PROLOGUE
PROLOGUE
Not Just an Ordinary Beginning
BILUGAN ang buwan nang gabing iyon at tanging ito lang ang nagbibigay ng liwanag sa daan.
Naglakas ng loob ang magbabarkadang sina Coleen, April, Nadine, Celina at Emma na pasukin ang isang sementeryo. Gawa ng kuryosidad ay susubukan nilang patunayan kung totoo o hindi ang kwentong nababalot tungkol kay b****y Mary na matagal ng usap-usapan sa kanilang paaralan.
Sa sementeryo nila naisipang gawin ang ritwal dahil bukod sa madilim at tahimik ang lugar, perpekto rin ito para magtawag ng espirito.
“Huwag na kaya nating ituloy. Ang dilim ng paligid tapos wala pa tayong kasama. Baka kung mapapano tayo,” natatakot na sabi ni Emma habang nasa likuran ng apat na kaibigan.
Siya ang pinakaduwag sa magkakaibigan sa mga ganitong bagaylalo na kapag may kinalaman sa katatakutan. Hindi niya gustong makakita ng multo o kung anumang nilalang na may kahindik-hindik na itsura.
Pinagpapawisan ang kanyang noo kahit na malamig sa lugar, dalana rin siguro ng sobrang takot. Nangangatog din ang kanyang mga tuhod na anumang oras ay maaari siyang matumba.
“Nandito na tayo! Ngayon pa ba tayo aalis? Sayang effort, ah. Tumakas pa naman ako kina mommy para lang dito at saka napagkasunduan na rin naman natin ‘to kaya walang magbabackout!” maawtoridad na sabi ni Coleen, ang kinikilalang lider ng grupo. Nanahimik na lamang si Emma sa likuran dahil sa mga sinabi ni Coleen.
Wala na ring magagawa ang iba dahil sa utos na rin ni Coleen na siya namang laging dapat na masunod. Nagpatuloy na lang muli sila sa paglalakad hanggang sa makarating sa destinasyon. Sa gitna ng sementeryo ay may makikitang lumang simbahan. Doon sana nila balak gawin ang ritwal.
“Ang baho naman dito. Eeww!” maarteng turan ni April sa mga puntod na nakapaligid sa kanila. Mga bukas na nitso, mga nagkalat na buto at bungo at mga nabulok na bulaklak ang nasa kanilang paligid na bumabalandra sa kanilang ilong.
“Huwag ka ngang maarte. Magiging ganyan ka rin someday,” birong sabi ni Celina kay April.
“As if naman. Ako ang magiging pinakamagandang bangkay in the world,” pagmamalaki ni April at saka umismid.
“Ikain mo na lang yan.”
Tanging ingay lang na likha ng kuwago at paniki ang maririnig sa lugar. Malamig na hangin ang dumadampi sa balat ng bawat isa kaya’t nagsitaasan ang kanilang mga buhok sa katawan pataas.
“Creepy!” ani Emma habang kinukuskos sa magkabilang braso ang mga palad.
Ilang minuto lang ay natunton na rin nila ang lugar. May kalumaan na ang gusali dahil na rin sa kapabayaan dito. Basag-basag na ang mga stained glass na bintana at nilulumot na rin ang mga haligi ng simbahan. Gayon din ang malaking pintuan nito na animo’y napag-iwanan na ng panahon dahilan upang pamahayan ng mga anay.
Hinawakan ni Coleen ang malaking pintuan ng simbahan at saka itinulak upang bumukas. Umalingawngaw ang napakalakas na pag-ingit nito sa buong paligid.
“Aaaaaahhhh!!” sabay-sabay nilang tili nang biglang lumabas mula sa loob ang isang itim na pusa. Nanlilisik ang mga mata nito sa kanila na mistulang nagpapahiwatig na huwag silang pumasok. Nakatayo rin ang purong itim na balahibo nito kasabay ang paglabas ng mga matatalim na kuko.
“Shu! Shu!” pagtataboy ni Celina sa pusa. “Scary ‘tong pusa na ‘to, ah. Gagawin ko ‘tong siopao.”
“You eat cats? Oh my gee! Animal cruelty!” nandidiring turan ni April.
“Animal cruelty. Kapag hindi kita natantsa, baka ikaw gawin ko d’yang siopao, e,” pananakot pabalik ni Celina.
“Guys, no quitting. Pusa lang ‘yan. Nandito na rin lang naman tayo,” ani Coleen sa apat na pare-parehas nagulat sa pusang itim. Nagkatinginan na lang ang lahat at buong tapang na pumasok sa lumang simbahan.
Napansin nila ang sira-sirang nakahilerang mga upuan sa loob ng simbahan. Wala ring kailaw-ilaw sa loob na tanging ang nagbibigay lang rito ng liwanag ay ang mula sa flashlight na kanilang hawak-hawak at ang liwanag mula sa buwan na dumaraan mula sa basag na stained glass na bintana.
Nilibot nila ng tingin ang kabuuan ng simbahan upang makasiguro na sila lang tao.
“Wala bang maintenance dito?” puna ni April sa simbahan.
“Kung gusto mo, simulan mo na mag-apply nang makatulong ka man lang sa mga dead people at maging lapitin ka kay Lord. Ang daming satsat, e,” pambabara naman ni Celina.
“Para kayong mga bata. Ipapasak ko sa bibig niyo ‘tong kalansay sa tabi kapag hindi kayo tumigil,” banta ni Nadine sa dalawa na parang aso’t pusa kung magbangayan.
Agad nilang ipinwesto ang kanilang mga gamit para sa kanilang gagawin na ritwal sa pagtawag kay b****y Mary. Kumuha sila ng itim na kandila at saka sinindihan. Matapos iyon ay sabay-sabay silang humarap sa salamin.
“Are you ready guys?” tanong ni Coleen na siyang nasa gitna at may hawak ng kandila. Nasa likod lang niya ang kanyang mga kaibigan na pinipigilan ang mga sarili na matakot.
Huminga muna siya nang malalim bago binanggit ang unang b****y Mary.
“b****y Mary…”
Lumakas ang hangin sa loob ng simbahan na tila nanunuot hanggang sa kanilang laman. Nakakapanindig-balahibo ang kanilang kakaibang nararamdaman.Kakaiba. At nakakatakot.
“b****y Mary…”
Pakiramdam ni Emma ay may mga matang nakatingin sa kanila at pinagmamatyagan lang ang kanilang kilos. Tila mga nilalang na hindi pangkaraniwan na nagtatago sa dilim at handa silang lamunin sa sandaling matapos sila.
“b****y Mary…”
“b****y Mary…”
“b****y Mary…”
Matapos niyang banggitin ang panglimang b****y Mary ay may bumagsak mula sa kung saan. Napalingon ang lahat kung saan nanggaling iyon. Wala naman silang nakitang tao o kahit na hayop. Pinagsawalang-bahala na lamang nila ang narinig at pinagpatuloy na lang nila ang kanilang ginagawa.
“b****y Mary…”
“b****y Mary…”
“b****y Mary…”
“b****y Mary…”
“b****y Mary…”
Lalong lumakas ang hangin sa loob. Tila may mga nabulong sa kanila mula sa kawalan. Nararamdaman rin nila na parang may nagmamasid sa kanila sa bawat sulok ng simbahan. Sa sandaling iyon, napakapit ang sila sa bawat isa dahil sa pangamba na may biglang humablot sa kanila mula sa kadiliman.
“Girls, umalis na tayo dito. Nakakaramdam ako na may masamang mangyayari,” takot na sabi ni Emma habang yakap-yakap ang katawan.
“You’re such a coward! Umuwi ka mag-isa kung gusto mo! Nasa modern age na tayo kaya ‘di na uso ang multo-multo,” iritableng sabi ni April. Pero kahit siya, ramdam niya ang kakaibang atmospera na bumabalot sa loob ng simbahan.
Pinagpatuloy lang ni Coleen ang pagsambit ng b****y Mary habang mariin na tinititigan ni Emma ang paligid. Hindi siya mapanatag sa lugar lalo na’t nasa sementeryo sila at wala pang ilaw.
“b****y Mary…”
“b****y Mary…”
“b****y Mary…”
Matapos mabanggit ang ika-labintatlong b****y Mary, tumigil ang lamig na bumabalot sa loob ng simbahan. Pakiramdam nila ay tumigil ang oras at tanging sila lang ang nagalaw. Pero ikinabigla nila nang biglang mabasag ang mga natitirang ayos na stained glass na bintana.
“T-tingnan n-niyo!” nahihintakutang sabi ni Nadine habang itinuturo ang salamin. Agad namang napalingon ang magkakaibigan pabalik sa salamin at nanlaki ang mga mata sa tumambad sa kanila.
“MAMAMATAY KAYOOO!!!” Isang malakas na sigaw ang narinig nila na tila galing sa lupa ang boses. Nakakapangilabot ang boses nito na animo’y sa demonyo nanggaling. Nakita nila mula sa salamin ang isang babaeng duguan. Nakasuot ito ng puti at purong itim ang mga mata habang naliligo sa dugo ang buong katawan. Nakakatitig ito sa kanila nang matalim.
Biglang lumabas ang kamay nito mula sa salamin at hinawakan ang braso ni Coleen.
“Aaaaahhhhh!! Tulungan niyo ako!!” pagsusumamo ni Coleen. Pilit niyang kinakalas ang mahigpit na pagkakahawak sa kanya ng babaeng duguan mula sa salamin.
Hinawakan si Coleen ng kanyang mga kaibigan sa baywang at hinatak palayo sa salamin ngunit higit na mas malakas ang pwersa ng babaeng humahatak sa kanya patungo sa salamin. Napakalakas nito na tila pupunit sa buong braso ni Coleen.
Ilang saglit lang ay isang nakaririnding sigaw ang narinig nila. Tila pumupunit ang ingay na iyon sa kanilang tainga na mula sa isang demonyo. Naitakip na lamang nila ang kanilang mga kamay sa tainga dahil sa lakas ng ingay.
Maya-maya’y bigla na lamang nabasag ang salamin at tumilapon ang magkakaibigan sa sahig. Napahiga ang magkakaibigan dahil sa pwersang natanggap.
“A-aray,” reklamo ni April dahil sa masamang pagkabagsak.
“S-si Coleen?” tanong agad ni Celina na hindi alintana ang sakit na naramdaman.
Natagpuan nila si Coleen na nakahiga rin. Nilapitan nila ito at ginising pero ikinabigla nila nang makita ang kaibigan na duguan. Natalsikan ito ng mga bubog sa mukha at katawan mula sa salamin. Tinamaan ito sa iba’t-ibang parte ng katawan dahilan upang umagos ang napakaraming dugo sa katawan nito. Halos hindi na ito makilala dahil sa mga tamang natamo.
“Anong gagawin natin?” kinakabahang tanong ni Nadine.
“Kailangan na natin makaalis dito. Baka tayo ang isunod niya,” saad ni April patungkol sa b****y Mary. Halos umurong ang kanyang sungay nang mga oras na iyon dahil sa takot na mapatay.
“Paano si Coleen?” nahihintatakutang tanong ni Celina. Wala silang maisip na paraan. Hindi naman nila alam kung ano ang gagawin. Hindi rin kasi nila inaasahan na darating sila sa punto na isa ang mamamatay sa kalokohan na kanilang ginawa.
“Hindi ko alam. Baka mapagbintangan tayo na tayong apatang pumatay sa kanya. Ayaw kong makulong!” giit ni April. Malalagot silang lahat kung may makakaalam na namatay si Coleen. Wala rin naman kasing maniniwala na namatay si Coleen dahil sa isang multo kaya paniguradong sa kanila mabubuntong ang sisi.
“Natatakot ako.” Niyakap na lang muli ni Emma ang kanyang sarili
“Kaya nga umalis na tayo bago pa niya tayo patayin,” ani April. Nagsiayunan naman ang iba sa suhestyon ni April. Umalis na ang magkakaibigan dahil sa takot at naiwan ang duguang si Coleen.
Masakit man para sa kanila na iwan ang kaibigan sa ganoong sitwasyon, hindi pa rin maikakaila na mas mahalaga para sa kanila ang buhay nila. Natatakot din sila na makulong at mawala ang pinapangarap nilang kinabukasan.
***
BIGLA na lang nagising si Coleen sa gitna ng kadiliman. Pinakiramdaman niya ang sarili na puno ng sugat. Namimilipit siya sa sakit habang iginagalaw ang bawat parte ng kanyang katawan dahil sa tuwing gagalaw siya ay ang pagbaon naman ng mga bubog sa kanyang balat hanggang umabot sa laman.
Natanaw niya ang mga paang papaalis ng mga kaibigan.
“Tulungan niyo ako…” pagsusumamo niya ngunit walang nakaririnig sa kanya.
Hinang-hina na ang buong katawan niya dahil sa mga sugat na natamo. Hindi na niya kaya pang tumayo dahil sa panghihina. Sinubukan niyang alalayan ang sarili sa pamamagitan ng pagtungkod sa dalawang kamay.
Ngunit naibagsak niya rin ang sarili nang makita niya ang isang babaeng nakabaluktot mula sa kadiliman. Nakakapangilabaot ang itsura nito. Pinipilit niya ang katawan na umatras upang makalayo.
Dahan-dahan itong lumalapit sa kanya mula sa kadiliman habang nakabaluktot. Nanlaki ang mga mata niya nang halos lumapit ang mukha nito sa kanyang mukha. Nakangisi sa kanya ito at umaapaw mula sa bibig nito ang napakaraming dugo.
“AAAAAAHHHHH!!!” tili niya.
Isang malakas na alingawngaw ang nagpaingay sa buong sementeryo at pumunit ng gabi.