THE SIXTH b****y MARY: Exchange Gift
“Huminahon ka, hija. Kahit ako hindi ko rin alam kung paano iyon nangyari pero magtiwala ka. Ang anumang mabubuo sa’yo ang kailangan niya. Hindi ka niya sasaktan kundi ang batang mabubuo sa’yo ang magiging sakripisyo.”
“MALABO ang kuha sa parte ng t’yan mo!” bulalas ni Manong Todyo.
Nangunot naman ang noo ng mag-asawa dahil sa pagtataka. “Ha?” pagtataka ni Emma. Kung titingnan kasi, wala namang kakaiba sa larawan. Maging ang sinasabi ni Manong Todyo ay malabong mangyari dahil kitang-kita sa larawan na nakapalinaw ng tiyan ni Emma.
“Ang tiyan mo,” kinakabahan na sabi ng matanda.
Nagsimula na silang maguluhan at magtaka sa sinasabi ng matanda. “Wala naman po akong nakikita na mali sa larawan. Malinaw naman po ang kuha,” puna niya.
“Ipagpaumanhin mo. Hindi ko naipaliwanag sa iyo na ako lang ang nakakakita. May kakayahan kaming ganito, ang makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng ordinaryong mga mata,” paliwanag ng matanda.
Doon lamang naintindihan ng dalawa ang ibig sabihin ng matanda. “Bali ano po ‘yong ibig niyong sabihin sa larawan na nakikita niyo ngayon?”
“Magkakaanak ka,” seryoso nitong sabi.
Nangunot naman ng noo si Emma dahil sa sinabi ni Manong Todyo. Tila hindi kapani-paniwala ang naging turan nito para sa kanya.
“Sa tingin ko po ay nagkakalokohan na tayo. Napakaimposible naman po ng sinabi niyo,” asar niyang sabi.
“Huminahon ka, hija. Kahit ako hindi ko rin alam kung paano iyon nangyari pero magtiwala ka. Ang anumang mabubuo sa’yo ang kailangan niya. Hindi ka niya sasaktan kundi ang batang mabubuo sa’yo ang magiging sakripisyo,” paliwanag pa nito.
Dahil sa pagkairitable, lumabas muna na si Emma ng kubo para magpahangin. Sinundan naman siya ni Manuel at humingi ng paumanhin sa matanda dahil sa naging asal ng kanyang asawa.
“Emma, ano bang problema?!” tanong sa kanya ni Manuel habang patuloy lang sa paglalakad upang makapg-isip-isip.
“Anong problema? Hah?” sarkastiko niyang sabi. “Ang problema ay niloloko lang tayo ng matandang ‘yan! Natatandaan mo ba ‘yong sabi sa atin ng doktor kaya hindi tayo magkaanak-anak?! Dahil may sira ang obaryo ko! So, sa tingin mo ba, maniniwala ako sa kanya?!” galit na sabi ni Emma. Tila isa siyang bulkan na dahan-dahang sumasabog dahil sa galit.
Naalala niya bigla ang nangyari sa dapat na una nilang anak. Namatay ito habang nasa sinapupunan palang ni Emma dahil sa sira ng kanyang obrayo. Mahina ang kapit ng bata kaya mabilis din itong bumigay. Nagluksa ng ilang taon si Emma sa pagkamatay ng kanyang anak. Kaya sa tingin niya, kung magkakaroon pa siya muli ng anak ay baka hindi na niya kayanin kung sakaling mamamatay ulit ito.
Sa kanyang palagay ay isang insulto ang sinabi sa kanya ng matanda at mistulang ginagawa siyang uto-uto upang paniwalain sa bagay na hindi naman mangyayari.
Natahimik naman si Manuel sa mga sinabi ni Emma habang iniisip kung paano papakalmahin ang asawa. Matagal na kasi nilang gusto ang magkaanak pero hindi sila mabiyayaan kaya ganito na lang kung maka-react si Emma.
“My ghadd Emma! Sa simpleng ganoon lang, magagalit ka kaagad? ‘Di ba dapat natutuwa ka kasi magkakaanak na tayo? Ang tagal na natin ‘to hinintay matapos ang ilang taon.” Hinawakan ni Manuel ang kanyang magkabilang braso. “Matagal na tayong nagtiis. Maging masaya na lang tayo dahil may tyansa pa kahit malabong mangyari.”
Matapos ‘yon ay niyakap nito ang asawa. Pakiramdam ni Emma ay may punto si Manuel. Matagal nila itong inaasam-asam kaya dapat lamang na maging masaya siya. Katuparan na rin kasi ito ng kanilang mga dasal.
“Naging masyado lang siguro akong madamdamin sa tuwing mababanggit ang pagbubuntis. Alam mo naman siguro ang naging kalbaryo ko nang mamatay ang anak natin. Ayaw ko lang siguro na maulit pa iyon.” Bumagsak na ang mga pinipigil niyang luha. Nanginginig ang katawan niya dahil sa takot na masaktan pang muli.
“May laging plano para sa atin ang Diyos. Mga pagsubok lang ang mga iyon. Tandaan mong pagkatapos ng ulan ay laging may bahagharing sisilay sa langit,” kalmadong sabi ni Manuel.
Niyakap niyang muli ang asawa bilang pasasalamat sa laging pag-agapay nito sa kanya. Buo na ang kanyang loob na tanggapin ang maaaring mangyari sa hinaharap.
Matapos maging kalmado, bumalik sila sa kubo para humingi ng tawad kay Manong Todyo. Mabuti na lang ay maunawain ang matanda at napatawad nito kaagad ang naging asal ni Emma. Wala namang masamang intension sa kanyang naging asal kaya madali lang para kay Manong Todyo ang patawarin siya.
Maggagabi na nang mga oras na iyon. Lumabas muna si Emma sa kubo at nagpahangin habang abala ang kanyang asawa at si Manong Todyo para sa kakainin ngayong gabi. Umupo siya sa isang silya sa labas ng bahay. Naabutan niyang nakaupo rin ‘yong batang nakilala niya kanina.
Lumapit siya sa bata upang kausapin. Hindi pa rin naman tapos ang paghahanda ng pagkain kaya mas maiging aksayahin niya muna ang oras sa pakikipag-usap sa musmos na bata.
Tumingin ang bata sa kanyang paglapit. Ngumiti sa kanya ito kaya ginantihan niya rin ito ng ngiti.
“Hello, sa’yo,” bati niya kay Julie. “Napakaganda mo namang bata.”
Ngumiti ito muli sa kanya ngunit bigla ring napawi ang mga ngiting iyon nang tumingin nang matalim sa kanyang tiyan ang bata.
“May problema ba, Julie?” pagtataka niya.
“Si ate po kasi, hinahawakan niya ‘yong tyan mo,” saad niya habang nakatitig pa rin sa tiyan ni Emma.
Unti-unting nakaramdam ng kilabot si Emma dahil sa sinabi ng bata. Nakaramdam din siya ng panlalamig sa parte ng kanyang tiyan. Kakaiba ang nararamdaman niyang iyon. Hindi ito gaya ng lamig na dumadampi sa kanyang balat mula sa hangin na humahampas sa mga puno. Tila galing sa malamig na kamay ng bangkay ang humahaplos sa kanya.
“Hindi magandang biro ‘yan, Julie. Tsk tsk,” wika niya ngunit bakas pa rin sa mukha niya ang pangangamba.
“S-seryoso po ako. N-nand’yan nga po siya sa t-tabi mo po, eh,” saad nito sabay itinuro ang bakanteng tabi niya.
Biglang nanigas ang kanyang katawan dahil sa kilabot. Tila napako naman ang kanyang mga mata kay Julie. Hindi niya magawang lumingon sa kanyang likod, dala na rin siguro ng takot na maaaring may makita siya. Nakakasiguro na siyang may kakaiba sa paligid at hindi sila nag-iisa ni Julie. May mga matang nakamasid sa kanila habang nagtatago sa dilim.
Nakarinig siya ng isang boses. “Emma?” Galing ‘yon kay Manuel. Bigla siyang nakaramdam ng kapanatagan. Pakiramdam niya ay ligtas na siya.
Napansin naman ni Manuel ang kakaibang hitsura ng kanyang asawa. “Are you okay?” tanong nito sa kanya na may halong pag-aalala.
“A-ayos lang ako,” matipid niyang sagot.
“Pumasok ka na rito dahil nakahanda na ang pagkain. Anyayahan mo na rin ‘yang batang kasama mo na dito na lang kumain.”
Ibinalik niya ang kanyang tingin sa bata. May takot pa rin sa mga mata nito. “Ayos lang ba sa iyo na dito na lang kumain. Ihahatid ka na lang namin sa bahay niyo pagkatapos. Tutal gabi na rin naman, e at delikado na kung uuwi ka pa sa inyo ng mag-isa.”
“Ayos lang po ako. Baka magalit din po kasi si inay kapag hindi ako umuwi kaagad. Sige, aalis na po ako.” Matapos ‘yon ay tumakbo na papalayo ang bata nang hindi man lang naririnig ang paalam ni Emma. Tiningnan na lamang ng mag-asawa ang papalayong si Julie.
“Weird,” narinig niyang sabi ni Manuel.
“May kakaiba sa batang ‘yon. May bagay sa kanya na nagpapakaba sa akin,” aniya.
“Gutom lang ‘yan. Sige na, pumasok ka na at kumain na tayo.”
Pumasok na sila sa loob. Naabutan niyang inihahanda ni Manong Todyo ang mga pagkain sa mesa. Si Manong Todyo lang ang nakatira rito sa kubo kaya wala siyang sapat na mga kagamitan sa bahay. Tiniis na lang nila ang kumain sa dahon ng saging at magkamay.
Habang nakain, hindi pa rin mawala sa isip ni Emma ang mga sinabi ni Julie. Maging ang kilabot na nangyari sa pagitan nila ay sariwa pa rin sa kanyang alaala. “Manong Todyo, matanong ko lang po. Kilala niyo po ba ‘yong batang babae na nangangalang Julie?”
Natahimik ang matanda sa naging tanong ni Emma. Pakiramdam nila ay may inililihim ito sa kanila.
“Mahabang kwento…” tugon ng matanda.
“Sige na po. Magkwento na po kayo,” pagpupumilit niya rito.
Huminga nang malalim si Manong Todyo bago nagsalita. “A-apo ko si Anika.”
Nanlaki naman ang mga mata ng mag-asawa sa natuklasan. Gulat na gulat sila dahil hindi nila inaasahang may anak pala ito. Ang lubos pa nilang pinagtataka ay kung bakit hindi man lang kilala ng bata si Manong Todyo gayong lolo niya ito.
“Apo ko si Anika sa nag-iisa kong anak.” Mababa ang naging tono ng pagsasalita nito na tila may itinatagong lungkot sa bawat bigkas ng salita.
“Pero bakit po parang hindi kayo kilala ni Anika?” pagtataka ni Emma.
“Dahil ayaw ng anak ko na kilalanin ako ni Anika bilang lolo niya. At maging siya ay hindi ako kinikilala bilang ama niya,” malungkot na sabi nito.
Gumuhit na ang kalungkutan sa mukha ng matanda. Marahil ay matagal na nitong pasan ang problemang ito. Sino nga bang lolo o lola ang hindi gustong makapiling ang kanyang apo? Tao lang din si Manong Todyo, nalulungkot at nangungulila.
“Ikinahihiya ako ng anak ko. Gawaing maligno para sa kanya ang pagiging espiritista ko. Nagkulang din ako sa pag-aalaga sa kanya kaya nabuo ang galit sa kanyang puso. Maaga kasing namatay ang kanyang ina na dahilan naman para malulong ako sa alak. Hindi ko na rin nabigyan ng atensyon ang lumalaki kong anak,” paliwanag pa nito.
Naiintindihan ni Emma ang pakiramdam ni Manong Todyo. Halos itakwil rin siya ng kanyang mga magulang dahil sa maagang pag-aasawa. Alam niyang mali ang naging desisyon niya at nagsisi na siya roon.
Biglang sumagi sa kanyang isipan ang mga bagay na nakikita ni Julie. Pakiramdam niya ay alam na niya kung bakit ganoon na lamang magsalita ang bata. Tila may nakikita itong mga bagay na hindi nakikita ng ordinaryong mga mata, isang kakayahan na maaaring namana niya sa kanyang Lolo Todyo.
“Kaya pala,” nasambit niya.
“Ha?” pagtataka ng matanda.
“Wala po iyon.”
“Tama na nga ‘yang mga drama niyo. Baka lumamig na ang pagkain,” panira ni Manuel.
Natawa na lang silang lahat dahil sa mga napag-usapan. Maigsi ang oras para maging malungkot kaya dapat laging sinusulit ang bawat oras para magpakasaya dahil hindi mo malalaman kung kailan babawiin ang ngiting hindi mo dapat sinasayang.
***
HINDI pa rin maalis sa isipan ni Celina ang sunod-sunod na pananakot na nagaganap sa kanilang magkakaibigan. Tinatanong pa rin niya ang sarili kung paano sila nakaabot sa ganitong sitwasyon.
Pilit niyang hinahanap ang kasagutan upang makatakas sa sumpang kanilang nilaro. Dahil habang tumatagal ang paghahanap, nadadamay na rin ang mga taong mahal nila. Hindi man pisikal ngunit emosyonal na dinudurog nito ang puso ng mga taong mahal nila.
“Akala ko kamatayan ko na,” ani Celina. Kasalukuyan siyang nakaratay sa ospital matapos siyang maabutan ng kanyang ina na nakahandusay sa banyo.
Nakahinga siya nang maluwag nang malamang buhay pa siya matapos lamunin ng sobrang takot. Hindi niya malilimutan ang kahindik-hindik na hitsura ng demonyong muntikan nang bumawi ng kanyang buhay. Inihahanda niya na rin ang sarili kung sakaling angkinin ni kamatayan ang kanyang buhay at iwaksi sa mundo.
Nakarinig siya ng pagbukas ng pinto. Mula roon ay iniluwa nito ang nag-aalalang mukha ng kanyang ina. Agad itong lumapit sa kanyang higaan nang makitang gising na siya.
“Mabuti’t gising ka na,” nag-aalalang sabi ng kanyang ina. Batid niya ang paghihirap na dinaranas ng kanyang ina ngayon. Hindi niya gustong nakikitang nagkakaganito ang taong mahal niya lalo na’t siya ang dahilan nito.
“Mabuti at okay ka lang. Nag-alala ako sayo ng sobra. Itigil mo na ang pag-inom ng mga depressant. Please para sa akin,” dagdag pa nito.
Nangunot ang mga noo ni Celina nang mabanggit ang tungkol sa depressants. “Paano niyo nalaman?” pagtataka niya. Dumaraan kasi ang gabi na hindi siya nakakatulog dahil na rin siguro sa labis na pag-aalala sa kanyang sariling buhay at sa takot na sumulpot sa kanyang harapan ang kanyang kinatatakutan.
“Sinabi sa akin ng doktor. Marahil ay dahilan din ‘yan ng hallucinations mo,” paliwanag ng kanyang ina. Lumapit ito sa kanya at hinawakan nang mahigpit ang kanyang mga kamay. “Gusto ko sanang magpa-rehab ka,” seryoso nitong sabi.
Nagpintig naman ang mga tainga niya sa narinig. “No!” mariin niyang pagtutol sabay ang paghatak sa kanyang kamay. Hindi siya makapaniwalang iniisip ng kanyang ina na siya ay baliw o adik.
“Baby, h’wag ka ng makulit. It’s for your own sake din naman. Magiging maayos ka. Wala namang mawawala kapag t-in-ry mo,” pagmamakaawa ng kanyang ina.
Naging tahimik ang buong paligid. Tila nag-iisip si Celina nang malalim kung ano ba ang dapat na maging desisyon. Marahil nga’y dahil lang sa depressants na kanyang iniinom ang nagaganap na hallucinations.
“Payag na ako,” saad niya.
“Talaga? Mabuti naman at nakapagdesisyon ka na. Pangako ko sayo, makakatulong ito ng malaki sa pagpapabuti mo,” pagtitiyak ng kanyang ina.
Gumuhit ng pilit na ngiti sa kanyang mga labi si Celina. Marahil ay naging mas matimbang sa kanya ang pag-aalala sa kanyang ina. Wala rin namang mangyayari kung hindi niya susundin ang nais nito. Ngunit hindi pa rin maipagkakait na natatakot pa rin siya para sa kanyang hinaharap.
“Mawala ka na sana. Please,” naibulong niya sa sarili.
***
NAKARAMDAM ng kasiyahan si Emma nang mga sandaling ‘yon. Ngayon lang niya kasi naranasan ang maglagi sa probinsya. Buong buhay niya ay nasa siyudad siya, walang panahon para mag-isip at magsariwa. Masayang-masaya siya habang tinatanaw ang luntiang paligid. Malayong-malayo sa nakakasulasok na paligid ng siyudad.
“Bakit parang ang saya-saya mo?” tanong sa kanya ni Manuel na nasa tabi niya.
“Wala naman. Sinasariwa ko lang ang mga huling araw ko dito. Sana pala ay matagal na natin itong ginawa. Hindi ko akalain na ganito pala kasaya ang tumira sa probinsya,” saad niya habang nakatingin sa mga mata ng asawa. Binigyan niya ito ng ngiti na ginantihan naman ng asawa.
Si Manuel ang naging buhay niya. Ito na rin ang naging kanyang sandigan sa tuwing kailangan niya ng suporta. Maligaya siya dahil ibinigay sa kanya ng Diyos ang taong kagaya ni Manuel. At ngayon na magkakaanak na sila, mas pahahalagahan niya ang pagsasama nilang dalawa.
“Isang napakagandang experience ang nangyari sa akin bago ako mamatay. Sapat na sa akin ito. Wala na akong mahihiling pa,” maligaya niyang turan.
Hinawakan ni Manuel ang kanyang mga kamay. “H’wag mong sabihin ‘yan. Hindi pa huli ang lahat. I will always be here with you. Lalaban tayo hanggang sa dulo.”
Matapos iyon ay niyakap siya nang mahigpit ng asawa na kanyang babaunin kapag dumating na ang panahon na siya ay susunduin na ni Kamatayan. Ramdam niya ang sensiridad nito sa sobrang higpit ng pagkakayakap.
Kung bibigyan siya ulit ng pagkakataon na mabuhay, si Manuel pa rin ang pipiliin niyang makasama habambuhay. Hindi matutumbasan ang kaligayahan na natamasa niya sa piling ni Manuel kahit na sa simula ay puro problema. Ang mahalaga ay magkasama nilang nilutas ang mga iyon at nanatiling matatag hanggang ngayon.
“Maraming salamat. I love you.”
“I love you too.”
Sumapit na ang gabi. Ilang oras na lang ay babalik na sila sa Maynila upang ipagpatuloy ang naiwan nilang buhay roon. Iniayos na nila ang mga gamit para sa kanilang pag-uwi. Kinuha ni Emma ang isang puting sobre na naglalaman ng pera.
“Para po sa inyo,” saad niya at saka iniabot kay Manong Todyo.
Umiling naman ang matanda at itinanggi ang inaalok na pera. “Hindi ko na kailangan n’yan. Sapat ng kabayaran ang ligayang naidulot niyo sa akin sa inyong pananatili. Hiling ko na lang ang kaligayahan sa inyong dalawa.”
“Sa inyo rin po. Maraming salamat po sa mga naitulong niyo po sa amin, Manong Todyo. Malaking tulong po ang nagawa niyo. Pasensya na rin po sa naging istorbo namin,” saad ni Emma.
“Walang anuman, Emma. Basta tandaan mo lang ang ipinayo ko sa’yo,” pagpapaalala naman ng matanda.
“Hindi ko po makakalimutan iyon. Sige, nand’yan na po ang tricycle. Mauna na po kami. Maraming salamat po ulit.” Matapos ‘yon ay isa-isa na nilang binitbit sa loob ng sasakyan ang kani-kanilang gamit. Kumaway sila kay Manong Todyo bilang tanda ng pagpapaalam.
Nagsimula ng umandar ang sasakyan. Tinanaw muli ni Emma si Manong Todyo na nakatayo pa rin mula sa labas ng pinto. Nakaaway ito kasama ang isang babae…
Nanlaki bigla ang mga mata ni Emma nang mapagtanto ang katabing babae ni Manong Todyo. Duguan ang babaeng nasa likod ng matanda. Nakaramdam bigla ng kaba si Emma nang mga sandaling iyon. Pakiramdam niya ay may hindi magandang mangyayari na naman.
“Emma, okay ka lang ba?” tanong sa kanya ni Manuel nang mapansin na may kakaiba sa kanyang kilos.
“’Yong babae… KATABI SIYA KANINA NI MANONG TODYO!” bulalas niya
Nabalutan ang pananabik na umuwi nina Emma at Manuel ng takot. Kinakabahan sila para kay Manong Todyo. Pakiramdam nila ay may masamang mangyayari sa matanda. Malakas ang kabog ng dibdib ni Emma at pakiramdam niya’y umaapaw ang takot sa kanyang katawan ngayon.
“Balikan natin si Manong Todyo!” pagpupumilit ni Emma.
“Hindi na tayo maaaring bumalik. Malapit na tayo sa terminal ng bus,” saad ni Manuel nang mapansin na halos abot tanaw na nila ang terminal.
Wala ng nagawa pa si Emma pero nandoon pa rin ang takot at pag-aalala niya kay Manong Todyo. Kahit lingid sa kanyang kaalaman na isang espiritista si Manong Todyo, hindi pa rin niya maiwasan ang mangamba para sa buhay ng matanda.
Ilang oras lang ay nakauwi na sila sa kanilang bahay. Dala-dala pa rin ni Emma ang takot at pag-aalala para kay Manong Todyo. Ano kayang nangyari sa kanya? ‘Yan pa rin ang tanong na kanina pang gumugulo sa kanyang isipan.
“Nag-aalala ka pa rin ba?” tanong sa kanya ni Manuel.
“Hindi mo na sa akin maaalis ang mag-aalala.,” sagot naman ni Emma.
“Huwag mo na siyang alalahanin pa. Kaya na niya ang sarili niya,” pagsisiguro nito.
“Maaaring tama ka nga. May kakayahan si Manong Todyo na protektahan ang kanyang sarili kaya hindi na dapat ako mag-alala. Pero masyado na rin siyang matanda at baka hindi na niya kayanin.”
“Magtiwala na lang tayo sa Kanya, ah.”
Umakyat na sila sa taas para na rin makapagpahinga. Inayos muna nila ang kanilang hihigaan sa pagtulog. Gabing-gabi na kasi at pagod na rin sila dahil sa magdamag na biyahe. Parang binugbog ang mga katawan nila. Pinatay na niya ang ilaw sabay ipinikit na rin ang kanyang mga mata.
“Goodnight,” saad niya saka hinalikan sa labi ang kanyang asawa.