THE FIFTH b****y MARY: Cursed
“Mamamatay ka at ang mga kaibigan mo. Gaganti siya sa inyo! Magdudusa kayo! Mag-iingat ka dahil malapit ka na niyang isunod.”
NANDITO lang ngayon sa kanyang kwarto si Celina habang tahimik na nakaupo sa sulok at tila isang baliw na pinagmamasdan ang bawat sulok ng kwarto. Ayaw na niyang makita pa ang babaeng duguan! Ayaw na niyang balikan pa ang nakaraan! Natatakot siya sa tuwing maaalala niya ang bagay na iyon.
Biglang namang bumukas ang pintuan ng kwarto at iniluwa no’n ang kanyang ina. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala dahil sa nakakaawang sitwasyon ni Celina.
“Celina baby, bakit nand’yan ka sa sulok?” tanong nito at saka agad na lumapit sa kanya. Nalulungkot ito dahil na rin siguro sa nangyayari sa anak. Wala namang magawa si Celina dahil talo siya sa takot na kanyang nararamdaman.
“Mom, kapag nawala ako, always remember that I LOVE YOU…” ani Celina saka lumuha. Tuluyan ng napaiyak ang kanyang ina dahil sa kanyang sinabi. Ayaw niyang sabihin dito ang kanyang tunay na pinagdadaanan ngayon. Ayaw niyang nahihirapan ito ng ganito.
Siya ang lulutas ng sarili niyang problema, sa isip-isip niya.
“Anak, lumabas ka na dito mamaya. Nag-aalala na ako sa kalusugan mo. Kailangan mo pa ring kumain para manatili ang iyong lakas,” saad ng kanyang ina. Ngumiti na lang siya rito para hindi na rin ito mag-alala ng ganoon.
Lumabas na mula sa kwarto ang mommy ni Celina. Natahimik na naman ang buong kwarto. Kahit na umaga ay nakabukas pa rin ang ilaw dahil pakiramdam niya ay mas ligtas siya. Natatakot si Celina sa dilim simula ng mangyari ang kagimbal-gimbal na senaryo na iyon.
Napukaw ng kanyang mata ang malaki nilang flatscreen. Kasalukuyan iyong nakapatay at makikita mula roon ang repleksyon ng buong kwarto. Mariing tinitigan ni Celina ang flatscreen nang biglang may dumaang babaeng nakabelo. Kinusot niya ang kanyang mata ngunit bigla ring nawala ang babaeng rumehistro sa repleksyon.
“Siguro ay dahil lang ‘to sa pagod ko. Oo tama. Pagod lang,” pagkukumibinsi niya sa sarili.
Tumayo na siya at nagtungo sa banyo upang mag-ayos ng sarili. Hinayaan na lang niyang nakabukas ang pinto ng banyo. Wala rin namang papasok dahil dalawa lang sila ng kanyang mommy sa bahay. Binuksan niya ang gripo at isinahod ang kamay sa umaagos na tubig. Naghilamos siya roon upang mahimasmasan.
Habang naghihilamos, iniisip niya pa rin kung paano siya-sila nagkaganito. Bakit nila sinapit ang ganitong bagay?
Pagkabalik niya ng tingin sa salamin ay ganoon na lamang ang kanyang pagkagulat nang makita sa repleksyon ang isang babaeng duguan at galit na galit ang mga mata. Agnas ang mukha nito at nakakatakot. Nakapulupot ang mga kamay nito sa kanyang leeg habang matalim na nakatingin ito sa kanya. Halos patayin siya nito sa tingin.
Dahan-dahang tumingin sa likod si Celina ngunit nawala kaagad ang babae. Nagsimulang magpatay-sindi ang ilaw sa banyo. Nangangatog at nanlalambot ang kanyang mga tuhod. Hindi siya makakilos dahil sa sobrang takot na nararamdaman.
Biglang sumara nang malakas ang kanina ay nakabukas na pinto. Pilit niya itong binubuksan ngunit ayaw nitong bumukas. Nakakandado ito mula sa labas. Wala na siyang magawa kundi ang umiyak. Nakita niyang umaagos na ang tubig mula sa umaapaw na lababo.
Nakakakita siya ng buhok mula sa lababo habang umaagos ito pababa. Napaupo na lang siya sa sobrang takot at napapaatras. Nakita niya ang mga kamay na lumalabas mula sa lababo. Maputla ang kulay nito at may mahahabang kuko.
Biglang dumungaw ang ulo ng isang babae mula sa lababo. Itim ang mga mata nito at nanlilisik. Napalitan ng dugo ang tubig na umaagos. Bumababa ng pagapang mula sa lababo ang babae. Nakakakilabot ang hitsura nito.
Panay iyak lang si Celina dahil sa sobrang takot na kanyang nararamdaman. Pinaghahampas niya ang pintuan upang may makarinig sa kanya.
“Huwag! Huwag kang lumapit! Lumayo ka!” sigaw niya sa pagitan ng kanyang pag-iyak.
Lumalapit na ito sa kanya. Halos isang dipa na lang ang layo nila habang nakatitig ang itim na mata nito kay Celina. Nandilat lang ang mga mata ni Celina dahil sa takot.
***
NAG-AAYOS sa kusina ang mommy ni Celina nang mga oras na iyon. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala sa anak. Kilala niya bilang masayahin ang anak ngunit nagbago ito simula nang nakaraang araw sa hindi malamang dahilan.
Naging matatakutin at magugulatin na ito dahilan upang laging buksan nito ang ilaw kahit na umaga. Hindi na rin ito gaanong lumalabas ng bahay kaya lumalamya ang karera nito sa showbiz. Ayaw na rin nitong naiiwang mag-isa sa bahay.
“Ayos lang kaya siya? Nag-aalala na talaga ako kay Celina. Hindi naman siya ganoon dati. Hindi rin naman niya sinasabi sa akin ang dahilan,” bulong niya sa kanyang sarili.
Inilatag na niya ang mga pagkain sa mesa.
“Aaaaaaahhhhh!” Nakarinig siya ng isang malakas na tili mula sa kwarto ni Celina na naging dahilan para mabitawan niya ang platong bitbit. Nagkalat ang mga bubog sa sahig ngunit pinagsawalang-bahala niya lang iyon.
Agad siyang umakyat sa hagdan at dumiretso sa kwarto. Hinanap ng kanyang mga mata ang anak ngunit wala ito sa kwarto. Dumiretso kaagad siya sa banyo na nakasiwang ang pinto.
Natagpuan niya ang anak na nakahilata sa sahig ng banyo na basang-basa at yakap-yakap ang sarili dahil sa panlalamig.
“Diyos ko po! Ano kayang nangyari sa iyo?” hindi makapaniwala niyang sabi habang tinititigan ang kaawa-awang itsura ng anak.
Napansin niyang nakatitig lang ang anak sa lababong may umaapaw na tubig. Hindi niya maunawaan ang dahilan ng pagkakaganito ng anak pero pakiramdam niya ay may kakaibang nangyayari.
***
MATAPOS ilagay ang mga gamit sa pitak ay nakasakay na sa bus sina Emma at Manuel. Nakaupo sila sa pangtatluhang upuan dahil ukopado na rin ang mga pangdalawahang upuan. Lumapit ang isang matanda sa kanilang dalawa. g**o ang buhok nito at uugod-ugod na rin kung ilalarawan.
Ngumiti muna ito bago nagsalita. “Pwede ba akong makiupo sa tabi niyo?” tanong ng matanda sa kanila.
Magaan ang loob ni Emma sa matatanda kaya’t pinaupo niya ito sa kanyang tabi. Mukha rin namang mabait ang matanda kaya ayos lang kung tatabi sa kanya ito. Inilagay muna ng matanda ang kanyang gamit sa taas bago umupo.
Tahimik lang ang mag-asawa habang katabi ang matanda. Habang nasa biyahe, hindi namalayan ni Emma na nakatulog pala siya, dala na rin siguro ng pagod at antok nang mga nakaraang araw.
Unang nadatnan ng kanyang mata ang matanda. Nagsasalita ito mag-isa na tila may sinasabi sa kawalan, iba ang lenggwahe sa tingin niya. Hindi niya kasi maintindihan ang sinasabi nito kahit isa.
“Excuse me po?” abala ni Emma. Nagulat naman ang matanda nang malamang gising na si Emma. “Ano po ang ginagawa niyo?” tanong niya rito.
“Ahh…Ehh…Wala. ‘Wag mo na akong intindihin. Ganito talaga kaming matatanda. Paumanhin sa istorbo kung nagising man kita,” pagsisinungaling naman ng matanda.
Tila hindi nakumbinsi si Emma sa naging sagot sa kanya ng matanda. Sa tingin niya ay may inililihim ito. Kailangan niyang malaman ang totoo dahil na rin siguro sa may kakaibang nangyayari.
“Sa pagkakaalam ko, hindi pangkaraniwan sa isang matanda ang nagsasalita ng ibang lenggwahe. Sa tingin ko ay may inililihim kayo sa akin,” seryosong sabi ni Emma na tila kinukumbinsi itong umamin.
Naging seryoso ang mukha ng matanda. Iginala nito ang kanyang tingin sa bus. Nang masiguradong walang makaririnig sa kanilang pag-uusap ay binalikan nito ng tingin si Emma.
“Isinumpa ka,” bulong ng matanda na may diin sa pagkakasabi nito. Medyo naguluhan si Emma sa sinabi ng matanda.
“Anong ibig niyo pong sabihin?” naguguluhang tanong niya.
“Isang sumpa ang bumabalot sayo at sa mga taong nakapaligid sa iyo,” paliwanag pa ng matanda
“Hindi ko kayo maintindihan.”
“Mamamatay ka at ang mga kaibigan mo. Gaganti siya sa inyo! Magdudusa kayo! Mag-iingat ka dahil malapit ka na niyang isunod,” seryosong sabi ng matanda. Nakaramdam naman ng biglang takot si Emma. Hindi pangkaraniwan sa mga matatanda ang manakot at idagdag pa na seryoso ang mukha nito.
Huminto na ang bus sa unang destinasyon nito. Tumayo na ang matanda at nagpaalam na kay Emma. Naiwan siyang naguguluhan dahil sa mga nalaman. Tumingin na lang si Emma sa labas ng bus. Nakita niya ang papalayong matanda.
“Sumpa?” naibulong niya sa hangin.
Kumakaway sa kanya ang matanda na tila itinuturo ang bakanteng upuan sa kanyang tabi. Hindi niya maintindihan ang gustong sabihin nito.
“Emma, anong problema?” tanong ng kanyang asawa na nagising na rin pala.
“’Y-yong matanda…” hindi na naituloy ni Emma ang kanyang sasabihin dahil nakita niyang pugot ang ulo ng matanda.
***
BUMABA na ang matanda sa bus at saka muli niyang tinanaw si Emma. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang katabi ni Emma ang isang babaeng duguan. Kumaway siya kay Emma at itinuro ang bakanteng upuan ngunit hindi rin siya naintindihan nito. Nahihintakutan siyang naglakad dahil sa mga nakita.
Umalis na ang matanda at nagsimula ng maglakad papalayo. Habang naglalakad sa daan ay umihip nang malakas ang hangin. Nanuot ang lamig na iyon sa kanyang laman na nagpatayo ng kanyang mga balahibo.
“Pakialamera!” rinig niyang sabi. Nakakatakot ang boses na iyon na tila isang demonyo ang nagsalita. Nanigas ang kanyang mga binti at bumilis ang t***k ng kanyang puso. Parang may mga matang nagmamasid sa kanya. Binilisan niya ang kanyang paglalakad upang makalayo-layo.
“Pakialamera!” muling sabi ngunit wala pa rin siyang nakikitang tao sa paligid. Paulit-ulit niya itong naririnig. Mas lumalakas ang tunog. Mas nakakatakot.
“Pakialamera! Pakialamera! Pakialamera! Pakialamera!”
Palakas ng palakas ang sigaw na tila pinupunit nito ang kanyang tainga. Nagsimula ng magdugo ang kanyang tainga na halos biyakin ng ingay ang kanyang bungo.
“Tama na! Tama na!” pagsusumamo niya sa pinanggagalingan ng ingay.
Nagulantang siya nang makitang may nalabas na mga insekto sa kanyang bibig. Ipis, gagamba, uod, at iba pang mga insekto ang lumabas sa kanyang bibig. Nandidiri siya sa mga insektong lumalabas na tila nalalasahan pa niya.
Nasusuka na siya ngunit hindi pa rin tumitigil ang paglabas ng mga ito sa kanyang bibig. Gumapang pa ang iba sa kanyang katawan kaya’t lalong hindi siya nakakilos.
“’Yan ang napapala ng mga pakialamera!”
Tiningnan niya kung sino ang nagsabi nito. Isang babaeng duguan at puno ng galit ang mata ang nasa kanyang harapan. Ngumiti ang babae sa kanya nang nakakaloko. Lumapit sa kanya ito at sinundot ang kanyang dalawang mata!
“Aaaaaahhhhh!” sigaw ng matanda habang umaapaw sa kanyang mukha ang malapot at sariwang dugo galing sa kanyang mga mata.
Tuwang-tuwa ang babae habang tinititigan ang kaawa-awang matandang naghihinagpis sa sobrang sakit. Piniglalaruan pa nito ang mabilog na mata ng matanda na animo’y isang bola kung pisil-pisilin.
“Dapat kang mamatay dahil sa pakikialam mo! Hahahahaha!” Bumagsak sa lupa ang matanda matapos niyang maubusan ng dugo sa katawan. Nakangiti lang na tinitigan ng babaeng duguan ang matanda.
***
NANG makarating sa lugar, inaalala pa rin ni Emma ang matanda. Ayon kasi sa sabi-sabi, may masamang mangyayari sa taong nakita mong pugot ang ulo. Kahit hindi siya gaanong naniniwala sa mga sabi-sabi ay may masamang kutob pa rin siya.
“Huwag mo na alalahanin ‘yong matanda. Mas alalahanin mo ang iyong sarili,” payo sa kanya ng kanyang asawa.
“Hindi ko maiwasan ang mag-alala lalo na’t dahil sa nakita ko kanina. May masama akong kutob. Wala sanang mangyaring masama sa kanya,” kinakabahang sabi ni Emma
Naliligiran ng puno ang buong paligid na kanilang binabagtas. Tila probinsyang-probinsya nga ang lugar kung ilalarawan. Dumiretso na ang mag-asawa sa kakilalang espiritista ni Manuel.
Habang naglalakad ay nakasalubong nila ang isang batang babae. Maamo ang mukha ng bata na may bilugang mga mata at mapupulang pisngi. Kulot ang kulay tansong buhok nito na mistulang anak ng isang banyaga.
Tinitigan nito si Emma kaya napatigil siya.
Ngumiti muna si Emma sa bata bago nagsalita upang hindi matakot ito sa kanya. “Hello, baby. Anong pangalan mo?” tanong ni Emma sa bata.
“Julie po. Ate, sino po ‘yong kasama mo?” sagot naman ng batang si Julie.
“Si Manuel, asawa ko,” pakilala ni Emma sa bata saka ngumiti.
Umiling naman si Julie sa sinabi ni Emma. “Hindi po siya. ‘Yong babae pong nasa likod niyo,” anito saka itinuro ng bata ang likod ni Emma. Tumingin doon ang mag-asawa ngunit wala silang nakita. Nagtaka naman sila sa turan ng musmos na bata.
“Baby, wala naman, eh.” Kahit hindi siya sigurado sa sinabi ng bata, nakaramdam pa rin siya ng kaba. Marahil ay totoo ang sinabi nito lalo na’t malawak pa ang imahinasyon ng mga bata ayon na rin sa sabi ng matatanda.
Lumabas ang isang matandang lalaki mula sa kubo. Puti na ang buhok nito ngunit kung titingnan ay malakas-lakas pa ang pangangatawan.
“Manong Todyo!” bulalas ni Manuel sa matandang lalaki nang makita niya ito.
“Manuel?” saad ni Manong Todyo
“Opo,” sagot niya saka ngumiti ng malapad.
“Aba! Matanda ka na talaga. Kumusta ka? Ito ba ang asawa mo? Napakaswerte mo at maganda ang napangasawa mo. Hindi ka man lang nagpasabi na dadalaw ka. Ano palang sinadya mo rito?” Ngayon na lang kasi ulit nagawi roon si Manuel kaya nagtataka ang matanda kung anong ginagawa niya rito.
“Ayos lang po ako. Hindi na po ako magpapaligoy-ligoy pa. Sa katunayan po, gusto po sana naming humingi ng tulong sa inyo,” matapat na sabi ni Manuel
“Ano naman ‘yon?”
“Isa po kasing multo ang sumusunod kay Emma,” seryosong sabi nito.
Nagulat si Manong Todyo sa sinabi ni Manuel kaya’t inanyayahan agad nito sa loob ang mag-asawa upang doon na lang pag-usapan ang problema. Pinaupo niya ang mag-asawa sa upuang gawa sa kawayan at binigyan ng maiinom.
“Multo ba kamo?” pag-uulit ni Manong Todyo
“Opo,” sagot naman ni Emma.
“Ano bang ginawa mo hija?” tanong muli sa kanya ng matanda.
“10 years ago po kasi, napagkatuwaan po naming magkakaibigan laruin ang… Blood Mary.” Napapayuko siya habang dahan-dahan itong sinasabi. Naibagsak ni Manong Todyo ang hawak niyang baso na tila gulat na gulat sa isinalaysay ni Emma.
“Mahirap kalabanin ang babaeng tinutukoy mo. Kampon siya ni Satanas. Hija, tanong ko lang, buhay pa ba ang mga kaibigan mo?” seryosong tanong ng matanda.
“T-tatlo na lang po kaming natitirang buhay. Namatay na po ang isa kong kaibigan, sampung taon na ang nakakaraan kung kailan din po namin ginawa ang ritwal at kamakailan lang po ang isa.”
Kumunot ang noo ng matanda sa naging sagot ni Emma na tila naguguluhan sa nangyayari sa kanila. May bumabagabag sa kanyang isipan.
“Sa pagkakaalam ko, kapag may kinuha ng buhay, titigil na ang sumpa. Maaari ba akong makahingi ng larawan niyong magkakaibigan.” Binuksan ni Emma ang kanyang pitaka at kinuha ang isang litrato. Litrato iyon nilang magkakaibigan. ‘Yon ang pinakabago nilang larawan na magkakasama kaya wala roon si Coleen. Pinagmasdan ito ng matanda.
“Ang larawan…A-ang larawan…” paputol-putol na sabi ng matanda.
“Ano pong mayroon sa larawan?” pagtataka ng mag-asawa.
“Malabo ang kuha sa parte ng t’yan mo!” bulalas ni Manong Todyo.