Habang pinagmamasdan ng isang nilalang ang malaking kawa sa kaniyang harapan ay napapahagikgik ito. Tila wala sa sarili. Mukhang baliw. Ang kaniyang halakhak ay mistulang tinig ng naiipit na ibon o hindi naman kaya ay sintonadong mang-aawit na kumakanta ng Bituing Marikit.
"Malapit nang sumapit ang hating-gabi at kailangan ko na kayong patulugin mga mahal kong bisita." napatawa na naman siya.
"Ngunit, kailangan ko ring patulugin ang dalawang taong pakay ko bago ko gawin ang nais ko sa unang taong makakalaro ko." muli siyang humalakhak habang naghahalo na tila ay may nilulutong bagay.
Ilang sandali pa ay may isinaboy siyang kulay pilak na abuhing bagay sa kawa. Kumikintab iyon at nang mahalo sa kawang iyon na may lamang kumukulong tubig ay pumailanlang ito. At sa isang iglap ay hinipan iyon ng nilalang at tinungo ang bawat bisita.
Naunang nakaramdam ng antok sina Kring-Kring at Kundiman at agad na nakapikit sa upuan sa sala. Dumiretso naman ang bagay na iyon sa ibang mga kaibigan ng dalaga. Napapikit naman ang mga kalalakihan na sina Nara, Molave, at Kawayan napasubsob ang mukha sa hapag-kainan. Sumunod namang nakaramdam ng antok sina Gumamela, Hello, Beauty, Rampadora, at Sampagita sa itaas ng mansiyon.
"Ayan! Magaling! Ngayon, sino kaya ang uunahin ko sa inyo?" tatawa-tawa na naman siya sa harap ng kaniyang kawa.
"Alam ko na. Pikit-mata akong maghahalo tapos kung saan titigil ang malaking sandok ko siya ang unang biktima ko. Tama!" tumawa siyang parang isang batang sabik sa larong kaniyang uumpisahan.
"Halo-halo! Hahaluin ko! Sino kaya sa inyo? Ang unang biktima ko! Isa. Dalawa. Tigil sandok!" At kinantahan niya pa. Nang tumigil ang malaking sandok na hawak niya, nagulat siya dahil hindi iyon ang unang gusto niyang biktima - si Rampadora.