Ang Panganib

1047 Words
Someone's POV Dumating na ang araw na aking pinakahihintay. Dumating na sila. Dumating na ang bago at huling mga putahe ko sa islang ito. Ramdam na ramdam ko ang naghihintay na panganib para sa kanila. At alam kong isa sa kanila ang natitirang pamilyang hindi ko pa nailuluto sa malaking kawang ito. Sabik na sabik na akong akitin at dalhin sila sa isla ko. Gusto kong muling maghasik ng lagim sa mansiyon ko. Sabik na sabik na akong muling gumanti sa mga ginawa nilang kalapastangangan sa akin noon. Lintik lang ang walang ganti sa akin! Hindi nila ako hinayaang magsalita o sagutin man lamang ang bawat mga tanong ko. Wala silang awa! Walang mga pusong nilalang! Hahayaan ko munang masilayan nila ang kagandahan ng aking islang sampung taon na rin ang nakalilipas simula nang ako ay manahan sa lugar na ito. Sampung taon ang nakalipas buhat nang pagsamantalahan ng mga tao ang kahinaan ko. Sampung taon ang matuling dumaan mula nang patayin nila ako ng buhay sa lugar na pinaghirapan kong itayo upang mamuhay ng tahimik at payapa. Sampung taon akong pagala-gala sa islang ito. Sampung taon ang inilagi ko upang muling masilayan ang mga taong naging mitsa ng galit ko. Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nauubos ang mga taong nakapaligid sa islang pagmamay-ari ko. At sila ang magiging handog sa akin upang isagawa ang mga balak ko. Ang mga binata at dalagang mga bisita ko ang aking mga piling panauhing pandangal sa mansiyon kung ngayon pa lamang nila matutuklasan. Isang napakagandang pagkakataon ito. Isang pagkakataong hinding-hindi ko dapat na palampasin. Limang babae. Isang pihikan. Isang mahinhin. Isang rampadora at isang matapang. Gusto ko ang mga ugaling mayroon sIla ngayon at sisiguraduhin kong masisiyahan ako sa mga ihahanda kong patibong para sa kanila. Nanabik akong marinig ang mga sigaw nila, hiyaw nila at pagmamakaawa nila. Hindi ko sila tatantanan! Sino kaya sa kanila ang anak ng isa sa mga pamilyang lumayo sa aking napakagandang tahanan? Sino kaya sa limang babaeng ito ang karapat-dapat na bigyan ko ng matinding kaparusahan? Hindi na ako makapaghintay. Limang lalaki. Dalawang bully. Isang tahimik at misteryoso. Isang matapang at isang baklang magugustuhan kong takutin sa isla ko.Gusto ko ring makita kung paano nila ipagtatanggol ang mga kaibigan nilang mga babae sa harapan ko. Kaabang-abang marahil ang mga eksenang makikita ko. Sino naman kaya ang isa sa pamilyang umiwas sa aking sumpa at nagpakalayo-layo? Alin sa mga lalaking ito ang saka-sakaling kalabanin ako? Hindi ako papayag na mas malakas pa siya kaysa sa isang tulad ko. Magtutuos kaming pareho. Hahayaan kong busugin ang mga mata nila sa pagkamangha sa palibot ng isla ko. Matitikman nila ang paulit-ulit na pag-iikot sa islang ito. At kapag dalhin na sila ng hangin parito sa isla ko ay sa isa-isahin ko na silang igagayak sa iba't ibang hugis ng kawang mayroon sa islang ito. Hahayaan ko muna ang aking kaibigang hangin at mga kakahuyan ang mag-anyaya sa kanilang tuklasin ang aking tahanan at makilala ang isang tulad ko. Ilang taon din akong pagala-gala sa islang ito. Ilang taon ko ring inasam at hinintay na maubos ang lahat ng naninirahan sa paligid ng islang binili ko. Wala akong pakialam kung magsilikas sila. Ang mahalaga sa akin ay ang mga natira at ang pakiramdam kong nakaligtas sa aking sumpa. Sinumpa ko sila dahil sila rin ang may kasalanan. Sinumpa ko sila sa kasalanang hindi ko naman ginawa. Sinumpa ko sila upang pagbayarin sa ginawa nilang pagluto sa akin ng buhay. Hindi ko papayagang may isang buhay na hahalakhak at magiging masaya sa Isla Kawa. Wala silang utang na loob! Matapos ko silang bigyan ng trabaho ay pinatay nila ako. Hindi nila ako hinayaang magsalita. Hindi nila sinagot ang tanong ko. Basta-basta na lamang silang susugod at tinalian pa ako at ginawang hayop na itinapon sa kumukulong kawang pinagawa ko. Kaya't nararapat lamang na ako ay maghiganti. Karapat-dapat lamang na bigyan sila ng leksyong hindi nila makakalimutan. Papatayin ko sila! Papatayin ko sila! "ISINUSUMPA KO! ISINUSUMPA KONG MULA SA ARAW NA ITO, DITO SA ISLANG ITO, SA HARAPAN NG BAHAY NA IPINATAYO KO, HINDING-HINDI MATATAHIMIK ANG BAYAN NG KARLES!" "ISINUSUMPA KONG DADALHIN KAYO NG HANGIN SA ISLANG ITO PABALIK AT SISIGURADUHIN KONG TATADTARIN KO KAYO NG PINONG-PINO, HIHIWA-HIWAIN NA PARANG MGA BAWANG AT SIBUYAS, AT LULUTUIN KO KAYO SA KAWANG ITO NA PINAGLAGYAN NINYO SA AKIN HANGGANG SA KAYO AY MAMATAY NANG BUHAY! ISINUSUMPA KO!" "ISINUSUMPA KO RING WALANG MAKAKAALIS NANG BUHAY NGAYONG GABING ITO! LAHAT KAYO NA NARIRITO NGAYON AY MAMAMATAY KASAMA KO!" Kayo ang gumawa sa akin na maging masama. Buhay ko ang kinua ninyo kaya buhay din ninyo ang magiging kabayaran! At malapit na. Malapit na malapit na akong magwagi! Sige lang. Umihip ka pa, mahal kong hangin. Lakasan mo pa hanggang sila ay mapunta sa aking palasyong napakaganda. Sa isang islang mabibighani sila. Sa isang islang hindi na kailanman sila makababalik pa nang buhay sa kani-kanilang mga pamilya. Ganiyan nga, hangin. Ganiyan nga. Umihip ka pa nang umihip. Hayaan mong matulog sila sa iyong mga yakap. Hayaan mong itula silang lahat na mga batang iyan sa aking santuaryo. Sa santuaryong magiging huling pahingahan nila at libingan. … Narrator: Napatigil sa kani-kanilang mga ginagawa sina Mang Clemente at Aling Krisanta nang mapansin nila ang tila pagkulimlim ng lugar. Iba rin ang ihip ng hanging nanunuot sa kani-kanilang mga balat nang mga sandaling iyon. Panganib para kay Mang Clemente at takot para kay Aling Krisanta. "Mahabaging Diyos. Hindi ko na matanaw ang bangka ng mga bata, Clemente," nahihintakutan at napapa-krus na lamang si Aling Krisanta nang mga sandaling iyon. "Ipanalangin nating walang nangyaring masama sa kanila. Hindi ko rin gusto ang pangitaing iyan, Krisanta. Manalangin tayo." "Sige, samahan mo ako. Manalangin na tayo ngayon din, Clemente. Iba rin ang pakiramdam ko." Nanalangin nga ang dalawa nang taimtim nang mga oras na iyon. Magkahawak-kamay pa ang dalawa sa pagdarasal na sana nasa mabuti lang na kalagayan si Kring-Kring at ang mga kaibigan nito. Wala silang kaalam-alam na lumihis na ng direksyon ang bangka ng mga bata at dinala ang mga ito ng hangin sa Isla Kawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD