Hindi makabangon si Sam dahil sa sobrang sakit ng kanyang ulo. Pinatay niya ang kanyang alarm clock at natulog siya ulit. Weekend naman kaya hindi na kailangan na gumising siya nang maaga. Natulog siya ulit pero nakarinig siya ng maingay sa labas pero hindi niya pinapansin. May kumatok sa pinto niya ngunit wala siyang lakas para bumangon at para buksan ang pinto.
"Sam, gising ka na ba?" tanong ng tita niya. Hindi siya sumagot at natulog siya ulit. Bumaba naman ang tita niya at kumuha ng duplicate key sa sala. Binuksan niya ang kuwarto ni Sam. Nag-aalala kasi siya kay Sam dahil hindi naman ugali niya ang mag-lock ng kuwarto.
"Sam, okay ka lang ba? Bakit ang putla mo?" tanong ng tita niya.
"Okay lang ako, Tita. Kailangan ko lang magpahinga. Masakit ang ulo ko," saad nito habang nakapikit ang mata. Hinawakan ng tita niya ang kanyang noo at mukha. Nag-aapoy ito sa lagnat.
"Sam, may lagnat ka. Bakit 'di mo sinabi agad? Wait, kukuha lang ako ng gamot, huh, at tubig. May bisita pa naman si Francis hindi ka niya maaalagaan."
"Sino ang bisita n’ya, Tita? Si Coleen ba?" tanong nito.
"Si Coleen nga iha. Mamamasyal daw sila, mag-beach. Sinundo niya si Francis at paalis na yata sila," nakangiti pa ang tita niya habang nagkukuwento.
"Teka lang, iha. Kunin ko muna ang gamot. Humiga ka muna diyan at magpahinga ka, huh,” Dagdag ng tita niya.
"Okay, Tita. Maraming salamat po." Pinikit ni Sam ang kanyang mga mata at malayang pumapatak ang mga luha niya.
Nakita ni Francis ang mommy niya na galing sa kuwarto ni Sam. Nagtataka siya kung bakit nagmamadali ang mommy niya. Kumuha ito ng medicine at tubig.
"Mommy, what's wrong? Sino ang papainumin mo ng gamot? Si Sam ba?" nag-aalala nitong tanong.
"Si Sam, anak. May lagnat siya, painumin ko lang ng gamot."
"Mommy, ako na ang magdala ng gamot sa kanya."
"No, Francis. May bisita ka. Ako na ang bahalang mag alaga sa bestfriend mo. Umalis na kayo para mahaba-haba ang oras ninyo. Magbiyahe pa kayo, ako na ang bahala kay Sam."
Hindi nakatiis si Francis kaya umakyat siya sa kuwarto ni Sam. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Nagkasakit si Sam pero hindi niya ito maaalagaan dahil naghihintay si Coleen sa kanya. Nakaramdam siya ng awa kay Sam at nasasaktan siya. Kulang ang araw niya kapag hindi niya kasama si Sam, nasanay kasi sila na nagbibiruan, nag-aasaran at naglalambingan.
"Sam, okay ka lang ba?" tanong niya rito. Hindi sumagot si Sam pero naririnig ni Sam si Francis. Pinikit niya ang kanyang mga mata dahil ayaw niyang makita si Francis. “Sam, I miss you and I'm sorry.” Hinalikan ni Francis si Sam sa noo. “Magpagaling ka, huh.”
Ayaw man iwanan ni Francis si Sam pero naghihintay naman sa kanya si Coleen sa baba. Naguguluhan na siya kung sino ang uunahin niya. Lumabas na si Francis sa kuwarto ni Sam at umalis na sila ni Coleen.
"Francis, may problema ka ba? Bakit parang wala ka sa sarili mo?” tanong ni Coleen.
"Wala, Coleen. Huwag mo na lang akong pansinin. Pagod lang siguro ako," saad ni Francis.
Hindi mapalagay si Francis dahil nag-alala siya kay Sam kaya biglang tumulo ang luha niya na hindi niya ma-explain. Mula noon siya lang ang nag-aalaga kay Sam. Hindi niya ito iniiwan lalo na kung may sakit ito. Nasa tabi lang siya ni Sam, inaalagaan niya at hindi niya iniwan hanggang gumaling ito. Pero ngayon iniwan niya si Sam na may sakit, sunod-sunod ang pagpatak ng mga luha ni Francis.
"Francis, are you okay? Bakit ka umiiyak?" tanong nito.
"Coleen, I'm sorry. Kailangan kong balikan si Sam. May sakit kasi siya walang mag-aalaga sa kanya," mahinahon nitong sabi.
"Kasama naman niya ang mommy mo, tsaka lagnat lang 'yon, Francis. Huwag kang OA," galit nitong sabi.
"Coleen, hindi mo kasi maiintindihan, eh. Kailangan ko siyang alagaan. Nakonsensya ako, Coleen. Ngayon niya ako mas higit na kailangan."
"Okay, Francis. Ibalik mo na ang sasakyan. Hindi naman ako papayag na mamasyal tayo, tapos wala sa akin ang isip mo. Next time na lang siguro. Sana sa susunod huwag naman mismo sa date natin magkasakit ang bestfriend mo! Nakakabwisit, eh!” singhal ni Coleen. Napansin ni Francis na nagalit si Coleen pero sa puso at isip niya, si Sam lang ang laman nito.
Nakaupo si Sam sa kanyang kama at iyak nang iyak dahil na-mimiss niya si Francis. Dati kapag may sakit siya, nasa tabi niya lang si Francis. Inaalagaan siya, pinapakain at pinupunasan pero ngayon iniwan na siya, pinabayaan, at nahihirapan siya na tanggapin ang pagbabago ng lahat.
Biglang may pumasok sa kuwarto niya at nagulat siya na si Francis ang nakita niya,. Nahuli siya ni Francis na umiyak.
"Sam, please. Bigyan mo ako ng karapatan na yakapin ka. Ibalik natin ang lahat sa dati," saad ni Francis.
"Francis, pabayaan mo na lang ako! Bakit ka bumalik? Nasaan si Coleen?" tanong ni Sam.
"Sam, bakit si Coleen ang lagi mong iniisip? Bakit hindi ang sarili mo? Bakit hindi tayo?" saad ni Francis. Umiyak na rin si Francis dahil gustong-gusto niyang yakapin si Sam nang mahigpit tulad ng dati. Gusto niyang iparamdam kay Sam na nandito lang siya na hindi niya ito ipagpalit sa kahit na sino. "Sam, please. Bigyan mo ako ng karapatan na yakapin ka, please. Miss na miss na kita, Sam," pakiusap niya kay Sam. Lumapit si Sam kay Francis at niyakap niya ito nang mahigpit.
"Sam, I'm sorry. I'm sorry, nandito lang ako hindi kita iiwan. Hindi kita pababayaan. Nandito lang ako sa tabi mo. Hayaan mo ako na alagaan kita tulad ng dati."
"Francis, I'm sorry kung itinulak kita palayo. I'm sorry. I miss you so much."
Hindi iniwan ni Francis si Sam. Nasa tabi lang siya at hinayaan niya na makatulog si Sam sa mga hita niya. Ang sarap ng pakiramdam niya na nasa tabi niya si Sam. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Iniisip niya na baka nakasanayan na talaga niya na nakadikit siya palagi kay Sam simula pa noong mga bata pa sila.
Habang si Coleen ay kanina pa tawag nang tawag sa cellphone ni Francis pero hindi niya pinapansin. Pinatay niya ang kanyang cellphone. Basta ang tanging gusto lang niya ay ang makasama at maalagaan ang bestfriend nya.
"Francis, nagugutom ako. Gusto kong kumain." Hinawakan niya ang noo ni Sam kung may lagnat pa.
"Wait lang, Sam, huh. Kukuha ako ng pagkain. Nagpagawa ako ng soup kay Manang kanina," saad nito. "Sam, okay na wala ka ng lagnat." Pinahiga niya si Sam sa kama at bumaba siya sa kitchen para kumuha ng pagkain. Pagbalik ni Francis ay may dala na itong bread at soup. Inalalayan niyang umupo si Sam at nilagyan niya ng unan ang likod nito para comfortable ang pag upo ni Sam.
Habang sinusubuan niya si Sam, titig na titig naman si Sam sa mukha niya. Binigyan siya ni Francis ng pilyong ngiti, at pinisil pa nito ang ilong niya. Noong bata pa sila, paborito ni Francis ang ilong ni Sam. Palagi niya itong pinipisil minsan ay kinagat pa at kahit nasa wastong edad na sila, hindi pa rin nawawala kay Francis ang pisilin niya ang ilong ng bestfriend niya.
"Sam, magpagaling ka, huh. Kapag okay ka na manood tayo ng sine. Mamasyal tayo sa labas at mag-ice skating tayo. Tulad ng dati."
"Francis, baka gawin mo 'yan dahil gusto mo lang bumawi. Francis, okay na ako. Tulad ng sinabi ko may nobya ka na at siya lang ang dapat kasama mong nanonood ng sine, at kakain sa labas."
"Pero, Sam, paano ka? Ayaw kong isipin mo na pinabayaan na kita porke't may nobya na ako."
"Francis, kailangan mong ipakita sa nobya mo na mahal na mahal mo siya. Ayaw kong isipin niya na ako ang kahati ng oras niya sa 'yo. Siguro panahon na para magkaroon din ako ng nobyo. Para hindi ka na mag-worry pa sa akin."
May kirot sa dibdib ni Francis. Hindi niya maintindihan. Nasaktan siya sa sinasabi ni Sam na kailangan na rin niyang magkaroon ng boyfriend.
"Sam, seryoso ka ba? Gusto mo nang magka-boyfriend?" tanong niya kay Sam.
"Francis, gusto ko rin maranasan magkaroon ng boyfriend at gusto kong subukang gawin kung ano man ang mga ginagawa niyo ni Coleen." Lumaki ang mga mata ni Francis. Galit na galit siya sa kanyang narinig mula sa bibig ng bestfriend niya.
"Sam, no! No! Ayaw kong magkaroon ka ng nobyo! Hindi ako aalis sa tabi mo. Huwag ka lang magpaligaw," saad ni Francis habang nakasimangot.