Chapter 19

1817 Words
Hindi mapigilan ni Aize ang sama ng loob kay Cypher. Makatapos siyang magdayag ay lumabas na rin siya ng kusina. Nandoon pa ang mumunting pamumula ng kanyang mga mata dahil sa hindi mapigilang pag-iyak. Nagpanama pa ang kanilang paningin ng malingunan siya ni Cy. Pero agad ding nag-iwas ng tingin si Aize. Ayaw niyang kaya lang kakausapin siya ni Cy ay dahil sa pag-iyak niya at dahil lang naawa ito sa kanya. Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Aize at mabilis na hinayon ang kwartong inuukupa niya. Medyo napalakas pa ang pagkakasara niya ng pintuan. Pero hindi naman niya intensyon ang magdabog. Habol tingin naman si Cy sa dalaga. Wala siyang masamang ibig sabihin sa sinabi niya dito. Mali naman talaga ang nais ni Aize. Ihinabilin lang sa kanya na bantayan si Aize. Pero hindi naman sinabing gawin niyang girlfriend. "Ano ako bantay salakay? Ako ang nagbantay, pero sa akin din pala dapat mag-ingat kahit wala naman akong ginagawang masama." Aniya at naupo na lang sa may upuan sa may balkonahe niya. Nakatingin pa siya sa labas. Mataas na dapat ang araw sa mga oras na iyon. Pero medyo malamig ang hangin. Nagsisimulang dumilim ang maliwanag na kalangitan. "Mukhang uulan." Puna pa niya at pinagmasdan ang paligid. Napatingin naman si Cy sa cellphone niya. Hindi naman niya balak itawag sa daddy ni Aize ang mga sinabi niya dito. Ayaw din namang malayo sa kanya ang dalaga. Iyon nga lang kahit lalaki siya. Ayaw pa rin niyang mahuhusgahan siya ng mga tao. Flashback Matapos mawala ang mga magulang ni Cy ay ang Tiya Celing na nga niya ang nag-alaga at kumupkop sa kanya. Sa hirap ng buhay noon sa probinsya kaya napilitan itong magtungo ng Maynila kasama siya. Pagkababa ng terminal ng bus, ay inaya siya ng kanyang tiya na kumain muna sa isang kainan doon. "Tiya gusto ko po sana noon." Turo ng batang si Cy sa empanada. "Sige kung iyon ang gusto mo anak." Anito at tinawag ang tindera. "Ate pagbilhan po ng dalawa niyan at tubig na rin." Ani Celing sa tindera sabay turo ng empanada. "Fifty pesos ang dalawa at bente naman ang tubig." Sagot ng tindera. Napalunok pa noon si Cy. Alam niya kung magkano lahat iyon. Halos pwede na nilang ipambili iyon ng isang kilong bigas, sardinas at itlog at pagkain na nila ng isang buong araw iyon. "Wag na lang po kaya tiya." Sabay iling ni Cy. "Wag kang mag-alala Cy. Ngayon lang naman ito. Isa pa parang natakam din ako doon at mukhang masarap." Bulong ng kanyang tiya. Nang maiabot sa kanila ang binili ay binayaran na iyon ng kanyang tiya. Aalis na sana sila sa pwesto nila ng maiabot ang sukli ng isang ginang ang nagsisigaw na nawawala ang wallet nito. Hindi na sana nila papansinin ng ituro sila ng ginang at pagbintangan. "Sigurado akong kayo ang nagnakaw ng wallet ko." Akusa nito sa kanila. "Mawalang galang na po. Kahit kailan ay hindi po namin magagawa na kumuha ng gamit na hindi sa amin." Pagtatanggol ng kanyang tiya sa kanilang sarili. "Sa itsura pa lang ninyo. Mukha kayong taga probinsya. Mga magnanakaw pa naman ang mga tulad ninyong mga hampas lupa." Pasigaw pa nitong sabi sa kanila. May kakain sanang pulis doon ng isuplong sila ng ginang na nagnakaw ng wallet nito. "Teka lang po. Wala po kaming kinukuha. Isa pa bumili lang kami ng pamangkin ko!" "Ilabas na ninyo ang pitaka ko, para wala ng problema!" Sigaw ulit ng ginang. Pinagtitinginan na sila ng mga tao doon. Wala naman silang magawa dahil hindi naman sila pakinggan ng ginang. Dahil sa taga probinsya sila hinusgahan na sila kaagad ng mga ito. Walang sapat na pruweba pero sinigurado kaagad ng mga ito na sila ang kumuha ng pitaka nito kahit hindi naman. "Mamang pulis. Hulihin na ninyo at ikulong ang mga magnanakaw na iyan!" Duro pa sa kanila ng ginang na galit na galit. Natakot pa si Cy dahil ikukulong sila at baka mahiwalay pa siya sa kanyang tiya sa mga oras na iyon. Nakayakap siya dito ng mahigpit at hinding-hindi bumibitaw ng may isang tinig na sumigaw mula sa loob ng kainan. Isang empleyado ng tindahan ang may bitbit ng pitaka. Nakita daw nito iyon ng magtungo ito sa banyo. Nakita nilang napahiya ang ginang. Pero ang traumang dulot ng panghuhusga at titig ng mga tao sa kanila ay hindi maalis sa batang isipan ni Cy. Mula noon natakot si Cy mahusgahan ng iba. Natakot siyang masabihan ng masama, kahit wala naman siyang ginagawa na panglalamang sa kapwa. End of flashback Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Cy at tiningnan ang isa-isang pagpatak ng ulan. Nagsisimula ng bumuhos ang ulan sa mga oras na iyon. Tuluyan ng tinabunan ng ulap ang kanina lang ay matingkad na sinag ng araw. Ilang sandali pa at lumakas na nga iyon. Umaampiyas na rin kaya naman nagpasya na siyang pumasok sa loob ng bahay. Nagtungo muna siya sa kusina, para sana uminom ng tubig ng mapakunot siya sa pulang patak na kanyang sahig. "Ano 'to?" Takang tanong niya at sinundan ang patak. Galing iyon sa may tapat ng lababo. Pero nandoon laman sa sahig. Sinundan ulit niya iyon pabalik ng mapansing patungo iyon sa kwarto ni Aize. "Hindi ko naman sinabing siya ang magdayag ng mga pinggan pero napakapasaway. Malamang ay nanariwa na naman ang sugat ng isang iyon. Paano iyon gagaling kung palagi na lang mababasa." Aniya at mabilis na tinungo ang kwarto ni Aize. Kakatok pa sana siya. Pero pagpihit niya ng seladura ay bukas iyon. Kaya naman dahan-dahan na lang niya iyong binuksan. Wala sa kama si Aize, pero nandoon ang maleta nito. Napakunot muli si Cy sa kanyang nakikita. "Nasaan iyon?" Tanong niya sa sarili ng mapansin ang ulo ni Aize na nakasubsob sa ibabaw ng kama. "Aize?" Tawag niya dito pero hindi naman sumasagot si Aize. Nilapitan niya si Aize at medyo tinapik. Napaangat ito ng tingin sa kanya, at mapait na ngumiti. "Sorry sa mga naging abala ko sayo. Aalis na lang ako at uuwi sa bahay. Bahala na kung saan ako dalahin ni daddy. Mas okay ng mas malayo sayo." "Teka lang aalis ka na? Aalis ka ng basta na lang?" Naguguluhang tanong ni Cy. Tango lang naman ang isinagot ni Aize. Hinagit niya ang maleta. Pero hindi pa siya nakakahakbang ay pinigilan na siya ni Cy. "Napakalakas ng ulan. Bakit naman biglaan?" "Ang manhid mo pong KalanCy ka. Kung hindi ka man manhid isa kang napakalaking tanga. Ang tanga mo po." Mahinahong wika ni Aize kaya napanganga si Cy. "Ako? Sinabihan mo ng tanga?" Sabay turo sa sarili. "Oo!" Walang kemeng sagot ni Aize at hinatak kay Cy ang maleta niya. "Hindi ka aalis lalo na at malakas ang ulan. Hindi ko bibitawan ang maleta mo." "Fine di sayo na! Ito pa." Sabay bigay kay Cy ng mga gamit niya at mabilis na hinayon ang pintuan palabas ng bahay. Gamit lang naman niya ang nandoon sapat na ang perang nasa bulsa niya para makauwi ng kanila. Sinuong ni Aize ang malakas na ulan. Parang naging pabor pa sa kanya na sobrang lakas at lamig noon. Hindi makikita ang mga luha niya. Isa pa ang panginginig ng katawan niya dahil sa pag-iyak ay hindi mapapansin dahil sa malamig na ulan. Patuloy lang siyang naglalakad. Alam niya ang daan patungong bayan. Wala siyang pakialam kung maglakad man siya. Mahalaga makalayo siya kay Cy. Kung ayaw nito sa kanya, hindi niya ipipilit ang sarili niya. "Bwisit na KalanCy iyon! Akala mo kung sinong gwapo! Ang tanga naman ng puso ko! Sa kanya pa nagkagusto. Habang noong nasa ibang bansa ako. Gusto kong lang mag-enjoy at makisalamuha sa ibang tao. Nakakainis talaga!" Bigla niyang sigaw ng madulas siya sa daan. Hindi naman siya nasugatan pero mukha na siyang naggulong sa putikan. Literal na putik. Isinubsob niya ang mukha sa palad. Alam niya sa sarili niya na hindi siya susundan ni Cy. "Bwisit kang Cypher ka!" Sigaw pa niya. Lalong dumidilim ang paligid. Lumalakas ang hangin na animo ay may paparating na bagyo. Nilingon niya ang kanyang pinanggalingan, pero hindi na niya matanaw ang bahay ni Cy. Malayo na rin ang kanyang narating. Nakalampas na rin pala siya sa daan patungo sa bahay nina Rodrigo at Shey. Muli niyang ipinagpatuloy ang paglalakad. Inilabas pa niya ang perang dala. Basa na iyon pero wala namang putik kaya ibinalik na lang niya sa bulsa. Nanginginig na ang kanyang katawan. Hindi dahil sa pag-iyak. Kundi gawa ng sobrang lamig. Nahihilo na rin siya ng hindi niya maunawaan. "Anong nangyayari?" Tanong niya sa sarili ng mapansing wala ng gasa ang sugat niya. Nagkaroon iyon ng putik at halos namumutla na, pero patuloy na umaagos na kaunting patak ng dugo. "Bakit ba nakalimutan kita? Hindi naman ako pwedeng mamatay sa poder ni Cy at baka mamaya ay mapasama pa itong biglaan kong pag-alis." Aniya ng mapaluhod siya dahil sumasama na rin ang kanyang pakiramdam. Samantala, napabuntong hininga naman si Cy ng iwan siya ni Aize sa kwarto nito. Alam niyang nagtatampo sa kanya ang dalaga kaya naman hindi na lang niya ito pinatulan. Sa lakas ng ulan, iniisip niyang sa may balkonahe lang ito magtutungo. Ilang minuto din siya sa kwarto ni Aize. Inalwas muna niya ang lahat ng gamit nito at isa-isang pinatas sa loob ng cabinet bago nagpasyang lumabas. Napakunot noo pa si Cy ng napansing wala sa balkonahe si Aize. Mabilis niyang nilibot ang kanyang bahay. Maliit lang iyon, kaya naman kung nandoon si Aize ay mabilis niya itong makikita. Pero wala. Walang bakas na nandoon si Aize sa bahay niya. Mabilis niyang kinuha ang susi ng tricycle. Kahit malakas ang ulat ay sinuong niya ang halos hindi na makitang daan. "Aize naman eh! Napakapasaway talaga. Ang lakas ng ulan, tapos talagang umalis pa!" Inis niyang sambit habang inililibot sa paligid ang paningin. Lampas na siya sa daan sa patungo sa bahay nina Igo, pero hindi pa rin niya nakikita si Aize. "Ang bilis naman noong maglakad. Mga babae talaga paggalit daig pang si flash sa bilis. Haist!" Ilang sandali pa ay nakita na rin niya si Aize na nakaluhod sa gitna ng daan. Mabilis niyang inihinto ang tricycle sa gilid at tinungo ang pwesto ni Aize. Wala na rin siyang pakialam kung mas lalo pa siyang mabasa. Ang inaalala niya ay si Aize. "Aize." Tawag niya sa pangalan ng dalaga pero hindi man lang siya pinansin. Hindi niya alam kung dahil hindi siya narinig dahil sa lakas ng ulan o ayaw lang talaga siya nitong pansin. Tinapik niya ang balikat nito, ng bigla na lang itong mabuway. Mabuti na lang at nasalo niya kaagad ang dalaga. "Aize." Tawag niyang muli dito pero hindi naman sumasagot. Nakatingala ito sa kanya, ngunit nakapitkit ang mga mata. Nararamdaman na rin niya ang pagbigat ng katawan ng dalaga na hawak niya kahit nakaluhod siya sa lupa. "Sh*t!" Bulalas pa niya ng mapagtantong wala itong malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD