Kring-Kring's POV
Nagsalubong ang mga mata namin ni Kundiman nang marinig ko ang isang bagay. Parang may nagsalita. Parang may babala. Parang may hindi magandang mangyayari sa bahay na ito at sa mismong lugar na ito.
Parang may nagmamasid sa aming lahat. Ako na ang unang umiwas nang tingin kay Kundiman upang suyurin ang kapaligirang naririto. At nang aking ilibot ay nagulat ako sa aking nakita.
Ang kaninang napakagandang tanawing lugar ay kahindik-hindik pala ang kalalabasan. Ang mansiyong nasa harapan namin ay isang luma at sunog na bahay na. Ang mga paligid naman ay kalbong-kalbo at nababalot ng kadiliman. Walang mga buhay na kahoy. Puro patay ang mga ito.
At ang kawang nasa paligid ng bahay na iyon ay wala talagang buhay. Maitim na maitim na ito at halatang hindi na nga naalagaan.
"Ito ba ang islang naikuwento ng aking magulang?"
Naibulong ko na lamang ang mga katagang iyon sa aking isipan. Agad akong nilapitan ni Kundiman nang mahalatang iba ang aking nararamdaman. May ibinulong lang siya sa akin na aking ikinagitla.
"Alam ko ang iyong nakikita. Ilusyon lang ang nakikita ng mga kaibigan natin maging ang nakita mo. Marahil pareho tayong may third eye."
Natigilan ako. Ako? May third eye? At kung ito nga ang Kawa Island, hindi ito ang islang kinasabikan ko. Anong klaseng islang ito at bakit ganitong-ganito na siya. Nasaan na ang mga taong narito at sino ang may-ari ng mansyong nasa harap namin.
"Hindi tayo dapat mahalata ng iba nating mga kaibigan, Kring. Kailangan nating matuklasan ang mayroon sa islang ito."
Bumulong na naman sa akin si Kundiman at inakay ako papasok sa loob ng bahay na iyon. Kahit namamawis na ako ay hindi rin ako nagpahalatang ilusyon lang ang lahat ng ito.
At bakit kaming dalawa lang ni Kundiman ang nakakakita ng totoong hitsura ng lugar na ito? Ano ang mayroon sa aming dalawa?
Kinakabahan na talaga ako.
Paano kung buhay pala ng mga kaibigan ko ang kapalit? O buhay ko ang mawala rito sa islang ito? Anong mayroon sa islang ito.
Nang nasa tapat na kami ng pintuan ng mansyon ay agad na kumatok si Molave. Bumukas ang pintuan. Naghintay kaming may taong lalabas upang kami ay batiin pero wala.
"Parang ang creepy ha? Pero I like it," akala ko ay nakaramdam na ng kakaiba si Rampadora pero hindi pala. Agad siyang pumasok. Sumunod naman kami. Hindi kaya na-hypnotize ang mga kaibigan ko? O baka nakulam?
"Pasok na tayo, Kring. Hayaan na muna natin sila. Mag-iingat na lamang tayo."
Muli akong inakay ni Kundiman. Agad niyang hinawakan ang aking kaliwang kamay at sabay kaming pumasok dahil kami ang nahuli.
"Oh my gosh! It is truly a mansion," tili ni Sampagita.
"Ngayon lang ako nakakita ng kakaibang mansiyon at sa isang isla pa. Grabe lang!" si Kawayan.
"Guys, hindi tayo dapat maghiwa-hiwalay. Huwag kayong lalayo. Hindi natin alam ang lugar na ito," wika ko.
"Friend, let us just enjoy this island. Okay? I have to check the rooms upstairs. Baka may jetted tub sa taas," si Beauty.
Hindi na ako nagsalita. Sinundan ko na lamang nang tingin ang mga babaeng sumunod kay Beauty - sina Gumamela, Beauty, Hello, Rampadora at ang binabaeng si Sampagita. Ang mga lalaki naman ay isa-isang tinungo ang kusina upang maghanap ng makakain habang kami ni Kundiman ay nanatiling nasa sala lamang.
Ang mga chandelier sa taas ay malapit ng bumigay. Ang couch ay sira-sira na at inaanay pa nga e. Ang haligi ng bahay ay may mga uod na rin. Hindi ba talaga nila nakikita kung gaano kapangit at kapanindig-balahibo ang mansiyon na ito. Sa hindi malamang dahilan ay tinungo ko ang kusina.
Nang marating ang dining area ay naratnan kong kumakain ang mga kaibigan kong lalaki.
"Kain tayo, Kring. Ang sarap ng pagkain. May nakahanda na pala para sa ating pagdating. Kaya kumain na kami agad."
Pinagmasdan ko ang mahabang mesa at wala naman akong nakikitang masasarap na pagkain. Habang ngumunguya sila rinig ko ang tunog ng mga napipisang itlog ng uod. May mga bulate pang nahuhulog sa mga bibig nila.
Naduduwal ako at agad na tinungo ang lababo. Pagdating ko sa lababo ay nagsuka na ako. Hindi ko na kinaya ang nakikita. Naisuka ko na yata lahat ang kinain ko kaninang agahan.
Pagkatapos ko magsuka ay binuksan ko ang gripo at nagulat akong sa halip na malinis na tubig ang lumabas ay kulay pula ito. Masangsang. Amoy patay na dugo!
"Ang weird mo, Kring. Patayin mo ang gripo. Naiwan mong bukas. Kumain ka na kasi."
Umiling ako at pinunasan ko na lamang ang aking bibig gamit ang manggas ng aking damit at agad na bumalik sa sala upang hanapin si Kundiman. Ngunit wala na siya roon nang dumating.
Baka umakyat. Kaya umakyat na rin ako.
Someone's POV
Mukhang kilala ko na ang dalawang taong ito. Sila lamang ang nakakakita sa totoong sitwasyon at hitsura ng bahay at lugar na ito. Sila na nga marahil ang natitirang isinumpang kailangan kong patayin.
Sila marahil ang mga anak ng naglayas sa islang kinabibilangan nila.
Mukhang hindi magiging madali ang paghahain ko sa mga bagong bisita dahil may dalawang may alam sa tunay na kaanyuan ng islang ito.
Ano kaya kung umpisahan ko na ang pagpapainit sa kawa sa labas nang mahila ko silang magtampisaw sa mala-hot spring kong kawa?
Sigurado akong magugustuhan nang mga babae. Ang kailangan ko lamang gawin ay isa-isahin sila o paghiwalayin lalong-lalo na ang dalawang batang iyon - sina Kring-Kring at Kundiman.
Sino kaya ang uunahin ko?
Si bulaklak na Gumamela? Si baklang Sampagita? Si rarampa-rampang Rampadora?
Si Hello kaya nang mag-hi ako? Si magandang Beauty kaya, puwede?
E kung mga lalaki kaya? Si matigas na Molave? Si kulay damong si Kawayan ba? O si matatag na Nara?
Alam ko na! Bingo!