CONTRACT
CONTRACT DAY: Monday
1.For three days pumayag sa hiling ng kahit sino
2.After number 1 umuwi agad ng bahay for three days
3.After number 2 for three days again Tanggihan ang paanyaya
WARNING: ang hindi pag sunod sa mga sumusunod ay may karampatang parusa base sa numerong nilabag.
punishment for number 1. Mawawala ang isang bagay sa iyo na lagi namang nasa iyo
punishment for number 2. May masakit na mangyayari sa iyo pero hindi ka mamatay
punishment for number 3. Mawawala ang bagay na nakuha mo sa harapan mo mismo
Muling pinasadahan ni James ang naturang kontrata dahil hindi niya maipagkakailang madali lang naman ang sundin iyon, pero kinakabahan kasi siya sa parang malinaw ang nakasaad sa parusa.
"Rem tungkol doon sa one and two na parusa, bakit hindi tinutukoy kung ano mawawala, parang ang labo?" Turo niya sa mga nakasulat.
"Eh kasi it depends nga sa kahilingan mo. Isipin mo, maraming pwedeng mangyari sa loob ng tatlong araw. So, nakabase ang parusa mo sa kung ano ang gagawin mo at kanino. Gets, gets?" Pinaikot-ikot pa ni Rem ang daliri sa naturang papel.
Kahit nalilito pa rin siya dahil mayroon mga parteng hindi niya naintindihan ay hindi na rin siya nagdalawang isip lalo pa nang maalala niya si Trish.
Isang malalim na paghinga ang ginawa ni James bago sabihin. "Ge game."
Mabilis lumapad ang ngiti ni Rem na halos umabot na sa tenga nito na para nanaman nasaniban ng kung anong espirito.
"Good luck," dahan-dahan nitong sambit.
Kaya naman ganoon na lang ang gulat ni James nang bigla nitong hatakin ang papel na hawak niya dahilan para mahiwa nito ang kanyang hinlalaki.
"Aray! Putang ina naman," sigaw ni James sabay subo ng daliri para sipsipin ang dugong tumutulo roon.
Pagtingin niya kay Rem ay tila naging seryoso at tutok ito sa pagsusuri sa nasabing kontrata bago muling i-abot pabalik sa kanya.
"Thank you for signing, heto ang magsisilbing kopya mo." Biglang naging maaliwalas ang mukha ni Rem at naging matamis na ang ngiti nito na halos napapapikit.
Binalingan kaagad ni James ang naturang kontrata at ganoon na lamang ang pagtataasan ng kanyang mga balahibo sa pangingilabot nang makita niyang nakalagay na sa papel ang pangalan at pirma niya na nasisiguro niyang dugong kumawala sa kanya kanina ang ginamit na tinta rito.
"Nilagay ko riyan na effective iyong kontrata natin by Monday. So, may apat na araw ka pa para magkaroon ng pagkakataon para umatras. Pag-isipan mo itong mabuti James, at intindihin mong ng maayos iyong nasa kontrata, Alalahanin mo, kailangan mo sundin lahat ng nandyan," pagpapaalala ni Rem, nanumbalik pa ang malalim na boses nito nang banggitin na ang tungkol sa pagsunod niya.
Tulalang napanganga na lang si James habang nagsasalita ito dahil sa pagbalot nanaman ng kanyang takot nang maulinigan ang tila pag-iiba ng boses nito, pero pinilit niya pa rin iyon ipagkibit balikat dahil sa ito lang ang naiisip niyang makakatulong sa kanya.
"Siya nga pala!" seryosong saad ni Rem.
Mabilis na napaayos si James ng sarili. "Ano iyon?"
"Gusto ko lang linawin ang nakasaad sa kontrata. Dalawa ang hinihiling mo, tama ba? Ang una ay makaganti kay Brent at ang sunod ay ang mapasaya si Trish, wherein ikaw dapat ang magpapasaya sa kanya, diba?" Titig na titig na paninigurado nito.
Isang hiyang ngiti ang namutawi kay James na napakamot na sa batok dahil sa pag-angat ng init sa pisngi. "Ah, oo," natatawang sagot niya.
"Okay, gusto ko lang iyon makasiguro, kasi parang hindi ka naging masaya sa wish mo last time, hindi kasi malinaw iyong hiling mo. Ayaw ko naman maulit iyon, at since ito ay hindi na wish, kailangan malinaw tayo para walang sisihan, okay!" Sabay ngumiti si Rem na medyo nagpahinahon sa kanya, tila ba nanumbalik na ang pagiging normal nito.
"Oo, iyon ang gusto ko," madiin sagot ni James na napangiti na Rin.
Hindi nakatakas sa paningin ni James ang biglaan pagbalot ng kung anong kalungkutan sa mga mata ni Rem, pero nanatili pa rin naman itong nakangiti.
"So, goodluck na lang. Pumunta ka na doon sa may lugar na iniyakan ni Trish last time, nandoon ulit siya. Tsaka nilagyan na kita ng reminder para hindi mo makalimutan iyong kontrata,” sabi ni Rem bago tumayo. “Sige, ingat" kumaway pa ito bago nagtuloy-tuloy sa paglalakad.
“s**t!”
Napakaripas si James sa pagkilos nang maalala si Trish dahil sa sinabi nito. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa lugar kung saan niya naabutan ang dalaga noong nakaraan at tulad nga ng sinabi ni Rem nandoon ito at umiiyak nanaman.
Dahan-dahan ang paglapit niya, kaya mukhang hindi siya nito napansin dahil hanggang sa makatabi na siya rito ay hindi pa rin ito lumilingon.
"Trish, tahan na." Buong ingat at lambing niya na lang na inilapat ang mga kamay sa balikat nito upang maalo na tapikin ito.
Doon lang medyo huminahon ang dalaga. Dahan-dahang itong yumakap sa kanya kaya naman ibinalot niya na rin ang mga kamay sa katawan nito. Ibinaon ni Trish ang mukha sa kanyang dibdib bago nito itinodo ang pag-iyak.
"James, bakit ganoon siya!" humihikbing sabi ni Trish. "Sinubukan ko siyang hingian ng paliwanag pero wala na raw kaming dapat pag-usapan.
Hinayaan ni James na ilabas ng dalaga ang lahat ng sama ng loob nito at nanatili lang siyang tahimik at nakikinig nang ikuwento nito ang lahat.
Naroon ang kanyang tuwa nang sa wakas ay nasabi na nito sa kanya ang lahat ng mga nakita noon.
Nanatili si Trish na nakayakap sa kanya habang inilipat niya naman ang kamay sa pag-akbay dito dahil nakaupo na sila sa isang batong bench na naroon.
Panakaw pang inaamoy-amoy ni James ang buhok ng dalaga dahil sa tila nakahuhumaling na halimuyak noon.
Ilang minuto pa ay nag-angat na ito ng ulo para magkatinginan sila, halos magkadikit na ang mga noo nila sa lapit, kaya naman ganoon na lang ang tindi ng kabog ng dibdib ni James. Kahit namumugto na ang mga mata ni Trish sa pag-iyak ay tila hindi nabawasan sa kanyang pagtingin dito.
"James, pwede bang humingi ng favor?" napapakagat labing sambit ni Trish.
Biglang kumirot iyong hinlalaki niya na nahiwa ng papel kanina, pero naalala niya na sa Lunes pa naman ang simula ng pagiging epektibo ng kontrata.
"Ano iyon?" pilit hinahon na tanong ni James.
Ngumiti naman si Trish ng matamis, kahit halos basang-basa ang mukha nito ng luha ay hindi mapigilan ni James na panatilihin ang titig dito. Naroon ang tila pakikiramdam nito na para bang pinagaaralan iyong mukha niya.
"Ano iyong favor mo?" tanong muli ni James dahil sa tila natulala na lang ito sa kanya.
Naging mapait ang ngiti ni Trish pakatapos noon. "Hindi, wag na lang siguro, hayaan mo na," malungkot nitong sabi.
"Ha?" Mabilis nanlaki ang mga mata ni James sa taranta.
Napagtanto niya na kung maisipan nitong sabihin iyon sa monday ay hindi na siya makatanggi pa kung sakaling mahirap iyon gawin.
"Sabihin mo na, malay mo, may magawa ako." Subok niyang pagpupumilit.
Bahagyang naging matamis ang ngiti ni Trish dahil doon. "Hindi, mas maganda kung ako na muna siguro gagawa nito, pero sana wag ka muna lalayo sa akin," pakiwari ng dalaga.
Napangiti naman si James dahil sa tila pagiging mas malapit nila sa isa’t-isa ng mga sandaling iyon, naroon ang kung anong galak sa kanyang pakiramdam dahil sa mga nangyayari.
Pinunasan niya na lang ang mga natirang luha sa pisngi ng dalaga. "Wag ka mag-alala, nandito lang ako."
Ilang minuto pa ang tinagal nila dahil sa pagkuwekuwentuhan. Nang medyo maayos na ang pakiramdam ni Trish ay hinatid na niya ito sa sakayan pauwi sa kanila.
Habang naglalakad sila ay sinubukan niya ulit na tanungin kung anog ang gusto nitong ipagawa pero sadyang hindi matinag ang dalaga kaya hinayaan niya na lang.
Sobrang galak ang nararamdam ni James nang mga oras na iyon dahil kahit papaano ay napasaya niya si Trish. Doon niya rin nalaman kung ano ang ‘reminder’ na binanggit ni Rem. At iyon ang pagkirot sa daliri niyang nasugatan.
Dumating ang Biyernes, tulad ng normal nilang gawain kapag wala pang klase ay nakatambay sila sa paboritong lugar. Hindi pa nakikita ni James si Trish, kahit si Brent ay wala rin, kaya naman hindi niya mapigilan ang mag-alala.
Napapitlag na lang siya sa gulat nang bigla na lang may tumamang chichirya sa kanyang mukha kaya naman agad niyang binalingan si Joey at Faye.
"May patay ba?" pakiwari ni Faye na nakakusot ang mukha.
Napasalubong naman ng kilay si James dahil sa hitsura ng dalawang kaibigan. "Huh, bakit nanaman?"
"Eh, hindi nanaman maipinta iyang mukha mo," banat ni Joey sabay kuha ng chichirya ulit upang muling ibato sa kanya.
Sabay-sabay na lang silang nanlaki ang mga mata sa gulat nang may lumitaw na kamay sa harap ni James at sinalo iyong chichiryang tatama sa kanya.
"Bad! Don’t waste food," ngusong maktol ni Rem sabay upo sa tabi niya.
"Ay, loka! Buti naman nagpakita ka," magiliw na bati ni Joey.
Parang nasanay na nga ang mga ito kay Rem dahil walang naging pagtutol si Joey nang simulan nitong kumutkot ng chichirya, mukhang naging close na rin ang mga ito sa maiksing panahon na nagkasama.
Kinuha ni James ang pagkakataong iyon upang tumingin-tingin muli sa paligid sa pagbabakasakali na makita si Trish o si Brent. Naroon kasi ang kanyang takot na baka hinahabol nanaman ang dalaga ito.
Hindi niya tuloy napansin na tumahimik at tumigil sa pagkuwekwentuhan ang tatlo tatlong kasama, pagtingin niya sa mga ito ay pare-parehas nang may ngiting mga aso ang mga kaibigan habang nakatingin sa kanya.
Kinunotan niya na lang ang mga ito ng noo. "Problema niyo?"
“Kailangan yatang may gawin tayo,” nanlalaking matang saad ni Rem.
"Oh my gosh Remy, trulalu ka riyan," baling ni Joey rito.
"Tama kayo," biglang sunod ni Faye.
Sabay-sabay na tumayo ang tatlo at bigla na lang nilang pinalibutan si James. Natulala na lang tuloy siya sa mga kaibigan nang bigla itaas ng mga ito ang kamay paharap sa kanyang ulo na para bang dinadasalan.
"Masamang esperito, lumayo ka sa katawan ni James!" sigaw ni Rem.
"Layas, layas," sunod naman nina Faye at Joey na para bang nag-excorcise.
Naroon ang kunwaring panginginig ng tatlo at pinapatirik pa ni Joey ang mga mata upang mapalabas ang puti noon.
Napa-facepalm na lang si James dahil mukhang nahawaan na ni Rem ng kaabnormalan ang mga kaibigan niya. Ngunit napagtanto niya na abnormal na nga pala ang mga ito noon pa, mas napalala lang ng bago nilang kasama.
Ilang oras din pinagtripan ng tatlo si James, hanggang sa mag simula na ang sunod na klase nila. As usual nag-aaway nanaman si Faye at Joey dahil sa isang assignment, kaya naman naiwan na si Rem at James dahil sa mabagal na paglalakad.
"James, sigurado ka na ba sa gusto mo?" saad ni Rem nang makasiguradong hindi na siya masyadong rinig ng dalawa nilang kasama.
Napalingon naman si James dito. "Oo naman."
"Haiz, basta good luck. Sana di mo pag sisihan ito." Malalim ang naging pagbuntong hininga ni Rem habang nakangiti, pero bakas sa mukha niya ang lungkot.
"Wag ka mag-alala, kaya ko iyong mga pinapagawa mo, nagawa ko nga iyong una e!" angat dibdib na pagmamalaki ni James.
Naging maaliwalas naman ang mukha ni Rem. "Sige, ingat na lang. Siya nga pala, huwag ka mag-alala kay Trish. Hindi siya dumaan dito ngayon kasi kasama niya iyong iba niyang mga kaibigan, may tinatapos silang project, ge kita-kits!" Masaya nitong tinapik ang balikat niya bago lumihis ng tinatahak na daan.
Napangiti na lang si James dahil kahit papaano, kahit alam niyang may pagkasa-maligno si Rem, masasabi niyang mabait pa rin naman ito.