Napakahigpit ng pagkakaakap ni Trish kay James habang humahagulgol. Hindi niya tuloy malaman ang dapat gawin dahil sa pagkataranta.
"Bakit ganoon James, bakit siya ganoon," sabi ni Trish na patuloy pa rin ang pagtagas ng mga luha.
Mas lalo tuloy nag-alala si James dahil sa pagkalito at awa sa dalaga, kaya wala siyang ibang magawa kung hindi haplusin ang likod nito upang aluin at pilit na mapatahan.
"Ano ba ang nangyari?" marahan niyang tanong.
"Si Brent, I...I saw him, with someone!"pilit sabi nito na mas idinidiin pa ang pagkakasubsob sa dibdib ni James.
Noong marinig niya iyon ay tila nagpintig ang kanyang tenga, hindi niya napigilan ang pagkulo ng dugo sa inis at galit kay Brent. Hindi niya maintindihan kung paano nito nagawa ang ganoon bagay kay Trish. Ipinikit niya na lang ang kanyang mga mata upang pahupain ang nadarama dahil kailangan niya munang pagtuunan ng pansin ang dalaga.
"Baka naman friend niya lang iyon," pabiro niyang sambit.
Napabitaw tuloy si Trish sa kanya upang pakatitigan siya. Naroon ang matinding kalungkutan sa mga mata nito at nanginginig pa ang mga labi.
"No! Hi...hindi ako tanga para hindi ko malaman iyon, alam ko iyon nakita ko," pasigaw na sagot nito habang humihikbi at tuloy-tuloy pa rin ang agos ng luha sa mga mata.
Tinanguan na lang ito ni James kaya naman muli itong pasubsob na yumakap sa kanya. Ilang oras rin silang nasa ganoong pwesto ni Trish, hanggang sa tuluyan na itong huminahon.
"James, thanks for comforting me. Pasensya ka na, naabala pa tuloy kita," sabi ni Trish nang medyo nahimasmasan na.
"Wag ka mag-alala. Basta kailangan mo ako, nandito lang ako!"sabi niya ng may pagmamalaki at malapad na ngiti.
Sa isip-isip ni James ay paulit-ulit niya ng sinasabi ang mga katagang, ‘sa akin ka na lang sana, kung alam mo lang, gusto kong agawin ka sa taong iyon para hindi ka na iiyak pa, kung sa akin ka lang, hindi ko hahayaang masaktan ka ng ganyan.’ pero tulad ng dati ay hanggang sa isipan niya lang iyon.
Nang makapagayos na si Trish ay nagpaalam na ito para umuwi, sinabi pa ng dalaga na huwag na mag-alala at ito na ang bahala sa sariling probema.
Pero para kay James ay hindi iyon para sa kanya. Hindi pa rin mawala ang namuong galit sa kanyang dibdib. Naroon pa rin ang pagnanais niyang ipaghiganti si Trish sa ginawa ng Brent na iyon. Kaya dali-dali niyang tinungo ang covered court nang makaalis na ang dalaga. Alam niya kasi na doon madalas tumatambay si Brent.
Tulad ng hinala niya nandoon na nga ang lalake. Nakaupo sa isa sa mga bench habang nanonood ng laro. Hindi na siya nag-isip pa, dali-dali niya itong pinuntahan sa kinauupuan.
Nang nasa harapaan niya na ito ay ibinuhos niya lahat ng lakas niya sa kanang kamay upang bigyan ito ng isang sapak.
Ramdam na ramdam ni James ang sakit pakatama ng kanyang kamao sa mukha nito. Ganoon na lang tuloy ang kanyang pagngiwi dahil hindi niya akalain na masakit pala ang sumuntok. Subalit mukhang hindi sapat ang ginawa niya kasi nakatayo rin kaagad si Brent.
"Tang ina ka pare! anong problema mo?” sigaw nito.
"Gago ka!” sigaw ni James sabay duro dito.
Pagkatapos noon ay muli niya itong sinugod dahil tila nag-alab ang kanyang galit nang makita ang pagkalito at tila pagpapainosente sa mukha nito.
Pero mas alerto na ang naturnag binata. Madali lang nitong nailagan ang sumunod na mga atake ni James, ang masama pa noon ay nanlaban na ito. Magkabilaang sapak at sipa ang inabot niya dito kaya naman agad siyang napasubsob sa sahig.
Akala niya ay kaya niyang maging super hero para kay Trish, akala niya ay sapat na ang kanyang galit upang magkaroon ng lakas na ipaghiganti ito, pero hindi pala. Tutuluyan pa sana si James ng sipa ni Brent kung hindi pa pumagitna ang ilan sa mga taong naroon.
"Pare tama na, wala ng laban iyong tao!" pigil ng isang kaibigan nito.
"Gago yan, bigla na lang nanunugod." Inis na duro ni Brent.
Pero wala rin itong nagawa nang palibutan na ng mga kaibigan, kaya naman kahit nagawa ng tumayo ni James, kahit pa nahihilo at halos iika-ika na sa pag-galaw ay bumangon pa rin siya. Naroon nga lang ang kaawa-awa niyang hitsura dahil puno na ng pasa ang mukha.
"Bakit nagawa mo iyon kay Trish!" sigaw niya nang tumalikod na ang katunggali.
Panandalian itong napakunot ng noo dahil sa pagtataka, maya-maya pa ay tila naliwanagan ito sa dahilan ng pagsugod ni James.
"Pare, wag kang makialaman sa buhay ko! Intindihin mo sarili mo!" bulyaw ni Brent.
Nang marinig iyon ni James ay nagpintig nanaman ang kanyang tenga, tila nilukob siya ng panibagong lakas dahil sa matinding galit. Kahit halos gumegewang na siya sa paglalakad ay pinilit niya ulit itong sugudin, ngunit sa kung anung dahilan ay bigla na lang nagdilim ang kanyang paningin, kaya lumagapak siyang muli sa sahig.
"Tang ina, wala naman pa lang kuwenta!" natatawang saad ni Brent nang mapalingon ito.
Iyon ang huling mga salitang narinig niya kasabay ng ilang tawanan sa paligid, bago siya tuluyang mawalan ng ulira at sakupin ng kadiliman ang kanyang paningin.
*****************
Nagising na lang si James sa isang puting kwarto. Hindi niya maigalaw ang kanyang katawan. Naroon pa ang tindi sakit na tila nanunusok sa kanyang mukha. Pinilit niyang idilat ang mga mata pero isa lang ang nagawa niyang buksan, dahil namamaga pa iyong kabila mula sa pagkakasuntok sa kanya kanina.
"Sushmita sen, gising na siya!" malakas na alingawngaw ng tili ni Joey.
"Buti naman buhay ka pa! Akala namin comatose ka na," sita ni Faye na nakahalukipkip at naniningkit ang mga mata.
"Echosera ka kasi masyado. Bakit ka kasi sumugod ng ganoon, kala mo naman kalakihan ang katawan mo!" sermon naman ni Joey.
"Si Trish ang dahilan no! Alam mo, mapapahamak ka ng dahil diyan sa nararamdaman mo kay Trish," dagdag ni Faye na inuusisa na ang mga sugat niya.
Ilang minuto rin sinermunan ng dalawa si James, pero kahit ganoon ay kita niya naman ang pag-aalala sa mata ng mga nito.
Matapos ang ilan pang minuto ay dumating na ang mga magulang niya para sunduin siya. Tulad ng inaasahan ay sermon din ang inabot niya sa mga ito.
Madami kasi ang nakakita na naunang sumapak si James kay Brent, kaya nasuspinde siya ng isang linggo. Buti na lang at hindi siya na-expelled, dahil na rin sa pakiusap ng kanyang mama.
Hanggang ng mga sandaling iyon ay hindi maialis ni James sa isip ang pagiging walang kuwenta, dahil hindi niya man lang naiganti si Trish mula sa gagong iyon.
Napakuyom na lang siya ng palad dahil sa wala siyang magawa kung hindi ang maawa sa sarili, dulo’t na rin ng pagiging mahina at lampa.
Nagtaxi na sila pauwi ng kanyang mga magulang. Busangot tuloy ang kanyang mga magulang dahil sa nangyari dahil napagastos pa ang mga ito.
Kasalukuyan silang nakahinto sa stop light nang mapatingin si James sa labas. Laking gulat niya nang makita si Rem sa kabilang kalsada, nakatingin sa direksyon nila. Tulad ng dati kinilabutan nanaman siya dahil sa kakatwang titig nito. Nakatayo lang kasi ang lalake sa may sidewalk at nakatingin ng tuwid sa kinalalagyan niya.
"Nakikita niya ba ako?" sambit ni James sa sarili.
Hindi niya mapigilan ang takot dahil sa kakaibang sa ngiti nito, parang may kung ano kasi sa litaw ng mukha ng lalake na nagpapatayo sa kanyang balahibo.
Makaraan ang ilang segundo ay nagsimula ng mag-andaran ulit ang mga sasakyan, may dumaang dyip sa may bintana kaya naman natakpan nito ang kinaroroonan ni Rem. Pagkalagpas ng sasakyan ay wala na ang lalake sa kinaroroonan nito na para bang bula na biglang naglaho.
Sakto naman ang pag-vibrate ng phone ni James, kaya napabalikwas siya sa pagkuha noon dahil sa gulat. Napakunot na lang siya ng noo nang makitang unknown number ang tumatawag.
"Hello?" agad niya na lang na sagot.
"Heeellow," makulit nitong sambit.
Napalunok ng malalim si James kasabay ng pagtulo ng malamig na pawis sa kanyang noo. Hindi siya nakasagot agad, hindi niya kasi alam kung ano nanaman ang gusto ng maysa-malignong taong iyon.
Muling lumitaw sa kanyang isipan ang kakaibang ngiti at tingin nito kanina, naalala niya dito ang babaeng nasa pelikulang exorcist noon naposess ito. Maliban doon ay kakaiba ang katahimikan sa kabilang linya na halos hinga lang nito ang maririnig.
"Tsk, Tsk, Tsk! Alam mo James, hindi mo dapat ginawa iyon kanina. Tingnan mo tuloy nangyari sa iyo. Iyan tuloy, wawa ka naman," saad na lang nito nang manatiling tahimik si James.
Pilit na lang siyang tumawa sa pagkakataon an iyon. "Hindi. Ayos na ako, nabigla lang ako kanina," sagot niya.
"Talaga? So, hindi ka na galit niyan?" tanong nito na may bahid ng pang-aasar.
Pinilit naman ni James na pakalmahin ang sarili. "Hindi na, medyo nahimasmasan na ako, hindi na ko dapat nakialam, tsaka nasapak ko naman siya e!" wari’y nagmamalaki niyang sagot.
"Talaga, ambait-bait mo naman, pero parang dehado ka pa nga eh!" naroon ang tila pagpipigil ni Rem ng tawa.
"Ayos lang iyon, basta naiganti ko si Trish," napapadikit ngipin na sagot ni James kahit nakangiti.
"You're so, sweeeeet!" Pagkatapos nitong magsalita ay nadinig ni James ang parang inipit na paghalakhak nito na wari’y nanggaling sa lupa ang boses.
Hindi na siya komportableng makipagusap dahil sa panunuya nito, kaya naman nag-isip na lang siya ng palusot para ibaba ang phone.
"Tol, medyo lowbat na ako, baka maputol yung linya!" paalam na lang niya.
"Ah, okay. Siya nga pala, alam mo ba kung bakit grabe iyong iyak ni Trish kanina? Ako alam ko!" makulit na saad nito.
Biglang natahimik si James sa sinabi nito, Naroon tuloy ang katanungan sa kanya na paano iyon malalaman ni Rem eh magkakasama sila nang makita nila si Trish kanina.
"Hindi sinabi ni Trish sa iyo ang totoo no!" pahabol ni Rem sabay nagpakawala nanaman ng isang mabagal at malalim na halakhak.
Isang malalim na paglunok ang ginawa ni James upang humugot ng lakas ng loob. "Hindi ah! Inamin sa akin ni Trish, ang sabi niya, nahuli niya na may kasamang iba si Brent," pilit tapang niyang sagot.
"Medyo totoo iyon, pero may kulang,” napapalatak na ng tawa si Rem bago nagpatuloy. “Sa tingin mo ba iiyak na lang ng ganoon si Trish ng dahil lang sa may nakita siyang ibang kasama si Brent?"
Napatuwid ng mukha si James. Natahimik sa nadinig. Siguro nga hindi ganoon kababa si Trish para magkaganoon. Sa pagkakakilala niya sa dalaga hindi ito ganoon kaselosa, tsaka matapang ito at hindi basta-basta iiyak ng walang sapat na dahilan.
"Naku, baka mamatay na ang cell mo, kuwento ko na lang sa iyo next time. Ba-bye!"mapaglarong sabi ni Rem.
Doon mabilis napakunot ng noo si James, batid niyang nananadya ito at talagang binitin siya. Hindi niya tuloy maalis sa isip iyong huling mga sinabi nito.
"Hah! Ah, hindi pa naman namamatay cp ko e!" bawi niya.
"Sabi mo kasi lowbat ka na," agad na balik ni Rem.
"Kaya pa naman siguro ng battery ko," pagsisinungaling ni James dahil ang katotohanan ay nasa kalahati pa naman ang batterya ng kanyang telepono. "Oo nga pala, ano iyong talagang nangyari kay Trish kanina?" tanong niya kaagad dito.
Isang makulit na tawa ang kumawala kay Rem. "Hmmm, parang hindi kasi maganda kung sasabihin ko sa iyo, baka kung ano nanaman gawin mo!"
Napakuyom na si James ng palad dahil sa paglilihis nito ng usapan. Pero todo kalma pa rin siya dahil sa pagnanais na malaman ang katotohanan.
"Hindi ah, di ba nga sabi ko ayos na ako. Badtrip ka naman oh, tama bang bitinin mo ako," sabi niya na lang na kunyari nagtatampo. Pero sa totoo lang ay napipikon na siya dahil sa hindi nito pagpapatuloy ng kuwento.
"Sige, kuwento ko na lang sa iyo pagnagkita tayo, okay. Bye-bye," dahan-dahan pa ang pagsabi nito sa pamamaalam.
Natarantan na tuloy si James kaya hindi niya napigilan taasan ito ng boses. "Hoy! wag ka namang ganyan!" sita niya rito.
Napatigil na lamang siya nang bigla na siyang lingunin ng mga magulang, ganoon na lang tuloy ang pagyuko niya. Nang balikan niya ang taway ay busy tone na ang kanyang narinig sa kabilang linya, tiningnan niya ang number na nag-register sa phone at si-nave iyon
"REM M" inis na pagdidiin niya sa pagpindot sa huling letra.
Iyong M ay para sa maligno kasi sadyang may sa maligno naman ito. Ilang segundo lang ay nakatanggap siya ng text mula rito.
From: REM M
‘Sensya na nawalan ako ng load text na lang ang mayroon, hehehe. Basta kuwento ko sa inyo pagnagkita-kita tayo. Tsaka wag ka padalos-dalos. Alam mo naman wala kang laban, maraming paraan para gumanti. If you know what I mean’
Tiim bagang na napapunas si James sa mukha. Halata niyang gumaganti lang ito sa tangka niyang pagbaba ng phone kanina. Binalewala niya na lang ito sa bandang huli dahil na rin sa nangako naman itong ikukuwento ang lahat kapag nagkita sila.
Napaisip siyang bigla nang muling pakatitigan ang mensahe nito. ‘Gumanti sa ibang paraan, paano iyon?’ kunot noong saad niya sa sarili. ‘Maghihire ng killer para ipasalvage si Brent. Oo, maganda iyon, kaso wala akong pera pang pa salvage!’ irritableng napakamot na lang siya sa ulo sa naisip.
Natigilan lamang siya nang maintindihan ng kaunti ang nais sabihin ni Rem, tulala siyang napaisip sa kakaibang mga ginawa nito at napagtantong may sa maligno nga pala ang kausap niya. Kung natulungan siya nito rati, sigurado niyang magagawa nito iyon ulit, kaya’t iyon siguro ang gusto nitong ipabatid sa kanya.
Isang malokong ngiti ang namutawi kay James sa kaalaman na pwede siyang gumanti sa ganoong paraan. Pero mabilis din iyon nabura dahil sa biglang pag-init ng kanyang ulo sa inis, nang maalalang suspended nga pala siya ng isang linggo, kaya’t ibig sabihin ay ganoon katagal ang kanyang hihintayin para malaman ang buong katotohanan sa likod ng pag-iyak ni Trish.