THE SEVENTH b****y MARY: Options

2111 Words
THE SEVENTH b****y MARY: Options   “Ang pumatay o ang magpakamatay ang tanging solusyon.”               NAALIMPUNGATAN si Emma nang bandang alas-tres nang madaling-araw. Pakiramdam niya kasi ay may kung anong bagay ang bumabasa sa kanyang mukha. Idinilat niya ang kanyang mata at saka sinalat ang mukhang nabasa.             Ganoon na lamang ang kanyang pagkabigla nang makita niya ang isang babaeng nakalutang sa kanyang harapan. Tumutulo sa kanya ang dugo na nagmumula sa bibig nito. Nilingon niya si Manuel pero laking gulat niya nang malamang siya lang mag-isa ang nasa kama!             Nakatitig lang sa kanya nang matalim ang babae habang nakalutang. Nakakatakot ang hitsura nito sa malapitan. Tila naagnas na bangkay kung ilalarawan ang hitsura nito. Nanuot ang takot sa kanyang laman. Pinagpapawisan ang kanyang mga palad at paa nang dahil sa takot. Hindi niya magawang ikilos ang katawan dahil sa pamamanhid.             Ipinikit na lamang ni Emma ang kanyang mga mata saka nagdasal na sana ay mawala na ang babae sa kanyang harapan. Ilang minuto lang ay naramdaman niya na tila tumahimik ang paligid. Dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mga mata. Wala na ang babae pero parang ay may kakaiba.             May mga kamay na yumayakap sa kanya mula sa pagkakahiga. Doon na lamang niya napansin na nakapaibabaw siya sa babae habang hawak-hawak nito ang kanyang tiyan.             Ramdam niya ang paghinga nito sa kanyang leeg. Ramdam niya rin ang paisa-isang pindot ng mga daliri ng babae sa kanyang tiyan.             Anong gagawin niya? tanong ni Emma sa sarili             Nang walang anu-ano’y marahas nitong ibinaon ang mga kamay niya sa tiyan ni Emma. Sobrang sakit ang nararamdaman ngayon ni Emma na halos hindi na siya makahinga. Ramdam ng kanyang buong katawan ang sakit at hapdi.             “Aaaaaahhhh!!!” panghoy niya dahil sa sakit.             “Mamamatay ang bata! Mamamatay siya!”             Hindi makakilos si Emma, tila napako ang buo niyang katawan mula sa higaan. Naramdaman na lamang niya ang luhang umaagos sa kanyang mukha dahil sa sobrang sakit. Tila may kung anong bagay ang kumikirot ngayon sa kanyang tiyan. Ramdam niya ang lungkot ng buhay na nasa kanyang tiyan.   ***               NAGISING si Manuel dahil sa pagiging malikot ni Emma sa kanilang higaan. Kinusot niya ang kanyang mga mata saka tiningnan ang asawa. Napansin niya na tila nahihirapan si Emma. Pawis na pawis ang buong mukha nito at bakas ang takot. Hawak-hawak nito ang kanyang tiyan habang hindi mapakali.             “Ano bang nangyayari?” saad niya.             Nang mapagtantong binabangungot ang asawa, agad na ginising ni Manuel si Emma. Umayos siya ng upo at inuyugyog ang asawa habang sinasambit ng napakalakas ang pangalan nito. Lahat ay ginawa niya para magising lamang ang asawa.             “Emma, gumising ka! Binabangungot ka!” sigaw niya habang patuloy lang sa pagyugyog sa asawa.             Napabangon ito sa pagkakahiga habang habol-hininga itong gumising. Puno na ng pawis ang buo nitong damit. Muli nitong hinawakan ang kanyang tiyan habang namimilipit sa sakit.             “Aaaaahhhh!” sigaw nito dahil sa sobrang akit. Napansin ni Manuel na may kung anong likido ang bumabasa sa kanilang higaan. Hinawakan niya iyon at napagtantong mainit-init pa bagay na iyon.             “E-emma, d-dugo!” bulalas niya dahil sa gulat.             Dali-daling isinugod ni Manuel sa pinakamalapit na ospital si Emma matapos nitong magdugo. Punong-puno ng pulang likido ang parehas nilang damit na kanina’y kulay puti. Agad na lumapit sa kanila ang isang nars bitbit ang hospital bed at saka sinakay roon si Emma upang madala sa emergency room upang doon ay masuri.             Hindi mapakali sa labas si Manuel. Kanina pa siya parito’t paroon sa pintuan, nagbabaka-sakaling matanaw mula roon ang asawa. Kinakabahan kasi siya sa sitwasyon nito dahil sa mga stress na nararanasan nito kamakailan na maaaring makaapekto sa bata.             “Ano kayang nangyari? Ayos lang kaya siya?” bulong niya sa sarili.             Ilang minuto na ang lumilipas ngunit wala pa rin siyang balita sa loob. Habang tumatagal ay lalong nadadagdagan ang kanyang kaba lalo na’t wala pa nga rin siyang ideya sa kung ano ba talaga ang nangyayari. Ilang saglit pa’y bumukas na ang pintuan ng emergency room at iniliuwa no’n ang doktor.             Agad siyang lumapit dito upang kamustahin ang kalagayan ng kanyang asawa.             “Doc, kamusta po ang asawa ko?” kabado niyang tanong.             “I’m happy to say na mabuti ang kalagayan ng asawa at anak mo,” nakangiting sagot naman nito. Nangunot ng noo si Manuel sa huling turan ng doctor.              “Anak po?” nagtataka niyang tanong.             “Yes. Your wife is one week pregnant.”             Napuno ng galak ang puso ni Manuel nang mga oras na iyon. Walang pagsidlan ang tuwang kanyang nararamdaman dahil sa kanyang narinig. Matagal nila itong inasam at hinintay at ngayon ay ipinagkaloob na talaga sa kanila ng tuluyan. Wala na siyang mahihiling pang regalo.             Totoo nga ang sinabi ni Manong Todyo na magkakaanak sila. Isang magandang balita ang bagay na ito na kailangang malaman rin ng matanda.             “Maraming salamat po,” aniya sabay kinamayan ang doktor.             “Walang anuman. Excuse me muna. May gagawin pa ako. Maiwan na muna kita,” sabi ng doktor at saka umalis na rin sa kanyang harap.             Pumasok na si Manuel sa emergency room habang bitbit ang kanyang mga ngiti. Nadatnan niya roon si Emma na hinahawakan ang kanyang tiyan at masayang-masaya sa naging balita. Lumapit siya sa asawa at hinalikan ito sa noo.             “Magiging masaya tayong pamilya,” saad niya.             “Maraming salamat,” tugon naman ni Emma. Napansin kaagad ni Manuel ang biglang pag-iba ng lagay ng loob ng asawa. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.             “May problema ba?” tanong niya.             Huminga muna si Emma nang malalim bago nagsalita. “Naalala mo ba ‘yong sabi ni Manong Todyo. Ang anak ko ang magiging sakripisyo kapalit ng aking buhay,” malungkot na turan nito.             Naiyukom na lamang ni Manuel ang kanyang kamay nang maalala ang bagay na iyon. Hindi niya hahayaang masira ang kanyang pamilya dahil lang sa isang multo. Magiging isa silang buong pamilya hanggang sa dulo.             “Hindi mangyayari ang bagay na iyon,” paninigurado ni Manuel.             “Pero paano? Hindi nga natin alam kung kailan siya muling magpapakita. Manuel, natatakot ako para sa magiging anak natin. Hindi ko kakayanin kung mawawala pati siya sa atin. Ayoko ng mawalan ng isa pang anak.”             Niyakap ni Manuel ang asawa upang makaramdam ito ng kapanatagan. Hindi dapat sila panghinaan ng loob lalo na’t buhay ng kanilang anak ang nakasalalay dito. Gagawin niya ang lahat para mabuhay sila.              “Gawin na natin ang pinapagawa ni Manong Todyo para matigil na ito,” seryosong sabi ni Manuel.             “Pero… labag sa kautusan iyon ng Diyos,” natatakot na sabi ni Emma.             Wala ng maisip na iba pang paaran si Manuel maliban sa sinabi sa kanila ni Manong Todyo. Kung ito lang ang tanging paraan para mabuhay ang kanyang mag-ina, gagawin niya kahit na batas pa ng Diyos ang magdidikta na bawal.             Ilang oras lang ang nakalipas, nakatulog na si Emma dahil sa sobrang pagod at panghihina. Sinamantala na ni Manuel ang pagkakataon habang tulog ang kanyang asawa. Gagawin na niya ang dapat niyang gawin para sa kanilang kaligtasan.             Kinuha niya mula sa kanyang bulsa ang kanyang cellphone at saka idinayal ang numero ni Celina. Ilang saglit lang ay may sumagot na sa kabilang linya.             “Hello?” bungad niya.             “Sino to?” tanong ng sa kabilang linya. Parang may edad na ang boses ng sumagot dahil sa tono ng pananalita nito.             “Si Manuel po, kaibigan po ni Celina. Nandiyan po ba siya?”             “Ahh. Nandito siya, natutulog sa ospital. Bukas na kasi ang punta namin sa rehabilitation center. Kung gusto mo, ako na lang ang magsasabi sa kanya ng sasabihin mo,” suhestyon naman ng babaeng nasa kabilang linya.             “’Wag na lang po. Pupunta na lang po ako d’yan. Ibigay niyo na lang po ang address ng ospital. Gusto ko po sanang pormal ko siyang makausap.”             Matapos sabihin ang lugar ay dali-dali ring umalis si Manuel upang puntahan ang nasabing lugar. Buo na ang kanyang desisyon. Hindi na siya pwedeng magbackout lalo na’t buhay ang nakataya. Biglang sumagi ulit sa kanya ang napag-usapan nila ni Manong Todyo bago umuwi pabalik sa Maynila.              “Manong Todyo, ano bang dapat naming gawin para matigil na ang sumpa?” tanong ni Manuel habang katabi si Emma.             Humigop muna sa tasang hawak-hawak ang matanda bago nagsalita. “Kapalit ng buhay ng iyong anak ay kailangang may mag-alay ng buhay. Ang kabayaran sa buhay na mawawala ay katumbas rin ng isa pang buhay,” seryosong turan ng matanda.             “Paano po iyon?” naguguluhang tanong nila.             “Ang pumatay o ang magpakamatay ang tanging solusyon.”             Parehas gulat ang mag-asawa sa naging paliwanag ni Manong Todyo. Nagkatinginan silang dalawa. Hindi nila alam ang dapat na piliin.             Pero ngayon, pakiramdam ni Manuel ay alam na niya ang dapat na piliin. Mas matimbang sa kanya ang buhay ng kanyang mag-ina. Isang buhay ang dapat ng magwakas dahil habang tumatagal ay lalong may tiyansang may manganib. Kapalit ng isang buhay ay isang buhay rin.             “Patawad,” maikling sambit niya.             Nagsimula nang lakarin ni Manuel ang daan papunta sa ospital kung nasaan si Celina matapos niyang bumaba sa sasakyan na lulan niya. Habang nasa kahabaan ng paglalakad, nakarinig siya ng isang sitsit sa ‘di kalayuan. Hindi na niya iyon nilingon pa samaktwid ay mas binilisan na lang niya ang paglalakad.              Nakarinig pa ng ilang sitsit si Manuel. Palakas iyon ng palakas na animo’y sa tainga na niya mismo sinasambit.             “TAMA NA!!!” bulyaw niya saka humarap sa kanyang likod.             Ganoon na lamang ang kanyang pagkabigla nang makita ang isang babae sa kanyang harapan na halos isang dipa lang ang layo sa kanyang mukha. Halos magdikit ang mukha nila dahil sa ikli ng distansya.             Nanunuyot ang mga laway ni Manuel sa bibig habang ang kanyang paligid ay tila isang yelo sa sobrang lamig. Hindi niya maigalaw ang kanyang mga binti. Tila napako ang kanyang mga paa sa kanyang kinatatayuan.             Isang duguang babae at itim ang mga mata ang nasa kanyang harapan ngayon. Nakakadiri ang mga uod na gumagapang sa mukha nito habang patuloy sa pag-agos ang mga malapot na dugo sa mga sugat nito. Umapaw ang dugo mula sa bibig nito matapos ngumiti nang nakakaloko.             “Aaaaaaaahhhhhh!” sigaw ni Manuel sa sobrang hilakbot habang nanlalaki ang mga mata.    ***               PAGKAGISING ni Emma ay napansin niya kaagad ang patay-sindi na ilaw. Agad hinanap ng kanyang mga mata si Manuel. Sa paglilibot ng tingin, napansin niya ang isang babae na may itinutulak na andador sa loob ng kwarto.             “Tulog na, baby ko. Tulog na, baby ko…” paulit-ulit na kanta ng babae sa saliw ng hele.             Napaatras naman si Emma ng higa at napasandal sa pader ng higaan dahil sa kaba. Bigla namang tumayo ang babae at kinuha ang isang patalim. Inilapat nito ang patalim na hawak sa kanyang tiyan at isang pababang ginuhitan ito hanggang sa bumuka.             Halos masuka si Emma sa kanyang nakikita nang biglang ipasok ng babae ang kanyang kamay sa tiyan at hugutin doon ang isang bata at ilagay sa andador. Hindi maikilos ni Emma ang kanyang katawan dahil sa nasasaksihan.             Naupo muli ang babae at pinagpatuloy ang pagtutulak ng andador at ang pagkanta ng hele. Kitang-kita ni Emma ang dugong umaagos mula sa babae hanggang sa paanan ng kama na kanyang hinihigaan.             Nagulat naman siya nang patakbong lumapit sa kanya ang babae at halos magdikit ang kanilang mukha dahil sa lapit. Mistulang semento sa tigas si Emma nang mga sandaling iyon.             “Mamamatay ang bata! Mamamatay ang bata!” paulit-ulit nitong bigkas sa kanyang harapan.             Naitakip niya ang kanyang mga kamay sa tainga habang nakapikit. “Mabubuhay ang anak ko!”             Muli niyang idinilat ang kanyang mata nang biglang tumahimik ang paligid. Nang makasigurong siya na lang ang nag-iisa sa loob ng kuwarto ay tinanggal niya ang mga bagay na nakaturok sa kanya.             “Nasaan na kaya siya?” sambit ni Emma sa hangin. Napansin niyang wala na rin ang andador at ang dugong kumalat sa sahig.             Lumabas si Emma sa kuwarto upang hanapin si Manuel. Maging ang ilaw sa hallway ng ospital ay patuloy lang sa pagsayaw. Napansin niya ring walang katao-tao sa daan maliban sa isang babae na makikita sa dulo ng hallway. Iniangat nito ang kanyang kamay na tila tinatawag siya nito upang lumapit.             Nanlaki bigla ang mga mata ni Emma nang makilala ang babae. Dali-dali niyang tinungo ang fire exit ngunit nakasarado ang lahat ng pinto nito maliban sa isa. Binuksan niya iyon at dali-daling inakyat ang hagdan. Pagkapasok niya ay agad na tumambad sa kanya ang rooftop ng ospital.             Babalik pa sana siya sa loob ngunit madali siyang nasundan ng babaeng duguan. Wala na siyang kawala at tanging kamatayan na lang ang kanyang kahahantungan.             “MAMAMATAY KA! MAMAMATAY KAYO! WALA AKONG ITITIRA! MAGDUDUSA KAYO!” sigaw nito habang unti-unting lumalapit kay Emma.             “Tigilan mo na kami! Parang awa mo na. Nagmamakaawa ako. Ano bang nagawa namin sayo para patayin mo kami?!” naiiyak na sabi ni Emma.             Wala ng paraan upang maligtas si Emma. Nalulungkot siya dahil sa ganitong paraan pa siya mamamatay. Hindi man lang niya nagawang magpaalam sa kanyang asawa at masilayan ang kanyang anak.             “Paalam na…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD