"Ang ganda-ganda talaga ng Andeng ko." Nalukot ang expression ng mukha ko sa sinabi ni Silong. Nakaupo sila sa isang upuan. Nakakandong si Andeng dito. Sweet na sweet habang ako naman ay abala mula pa kanina sa pagluluto ng kamote.
"Hihi, kaya ka nga na in love sa akin." Parang iniipit ang mani na tugon ni Andeng. Napairap ako. Bakit ba kasi naging pugad ng lovebirds ang kubo namin? Kulang na lang ay langgam, lalanggamin na iyong dalawa sa katamisan nila.
Feeling ko'y hindi lang ako updated. Pero parang Sila naman na.
Inilapag ko sa mesa ang kaluluto lang na nilagang kamote. Agad na dumampot si Andeng doon.
"Ouchieeee!" agad din naman nitong nabitiwan. Malamang mainit iyon.
"Naku, babyloves hindi ka nag-iingat." Agad hinawakan ni Silong ang kamay ng babae at inihipan. Muntik akong masuka sa kaartehan ng kaibigan ko. Napatingin ang dalawa sa akin nang tumikhim ako.
"Bakit?" Sila pa iyong nagtanong at takang-taka sa reaction ko. Samantalang sila itong weirdo sa paningin ko sa mga oras na ito.
"Nagtatanong kayo kung bakit? Akala ko ba nagliligawan pa lang? Kayo na ba? Bakit hindi ko alam?" sunod-sunod na tanong ko sa kanila. Nagkatinginan pa ang dalawa saka nagbungisngisan.
"Kami na... may isang buwan na rin ang nakalipas." Amin ni Andeng.
"Nang hindi ipinaalam agad sa akin? Parang hindi n'yo naman ako kaibigan n'yan, eh." Disappointed na ani ko sa kanila. Sabay kuha ng kamote pero agad ding binitiwan dahil mainit. In short, napaso ako. Dahil wala naman akong tagaihip na tulad ni Andeng ay inihipan ko na lang ang sarili kong kamay.
"Huwag ka nang magalit, Anais. Naisip kasi namin no'ng una na i-keep lang muna sa aming dalawa iyong relasyon namin. I-cherish iyong mga memory." Nakamaang ako habang pinakikinggan ang mga sinasabi nito. Ang cringe ng mga naririnig ko.
"Saka nagmamahalan kami, Anais." Seryosong ani ni Silong. Sabay haplos sa kamay ni Andeng. "Magtiwala ka sa akin, Anais. Mamahalin ko ng wagas ang babyloves ko." Muntik tumirik ang mata ko sa sobrang kilabot.
"O-kay." Nakangiwi na lang na sang-ayon ko sa kanila. "Paano kapag nalaman ng magulang n'yo?" nagkatinginan ang dalawa.
"Lagot. Kapag nalaman lalo na ng magulang ni Andeng ay tiyak na lagot kami." Kung ako ay education ang kinuhang course, si Andeng naman ay business management. Maraming pangarap ang magulang n'ya, kaya nais nilang mag-focus muna sa pag-aaral ang anak nila. Matalino rin naman si Andeng. Tulad ko.
"Alam n'yong magagalit bakit tinuloy n'yo pa rin?"
"Kasi nga nagmamahalan kami. Hindi na namin kayang pigilan ang aming mga puso." Madamdaming tugon ni Silong. Ito namang si Andeng ay kilig na kilig.
"Mahal din kita, babyloves." Sabay halik ni Andeng sa pisngi ni Silong.
"Tsk. Nawalan na ako nang ganang kumain ng kamote. Papasok na ako sa kwarto ko. Kayo na bahala rito. Maaga pa ako bukas kaya naman matutulog na rin ako."
"Sige, good night." Pumasok ako sa kwarto ko na iiling-iling. Pag-ibig nga naman, kahit sinabi na ng magulang na bawal ay sige pa rin at ipaglalaban.
Kaya ako'y ilag na ilag sa ganyan. Bukod sa hataw ni Lola ay alam kong malaking distraction ang ganyan lalo na sa pag-aaral ko. Okay naman ang pag-aaral ni Andeng, kaya naman n'yang i-manage ng sabay ang pag-aaral at pag-ibig. Ako kasi ayaw kong subukan dahil baka hindi ko kaya. Saka maraming lalaki ang may gusto sa akin, pero takot naman na mag-first move.
Mahirap lang ako. Pero sabi ng iba ay marami raw nai-intimidate sa akin.
Hindi ko na kasalanan kung mga duwag sila.
Humiga ako sa papag. Agad na binalot ang sarili nang makapal na kumot. Malamig tuwing gabi, para namang impyerno sa umaga.
Naririnig ko pa ang lambingan ng dalawa sa kusina ng kubo namin. Pero kaysa kilabutan ay ipinikit ko na lang ang mata at nagtakip ng tenga. Matutulog na ako para maaga akong magising at makapag-asikaso ng thesis ko.
Sa kasarapan nang tulog ay nakarinig ako nang halinghing. Ayan na naman... mukhang may aswang na naman.
Nakikiramdam ako. Abot-abot ang kaba sa dibdib ko. Nagpalinga-linga ako.
"Ahhhh..." impit na daing. Parang nahihirapan ang dumadaing. Anong oras na ba? Maingat akong sumilip sa bintana. Sobrang dilim pa. Halatang tulog pa ang mga kapitbahay namin.
"Ugghhhh!" pigil na pigil pang muling daig. Napadasal na ako sa labis na takot. Agad kong hinagilap ang rosaryong nakaipit sa bible. Pumikit ako't tahimik na nanalangin.
Nangibabaw sa utak ko ang panalangin. Ilang saglit pa'y dininig na ng Diyos ang dalas ko. Namayani na ang katahimikan.
Narinig ko pa ang pagbukas ng pinto at pagsara. May aswang talaga at dumaan pa sa pinto namin.
Napabuga ako ng hangin. Muntik pa akong maihi sa salawal ko sa sobrang takot at kaba.
Bumalik ako sa pagkakahiga. Nakaidlip pa naman. Ngunit pakiramdam ko'y lutang na lutang ako pagkagising ng umaga.
Lumabas ako ng silid at agad naalala iyong narinig ko kagabi.
Kinikilabutan pa ako paglabas ko ng silid. Agad sumentro sa upuang kahoy ang tingin ko. Sira ang sandalan no'n.
Agad kong nilapitan at pinagmasdan.
Totoo nga talaga ang aswang, at napapadalas ang aswang sa kubo namin.
Dapat ko bang ipaalam sa Lolo at Lola ko? Pero tiyak na mag-aalala sila kapag ipinaalam ko pa iyon sa kanila. Tiyak na hindi sila mapapanatag na mag-isa lang ako rito, tapos nasa mansion sila ng mga Aiden.
Huwag na lang.
Nagsaing at nagluto muna ako ng ulam. Bago ako naghanda sa pagtungo sa mansion ng mga Aiden. Aagahan ko na lang, for sure hindi ako mapapansin ng mga tao roon dahil tulog pa naman sila ng ganitong oras.
Natagalan pa ako sa pagpili nang isusuot. Sa totoo lang ay pare-parehong luma na rin naman. Sadyang naghanap lang ako no'ng presentable pa rin.
Nagsabi naman na si Lola Paula na mamili ako kahit ilang piraso lang. Ngunit tumanggi ako. Ang dami ko pang gastusin sa school dahil nga malapit na akong magtapos.
Ayos na itong mga lumang saya na galing pa iyong iba sa Lola ko.
Hindi ko alam kung anong meron sa araw na ito. Dahil nakuha kong magpulbos at lipgloss. Pero dahil masyadong makintab ang labi ay para rin naman akong nahiya. Kaya gamit ang pinakalaylayan ng suot kong saya ay dali-dali kong binura.
Ang alon-along buhok ay hinayaan kong nakalugay. Sinuklay ko na lang iyon nang mabuti.
"Anais!" tamang katatapos kong mag-ayos nang marinig ko ang pagtawag ni Andeng sa akin. Dali-daling kinuha ko ang mga gamit na dadalhin ko sa mansion. Saka ako lumabas ng bahay at isinara ang pinto.
"Ang aga mo, Andeng?" takang ani ko rito. May dala itong pliers at alambre na ipinagtaka ko. "Bakit may dala kang ganyan?"
"A-hhh, ano kasi inutusan lang ako ni tatay na dalhin ito."
"Ha? Inutusan ka n'ya na pumunta rito dala iyan?"
"Hindi! Mali ka naman. Ipinapahatid n'ya ito sa akin."
"Ah, kanino?" tanong ko. Saka lumabas na ako ng tarangkahan. Isinabit ko na rin ang alambre para isara iyon.
"Kay Tata Simo."
"Okay. Alis na muna ako, Andeng. Kailangan kong agahan sa pagpunta sa mansion."
"Gusto mo agad masilayan iyong mga poging anak ni Senior Landon?" kinikilig na tanong nito. Umiling naman ako.
"Kaya nga aagahan ko para hindi ko sila makita. Nakakahiya kasi."
"Bakit ka naman mahihiya? Ikaw talaga. Usap-usapan nga noon na favorite ka ni Seniora Rein." Nakilala ko naman na ang Seniora. Mabait siya, kahit naman si Senior Landon ay mabait din. Iyon nga lang, kahit mabait sila ay nahihiya pa rin ako dahil napakataas ng agwat nila kumpara sa amin. Nakakailang silang kausapin.
"Hindi, ah! Mabait lang talaga sila."
"Akin na iyan. Hatid na kita sa mansion." Doon din nagtratrabaho ang Nanay Dalisay ni Andeng, kaya okay lang ding magpunta ito roon. Ngunit hindi nga lang pwedeng maglibot sa loob. Hanggang sa dirty kitchen lang ito. Kahit naman kasi madalas na wala ang pamilya Aiden ay mahigpit pa rin si Lola Paula sa pagbabantay roon.
Ayon sa kanya, hindi raw Parke ang mansion ng mga Aiden para libutin. Tama naman ito.
"May dala kang pliers at alambre." Paalala ko rito.
"Idaan natin sa bahay. Tapos ihahatid kita sa mansion." Ito na ang bumuhat sa mga libro ko. Ako naman ay sa bag kong may kabigatan din.
"Si Silong?" tanong ko rito pagkatapos naming dumaan sa bahay nila, at ngayon ay binabagtas na namin ang daan patungo sa mansion ng mga Aiden.
"Nasa taniman na. Alam mo naman iyon. Maagang pumapasok para raw hindi na kailangan mag-extend ng oras. Bebe time na namin iyong hapon."
"Kilig na kilig ka naman. Ingat ka rin, ingatan mo iyang puso mo. Alam mo naman, kahit mahal na mahal n'yo ang isa't isa. Marami pa ring nagkakagusto kay Silong na mga dalagang tagarito sa barrio."
"Malaki ang tiwala ko sa nobyo ko, Anais. Marami mang magkagusto sa kanya ay alam naman nating ako lang ang pipiliin ng bebeloves ko."
"Basta ako'y nagpapaalala lang. Matagal ka nang gusto ni Silong. Alam naman nating pareho iyan. Tiyak na never papasok sa utak n'ya na magloko or gagawa ng mga bagay na masasaktan ka. Pero ingat dahil maraming mga taong feeling entitled sa buhay ng kapwa nila. Nakikialam kahit wala namang ambag kahit kaunti."
"Oo naman! Kaya nga tahimik lang kami ni Silong. Nagmamahalan kami na kami... tayong tatlo lang ang nakaaalam."
"Masaya kayo?"
"Sobra. Lalo na no'ng sagutin ko siya, Anais." Kilig na naman ang bruha. Pero napangiti na rin ako.
"Masaya ako para sa 'yo, Andeng. Maging masaya sana kayo ni Silong."
