Nang dumating ang Lunes ay naging mas alerto na si James dahil sa pagsisimula ng kontrata niya.
Papasok pa lamang siya sa school ay pinapakiramdaman niya na iyong hinlalaki niya. Matindi ang kabang namumutawi sa kanya ngayon dahil hindi niya alam kung anong pwede mangyari, lalo pa at kita niya ang sobrang pagkaseryoso ni Rem ukol sa karampatang kapalit ng hindi niya pagsunod.
Muntik na siyang mapatalon nang madama ang pagtapik sa kanyang likod. Nakahinga siya ng maluwag nang makita kung sino ito.
"Wow, seryoso ka ah!" natatawang sabi ni Rem.
"Nakakatakot naman kasi iyong nakalagay sa contract mo. Hindi malinaw, hindi ko tuloy alam kung ano ang mangyayari." Busangot na maktol ni James.
"Kasi nga naka-depende iyong parusa sa gagawin mo at taong paggagawan mo. Hindi naman ako psychic na kayang i-predict ang hinaharap para isulat lahat ng tao na makakaencounter mo at gagawan ng kanya-kanyang version no," napapairap na bulalas ni Rem na hindi napigilan ang pagpapagulong ng mga mata.
"Oo na." Buntong hininga na lang ni James.
"Basta, gawin mo lang iyong nakalagay roon at walang masamang mangyayari, tsaka isa pa, nilagyan naman kita ng reminder. Kaopag naramdaman mo iyon, ibig sabihin kailangan mo gawin iyong nasa contract," paalala ni Rem sabay turo sa dalir niya.
"Sige na, sige na," asar na sagot ni James dahil hindi niya nakuha ang nais malaman.
"Siya nga pala James, may mga bagay na hindi mo magugustuhan, pero dahil sa nakapirma ka sa contract, kahit ano mangyari, kailangan mo gawin, kahit gaano kahirap at kahit hindi mo matanggap, gawin mo na lang, okay!" tila sermon na turan ni Rem.
"Bakit, may alam ka ba sa mangyayari sa akin?" hindi napigilan ni James ang magtanong dahil sa tono ng pananalita nito.
"Basta, good luck na lang sa iyo, haiz. Sana mag-survive ka." Iwinagayway na lang ni Rem ang kamay sa kanya.
"Putang ina naman Rem, nananakot ka nanaman e," singhal niya rito.
"Mas magandang takot ka, kaysa kampante. Mamaya di mo magawa eh!" Masungit na pagsisimangot ni Rem.
"Oo na." Busangot muli ni James bago nagmamadaling maglakad paalis.
Hindi niya mapigilan ang inis dahil kinakabahan na nga siya ay tila ginagatungan pa ni Rem ang kanyang takot.
Napalinga naman ng ulo si Rem habang nananatili sa pwesto. "Alalahanin mo iyong consequences kapag hindi mo nagawa!" pahabol na sigaw nito.
Kahit naroon ang pagsasalubong ng kilay ni James ay nilingon niya pa rin ito upang tumango. Isinasaalan-alang niya na lang na para sa kanya rin naman ang mga paalala na iyon.
*********
Breaktime nila pero hindi niya kasabay ang mga kaibigan kasi nakalimutan nanaman ng dalawa na gawin ang isang project nila. Kaya napatakbo agad sa mall ng wala sa oras ang mga ito para bumili ng materyales sa gagawin.
Hindi rin nagpapakita si Rem kaya napapa-isip siya kung saang lupalop nanaman kaya ito nagsuot.
Mag-isa lang tuloy si James habang nagmumuni-muni at kumakain ng burger. Nabuhay lang ang kanyang dugo at diwa nang makita niya si Trish mula sa malayo na kumakaway sa kanya. Kahit sa malayo ay batid niya ang lungkot sa ngit nito. Kinawayan na lang din niya ang dalaga hanggang sa tuluyan ng makalapit at maupo sa kanyang tabi.
