Tinupad naman ni Trish ang sinabi nito, sinabay nga siya kumain, kasama nga lang ang boyfriend nito at ilang mga kaibigan. Bigla tuloy nasira lahat ng daydreaming ni James ng araw na iyon.
Akala niya ito na iyong chance niya, akala niya may pag-asa na, pero wala pa din pala. Ano nga naman ang laban niya sa boyfriend nito na mayaman at guwapo. Eh kung ikukumpara siya dito e walang-wala siya. Sa isip-isip niya ay marami nga naman pala ang namamatay sa maling akala.
Ang magandang naidulot lang noon ay mas dumalas na ang pagpansin ni Trish kay James matapos ng araw na iyon.
Kahit kasama niya ang kanyang mga kaibigan ay hindi ito nahihiyang bumati sa kanya, paminsan nga ay nagpapa-sama pa ito na manood sa practice ng kasintahan.
Alam naman kasi niyang mafri-friendzone lang naman siya pero kahit mabigat ay ayos na rin iyon sa kanya, lalo pa nang maalala niya ang naging kahilingan.
Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinakawalan, nang biglang sumagi sa kanyang alaala ang huling mga salita na binitiwan sa kanya ng taong iyon.
"Akala ko kasi ang wish mo e mapansin ni miss pretty girl," tila huni ng boses nito sa kanyang isip.
Mapansin, katulad ng sinabi nito ay napapansin na nga siya, kaso hanggang doon na nga lang siguro ang pwede niyang abutin. Iyon ang naglalaro sa kanyang isipan nang may bigla nanaman sumagi sa kanyang isip.
"Syempre, kailangan may effort mo rin no. Sabi nga nila, nasa diyos ang awa nasa tao ang gawa," muling alingawngaw ng boses ng makulit na memorya sa isipan niya.
Kasalukuyan nakatambay si James sa isang bench sa loob ng university habang nagmumuni, ipinalibot niya ang tingin sa paligid para makasiguradong nag-iisa lang siya doon bago agad na sinampal ang sarili.
“Hindi!” mabilis na sita ni James sa sarili.
Napapalis na lang siya ng ulo upang burahin ang mga tumatakbo sa kanyang isipan ng mga sandaling iyon. Ayos na siya sa ganitong set-up. Nakikita niya naman na masaya si Trish, tsaka isa pa, hindi niya rin gustong makigulo at manira ng relasyong ng ibang tao.
"Meow, meow," wari’y pusang sambit ng isang boses.
Muntik na mapatalon si James sa gulat dahil sa biglang nagsalita sa kanyang likuran.
“s**t,” iyon ang naibulalas niya sa sarili habang pilit inaalala ang pangalan ng nagsalita. Isang malalim na paglunok ang tanging nagawa niya habang dahan-dahan itong nililingon. Kinakabahan dahil sa pagkalimot sa pangalan nito.
"Ano ba yan! Nakalimutan mo na agad ako, tsk, nakakatampo ka naman," bigla na lang nitong sabi.
"Lagot, mind reader nga talaga ata to," namamawis na sambit ni James sa sarili.
"It's me! Remnis Luz Karma! Rem for short. Haiz, alam mo, kung hindi ka lang nakakatuwa magtatampo na ako sa iyo," sabi nito sabay kagat sa labi na wari’y nagmamaktol.
Tila napawi noon ang kabang bumabalot kay James kung kaya napatawa na lang siya bigla rito.
"Sorry," ngiting bawi na lang niya habang napapahawak pa sa batok.
Ngising napataas naman si Rem ng dalawang kilay. "So, kamusta naman, happy ka ba?"
"Huh?" ikinagulat ni James ang tanong nito kaya naman ganoon na lang ang pagkunot niya ng noo.
"Susko, sa wish mo! Pinapansin ka na ni miss pretty girl, diba! Hindi ka ba masaya?" Pagtataas-baba ni Rem ng kilay sa kanya.
Doon lang iyon naalala ni James. Nagawa niya nga pala lahat nang nasa papel. Hindi niya nga lang maisip na maaaring iyon nga ang dahilan ng lahat dahil parang tanga lang iyong ibang mga nakasulat doon kaya ang hirap paniwalaan na iyon ang rason.
"Masaya naman," sagot niya na lang.
Bigla namutawi sa mukha ni Rem ang isang malungkot at naaawang ngiti. "Eh bakit parang di mo naman nagustuhan iyong wish mo?"
"Huh? Hindi ah, ayos naman ako," pilit tawang sagot na lang ni James.
Napataas tuloy ng isang kilay si Rem habang inilalapit ang mukha’t sa kanya. Tumalumbaba pa ito habang ipinapatong ang katawan sa may sandalan ng upuan. "Really now." Halatang hindi ito naniniwala sa narinig.
"Oo nga! Tsk," bara ni James pakabaling dito. Pinangkitan niya pa ito ng mata dahil sa nang-aasar nitong titig.
Napakibit balikat na tuloy si Rem. "Oki doki, sabi mo e. Kita kits na lang pag may oras."
Maayos na itong tumuwid pakatayo sabay sumaludo pa kay James bago pasayaw-sayaw na tumalon papaalis.
Doon niya lang napag isip-isip ang katanungan na. “Masaya nga ba ako sa sitwsyon ko ngayon?”
*****
Katulad nang nakagawian nilang magkakaibigan ay nakatambay nanaman silang muli sa may freedom part ng university sa paborito nilang bench. At siyempre nag-babangayan nanaman si Faye at Joey ng dahil sa kung ano nanaman na bagay habang si James naman ay iniisip pa rin ang tungkol sa sinabi ni Rem.
Ilang linggo na rin ang lumipas mula noong magkausap sila, hanggang ng mga panahon na iyon ay palaisipan pa rin sa kanya kung paano nito nalalaman kung nasaan siya at kung talagang estudyante ba ito roon, dahil kahit minsan ay hindi niya pa ito nakasalubong sa naturang eskwelahan.
Napagtanto niya na lang tuloy na may sa maligno ata ito or mas dapat niyang sabihin na maligno yata talaga ito.
Natigilan lang siya sa pag iisip nang mapansin na hindi na pala nag-aaway iyong dalawa niyang kasama. Pasimple niyang tinapunan ito ng tingin at napakunot na lang siya ng noo nang makita ang mga makahulagan tingin ng dalawa sa kanya.
"Lalim ng Iniisip mo ah," saad ni Faye nakataas pa ang isang kilay habang nakatitig sa kanya.
"My gosh friend, may sakit ka ba?" asar namain ni Joey sabay hawak pa sa noo niya.
"Tsk! bakit ako nanaman bigla niyong pinagdiskitahan," maktol na hinawi kaagad ni James ang kamay ng kaibigan kaya napalayo na ito.
"Nakakatampo ka na ah!" Ngumuso na lang si Faye, namaywang pa ito sabay pinaningkitan siya ng mga mata.
"Huh! Ano nanaman ginawa ko?" pagkukunot lalo ni James dahil sa pagkalito.
“Ay winawashington na talaga tayo,” wari’y hindi makapaniwalang sabi ni Joey sabay takip ng isang kamay sa bibig.
"Dahil ba may new set of friends ka na," si Faye ulit na napahalukipkip na lamang sabay irap.
Nitong mga nakaraang linggo kasi mas madalas na kasama ni James sina Trish kaysa kina Faye at Joey. Halos parang parte na nga rin siya ng grupo ng mga ito kaya naman naintindihan niya ang tampo ng dalawang matalik na kaibigan.
"Bawi na lang ako, manlilibre ako," iyon na lang ang nasabi ni James dahil medyo nakonsensya siya mga sinabi ng kaibigan.
Ang dalawa nga naman ang lagi niyang kasama noon hindi pa siya nagiging close kay Trish. Sila rin iyong palaging nandyan para tulungan siya at sumusuporta sa kanya noon, kaya tama lang naman siguro na ilibre niya ang mga ito bilang pampalubag ng loob.
Mabilis ang naging pagliwanag ng mga mata ni Faye at Joey, kaya naman nanumbalik ang ingay sa pagitan nilang tatlo dahil sa pagtatalo kung saan magpapalibre. Natahimik lang sila nang may bigla na lang sumigaw at nakisali mula sa kanilang gilid.
"Yay! Libre, libre, libre!" Si Rem pala iyon na masaya ng nag-aangat baba ng kamay.
Mabilis bumakat ang pagtataka kay Faye at Joey nang makita ito. Sino nga naman ba ang hindi, eh bigla na lang sumulpot mula sa kawalan ang naturang binata, tapos tuwang-tuwa pang pumapalakpak sa pagchecheer.
"Ay! Sinech itech na lukaret sis," bigla na lang sabi ni Joey na napayakap kay Faye.
Tinitigan ni Rem si Joey dahil sa narinig nito, sabay taas ng kamay. Pagkatapos ay bigla itong pumitik. Nagulat na lang sila nang muntik ng mapasubsob si Joey.
"Ay, syutang inames!" sigaw nito nang makaayos na ng tayo. Napasapo ito kaagad sa ulong tinamaan ng bola habang hinahanap kung saan iyon nagmula.
Mukhang tumilapon ang naturang bagay mula sa mga naglalaro ng volley ball malapit sa kanila. Pero pagtingin ni James kay Rem ay medyo kinilabutan siya. Iba iyong ngiti nito kay Joey, tipo bang nangaasar. Doon niya naalalan na delikado nga pala ang taong ito, kaya para makaiwas sa aksidente ay agad na siyang nagsalita.
"Faye, Joey, si Rem nga pala. Rem, mga kaibigan ko," pakilala niya sa mga ito.
"Halooo!" bati ni Rem na parang anime character na iginigewang pa ang kamay at katawan.
"Hello!" masayang bati naman ni Faye.
Si Joey hindi maipinta iyong mukha dahil pabulong pa rin nitong minumura iyong mga nakatama sa kanya kanina.
Mabilis rin naman nagkasundo si Rem at mga kaibigan niya, pero hindi na pinaalam ni James na si Rem ang kinukwento niya na nagbigay nang listahan. Naisip niyang mas makakabuti na iyon kaysa naman may maisip nanaman na kalokohan ang dalawa niya pang kaibigan kapag nagkataon.
Makalipas lang ang ilang saglit ay nakalabas na sila ng school. Mas gusto kasi nina Faye na magpalibre ng streetfood. Laking pasalamat naman ni James at makakatipid siya kahit papaano.
Iyon ang akala niya noon una, dahil matapos ang ilang minuto nilang pananatili sa fishballan ay halos ubusin na nang tatlo iyong tinda roon. Buti na lang biyernes ngayon kaya may ipon siya.
Kung gaano kahalimaw si Rem sinabayan pa ng dalawa, lagas tuloy ang laman ng pitaka ni James dahil sa mga ito.
Medyo nawala rin sa isip niya si Trish ng panandalian dahil sa pakikipagkulitan sa mga barkada. Hanggang sa makita na lang nila ito na tumatakbo papasok ng campus. Sabay-sabay pa sila halos na napatigil sa pagtusok ng fishball habang sinusundan ito ng tingin.
"James si Trish," nguso ni Faye dito.
"Sushmita sen. Mukhang kumakrayola si ate," singit ni Joey.
"Haiz, kawawa naman," sinundan pa ni Rem ang dalawa.
Kaya naman ganoon na lang ang matinding pag-aalala ni James. Hindi niya mapigilang iyon dahil sa nakita, pero mas nangingibabaw ang katanungan sa kanya na bakit nga ba ito umiiyak?
"Dali! Puntahan mo, naiintriga ako," biglang sambit ni Joey sabay tulak sa kanya.
"Huh? bakit ako," nanlalaking matang hawi niya sa kamay nito.
"Hello! Diba friends na kayo. Anong klase kang friend, di mo man lang siya pupuntahan sa oras ng kagipitan," sita ni Faye na nakapamaywang na habang dinuduro siya.
Binalingan ni James si Rem sa pag-aakalang makakuha ng kommento mula rito. Pero nanatili lang itong nakatitig sa kanya habang ngumunguya. Naroon nga lang malaman na ngiti nito na para bang sinasabing sumunod ka na lang, kaya naman inis na napakamot na lang siya ng ulo nang simulan ang paglalakad pahabol kay Trish.
Naroon ang bilis niya sa pagkilos, upang hindi mawala sa kanyang paningin ang dalaga dahil tumatakbo pa rin ito kahit nasa loob na ng campus. Pinilit niya na lang na mabawasan ang agwat nila sa pamamagitan ng panaka-nakang pagtakbo.
Sigurado niya kasing kapag hindi niya ito naabutan ay mahihirapan siyang hanapin ito sa laki ng naturang eskwelahan.
Nang sa wakas ay naabutan niya na ang dalaga ay narinig niya na ang malalakas pero pilit nitong pinipigilan na paghagulgol.
"Trish! Anong Problema?" tinapik niya agad ang balikat nito upang magpapansin.
Nilingon naman siya ni Trish, naroon pa ang gulat sa mugtong-mugtong mga mata nito noon una. Pero nang makilala siya ay walang pag-aalinlangan na lang itong yumakap sa kanya.
Natuod na lang tuloy siya sa kinalalagyan nang tila bigla na lang lumukso ang puso niya sa kanyang dibdib. Ganoon na lang tuloy ang paghahalo ng tuwa at lungkot sa kanya dahil sa kasalukuyan lagay.