong linggo din siya noong walang pahinga. Kaya naman ngayon ay halos mapuno na ng tuyong dahon ang harapan niya. Dalawa kasing puno iyon. Puno ng mangga at avocado, ang nagkakalat ng dahon.
"Grabe, malapit ng maging banig ng tuyong dahon ang harapan ko ah." Aniya habang naiisip na hindi siya binigyan ni Rodrigo ng day off ng mga nakaraang linggo. Kaya ganoon ang inabot ng harapan ng bahay niya.
"Kung nandito lang si tiya at makikita ang paligid, makakatikim ako ng pingot doon." Natatawa pa niyang wika, habang nakatingin sa makapal na tuyong dahon na nakakalat.
Kinuha niya ang pitchel na may lamang malamig na tubig at isinalin niya iyon sa baso. Tapos ay inubos ang laman nito.
"Refreshing." Nakangiti pa niyang usal, tapos ay nagsimula na namang tumayo.
Nagsisimula pa lang noong sumilay ang haring araw. Ang liwanag niya kanina ay ang liwanag ng LED light na nasa balkonahe niya. Ngayon naman ay ang sumisilay na araw na.
Kumakanta pa noon si Cy. Ang kanta ng Westlife na My Love. Habang patuloy sa pagwawalis ay patuloy din ang pagkanta ni Cy. Todo bigay siya sa pag-awit, habang todo bigay din sa pagwawalis. Daig pa niya ang may mini concert sa mga oras na iyon. At ang audience, mga dahon.
Nagising naman si Aize dahil sa pagbirit ng kung sino mang kumakanta. Maayos naman ang boses nito at hindi masasabihan ng kapitbahay na wag kang mambulahaw kay aga-aga. Natawa pa si Aize sa isiping iyon. Wala naman kasing malapit na bahay doon.
Pinakinggan muna niya ang pag-awit nito. Napangiti pa siya ng mapagtanto kung kaninong boses iyon.
"Ang KalanCy na iyon. Ang aga-aga, kanta ng kanta. Mabuti na lang wala siyang malapit na kapitbahay. Kung hindi ay baka mabato pa rin siya ng tabo sa ulo. Sumisikat pa lang ang araw, pero nagkakakanta na. Maganda nga boses niya. Pero napakaagap pa naman." Aniya at nagpilit na rin siyang bumangon.
Ginawa muna ni Aize ang mga dapat niyang gawin sa umaga, bago siya lumabas ng kwarto. Bukas ang pintuan kaya hindi na siya gumawa pa ng ingay at sumilip na lang doon.
Nakita niya si Cy, na mukhang umiindak pa sa bago nitong kinakanta. Kita sa kilos ni Cy na masaya ito sa ginagawa. Napatingin din siya sa paligid. Napakadami na ngang laglag na dahon. Kung si Cy lang ang mag-isang magwawalis noon ay tiyak na aabutin ito ng tanghalian. Wala din naman siyang tinda ngayon. Sinabi kasi niya kay Cy na kung wala itong trabaho ay hindi din siya magtitinda. Ayaw naman niyang ihahatid at babalikan na lang siya ni Cy sa hapon. Dahil malaking abala pa rin iyon sa binata.
Natawa si Aize ng makita niya ang pagsayaw ni Cy habang patuloy sa pagwawalis. Sa tingin niya ay may nakalagay ito sa tainga, kaya sunod-sunod ang pagsabay nito sa kanya. Napansin din niya ang cellphone ni Cy, na nakapatong sa upuang kahoy.
"KalanCy!" Tawag niya dito pero hindi siya pinansin. Patuloy lang ito sa pagwawalis at pagkanta.
"KalanCy!" Muli niyang tawag pero hindi pa rin siya napansin nito.
Naglakad siya patungo sa pwesto ni Cy na todo, sayaw kahit wala naman siyang maunawaan sa step nito. "Pasalamat talaga ang KalanCy na ito. Kung nagkataon na nasa akin ang cellphone ko ay kukunan ko siya ng video." Aniya na natatawa, bago makalapit kay Cy.
Nasa tabi na siya ni Cy pero hindi pa rin siya napapansin ng binata. Kinuha niya ang nakalagay sa isang tainga nito. "KalanCy!" Malakas niyang sigaw na ikinagulat ni Cy dahilan para matumba ito sa lupa.
Yamot nitong inalis ang isa pang nakapasak sa tainga niya. "Langya! Bakit ka ba naninigaw!? Pwede ka namang magsalita ng hindi isinisigaw sa tapat ng tainga ko!" Paangil na sigaw ni Cy habang masama ang tingin na ipinukol kay Aize.
"Luh! Ang tapang natin ngayon ah. As if papatol ka sa isang babae?" Pang-aasara ni Aize na ikinatayo ni Cy.
"Anong akala mo sa akin hindi papatol sa isang babae kung ang babae ay katulad mong, mas lalaki pa kung mantrip sa akin!?" Inis pa ring sagot ni at nilapitan si Cy.
"Matatakot na ba ako?"
"Matakot ka na. Kasi nananapak ako ng kahit na babaeng katulad mo! Hindi na kasi nakakatuwa!" Naiinis na wika ni Cy. Hindi niya gustong sabihin ang mga sinabi niya kay Aize. Pero talagang hindi na niya napigilan ang bugso ng kanyang damdamin. Talagang naiinis siya sa mga kalokohan nito.
Pakiramdam kasi niya ay bigla siyang nabingi sa pagsigaw nito. Hanggang ngayon ay umuugong pa ang sigaw ni Aize sa tainga niya.
Nagulat naman si Aize sa sinabi ni Cy. Nagbibiro lang naman siya, pero hindi niya akalaing mapupuno sa kanya ang binata.
"Kalan." Ipinikit ni Aize ang mga mata bago muling tinitigan si Cy. "Cy." Mahina niyang sambit sa pangalan ng binata.
"Sorry." Mahina niyang bulong, pero hindi na siya pinansin nito. Hindi niya malaman kung hindi ba narinig ni Cy ang sinabi niya, o talagang hindi na siya pinansing talaga.
Tinalikuran siya ni Cy at iniwan sa pwesto niya. Hindi malaman ni Aize kung hahabulin ba niya ito. Pero bigla na lang siyang napaiktad ng pagdabugan siya ni Cy ng pintuan. Isara ba nito ng sobrang lakas ang panara ng pinto na halos ikayanig din ng buong kabahayan.
Nakatitig lang si Aize sa nakasaradong pintuan. Gusto niyang maiyak dahil sa inasal ni Cy sa kanya. Pero nandoon ang pakiramdam na wala siyang karapatan na umiyak dahil kasalanan din naman niya kung bakit napuno ito sa kanya.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Aize at tinungo ang upuang kahoy na kanina lang ay kinauupuan ni Cy. Napansin pa niyang muli ang cellphone nito na hindi man lang pinagkaabalahang balikan ni Cy.
Tumataas na ang araw, at mas lalong lumiliwanag na. Pero si Cy ay hindi pa rin nagawang lumabas ng bahay. Hindi man lang niya magawang pumasok ng bahay. Lalo na at nahihiya siya sa binata. Hindi niya alam kung ano pa ang ihaharap niya kay Cy. Biro lang naman iyong sa kanya. Pero hindi niya akalaing mapipikon ito ng sobra.
"KalanCy sorry na." Aniya habang nakatingin sa kawalan. "Hay paano ba ako hihingi ng tawad sa kanya." Dagdag pa niya na hindi alam kung ano ang gagawin.
Nagpalakad-lakad pa siya. Tatayo at uupo parang sira na hindi mapakali. "Cy sorry na. Hindi ko naman sinasadya. Binibiro lang naman kita. Hindi ko akalaing mapipikon at maiinis ka sa akin ng ganoon." Pagkausap pa niya sa sarili.
Hindi man siya sanay na magwalis ay siya ang nagtuloy ng winawalis ni Cy. Naisip niyang baka pagnatapos niya ang dapat ito ang gagawa ay mapatawad na siya ng binata.
Pawisan at halos, magdilim na ang kanyang paningin sa pagod. Nasa kalahati pa lang ng walisin ang nawawalis niya. Naubos na rin niya ang laman na tubig ng pitchel. Pero si Cy hindi pa rin lumalabas sa bahay nito. Gusto man niyang pumasok sa loob at ipahinga ang pagal na katawan at ang nasugatan niyang mga palad ay tiniis na lang niya ang maupo sa upuang kahoy sa tabi ng bahay ni Cy. Ni ang pumunta sa balkonahe ay hindi niya magawa.
Ilang sandali pa ay napatingin si Aize sa bumukas na pintuan. Nakabihis si Cy na sa tingin niya ay may pupuntahan. Gusto man niyang magtanong pero naibuka lang niya ang bibig at walang boses na lumabas.
Sinundan lang niya ng tingin ang binata na hindi man lang siya tinapunan ng pansin. Ang cellphone nito ay hindi man lang nito kinuha sa pinagpatungan nito, na nasa tabi niya.
Mabilis itong sumakay sa tricycle at iniwan siya. Doon lang niya napansin na nababasa na pala ng kung anong likido ang nakakuyom niyang kamao.
Hindi siya iyaking tao, pero sa ipinakita sa kanya ni Cy sa mga sandaling iyon ay nasagi yata ni Cy ang pinagtataguan ng mga luha niya. Kaya ngayon ay bigla na lang lumabas sa kanyang mga mata.