Dream Girl
Name: James Trias
Age: 18
Occupation: Student
Status: Single
Maganda ang mood ni James ngayong araw dahil hindi siya na-traffic kahit first day of school. Maganda ang gising niya kaninang umaga and most of all ay hindi siya napagalitan sa bahay nila. Magsisimula na siya bilang isang third year college student sa kursong Business Management nang araw na iyon.
Simple guy with normal grades, hindi gwapo pero hindi rin naman pangit, and as you can say, just a typical guy out there.
“Jamesie! Hey, andito kami!” sigaw ng isang babae.
Nang malingunan niya ito ay nakita niya ang dalaga na kasama ang iba nilang mga kaibigan. Kaagad naman siyang tumungo sa kinaroroonan ng mga ito.
“Uy! Faye, kumusta ang bakasyon niyo?” tanong niya rito.
“Ayos lang naman! As usual, Bora and province! Ikaw, kumusta ang bakasyon?” tanong ni Faye sa kanya.
“Eto, same old boring life! Bahay lang at laro ng P.S. ang inatupag ko,” tumatawa namang sagot ni James.
Akmang magtatanong na siya sa ibang mga kaibigan nang bigla siyang tinabig ng kaklase niya.
“Tol, si Trish, oh!” sambit nito sa kanya.
Kasalukuyang papasok si Trish sa gate ng school. Trish is James’ first love. Kumbaga, since high school pa lang sila ay crush niya na ito. Nagpilit pa nga siyang makapasok sa University na iyon para lang makita ulit ang naturang dalaga.
Trish is the Girl next door type. She’s smart, charismatic, sexy, and most of all, she’s very pretty. Siya ‘yong tipong kinahuhumalingan ng mga kaklase mong lalake sa school. James has fallen for her the first time he saw her at para sa kanya ay ito na ang dream girl niya. Niligawan pa nga niya ito noong mga high school days nila pero sa kasawiang palad ay mas pinili nito ang kaklase niya na si Carl na isang varsity sa school. Syempre, walang magawa si James kundi ang titigan na lang sa malayo at pagmasdan si Trish.
“Hoy! Tulo laway ka na naman!” sita sa kanya ng kaibigan sabay sampal nito nang mahina sa mukha niya.
“Gosh! Uso mag-move on, friend! Maraming girlaloos sa paligid kaya maghanap ka na ng iba. Kailangang maka-get over ka na sa pambabasted niya sa iyo!” pagbibiro pa ni Joey na barkada nilang bading.
“You’re so right, Jo! There are so many girls out there na pwede mong balingan ng atensyon,” singit naman ni Faye.
“Sus, hindi naman ako nagmamadali, e!” sagot na lang niya.
“Hay naku! Hindi daw nagmamadali, pero deep inside you’re making asa pa rin kay Trish!” banat pa ni Joey.
“Tsaka isa pa, friend, you know naman the criteria of judging ni Trish!” paalala namang muli ni Faye.
“Ay, so true! At ni isa ay wala kang nakuha!” dugtong ni Joey.
Si Trish ‘yong girl na tipong mahilig sa Athletic guys, medyo chinito at higit sa lahat ay nasa six feet ang height. No less. Katulad ng sinabi kanina si James ay very typical looking. Hindi rin siya athletic kasi most of the times ay computer games ang pinagkakaabalahan niya. He stands at around 5’6” so magkasing tangkad lang sila ni Trish.
“Tsk! Malay niyo naman kung nag-iba na siya ng gusto, ‘no! Nagbabago rin naman ang tao,” sabi na lang niya. Kahit ano talagang pangangaral ang gawin sa kanya ng mga kaibigan ay tila ba ayaw niyang sumuko.
“Ay! Wow, dreaming na naman? Friend, you know naman na close tayo kaya nga sinasabi namin ‘to sa iyo, e. And besides, kung nagbago ang taste niya, bakit naman ‘yon pa rin ang boyfriend niya? Tingnan mo nga, o! Mag-on na sila for the past one and a half year. Kuha ba naman kasi lahat ng criteria ni Ate mo girl! Sige nga!” Nguso ni Joey sa naturang babae.
Saglit siyang natigilan at napaisip sa sinabi ng kaibigan. Alam naman ni James na may punto si Joey sa sinabi nito. Alam niya naman ang lahat ng iyon dahil nang manligaw siya rito, nagko-confess pa lang siya ay basted na siya kaagad. Pero anong magagawa niya kung sadyang umaasa pa rin siya dahil para sa kanya ay si Trish ang first at ang only love niya.
Lagi naman ganito ang eksena ni James. Hanggang titig na lang talaga. Suwerte na lang kapag nakasabay niya ito at kahit papaano ay magkaroon sila ng kaunting conversation. He has always liked Trish that he’s ready to do anything to become her special someone. Pero alam niya namang wala siyang panama sa current boyfriend nito ngayon na si Brent na varsity sa school nila at school hearthrob.
************
“Bakla ka! Akala ko ba natapos mo na ‘to?” sigaw ni Faye.
“Bruha! Ikaw kaya ang mag-research niyan? Nyetang subject ‘yan,” sagot na lang ni Joey dito.
“Kung ako sa inyo, tatakbo na ako sa library habang may time pa. One hour pa naman bago iyong next subject natin, eh!” payo ni James sa dalawa na halos magbasagan na ng mukha sa pag-aaway!
“Ay! Oo nga! There is still time, sis! Tara na, let’s go!” saad ni Joey habang nakasabunot kay Faye.
“s**t, kailangang makaabot tayo!” saad naman ni Faye habang pinipingot si Joey.
“Hoy! Galaw-galaw at tumatakbo ang oras!” singit niya sa dalawa dahil hindi pa rin tumitigil sa pagbabangayan ang mga ito.
“Ay! Oo nga naman,” sita ni Joey sabay bitaw kay Faye then ayos nang kaunti.
“Hindi ka sasama?” tanong ni Faye habang inaayos ang buhok nito.
“Tapos na ako. Dito na muna ako magmumunimuni,” sagot niya
“Okay, baboosh! Tara na nga, Faye, iwan mo na yang si Jamesie at hinihintay niya pa ang pantasya ng kanyang life,” ani Joey sabay kaway kay James at hatak kay Faye.
“Gago! Lumayas na nga kayo,” inis niyang saad dito.
“Sige, Jamesie, later!” sigaw na lang ni Faye dahil hinahatak na siya ni Joey.
Napangiti na lang siya sa dalawa niyang barkada. Nang makalayo na ang dalawa ay bumalik na lang siya sa pagbabasa habang nakikinig ng music sa kanyang Ipod.
Sakto namang pagdaan ni Trish sa harapan niya with some of her friends kaya kumaway na lang siya rito nang mapansin niyang lumingon ito sa kanyang direksyon. Pero as usual, parang invisible siya na tititigan lang nito na wari’y hindi kilala.
“Asaness!” inis na sita niya na lang sa sarili.
Medyo parang may kirot sa kanyang dibdib sa tuwing ginagawa ‘yon ni Trish. Alam niyang kilala naman siya nito since magkaklase sila for the past two years sa high school. Binalingan na lang niya ulit ito ng tingin habang papalayo.
“What would I do to be your special someone?” bulong niya na lang sa kanyang sarili.
“Wow! Will you really do anything?”
Napabalikwas na lang siya sa kinauupuan nang may nagsalitang lalake sa tabi niya. Naka-uniform ito nang katulad sa kanya and it seems sa itsura nito ay magkasing-edad lang sila.
“Hello!” bati nito na pinaglaro pa ang mga daliri sa pagkaway.
Tiningnan niya ito habang nakakunot ang noo. Pulidong-pulido ang buhok pero magulo ang uniporme, nakasalampak pa ito sa upuan at nakapatong ang mukha sa dalawang kamay habang nakatingin sa kanya na wari’y isang bata.
“You’re nice! I like you!” sabi ng binata sabay ngiti muli.
“Ah, yeah?” matipid na sagot ni James.
Naguguluhan pa rin siya sa pagkatao ng lalakeng kaharap. Medyo nailang din siya rito kaya naman kinuha niya ang mga gamit niya saka umalis na sa may bench.
Habang naglalakad papalayo ay nililingon niya ‘yong weirdong guy kung sumusunod ba ito. Mukhang hindi naman since nakaupo lang ito doon sa bench habang nakangiti sa kanya.
Pumunta na lang siya sa canteen para magmeryenda. Um-order siya ng macaroni spaghetti na maraming cheese tapos coke sakto at french fries. Umupo siya sa may bakanteng table sa gilid. Actually, doon siya pumwesto kasi kita niya si Trish mula roon. Wala siyang magawa kundi i-admire ang dalaga mula sa malayo. Masaya na kasi siya sa ganito. Kumuha siya ng french fries then lumagok ng coke habang nakatitig pa rin dito.
“You’re so sweet!” pagbati ng katabi niya.
Muntik nang lumabas sa kanyang ilong ang Coke na iniinom niya nang makitang nasa tabi niya nanaman ang weirdo na lalake. Ilang beses siyang napaubo dahil sa nangyari.
“Oh my god! Dude, okay ka lang?” tanong nito sabay haplos sa likod niya para makahinga siya.
“Sino ba ‘tong gagong ‘to?” bulong niya na lang sa isip habang nakatitig sa weirdong guy na iniwan niya kanina lang.
“Dude, okay ka na?” muling tanong nito sa kanya sabay ngiti.
“Ah, yeah! Okay na ako!” sagot na lang niya.
“That’s good!” masaya nitong sagot. “Wow! Fries, Penge!”
Hindi pa man siya nakaka-oo ay kumuha na ito ng fries. Gusto man niyang umalis ay hindi na niya ginawa. Nagtimpi na lang siya sa katabi niya na ang kapal ng mukha. Binaling na lang niyang muli ang atensyon kay Trish na ngayon ay kasama na ang boyfriend nito. Kitang-kita niya kung gaano ka sweet ang dalawa kaya naman magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman niya. Masaya kasi nakikita niyang nakangiti si Trish. Malungkot naman kasi alam niyang hanggang tingin na lang siya.
“Alam mo, sinasaktan mo lang ang sarili mo,” biglang sabi ng weirdong katabi lalake habang ngumunguya ng fries.
Napangisi na lang siya sa sinabi nito. Ano bang pakialam nito? Ang mga kaibigan nga niya’y walang nagawa sa gusto niya. Ito pa kayang ngayon niya lang nakasama.
“Marami pang babae na pwede mong pagbalingan ng atensyon. I mean, she’s not the only girl that you can like right?” Saad na lang ng lalake.
Hindi niya man gustong sagutin ito ay ginawa niya na rin dahil medyo naaasar na siya rito.
“Tol, hindi mo rin kasi maiintindihan, e. Pero para malaman mo na rin. Trish is special to me,” sagot niya.
“In what manner naman siya naging special?” tanong nito na kumukutitap pa ang mata.
“Tsk! Alam mo ‘yong tipong kapag nakita mo siya ay bumibilis ang heartbeat mo. Tapos hindi mo maipaliwanag? Basta, ‘yon na iyon!” sagot niya na lang dito dahil nakadama siya ng kaunting hiya.
“Ah, I see, so you like her that much na pwede mo magawa kahit ano?” tanong nito ulit.
“Tol, wala ka na bang ibang tao na pwedeng guluhin?” sagot niya na natatawa na lang sa usapan nila.
“I like you! You’re so nice!” sagot na lang nito sabay ngiti sa kanya. Gusto niya man mag-facepalm ay hindi niya magawa kaya nagtimpi na lang siya.
“Tol! Mabuti pa, tumahimik ka na lang diyan tapos ubusin mo na itong fries,” ani James sabay abot ng fries niya na ngayon ay nangangalahati na.
“Wow! Thanks!” tuwang-tuwang saad nito sabay sunod-sunod na kuha ng fries.
“Tsk! Kapag minamalas ka nga naman,” sabi niya na lang sa isip. Napapatingin na lang siya sa katabi dahil sa ginagawa nito. Nakataas ang ulo nito habang nilulunok ang fries na tipong kala mo ay isa siyang sword-eater. “Weirdo talaga,” isip niya na lang sabay baling ulit ng tingin kay Trish.
How he wished na sana kahit papaano ay mapansin siya ng kaunti ni Trish. Kahit magkaroon man lang ng simpleng connection sa pagitan nilang dalawa ay ayos na siya.
“You know, since so nice ka naman, igra-grant ko ‘yong isang wish mo,” sabi ng weirdong lalake na nagpalingon na lang kay James na may kunot ang noo.
“Talaga? Ano ka, genie?” natatawa na lang niyang sagot dito. “Baliw na yata itong katabi ko, e!” hindi niya mapigilang sabihin sa sarili.
“Ngak, hindi gano’n gumagana ang powers ko ‘no. Pero like I said, since I so like you and you’re so nice, I’ll grant you one wish,” muli nitong saad.
“Sige, bigyan mo ako ng Sports Car. Iyong Red na Ferrari, ha.” Sinakyan niya na lang ang sinasabi ng katabi.
“Ay, materialistic naman!” sagot nito sa kanya.
“Akala ko ba igra-grant mo ang wish ko?” panunuya ni James.
“Sure ka? Akala ko kasi, ang wish mo ay ang mapansin ni miss pretty girl,” pambabara nito sa kanya.
Nanlaki na lang ang mata niya. Bigla siyang kinilabutan sa sinabi nito. “s**t? Mindreader ba ‘to?” gulat niyang saad sa sarili. Maliban doon ay doon niya lang napagtanto na hindi niya ito kilala kaya’t paano nito malalaman ang tungkol kay Trish.
“Oh, ano? So, iyon na?” tanong nito ulit.
Hindi na siya makakibo at napatingin na lang siya kay Trish. Yes, iyon ang sagot niya sa isip niya. Kung posible sana ay gusto niya maging close dito kahit friends lang sa ngayon. Okay na siya sa ganoon.
“Huy! So, ano? Iyon na?” Bigla nitong winagayway ang kamay nito sa harap niya para magpapansin.
“Ah, eh, sige! Ikaw na ang bahala,” sagot na lang niya rito.
“Okay! Pero, of course, may kailangan kang gawin!” pahabol nito.
“Huh? Akala ko ba wish ‘to? E, bakit may gagawin pa?” panunuya niya ulit.
“Dude, katulad ng sinabi ko kanina, hindi ako genie na instant wish mo lang ay matutupad na! Iba ang powers ko ‘no! Syempre, kailangang may effort mo rin. Sabi nga nila, di ba, nasa diyos ang awa at nasa tao naman ang gawa,” sagot na lang nito.
“Sige na nga! I-grant mo na ang wish ko,” nakiki-ride on na lang na sabi niya ulit habang pinipigilan ang tawa.
Tinitigan muna siya nito sabay hawak sa baba na animo’y nag-iisip nang malalim. Mayamaya pa ay may binunot na lang itong isang maliit na itim na planner mula sa bulsa nito sabay mabilis nagsulat. Nang matapos ay pinilas nito ang piraso ng papel at tinupi bago ibigay sa kanya.
“Here you go,” abot nito sa kanya.
“Ano naman ‘to?” sarkastikong tanong niya sabay taas ng kilay.
“Kung masusunod mo ‘yang nakasulat diyan ay magiging close kayo ni Trish,” masayang paliwanag nito.
“Huh?” napatitig na lang siya sa papel na nakatupi.
“Sige! Gotta go na ‘ko, ha? Good luck na lang!” sabi nito habang papatayo sa upuan.
“Ah, okay,” matipid niyang sagot. “Pangalan mo nga pala?” pahabol niya. Hindi niya kasi natanong ito.
“Remnis. Remnis Luz Karma. Rem na lang for short,” sagot nito sabay yumuko na parang ginagawa ng mga taga-ibang bansa sa mga hari.
Napangiti na lang siya ng tuluyan sa lalake, kahit papaano ay natuwa din naman siya sa kakalugan ng usapan nila kanina.
“James nga pala, tol!” saad niya sabay abot ng kamay dito para makipagkamay. Dali-dali naman itong kinuha ni Rem.
“Yup, I know! Sige, good luck na lang, ah? Go!” sagot nito sabay angat ng kamay na cheer sa kanya.
“Ah, sige, thanks!” pigil tawa niyang saad.
Nang makalayo na si Rem ay napatingin na lang siya sa nakatuping papel sa kanyang kamay. Natawa na lang siya rito. Gusto niya mang itapon ito ay hindi niya magawa. Naku-curious din kasi siya sa nakasulat roon. At hindi na nga niya napigilan kaya binasa na niya ito.
“Hala? Ano ‘to?” gulat niyang saad nang makita ang nakalagay roon.