Nagpatuloy kami sa paglalakad. Medyo mahaba-habang lakaran ngunit hindi na namin pansin iyon dahil sa pagkwekwentuhan namin.
"Nakumbinsi ko na si Silong na bumalik sa pag-aaral n'ya. Sa susunod na pasukan ay mag-ALS siya. Magaling magkumpuni si Silong ng mga sirang appliances kaya kapag natapos n'ya ang ALS n'ya ay ia-advice ko sa kanya na mag-TESDA rin siya."
"Mabuti naman. Matalino rin si Silong. Sa lahat nga ng mga binata rito sa barrio ay si Silong lang iyong nakikita kong matalino. Kaso nawili kasi agad sa pagtratrabaho at pagtulong sa taniman."
"Oo nga, pero dahil nga naiisip na namin ang future naming ay nagkasundo kami na mag-aaral ulit siya. Magwo-work naman ako, para tulungan siya sa mga kailangan n'ya. Parang ngayon siya sa akin. Tinutulungan nga ako."
"Nakakatuwa naman ang mga plano n'yo." Masaya ako para sa kanila. Lalo't ang laki ng impluwensya ni Andeng sa kababata namin na nobyo nito.
"Kami rin, hihi!"nailing na lang ako dahil palukso-lukso na itong lumakad hanggang sa makarating kami sa backdoor ng mansion. Ang daan din para makarating kami sa dirty kitchen kung saan inabutan namin sina Lola Paula at Nanay Dalisay. Pareho kaming nagmano sa kanila.
Kahit na may kasamang pag-ingos si Lola kay Andeng. Nakukulitan talaga si Lola sa dalaga.
"Lola naman! Para ka namang nakakita ng insekto n'yan eh." Reklamo ni Andeng.
"Andeng, ikaw naman kasi ay makulit. Kaya ganyan ang reaction ng Lola n'yo." Pasaring ni Nanay Dalisay sa anak n'ya.
"Magpapakabait naman na ako, 'nay. Saka inihatid ko lang ang apo ni Lola Paula. Ito na iyong mga libro mo, Anais."
"Salamat sa paghatid, Andeng." Tinanggap ko iyon, saka ako sumulyap sa matanda.
"La, pwede na po ba akong gumamit ng computer?"
"Halika, Anais. Sumunod ka sa akin." Istriktong utos nito. Sumunod naman ako. Senyas nga lang ang ibinigay ko kay Andeng na kumaway lang din naman sa akin.
Dinala ako ni Lola Paula sa library. Hindi ko pa rin maiwasang ma-amaze sa itsura ng mansion na ito.
Napakaganda kasi talaga. Pagpasok namin sa library ay agad na akong lumapit sa table kung saan nakapwesto ang computer.
"Kung tapos ka na sa ginagawa mo ay dumeretso ka agad sa dirty kitchen. Doon ka lang. Kung hindi mo ako mahanap doon ay manatili ka pa rin doon. Bawal magpakalat-kalat dito, Anais."
"Opo, Lola." Magalang kong tugon sa matanda. Naupo na ako't ang tingin ay nasa computer na ng lumapit ito at humalik sa sintido ko.
"Galingan mo d'yan, apo."
"Opo, Lola!" iniwan na n'ya ako. Ang buong atensyon ko ay ibinigay ko na sa mga dapat kong gawin. Sa sobrang focus ko roon ay hindi ko na namalayan na may pumasok, naupo sa upuang nasa harap ng table at pinanood ako sa hindi ko malamang kung gaano katagal na oras. Nalaman ko lang na naroon ito ng may tumikhim.
"Kuya S-torm?" takang ani ko sa lalaki.
"Good morning, Anais. Kanina pa ako rito. Ngayon mo lang ako napansin."
"Sorry. Abala kasi ako rito sa thesis ko." Tumayo ito't umikot saka pumwesto sa likod ng upuan ko.
"Patingin." Ipinakita ko naman ang kasalukuyan kong ginagawa. Binasa nito iyon at tumango-tango siya. Saka siya bumalik sa upuan n'ya kanina.
Nang mapansin n'yang hindi pa ako kumikilos para ipagpatuloy iyon ay nagsalita siya.
"Ituloy mo lang. Hayaan mo lang ako rito."
"Are you sure?"
"Oo naman, saglit nga't lalabas muna ako. Tuloy mo lang iyan, Anais." Saka s'ya umalis. Kaya muling na komportable ang pakiramdam ko. Nagpatuloy ako sa ginagawa ko.
Pero after 10 minutes ay bumalik ito. This time ay agad ko nang napansin, 'di tulad kanina na ang tagal na pala nitong nakapwesto sa harap ko'y 'di ko man lang napansin.
"Merienda ka na muna." Alok nito sa akin.
"Naku! Hindi na po." Tanggi ko. Typical na sagot sa mga nahihiya sa alok na merienda.
"Anong hindi na po? Ipinahanda ko pa ito para sa ating dalawa. Tara na rito." Ipinatong n'ya iyon sa center table na mamahaling kahoy. Saka inialis sa tray. May juice at sandwich. Iyong madalas kong makita sa mga magazine.
Merong para sa kanya at para sa akin. Nang sumenyas siya ay nagpasya akong i-save na muna ang ginagawa. Tutal kumukulo na rin naman ang tiyan ko.
Lumapit ako at umupo sa couch.
"Salamat." Nahihiyang ani ko. Nang tignan ko ito'y nakangiti ito.
"Ang ganda mo, Anais. Nahihiya ka pa rin sa akin?"
"Kasi naman... nakikigamit na nga lang ako ng computer tapos makikimerienda pa."
"Hindi ka ba binibigyan ng merienda tuwing nagpupunta ka rito?"
"Nagbabaon ako ng kamote. Tapos hinahatiran ako ni Lola ng tubig. Solve na solve na iyon."
Dinampot ko ang sandwich at kumagat doon.
"Sarap?" tanong nito. Agad naman akong tumango.
"Ang sarap nito. Halatang hindi ko afford."
"For sure maa-afford mo rin iyan. Kita ko naman sa 'yo na pursigido ka. Magiging successful at makakaya nang bilhin ang mga ganitong klase ng pagkain."
"Magdilang anghel ka d'yan, Kuya Storm."
"Matutupad iyan. Lalo na't nakikita namang ng Diyos na masipag at pursigido ka."
"Naman!" ani ko na bumungisngis at muling kumagat sa sandwich.
"Anong oras ka matatapos dito?"
"Ah, baka hapon na po. Kasi susulitin ko talaga ang sabado at linggo ko para makatapos ako."
"Hiramin mo kaya ang laptop ko? Para kahit sa bahay ninyo ay magawa mo ang mga kailangan mong gawin. May lumang laptop ako rito. Hindi ko na ginagamit."
"Nakakahiya." Tanggi ko.
"Ganito na lang. Rentahan mo? Benta isang araw."
"Hala! Wala pa nga akong sahod sa 'yo."
"Arawan na lang kitang pasahurin para may pangrenta ka ng laptop." Grabe! Hindi talaga makalusot. "Iyong kahapon kasama na iyon sa bilang ng araw mo." Dinukot nito sa bulsa ang wallet n'ya. Saka nag-abot ng 1k sa akin.
"500 kahapon, 500 ngayon. Kapag may barya ka na ay saka mo ako bayaran ng 20." Nanulis ang nguso ko. Inalisan na talaga n'ya ako ng option na tumanggi. Tinanggap ko ang perang iniabot nito. Malaking bagay na iyon, sa pamasahe, baon, thesis pa. Bawal tumanggi sa grasya.
"Salamat, Kuya Storm. Hayaan mo after ko rito ay dadaldalin kita. May balak ka bang puntahan mamaya na kailangan akong kasama?"
"Wala naman. Dito lang ako. Kapag tapos ka na sa ginagawa mo ay maglaan ka lang ng 30 minutes para kausapin ako."
"Sige po, Kuya." Kausap lang naman. Sanay naman akong makipag-usap kaya okay na rin iyong in-offer nitong trabaho sa akin.
