Rampadora's POV
"Ladies and gentleman, let us all welcome the undisputed and number one model of our university since her Freshman year, Rampadora!"
Hindi maipinta ang aking mukha habang paakyat ako sa entablado. Ito na ang huling taon ko sa kolehiyo sa unibersidad na pinapasukan ko. Gaya nang mga nauna kong pagrampa, hindi ko pa rin maitago ang kaba sa aking dibdib sa harap ng ibang mga estudyanteng pinapanood ako.
Hiyawang may kasamang tilian. Masigabong palakpakan. Ilan lamang lahat iyan sa mga naririnig ko habang ako ay rumarampa. Sa katawan kong kulang na lamang ay sumali ako sa Binibining Pilipinas, marami ang nagkakandarapang mga lalaki sa akin. Ang mga babae naman ay inggit na inggit sa akin.
Noon pa man ay pangarap ko na ang maging isang Ramp Model. Ang akala nang marami ay mayaman ako. Ang hindi nila alam ay isang kahig at isang tuka lang din akong kagaya nang ibang estudyante sa unibersidad. Iilang tao lang din naman ang nakakaalam ng tunay na estado ko sa buhay at iyon ang siyam na kaibigan ko.
Mataray ako sa paningin nila pero alam nila ang buhay na mayroon ako. At dahil na rin sa scholarship ay nakapag-aral ako sa kolehiyo.
Nagpatuloy ako sa pagrampa. Ngunit nang ako ay babalik na pababa mula sa entablado, may naramdaman akong init. Kakaibang init na parang matutunaw na ang aking balat. Nang lingunin ko ang EMCEE at mga taong nasa ibaba ng stage ay nagulat ako dahil ang kanilang mga mukha ay unti-unting natutunaw. Sa madaling salita, naaagnas.
Ako naman ay parang mauubusan na rin nang hininga. Tinangka ko pa ring maglakad pero parang dumidikit na ang balat sa aking mga paa. Sinubukan kong iangat ito gamit ang dalawa kong kamay pero hindi ko kaya. Namamawis na ako!
Iniangat ko ang aking mata at ang kaninang magandang entablado, musika, at audience ay biglang naglaho. Napalitan ito ng isang gubat. Tama! Nasa isang isla pala ako kasama ang aking mga kaibigan.
Pero, bakit ang init? Lalong nagulat ang aking mga mata nang mapagtantong nasa labas ako ng mansiyong aming pinasukan. At paano ako nakalabas? Tapos nasa loob ako ng? Kumukulong Kawa? Na may lamang mainit na tubig?
"Tulong! Help! Kring! Tulungan mo ako! Tulungan ninyo ako!'
Hindi na talaga ako makagalaw. Natutunaw na rin ang mga balat ko. Hindi ako makababa sa kawang ito. Ganito na lamang ba ang kahihinatnan ko? Paano na ang pamilya ko? Ang pangarap ko?
"Tu-Tu-long!" hindi ko na maibigkas ang mga katagang nais kong sabihin dahil pati ang balat sa mata at pisngi ko ay isa-isa na ring nagsibabaan hanggang sa tuluyan na akong maging isang lutong buhay na putahe sa loob ng kawa.
...
Someone's POV
"Ipagpaumanhin mo, Binibini pero hindi kita type at saka ikaw ang unang biktima ko. Kaya sorry ka na lang." humalakhak na naman ang isang tinig matapos panoorin ang ginawa niya kay Rampadora.
"Ngayon, maghahalo na naman ako ulit. At ang mahiwagang kawa ang magsasabi kung sino ang susunod kong biktima. At ito ay si? Congratulations to MOLAVE." kinikilig-kilig pang tawa ng tinig nang malamang ang matigas na binatang si Molave ang susunod niyang biktima.