Ikasampung Luto

1375 Words
"Gumising ka, Molave. Gising!" Naalimpungatan si Molave nang may marinig siyang tumatawag sa kaniyang pangalan. At nang idilat niya ang kaniyang mga mata ay wala naman siyang nakikita. "Molave!" ani ng tinig. Luminga-linga na naman si Molave. Hindi pamilyar ang boses na naririnig niya dahil ni minsan sa kaniyang buhay ay may natatandaan siyang tinig. "Sino ka? Magpakita ka nga! Nang-iinis ka yata e." napapalatak na lamang si Molave. Hindi niya gustong magalit pero kapag iniinis siya ay talagang mapapalakas na ang kaniyang boses. "Molave..." Nariyan na naman ang tinig. Napailing na lamang siya. Ikinuyom ang mga kamao na halatang nagpipigil lang. Nilibot niya ang kaniyang tingin at napansing nasa isang hindi pamilyar na lugar. Naglakad-lakad pa siya. Nang makita ang liwanag ng lugar ay nagulat siya dahil pamilyar na sa kaniya ang tagpong ito. Ang Plaza Libertad sa Iloilo. Ito ang lugar kung saan siya noon nagpalaboy-laboy. Ang lugar kung saan una siyang kinatiyawan, sinita, pinagkaisahan, at binugbog ng mga malalaking batang akala mo ay sila ang may-ari ng kalsadang iyon. "Gusto mo bang makita ang mga taong nanakit sa iyo, Molave?" muli na namang nakarinig ng tinig si Molave. Ang tinig na iyon ay nag-aanyaya sa kaniyang sumagot ng "Oo. Gustong-gusto". Pero sa kabilang parte ng kaniyang isipan ay nagsasabing mali ang gagawin niya. At pinili niyang hindi sumagot sa tinig na iyon na lalo niyang ikinainis. Sino ba kasi iyon? At kanino ang tinig na iyon? Muling nanariwa ang lahat ng pinagdaanan ni Molave nang mapa-upo siya sa isang konkreto at sementadong upuan sa plaza. Napakaganda na ngayon ng lugar na ito. Kung titingnan mo sa mapa tru aerial view, ang plaza ay nasa gitna ng munisipyo ng lungsod ng Iloilo, ng lumang simbahan, ng palengke, at ng mga piling establisiyemento gaya ng mga bangko at iba pa. Kung titingnan ang mapa, sa east side ang munisipyo, sa west ang simbahan, sa north ang palengke at sa south ang mga establishments. "Kami ang may-ari ng puwestong ito! Umalis ka riyan, bata!" sigaw ng matabang binata sa patpating si Molave. "E, kung ayaw kong umalis?" pasigaw naman ang sagot ni Molave sa binata. "A, ganoon ha?" At isang malutong at malakas na suntok sa mukha ang nakuha ni Molave. Natumba siya. Akala niya suntok lang ang aabutin niya pero nagkamali siya. "Hawakan ninyo sa kamay ang batang iyan at nang mabugbog natin!" wika niya sa kaniyang tatlong matatangkad na binata. Matangkad din naman si Molave pero mas malalakas nga lamang sila kaysa sa kaniya. Gustuhin niya mang manlaban ay hindi niya magawa dahil hawak-hawak siya sa magkabilaang braso. Mula kasi nang maglayas siya dahil sa kawalang atensyong ibinibigay sa kaniya ng kaniyang magulang, napadpad siya sa kung saan-saan. Mayaman sila. Pero para kay Molave ay mahirap pa siya sa daga. Aanhin niya ang yaman kung kulang naman sa pagmamahal. Aanhin niya ang malaking bahay kung kuwago naman ang nakatira. Kaya mais mainam na maging mahirap na lamang siya kaysa mabuhay sa bahay na puro katulong lamang ang makaka-usap niya. Mula rin nang may mangyari sa kaniya sa Plaza Libertad ay naging mainitin na ang ulo niya. Mainisin na rin siya. Laging dinadaan sa pang-aasar at pang-aalaska ang bawat galit o inis na mayroon siya. Nagbanat siya nang buto. Nagtrabaho sa iba't ibang paraan gaya ng pagiging boy sa palengke, taga-igib ng tubig, at nang magbinata ay naging part-timer sa mga fast food chains. Dahil gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral ay ginamit niya ang perang naipon niya upang makapag-enroll. Biniyayaan naman siya ng Panginoon sa kabila ng kaniyang masamang asal na ipinapakita. Naisali pa siya ng kaniyang kakilala noong nagtatrabaho pa siya sa isang sikat na fast food chain sa isang pageant. Ayaw niya pa sana pero malaki ang premyo kaya pumayag siya. Sa tangkad niyang 6'2, sa kutis niyang moreno na katulad na katulad ng isang kahoy na molave na siyang ipinangalan sa kaniya, sa mata niyang kulay itim na waring nangungusap, at sa katawan niyang hindi mapaghahalataang nag-gym ito dahil mayroon siyang pandesal daw kung tawagin sa mga