Pagkatapos kong kumain ay bumalik na ako sa ginagawa ko. Ito na rin ang nagligpit nang kinainan namin saka siya umalis ng library.
Lunch time ay pumasok si Lola Paula para i-check ako.
"Marami ka nang nagawa?" tanong ng matanda. Kasunod n'ya si Nanay Dalisay na may dalang tray.
"Mananghalian ka muna." Yaya ni Nanay Dalisay.
"Salamat po." Ngiti ko sa ginang. Saka ko sinulyapan si Lola Paula. "Opo, la. Marami na po akong nagawa rito."
"Mabuti naman. Mananghalian ka muna. Pagkatapos mong kumain, ay ilagay mo lang sa tray at ipakukuha ko na lang." Bilin nito.
"Opo. Salamat po." Umalis na sila. In-save ko ulit ang ginagawa ko saka lumapit sa masarap na tanghalian. Umuusok pa ang kanin. Pati ang tinolang ulam ay mainit pa rin.
Pero walang init-init nang simulan kong kumain.
Ang laki pa nang subo ko nang bumukas ang pinto. Nasamig ako. Dali-daling dinampot ang inumin at uminom ako roon. Halos maluha-luha pa sa sobrang pagpipigil.
Naramdaman ko naman ang paghaplos sa likod ko.
"Dahan-dahan kasi." Tudyo nito.
"N-agulat kasi ako sa 'yo." Reklamo ko rito.
"Sorry. Balak ko lang sanang i-check kung kumain ka na. Good thing is naalala ka nilang hatiran dito."
"Salamat sa pag-alala sa akin. Ikaw po? Kumain ka na po ba?"
"Kakain pa lang."
"Ah, okay." Saka ako napaiwas nang tingin. Kung makatitig naman kasi ang lalaki ay feeling ko'y gandang-ganda ito sa akin. Para akong tutunawin ng titig nito.
"Punta na ako sa dining room---"
"Kuya Storm, huwag mong i-chika na narito ako, ha?"
"Why not?"
"Basta! Nahihiya ako sa family mo."
"Mababait sila."
"Alam ko. Pero nahihiya pa rin ako. Huwag mo na lang sabihin sa kanila."
"Okay. Eat well, Anais." Bahagya pang ginulo ang buhok ko. Bago siya tumayo nang tuwid at umalis.
Ipinagpatuloy ko naman ang pagkain ko. Nang matapos ay iniayos ko iyon sa tray. Kumuha rin ako ng tissue sa table para linisan ang lamesa saka bumalik na sa harap ng computer. Masakit sa mata ang matagal na pagtutok doon. Pero hindi ko naman pwedeng sayangin ang oras na makagamit nito.
Sumapit ang hapon. Sa tingin ko'y sapat naman na ang mga nagawa ko. Kaya nagligpit na ako. Iniayos ang mga libro at ibang gamit ko. Pati na ang computer ay pinatay ko na. Saka ako lumabas ng library.
Pasilip-silip pa nga ako noong una. Pero nang makitang walang tao ay dali-daling tumakbo ako patungo sa dirty kitchen.
Buti na lang at naroon na si Lola. Mukhang nagpapahinga sila.
"Tapos ka na?"
"Opo, la. Bukas po ulit."
"Sige, ito at ipinagbalot kita ng hapunan mo para hindi ka na magluto sa bahay. Hindi kami makakauwi roon kaya naman bahala ka na."
"Opo, la. Huwag n'yo po akong alalahanin."
Nang lumabas ako sa backdoor ay bitbit ko na lang mag-isa ang gamit ko. Wini-wish ko ngang makita si Andeng para pagbitbitin. Mabuti na lang at pinalad.
Nakatambay ito sa labas na wari'y naghihintay sa akin.
"Anais, ano? Nakita mo ba iyong mga poging anak nila Seniora?" iyon agad ang bungad nito.
"Hindi." Pagsisinungaling ko sa kanya.
"Ano ba iyan? Pero sige, baka bukas ay makita mo sila."