"Oh! Kamusta naman weekend mo?" magiliw na tanong ni James.
Napatawa naman ito ng kaunti. "Ayos lang naman."
"Nagawa mo na ba iyong dapat na favor mo sa akin noon nakaraan?" seryoso niyang saad.
Napabuntong hininga na lang si Trish. "Oo, pero parang hindi rin naman." Mabilis bumagsak ang balikat ng dalaga pakasabi noon.
"Bakit?" Napakunot na si James ng noo.
Napayuko naman si Trish. "Kasi naman ang labo nang sagot na nakuha ko."
"Ano ba kasi iyong favor na gusto mo hingin sa akin last week?" wala sa sariling usisa niya dahil na rin sa nais niyang malaman iyon.
Muling nagpakawal ng malalim na hininga si Trish. "Gusto ko sana malaman kung kanino ako pinagpalit ni Brent."
Isang takas na luha ang kumawala sa mata ng dalaga kaya naman dali-dali itong napapunas sa mukha.
Nakaramdam naman ng kirot si James sa kanyang dibdib dahil sa narinig, naroon ang kanyang selos dahil kahit na niloko na ito ni Brent ay ito pa rin ang iniisip ng dalaga, ang buong akala niya kasi ay makikipag-break na ito sa kasintahan.
"Bakit gusto mo pa iyon malaman? Hindi ka ba nasasaktan sa ginagawa mo?" medyo napataas na siya ng boses dahil sa inis.
Napasinghot naman si Trish dahil sa pagpipigil ng hikbi. "Nasasaktan, pero gusto ko ng closure, gusto ko lang malaman kung saan ako nagkulang?"
"Ano bang tinanong mo sa kanya?"
"Tinanong ko kung bakit niya nagawa iyon at kung ano iyong pagkakamali ko..." Hindi na naituloy ni Trish ang sasabihin dahil nagsimula na ang pagbilis ng agos ng mga luha nito.
Nanghina naman si James nang makita iyon kaya agaran na lang ang paglapit niya dito upang tapikin ang likod ng dalaga para medyo huminahon.
"Ano naman sagot niya?" Naroon na ang lambing sa kanyang boses nang muling magsalita.
"Hindi pa ba daw sapat iyong nakita ko para malaman ko ang sagot." Doon na napahagulgol si Trish.
Halos madurug na ni James iyong tirang burger na hawak niya sa sobrang inis, pero wala siyang magawa kung hindi ang pigilan ang kanyang galit dahil kasama niya pa ang dalaga at kailangan siya nito ngayon.
Yumakap nanaman si Trish sa kanya para mahimasmasan, kaya naman napahupa noon ang init ng kanyang ulo.
Mukhang siya na yata ang shoulder to cry on ni Trish kaya naman hindi niya mapigilan ang kung anong galak habang napapangiti, ayos na iyon sa kanya kaysa naman mamroblema siya sa pilit na pagtakas sa friendzone.
Nasira lang ang tila panaginip nilang tagpo nang madinig niya ang boses ng nilalang na talaga naman may sa maligno yata.
"Kawawa naman iyong burger!"
Gusto man mag-facepalm ni James ay pinigilan niya ang sarili dahil nasa harap niya si Trish.
“Panira talaga to si Rem,” irritang bulalas niya sa sarili.
Mukhang nailang si Trish sa presensya nito dahil dahan-dahan nitong tinanggal ang pagkakayakap kay James sabay punas sa mata. Pasimple pa ang pagtingin nito sa kanya na halatang nagtatanong kung sino iyong bigla na lang lumitaw sa kanilang harapan.
"Trish, si Rem nga pala, friend ko," pilit ngiting pakilala niya na lang.
"Hallooo," bati ni Rem na pinaliit nanaman ang boses para magtunog anime.
Napatawa tuloy bigla si Trish sa ginawa nito kaya naman nanlaki ang kanyang mata. “Akalain mo iyon!” gulat niyang sambit sa isipan.
"Hello," bati naman ni Trish.
"Alam niyo, ang sweet niyo tingnan, kung pinagbigyan mo lang sana si James noong ligawan ka niya, hindi ka na sana umiiyak ng ganyan," malungkot na simangot ni Rem.
Parehas silang nagulat ni Trish sa sinabi nito, bigla tuloy silang nagkailangan at dama ni James ang matinding init sa kanyang pisngi kaya sigurado niyang namumula siya sa hiya.
Tumalikod naman ng kaunti si Trish at medyo nag-blush din, sabay ayos ng buhok sa gilid ng tenga.
Napatingin nalang si James sa sahig dahil sa tila panliliit. “Badtrip ka talaga Rem, panira ng diskarte,” singhal niya sa isipan.
Tulad ng inaasahan ay mukhang nabasa nanaman nito ang kanyang isipan dahil naging maloko ang ngiti nito sa kanya.
"Siya nga pala, mauna na ako, napadaan lang ako kasi may papaalala ako kay James," sabi ni Rem
"Ano iyon?" agad niya itong sinalubungan ng kilay.
Dahan-dahang lumapit si Rem sa kanya hanggang sa nasa tenga niya na iyong bibig nito. "Kailangan mo gawin kahit hindi mo gusto," bulong nito.
Tapos noon ay tumayo na ito, nang makita niya ang ngisi nito sa mukha ay abot tenga nanaman iyon na parang tulad noon nasa exorcist na nasaniban.
"Ah, oo," iyon lang ang naisagot niya rito.
Pagkatapos noon ay bigla na lang nitong hinablot iyong hamburger na hawak niya sabay sabing. "Wala kang respeto sa food!"
Naging matalim ang tingin nito, nakasalubong ang kilay habang ipinapakita ang nakuhang pagkain. Inis pa nitong kinagat iyon bago umirap sa kanya.
Napabusangot na lang si James sabay rolyo ng mata. “Iyong burger lang pala gusto niya, hay naku,” bulong niya sa sarili.
Pagkatapos noon ay ibinaling na nito ang titig kay Trish, mukha nadama ni Trish ang ginawa nito kaya dahan-dahan itong napaangat ng tingin.
"Bye Trish! It was nice meeting you, you're so pretty pala talaga, lalo na sa malapitan," buong giliw na sabi ni Rem.
Napahawak na tuloy si Trish sa pisngi nito upang itago ang muling pamumula noon, kahit na ganoon ay nagawa pa rin nitong sumagot ng, "Thank you." Ngumiti ito kay Rem bago kaway kasi naglalakad na ito palayo.
Napapunas si James sa noo dahil sa pamamawis noon, napabuga pa siya ng hininga dahil sa luwag ng kanyang pakiramdam nang umalis na si Rem.
"Ang kulit naman nang friend mo," naroon na muli ang matamis na ngiti ni Trish.
"Si Rem? Sensya ka na medyo maluwag tornilyo noon," sagot na lang ni James.
"Hindi, okay lang, nakakatuwa nga siya e," napapikit na ito sa pagtawa.
Napatawa na lang rin si James pero hindi niya maipagkakailang naroon na ang bahagyang pagkailang nila sa isa’t-isa dahil sa ginawa ni Rem.
"Trish, pakilinaw naman iyong favor na gusto mo gawin ko?" balik seryosong tanong niya muli.
Naisip niyang kung magagawa niya iyon, baka bumitaw na ito sa kasalukuyang relasyon at magkaroon na siya ng tsansa.
"James, gusto ko lang linawin ni Brent kung bakit niya ako iniwan. Gusto ko lang magkaroon ng peace of mind." Napadikit si Trish ng kamay na wari ay nagdadasal.
Batid ni James ang kaguluhan sa isipan ng dalaga kaya naman naroon ang paglumanay ng tingin niya rito.
"Magkakaroon ka ba ng peace of mind, hindi ka ba lalong masasaktan noon?" pilit ngiti na lang niya rito.
Napalunok naman si Trish ng mamalim. "Mas maganda na iyon, at least makakatulong sa pag-move on ko."
Ang mga katagang iyon ang siyang nagbigay ng lakas ng loob at tapang kay James. "Sige, ano bang magagawa ko para makatulong?" magiliw na niyang tanong.
Bigla napuno ng pag-asa ang mga mata ni Trish, lumitaw kaagad ang liwanag sa ngiti nito at napahawak na sa kanyang kamay.
"James, sure ka okay lang?"
"Alam mo namang malakas ka sa akin e," makulit na saad ni James sabay kabig sa balikat nito at kindat.
Muli naman napatawa si Trish at sa pagkakataong iyon ay masasabi niyang mayroon ng tuwa roon.
"Kung pwede sana, kausapin mo siya, iniiwasan niya kasi ako. Gusto ko lang manggaling sa kanya na wala na talaga kaming pag-asa." Napakagat pa ito ng ibabang labi pakatapos.
Lalo tuloy hindi nakatiis si James dahil na rin sa nangungusap at nagmamakaawang mga mata nito. Hindi niya na nga alintana ang kirot sa kanyang daliri dahil sa tila pagkahypnotismo kay Trish.
“Iyong lang ba? Sisiw iyan sa akin.” buong pagmamalaking tinapik niya pa ang sariling dibdib para ipakitang kaya niya iyon.
Pero iba ang tumatakbo sa kanyang isipan ng mga sandaling iyon. “s**t ang hirap pala talaga nito, bakit ko kakausapin ang gungong na iyon, eh halos patayin niya na ako last time, ang hirap pang mag-isip, kasi nararamdaman ko ang kirot sa daliri ko, kaya sigurado akong hindi ako pwede tumanggi sa request ni Trish.”
Pasimple na lang siyang napapunas sa mukha pero napapanatili niya naman ang ngiti sa harap ng dalaga.
Mukhang nabatid nito ang kanyang pag-aalinlangan kaya naman muli na lang itong kumapit sa kanyang kamay. "James, salamat ah, alam ko naman mahirap ito para sa iyo, pero sana magawa mo pa rin."
"Ano ka ba, ayos lang sa akin ito, huwag ka mag alala." Muli niyang tinapik ang dibdib para ipakitang wala naman sa kanyang problema iyon kahit sumisigaw na siya sa kanyang isip.
Mas lalo pa siyang nanghina nang ngitian nanaman siya ni Trish ng pagkatamis-tamis. Naisip niyang wala na rin naman siyang magagawa dahil nakapangako na siya sa dalaga, at bawal din siyang tumanggi dito dahil sa ginawang kasunduan.
"Sige, ako na kakausap kay Brent, nasaan ba siya ngayon?"
Nanlaki kaagad ang mata ni Trish sa tuwa, hindi maikakaila ang ningning ng mga iyon habang nakatitig sa kanya.
Nginitian na lang din niya ito sabay napabuntong hininga. “haiz, talagang gagawin ko lahat para sa iyo kahit ibaba ko pa ang pride ko,” sambit na lang ni James sa sarili.
"May klase siya hanggang mamayang five, pero pagkatapos noon madalas tumatambay siya sa may U belt billiards," masayang pagpapaalam nito.
Pasimpleng nasapo ni James ang mukha, kilala kasing tambayan ng mga bulakbol ang naturang lugar.
"Sige, dadaanan ko na lang siya doon mamaya," sabi niya na lang.
Medyo nagkuwentuhan pa sila ng kaunti ni Trish hanggang sa maubos na ang kanilang oras at kinailangan na nilang tumungo sa kani-kanilang klase.
“Ang hirap pala talaga nito, sinasadya kaya ito ni Rem?” na-isip na lang ni James habang naglalakad papunta sa silid ng susunod niyang klase.