babaeng kaibigan niya sa trabaho. Sa awa ng Diyos, nanalo siya. Hindi pa nga niya inakalang may swim wear pa. First time niya mag-trunks. Kaya siguro nanalo siya dahil sa kaniyang malaking biyaya ding binigay sa kaniya. At nagtuloy-tuloy ang kaniyang suwerte dahil nasa huling taon na siya sa kolehiyo. Sina Kring-Kring din ang naging daan upang mas lalong maging matatag siya dahil mas malala at mahirap pa pala ang pinagdaanan niya kaysa sa dinanas niya. Malaki ang pasalamat niya kay Kring-Kring dahil tinanggap siya nito sa kabila ng mainisin at mainitin niyang ulo at pag-uugali. Idagdag pa ang iba niyang mga kaibigan. "Tama na ang pagiging senti mo, Molave! Oras na para ikaw ang mapaglaruan!" Umihip ang isang malakas na hangin. Kakila-kilabot ang naramdaman ni Molave nang mapansing parang nag-iiba ang kaninang maliwanag at buhay na buhay na plaza na kaniyang sinariwa. Namatay ang mga ilaw sa poste. Lalong lumalakas ang ihip ng hangin. Ang mga tuyong dahon ay isa-isang nagliliparan patungo sa kaniyang direksyon. Tumayo si Molave. Tinatangka niyang takpan ng kaniyang braso at kamay ang mukha upang hindi siya mapuwing at upang makita niya ang nangyayari sa paligid. Matapang siya. Matapang na matapang pero kung multo na ang makikita niya ngayon dahil sa mapanindig-balahibong simoy ng hangin ay ibang usapan na iyon. Akala niya sa mga fantasy lang na pelikula niya makikita ito pero totoo talaga e. Ang mga alikabok, tuyong dahon, at mga basura ay nagsitipon-tipon hanggang sa lumikha ng ipoipo na siya ang nasa gitna. Hindi siya makaalis. Panaka-naka siyang dumidilat at sinusulyapan ang susunod pang mangyayari. Kanina niya pa minu-mura-mura ang sarili. Hindi ganito. Hindi dapat. At sadyang hindi maaari. Tuluyan na niyang ipinikit ang mga mata at nag-usal. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagdasal siya at humingi ng tulong sa Panginoon. Habang ginagawa niya iyon ay unti-unti niyang nararamdamang umaangat siya at umiikot-ikot na siya pataas nang pataas hanggang sa idilat niya ang kaniyang mata at natagpuan ang sarili na nasa... isang malaking kawa na siya. Gulat na gulat ang kaniyang mukha. Hindi niya akalaing nasa isang kawa siya bumagsak. Lumublob ang katawan niya sa maligamgam na tubig. Ramdam niyang maligamgam iyon. At nang iahon ang sarili ay nakita niya ang iba't ibang klase ng panahog. "What the! Kailangan kong umalis dito!" At pinilit niyang iahon ang sarili pero parang may humihila sa kaniyang mga paa. At pakiramdam niya ay idinikit ang paa niya sa kawa. "Tingnan natin kung hanggang saan ang pagmamatigas mo, Molave." ani ng isang tinig. Narinig iyon ni Molave. "Sino ka ba ha? Magpakita ka! DUWAG! IPAKITA MO ANG MUKHA MO!" "Hindi ako magpapakita sa iyo dahil hindi naman kita kailangan. Ekstra ka lang dito at walang papel dahil ako ang bida." At nagpatawa pa ang tinig. Si Molave naman ay patuloy ang pagpilit sa sariling paa na umangat habang ang mga kamay ay nakahawak na sa taas ng kawa upang makalabas. Subalit, nakaramdam na siya ng kakaibanh init ng tubig. Nakakapaso. Parang sinisilaban na ang kawa. Kitang-kita na niya ang pagkulo ng tubig sa loob. "Tulong! Tulungan ninyo ako! Kring! Kring-Kring!" "Kahit anong sigaw mo, hindi ka nila maririnig dahil mahimbing ang kanilang tulog." Muling sumigaw si Molave pero unti-unti rin naman iyong humihina dahil nawawalan na siya ng lakas. Dumudugo na rin ang kaniyang ilong. Ramdam na ramdam na rin niya ang paglusaw ng kaniyang mga balat. Tila asidong natutunaw iyon hanggang sa matanggal isa-isa ang kaniyang paa, kamay, tainga, at mata. At tuluyan na ngang lumublob sa ilalim ng kumukulong tubig si Molave. Ilang saglit pa ay buto-buto na niya ang lumabas sa kawa. "Akala ko ay matigas ka. Nagkamali ako. Ang mabuti pa ay magpahinga na muna ako. Bukas na lang ako ulit maglalaro. Paalam, Rampadora at Molave. Kailangan ko ng beauty rest." At mula sa malaking kawang iyon ay nagpahinga muna sandali ang may-ari ng tinig. Nang maipikit ang mata ay hindi niya namalayang sa mga sandaling iyon pala ay nagising naman sina Kring-Kring at Molave.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD