Kinabukasan ay maagang gumising ang mga magkakaibigan dahil tila dinadala sila ng kani-kanilang pang-amoy sa masarap na almusal sa unang araw nila sa isla. Napaaga ang gising nila dahil sa amoy ng napakasarap sa ilong na sinangag na hinaluan ng hotdog at itlog. Idagdag pa ang mabango at katakam-takam na amoy ng tuyong daing na may kasamang sawsawang kamatis sa toyo na inihanda ng magulang ni Kring-Kring. Nag-uunahan pa itong lumabas ng kuwarto upang makita ang mga nakahandang almusal.
Nang magtipon-tipon ang lahat sa mahabang mesa ng bahay nina Kring-Kring ay agad na silang kumain. Hindi na nila hinintay ang pagkakataong makatikim ng pagkaing lutong bahay. Ang akala mong mga rich and famous na kaklase at kaibigan ni Kring-Kring ay hindi mo mapagkakamalang kumakain pala ng mga pang-mahirap na pagkain. Para kay Kring-Kring at mahal niyang magulang, pang-mayaman ang kanilang ulam sa tuwing umuuwi siya sa kanilang nayon. Ito ang palagi niyang pinananabikang matikman ulit.
"Ang sarap. Parang mayaman lang kasi may hotdog at itlog. Hindi nakasasawang lantakan," takam na takam na sabi ni Beauty na isa sa unang tumikim ng sinangag.
"Sinabi mo pa. Pak na pak ang sarap nitong tuyo sa dila ko. Lalo na itong kamatis na may tuyo. OMG! I miss this. Thank you po sa almusal, Mang Clemente at Nanay Krisanta," nag-thumbs up naman si Sampagita sa magulang ni Kring-Kring at nilantakan na rin ang sinangag at tuyo ng nakakamay.
Ang iba naman ay napapatawa na lamang dahil sabay-sabay pa ang mga itong napapadikhay sa kabusugan. Kahit ang tahimik na si Kundiman ay magana ding kumakain sa kanilang harapan.
Nang mabusog ang mga ito ay nagpahinga muna sila sandali. Nag-inat-inat pa ang iba. Ang iba naman ay kamot-kamot pa ang tiyan habang may toothpick na kinakagat sa bibig. Ang iba naman ay pumapaypay-paypay pa dahil ramdam na ramdam nila ang init na nagmumula sa sikat ng araw.
"Ang sarap ng ulam natin ngayon. The best talaga ang pagkaing pinoy pagdating sa probinsiya," wika ni Molave.
"Oo nga. Ang sarap talaga lalo na 'yong sinangag,"sang-ayon naman ni Kawayan.
"At masarap din ang init ng araw. Gusto kong mag-sun bathing," palandi-landi kunong sabi ni Rampadora.
"Pak, Ganern!" papalo-palo naman sa p'wet na sabat ni Sampagita.
"Tama na ang moment ninyo. Tara na at mag-bangka na tayo. Hindi ba gusto ninyo iyon? Ililibot ko kayo sa islang ito," masayang sabi ni Kring-Kring. Natigilan naman ang mga kaibigan niya at tiningnan siya ng what-the-you-know-how-to-ride-a-boat-look.
"Hoy! Hoy! Alam ko ang mga tinginan ninyong iyan. Hindi ninyo alam na marunong akong mamangka? Kung ayaw ninyo, e, 'di ako na lang. At kung sino man ang gustong mag-enjoy sa nayon namin, 'yon lang ang p'wedeng sumama sa akin. Gets?" kunwaring galit-galitan ni Kring-Kring sa kanila. Agad namang nagsitakbuhan ang mga kaibigan pabalik sa kanilang k'warto at nagbihis upang sumama kay Kring.
Ilang minuto pa ay handa na sila at isang maliit na ferry boat ang naghihintay na sa kanila sa daungan. Oo! May daungan doon kina Kring-Kring. Simple ferry boat lang na kaya ang sampung tao. De-motor naman ito kaya hindi na kailangan ni Kring-Kring na magsagwan.
Hindi pa man nakakasakay sa bangkang de-motor ang lahat ay panay naman ang selfie nina Sampagita, Rampadora, at Gumamela sa bangka habang si Beauty naman ay naiinis nang tinitingnan sila. Ang mga lalaki naman ay prenteng-prente ng nakaupo pero si Molave ay naghihintay pa sa mga babae upang alalayan ang mga itong umakyat sa bangka. Si Kundiman ay nanatili namang nakamasid sa buong paligid ng nayon ni Kring-Kring at tila walang pakialam na naman ulit sa mga kaibigan.
"Are you alright, Kundiman?" tanong ni Beauty sa kaniya. Tumango na lamang ang binata pero hindi nakatingin ang mga mata nito sa nagtatanong na si Beauty. Kaya hindi na lamang siya pinansin ng dalaga. Dismayado naman ang mukha ni Beauty sa inasal ni Kundiman.
"Hindi ko alam kung bakit ganito ang pakiramdam ko. Parang may ibinubulong ang hangin sa tainga ko pero hindi ko alam kung ano ang ibig ipahiwatig nito." Naibulong na lamang ni Kundiman ang mga katagang iyon sa kaniyang isipan.
Nang makasakay na agad ang lahat ay pinaandar na ni Kring-Kring ang sasakyang de-motor at nagsimula na silang maglibot sa isla Sigarilyo. Enjoy na enjoy namang pinagmamasdan ng mga babae ang kaakit-akit na lugar maging ang napakalinaw na tubig-alat sa paligid ng bangkang kanilang dinaraanan.
"Yong nakikita ninyo ngayon ay ang sikat na Cicogon Island o mas kilala sa tawag na The Sleeping Giant o Isla Higantes. Parang natutulog lang ang islang iyan. Hindi pa ako nakakapunta diyan pero ang alam ko mala-Boracay din ang kulay ng buhanging mayroon diyan," pagsisimula ng tour ni Kring-Kring. Kitang-kita naman sa mga mukha ng mga kaibigan ang pagkamangha dahil mukhang isang malaking higante ngang natutulog ang islang iyon.
"It's time to go --" naputol ang sasabihin ni Kring-Kring nang mapadako ang kaniyang tingin sa isang islang ngayon lamang niya nakita. Parang may sariling isip ang kaniyang mga kamay at bigla na lamang niyang pinihit papunta sa direksyong natatanaw niya ang bangkang de-motor.
"Kring!" natigilan at napabalik naman sa wisyo si Kring-Kring nang hawakan ni Kundiman ang kamay nito.
"Oy! Ano 'yan? Don't tell me, Kundiman, type mo si Kring?" panunukso ni Gumamela.
"Oo nga, pare. Duma-da-moves ka ha?" segunda naman ni Kawayan. Agad binitiwan ni Kring ang kamay ni Kundiman. Nailang pa siya nang titigan niya ang mga mata nito. Sa hindi malamang dahilan ay napagtanto ni Kring-Kring na ibang direksyon na ang kanilang tinatahak.
"We have to go back na guys, malapit nang magsalubong ang araw at gabi." pag-iiba ni Kring-Kring. Nang mga oras na iyon ay parang ang bilis ng t***k ng kaniyang puso.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay napansin ng mga kaibigan maging ni Kring-Kring na paikot-ikot lamang sila sa parehong islang kanilang nilibot at ang tanging nakikita lamang nila ay ang makakapal na puting ulap na bumabalot sa isang lugar na hindi pamilyar kay Kring-Kring.
May kung anong p'wersang humihila sa bangkang sinasakyan nila papunta sa direksyong iyon. At sa malas pa ay naubusan na sila ng gaas. Wala ng laman ang tangke ng bangkang de-motor. Nang siyasatin iyon ni Kring-Kring ay wala na nga talaga. Napakamot na lamang siya sa ulo at magsasalita pa sana nang mapansin niyang ang kaniyang mga kaibigan ay tulalang nakatayo at nakatingin sa direksyon ng isang ... isla.
Sinundan at tiningnan din ni Kring-Kring ang islang kanina ay nagpatigil sa kaniyang isipan. Ngayon naman ay unti-unti silang dinadala sa lugar na iyon. Ilang sandali pa ay naramdaman ni Kring-Kring at ng kaniyang mga kaibigan ang unti-unting pagkaantok at pagpikit ng kani-kanilang mga mata.