THE NINTH b****y MARY: The Unfortunates

1564 Words
THE NINTH b****y MARY: The Unfortunates   “Hindi ko na alam kung sino ang dapat na katakutan. Ang buhay pa o ang patay na.”               AGAD na umalis si Celina sa ospital upang kausapin si Emma tungkol sa nangyari. Panay ang pagtulo ng kanyang mga luha habang inaalala ang kanyang ina. Hindi siya titigil sa paghahanap ng hustisya para sa namatay na ina.             Kinuha niya ang kanyang cellphone sa bag at idinial ang numero ng kaibigan ngunit walang sumasagot mula sa kabilang linya. Minabuti na lang niyang puntahan ang kaibigan sa bahay nito.             Habang nagmamaneho ay nakasalubong niya sa daan si Manuel. Mapapansin na lutang ang isip nito at tila wala sa sariling katinuan habang naglalakad sa kalsada. Bumaba siya sa sasakyan upang lapitan si Manuel.             “Manuel!” tawag niya rito. Tumingin lang sa kanya ito nang walang gana. Mukhang walang tulog at pahinga ang tumambad sa kanya na Manuel. “Bakit parang iba ‘ata ang itsura mo ngayon?” tanong niya ngunit wala itong ibinigay na sagot sa kanya.             “By the way, I just want to ask you kung nasaan si Emma? Tinatawagan ko kasi siya kanina pero walang nasagot,” tanong niya. Tumingala muna si Manuel sabay ibinalik din ang tingin kay Celina.             “Sasamahan na kita. Nasa ospital siya ngayon,” walang gana nitong sabi. Nangunot naman ng noo si Celina sa naging asal ni Manuel ngunit ipinagsawalang bahala na lang niya iyon. Ang mahalaga ay ang makausap niya si Emma sa lalong madaling panahon.             Sumakay na ang dalawa sa sasakyan. Nasa driver seat si Celina habang si Manuel naman ay nasa back seat na may kung anu-anong sinasabi. Hindi niya gaanong marinig ang mga salitang binibigkas nito dahil maliban sa mahina ang boses nito ay tila ibang lenggwahe rin ang gamit nito.             “Bakit parang ang weird ni Manuel ngayon?” tanong niya sa sarili.             Ilang saglit lang ay narating na rin nila ang ospital kung saan naka-confine si Emma. Unang bumaba si Celina. Ilang saglit pa ay napansin niyang hindi pa rin bumababa si Manuel sa sasakyan kaya nagsimula na siyang magtaka.             “Manuel?” tawag niya muli rito.             Binuksan niya ang pinto ng likod ng sasakyan para silipin si Manuel ngunit wala… Wala si Manuel sa loob! Paano ito makakalabas ng hindi napapansin ni Celina? Nagtataka si Celina habang pinagmamasdan ulit ang sasakyan. Wala namang ibang daan palabas ng sasakyan para hindi mapansin ni Celina ang paglabas ni Manuel.             Napuno ng katanungan si Celina sa kanyang isipan pero minabuti na kausapin niya muna si Emma sa mga nangyayari upang magkaroon ng linaw ang ilan sa kanyang mga katanungan.             Pumasok na siya sa loob at dumiretso sa information. “Excuse me, miss. Saan po ang kwarto ni Mrs. Emma Sheen?” tanong niya.             “Sa room 201 po,” sagot naman sa kanya ng nurse.             “Salamat.”             Dali-dali siyang pumunta roon nang malaman ang kwarto ng kaibigan. Sa kanyang pagpasok ay naabutan niya si Emma na nakahiga lang at tulala ngunit mababakasan ng lungkot ang mga mata.             “Celina,” mahinang sambit nito nang makita siya.             Lumapit siya sa kaibigan at naupo sa tabi nito. “Emma… Naguguluhan na ako. Ano bang nangyayari?” tanong niya. Bumuhos muli ang mga luha ni Emma. Hindi na nito kaya ang mga nangyayaring p**********p sa kanila.             “Tapos na ang lahat. Tapos na. Isinakripisyo na ni Manuel ang buhay niya.” Lalo pang bumuhos ang mga luha na kanina pa niya pilit pinipigilan.             “Ha? Anong pinagsasabi mo? Buhay pa si Manuel! Kasama ko siya kanina! At anong sakripisyo?” naguguluhan nitong tanong. Ngunit bago pa man makasagot si Emma ay nagpatay sindi ang mga ilaw. Nagkatinginan sa mata sina Emma at Celina. Alam na nila kung ano ang susunod na mangyayari.             “Nandito siya,” mahinang sabi ni Emma.             Inalalayan ni Celina si Emma sa paglabas nila sa kwarto. Tumawag sila ng tulong ngunit tila ay walang nakakarinig sa kanila. Tahimik ang buong paligid kaya’t walang nakakapansin sa kanilang sigaw.             Nakita nila ang isang nurse na nakaupo sa bench ngunit nakatalikod sa kanila. Agad nila itong nilapitan upang makahingi ng tulong.             “Nurse,” tawag ni Celina rito ngunit hindi ito lumilingon.             “Nurse…” Akmang hahawakan na sana ito ni Celina ngunit bigla itong tumumba. Tumambad sa kanila ang isang katawang walang buhay. May saksak ito sa leeg at nakatarak pa ang kutsilyong ginamit dito. Punong-puno ng dugo ang puti nitong kasuotan.             Nangatog sa takot ang dalawa nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng nurse. Isang malakas na tili ang pinakawalan nila na umalingawngaw sa buong gusali.             “S-sinong may g-gawa nito?” nahihintakutan na tanong ni Celina.             “H-hindi k-ko a-alam. Hayop lang ang makakaagawa nito,” sagot naman ni Emma na nangangatog pa rin ang tuhod.             Tinungo nila ang main door upang makalabas na ng ospital ngunit may nakapulupot ditong kadena. Nakita rin nila ang isang guard na puno ng saksak habang nakadikit sa may main door ng ospital. Nasusuka sila sa kanilang nakikita dahil sa laslas nitong tiyan na halos lumuwa na ang mga bituka.             Sinong makakagawa ng ganitong pambababoy? tanong nila sa sarili.             Napag-alaman nilang patay na pala ang mga nurse at staffs ng ospital kaya pala walang nakakarinig sa kanila. Brutal ang pagkakamatay ng ilan sa kanila. Sa tingin nila ay isang demonyo lang ang makakagawa nito.             “Hindi ko na alam kung sino ang dapat na katakutan. Ang buhay pa o ang patay na,” saad ni Celina.             Panay lang sila sa paglalakad para hanapin kung saan pa sila maaaring dumaan. Nakarinig sila ng yabag ng tao sa ‘di kalayuan.             “May tao,” masiglang sabi ni Emma.             “Kung patay na lahat ng tao rito sa ospital marahil siya ‘yong napatay. Hindi tayo nakakasiguro,” saad naman ni Celina. Mabilis na nagtago ang dalawa sa isa sa mga kwarto para sa kanilang kaligtasan. Narinig nilang nagsalita ‘yong taong pinanggagalingan ng yabag.             “Emma…” sabi nito na tila nanghihikayat ang boses para lumapit sa kanya.             “Si Manuel ‘yon,” bulalas ni Emma. Tila nabuhayan ng loob nang mga oras na iyon si Emma dahil ligtas ang kanyang asawa. Agad na lumabas si Emma sa kanyang pinagtataguan upang puntahan si Manuel. Ngunit ganoon na lamang ang kanyang pagkabigla nang makita ang asawa na puno ng dugo at may hawak na patalim. Mukhang wala ito sa sariling katinuan.             “M-manuel…” natatakot na sabi ni Emma.             “Tumakbo na tayo!” Hinila ni Celina si Emma papalayo upang makatakbo. Hinabol naman sila ni Manuel habang bitbit ang patalim.             “Ano bang nangyayari kay Manuel?” naiiyak na tanong ni Emma.             “Hindi ko rin alam pero isa lang ang natitiyak ko, hindi ‘yan si Manuel.”             Nakita nila ang isang kwarto sa malapit at doon nagtago. Pumunta sila sa gilid ng cabinet upang hindi makita ni Manuel. Rinig nila ang bawat pabalang na pagbukas ng mga pinto sa bawat kwarto na katabi. Palapit nang palapit ang tunog ng yabag nito.             Malapit na. Dahan-dahang bumukas ang pinto. Sa mga sandaling iyon, halos humiwalay na ang mga puso nila sa sobrang kaba. Naitakip na lang nila ang kanilang mga kamay sa kanilang bibig upang hindi makasigaw.             Ilang saglit lang ay naramdaman nilang sumara ulit ang pinto. Sinilip nila kung naroon pa si Manuel. Nakahinga na sila nang maluwag nang makitang hindi man lang pumasok sa kwarto si Manuel.              Bigla na lamang nag-ring ang cellphone ni Celina nang napakalakas. Kasabay no’n ay bumulaga sa pinto ang nakakatakot na si Manuel bitbit ang kanyang duguang patalim.             “Pesteng cellphone ka!” sigaw ni Celina.             Nakakatakot na lumapit si Manuel sa kanya at saka sinakal siya nang mahigpit sa leeg. Marahas ang pagkakasakal niya na halos hindi na siya makahinga. Pakiramdam niya ay luluwa na ang kanyang mata dahil sa sobrang higpit ng pagkakahawak.             “Bitawan m-o ak- ako!” pagsusumamo niya. Kahit anong gawin niyang pagtanggal sa kamay nito sa kanyang leeg ay hindi niya maialis. Masyado itong malakas!             Lumabas naman si Emma sa pinagtataguan nito. Kumuha ito ng mabigat na bagay sabay ipinalo nang malakas sa ulo ni Manuel dahilan upang mawalan ito ng malay at bumulagta naman sa sahig. Umagos ang malapot at sariwang dugo mula sa ulo nito. Samantala si Celina naman ay habol-hininga pa rin habang hawak-hawak ang dibdib matapos sakalin ni Manuel.             Lumapit sila sa duguang katawan ni Manuel.             “Is he dead?” tanong ni Celina habang hawak-hawak pa rin ang leeg na sinakal ni Manuel.             Naupo sa tabi si Emma upang pulsuhan kung buhay pa ang asawa ngunit gayon na lang ang kanilang pagkabigla nang bigla itong dumilat at hinawakan si Emma sa leeg.             “Hindi –ak- ako  ma-ka-hinga!” sabi nito habang pilit na tinatanggal ang mga kamay ni Manuel sa kanyang leeg.             Nakita ni Celina ang isang patalim mula kay Manuel. Agad niya iyong kinuha nang may makitang pagkakataon.             “Emma, sana mapatawad mo ako sa gagawin ko.” Iniangat niya ang patalim at marahas na isinaksak sa likod ni Manuel. Napasigaw naman ito sa sakit kaya nabitawan nito si Emma. Natumba naman si Emma at naghahabol pa ng hininga.             Humarap si Manuel kay Celina nang puno ng galit ang mga mata. Agad na hinawakan ni Manuel ang leeg ni Celina at ininda lang ang sakit ng saksak kanina.             Napapaatras si Celina habang sinasakal siya ni Manuel. Hindi na talaga siya makahinga. Palapit na sila sa bintana na halos kalahating katawan na ni Celina ang nakalabas. Konti na lang ay maaari na siyang mahulog. Dahil sa walang pakialam si Manuel ay naitulak niya nang malakas si Celina habang sakal-sakal. Kumapit si Celina kay Manuel kaya sabay silang nahulog mula sa bintana.             Agad na napatayo si Emma at tiningnan mula sa taas sina Celina at Manuel. Duguan ang dalawa na bumulagta sa sahig dahil sa impact ng pagkakalaglag nila mula sa itaas.             “Celina! Manuel!” sigaw ni Emma habang pinagmamasdan ang walang malay na katawan ng dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD