THE THIRTEENTH b****y MARY: Let’s Play Another Game

1845 Words
THE THIRTEENTH b****y MARY: Let’s Play Another Game   “Alam ko sa puso ko na sila ang magiging tagapagbantay ko. Nawala man sila pero mananatili sila sa puso ko.”               TUMAKBO papalayo si Emma nang makita ang papalapit na si Coleen sa kanya ngunit ang lahat ng daan na maaari niyang labasan ay marahas na nagsasara. Wala na siyang ligtas pa sa galit na dala ni Coleen. Maaaring ito na ang maging kanyang katapusan.             “Coleen, maawa ka para sa anak ko. Ako na lang ang patayin mo. Walang kinalaman dito ang anak ko,” naluluha niyang sabi habang nagsusumamo.              Tumigil ang duguang katawan ni Coleen sa paglapit sa kanya. Napunan naman ng katahimikan ang buong lugar nang mga sandaling iyon. Mariing nakatingin lang sa kanya si Coleen ngunit hindi mahahalataan ng emosyon ang mukha nito kahit na galit ay wala.             “Coleen…” dahan-dahan niyang tawag dito. Ngumisi lang ito at bumalik ang matatalim nitong tingin.             “HAHAHAHAHAHAHA!” Ang sakit pakinggan ng tawang iyon ni Coleen. Nakakapangilabot kung pakikinggan na maging ang kanya mismong mga balahibo ay nagsitayuan. “Nagpapatawa ka ba?” sarkastiko nitong sabi.             “Papatayin kita kasama ang anak mo! Wala akong ititira sa inyo!” May kung anong pwersa ang tumulak kay Emma sa kabilang bahagi ng simbahan. Tumama ang kanyang katawan sa konkretong dingding na naging sanhi upang kumalabog ang bahaging iyon.             Tila may hangin naman ang humila sa kanyang mga paa nang siya ay bumagsak. Nakakangilo ang tunog habang pilit niyang kinakaskas ang kanyang mga kuko sa sahig ng simbahan. Halos humiwalay pa ang kanyang kuko mula sa kanyang daliri dahil sa malakas niyang pagkakakapit.             Muli ay humampas siya sa mga nakahilerang mga upuan dahilan upang maging magulo ang maayos na pagkakasalansan ng mga ito. Sinapo niya ang nanghihinang katawan pero mas inalala niya ang kanyang tiyan na may dala-dala na bata.             Dahan-dahang lumalapit si Coleen kay Emma na siya namang nakahilata sa mga nagkalat na upuan. Hindi na kakayanin pa ni Emma kung muli pa siyang sasaktan ng iniisip niya ngayo’y dating kaibigan. Natatakot siya para sa kalagayan ng anak ngunit kailangan niyang maging matatag.             Yumuko ito upang mas mailapit ang nakakatakot na mukha kay Emma. Ngumiti ito nang nakakaloko at lumabas ang mga matatalas at nabubulok nitong ngipin. Nakita pa ni Emma na isang bangaw ang lumabas mula sa bibig nito.             “Masaya ka ba sa nakikita mo?” nakakaloko nitong tanong. Hindi makasagot si Emma dahil maging ang kanyang lalamunan ay nanunuyot. “Si Nadine, namatay na lasog-lasog ang katawan. Nakakatawa pa nga sa tuwing maaalala ko kung gaano siya takot na takot sa akin. Si Celina naman ay namatay sa mismong kamay ng iyong asawa.”             “Inosente siya! Wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Celina! Ikaw ang dahilan ng lahat!” sigaw niya rito.             “Well, siguro nga. Ginamit ko ang katawan niya para patayin ang ina ni Celina.” Nanlaki naman ang mga mata ni Emma dahil sa narinig.             “Ano?” nagtataka niyang tanong.             “Ginamit ko si Manuel para itulak mula sa rooftop ang ina ni Celina. Nakakatawa talaga ang pagsusumamo niyong lahat para mabuhay.”             “Wala ka talagang awa!” saad niya sabay dura sa mukha nito.             “Pasalamat ka, mabait pa ako. Lahat ng kaibigan mo, ang malalapit na tao sa’yo at maging si Manuel ay nawala na sa’yo. Kaya mo pa kayang mabuhay?”             “Para sa anak ko, mabubuhay ako!” lakas-loob niyang sabi. Ngumisi lamang si Coleen sa kanya at doon na lamang niya naramdaman ang biglang paglapat ng kamay nito sa kanyang tiyan. “A-anong g-gawin m-mo?” nahintatakutan niyang tanong.             Hindi na sumagot pa si Coleen bagkus ay marahas nitong pinisil ang kanyang tiyan. Nagsusumigaw naman dahil sa sakit si Emma na tila pinupunit ang kanyang tiyan dahil sa sobrang diin. Napapapikit na lamang siya habang patuloy lang si Coleen sa ginagawa nito.             Umaagos sa kanyang mata ang kanyang mga luha dahil sa awa para sa kanyang anak. Wala siyang magawa upang iligtas ang minamahal na anak. Maging ang sarili niya kasi ay hindi niya matulungan. Siguro nga ay ito na ang huli at katapusan ng lahat.             “Coleen!”             Napadilat siya nang biglang may marinig na sumigaw. Kitang-kita ng kanyang dalawang mata ang biglang pagsulpot ng kaluluwa ni Manuel sa kanyang harapan. Ngumiti lamang si Coleen dito at pinagpatuloy ang pagpisil sa kanyang tiyan.             Hinawakan ni Manuel ang isang kamay ni Coleen upang pigilan ang ginagawa nito.             “Tama na!” sigaw nito habang pilit inaalis ang kamay ni Coleen ngunit masyado itong malakas upang maialis.             Maya-maya’y bigla ring sumulpot ang kaluluwa ng kanyang namayapang kaibigan na sina Nadine at Celina. Isa-isa itong lumalapit kay Coleen upang tulungan si Emma. Hinagkan nila si Coleen at saka hinatak upang makalayo.             Ilang saglit lang ay unti-unti na niyang nararamdaman na gumagaan ang kamay ni Coleen mula sa kanyang tiyan, maging ang sakit ay unti-unti ring nawawala hanggang sa tuluyan na itong naalis.             “Tama na…” ani Celina.             “Bakit? Bakit? Akala ko ba magkakaibigan tayo? Pero paano niyo ‘to nagawa sa akin?!” bulyaw ni Coleen.             “Coleen, itigil mo na yan! Hindi namin kasalanan ang pagkamatay mo. Mga bata pa tayo no’n kaya anong magagawa namin? Maging kami ay natakot,” sagot naman ni Nadine.             “Patawarin mo kami sa naging kasalanan namin sa’yo. Alam kong magkakaibigan tayo pero kami pa mismo ang tumalikod at umiwan sa’yo,” turan naman ni Celina.             Bigla na lamang naglaho ang nakakatakot na mukha ni Coleen at bumalik ito sa dati nitong anyo. Nawawala na rin ang poot at galit sa dibdib nito na siyang nag-udyok upang gawin niya ang ganoong klaseng paghihiganti.             Hinawakan ni Manuel ang balikat nito. “Hindi ako inagaw ni Emma mula sa’yo. Tanging siya lang ang naging sandigan ko nang panahong nawala ka. Lubos kong pinagdamdam ang pagkawala mo no’n. Mahal kita kaya hindi ko magagawang lokohin ka.”             Nang mga oras na ‘yon, doon lamang nila nakitang lumuha si Coleen. Rinig na rinig nila ang paghikbi nito dahil sa sobrang pag-iyak. Hindi nito lubos akalain na ang matagal niyang kinimkim ay balewala pala.             Tumayo si Emma matapos makapagpahinga pansamantala at saka lumapit sa lumuluhang kaibigan. “Naaalala mo pa ba noong hayskul palang tayo? Sinabi mo sa amin na magkikita tayo matapos ang sampung taon. Hindi ko pa nakakalimutan ang pangako nating ‘yon.” Maging siya ay lumuluha na rin habang inaalala ang masasaya nilang sandali.             “Patawad. Patawad sa inyo. Hindi ko sinasadya. Patawad,” saad ni Coleen. Tanging patawad lang ang binibigkas niya ng paulit-ulit. Hindi niya alam kung paano mapapatawad ang sarili sa ginawang kasalanan. Nahihiya siya sa mga ito kahit siya ay isang multo na lamang.             “Huwag mo ng alalahanin ang bagay na iyon. Pinapatawad ka na namin. Ang gusto sana namin ay mapatawad mo na rin ang iyong sarili.”             Mahigpit na niyakap ni Emma ang kaibigan. Pakiramdam niya ay buhay na buhay ito dahil sa presensya nito. Naging magaan ang kanyang kalooban nang mga oras na iyon dahil sa wakas ay tapos na ang lahat.             Maging ang iba niyang kaibigan ay nakisama na sa pagyakap. Masayang-masaya silang lahat dahil sa naging resulta. Magiging payapa na rin ang lahat.             “Maraming salamat sa’yo, Emma,” huling nasambit ni Coleen bago ito naglaho. Nawala na rin ang iba matapos nitong maglaho maliban kay Manuel. Lumapit ito sa kanya habang nakangiti.             “Mahal na mahal kita, Emma. Tandaan mo ‘yan.” Dahan-dahang naglapit ang kanilang mga labi ng sandaling iyon. Napapapikit siya habang ninanamnam ang pagkakataong iyon at sa muling pagdilat niya ay tuluyan ng naglaho sa kanyang paningin ang asawa.             Gumuhit ang napakalapad na ngiti sa kanyang labi sa mga oras na iyon. Ngayon ay makakahinga na siya nang maluwag.             “Alam ko sa puso ko na sila ang magiging tagapagbantay ko. Nawala man sila pero mananatili sila sa puso ko.”             Pinagmasdan niya ang buong paligid na ngayo’y payapa na. Isang bata ang nakita niya na tila nagliliwanag dahil sa sobrang kinang. Nakangiti ito sa kanya at mailalarawan sa isang anghel.             “Mommy…” usal nito at saka kumaway na nagpapahiwatig ng paalam. Pinakiramdaman niya ang kanyang tiyan at kasabay no’n ay paglalaho ng batang lalaki sa kanyang harapan.             Naramdaman na lamang ni Emma na tila umiikot ang buo niyang paligid. Pakiramdam niya ay mahihimatay siya ng mga sandaling iyon dahil sa pagod. Nagiging malabo na rin ang kanyang paningin hanggang sa bumagsak na lang siya at maging itim ang buong paligid niya.             Huling narinig na lamang niya ang tunog ng sirena ng sasakyan ng mga pulis.   ***             PATULOY lang sa pag-agos ang tubig sa mabasa-basang lupa na kanyang hinukay na halos umabot na sa kanyang paa. Masaya namang nakangiti si April habang pinagmamasdan ang tila kayamanang bangkay ni Coleen na kanyang nahukay.             “Mabubulok ka sa impyerno! Makakapaghiganti na rin ako sa pananakot mong ginawa!” sigaw niya sabay tumawa nang napakalakas na parang isang baliw.             Kinuha niya ang masong dala-dala kanina at malakas iyon na inihampas sa bangkay ni Coleen. Halos pulbusin din niya ang kaawa-awang katawan ng kaibigan hanggang sa maging abo ang buto nito.             “’Yan ang nababagay sa’yo!” saad niyaat saka dumura pa. Wasak-wasak ang buto ni Coleen dahil sa pwersadong paghampas dito ni April. Walang pagsindlan ng tuwa si April nang mga sandaling iyon dahil sa kanyang ginawa.             “Natapos din. Natapos din.” Sa pagkakataong iyon, pakiramdam ni April ay nakalaya na siya sa nakakatakot na imahe ng dating kaibigan. Wala ng sinuman ang maaaring manakot sa kanya. Malaya na siya sa madilim na kanyang nakaraan na minsang naging dahilan upang siya ay tumakbo papunta sa liwanag.             Hindi na siya muling matatakot sa dilim na kanyang kinasadlakan. Malaya na rin siya sa mga matang matatalim kung sa kanya’y tumingin.             “Tuluyan na akong malaya,” saad niya. Umakyat na siya upang makauwi at makapagpahinga na rin ngunit tila ay inabutan siya ng malas.             Masyadong naging malambot ang lupa dahilan upang hindi niya makapitan. Ilang beses pa niyang sinubukan ngunit nagigiba lang ang lupa.             “Makisama ka naman,” natatakot niyang sabi dahil habang tumatagal siya ay siya rin namang pagtaas ng tubig sa ginawa niyang hukay. Kung hindi pa siya makakaalis ay tuluyan na siyang malilibang ng buhay kasama ang bangkay ni Coleen.             Sinubukan rin niyang kumapit sa mga d**o na tumubo ngunit maging iyon ay nabubunot lamang dahil sa bigat niya. Umaangat na ang tubig ng halos baywang na niya. Malulunod siya kapag nagkataon.             Napansin niya ang umaangat na kamay ni Coleen na sumusundot sa kanyang katawan dahilan upang mapatili siya. Napaupo rin siya dahil sa sobrang pagkagulat.             “Natatakot na ako.” Hindi siya nawawalan ng pag-asa na makakaligtas kaya pinagpatuloy pa rin niya ang pagkapit pero tila mabilis ‘ata ang pagtaas ng tubig. Umaabot na ito hanggang sa kanyang leeg. Kahit na mataas na ang tubig ay hindi niya magawang makaalis sa hukay dahil sa tuwing maaabot na niya ang lupa ay dumudulas siya dahil sa mamasa-masang mga dahon sa lupa.             Umaabot na ang tubig hanggang sa kanyang ilong. Kaunti na lang ay maaari na siyang hindi makahinga dahil sa taas ng tubig. Bumwelo muna siya bago sinubukan na muling kumapit sa lupa.             Ilang saglit pa’y matagumpay niyang naiangat ang katawan pero tila hindi natigil ang pagsunod sa kanya ni Coleen nang biglang kumapit ang bangkay nito sa kanyang mga binti.             “Lumayo ka!” saad niya saka marahas na sinipa pabalik ang bangkay ng kaibigan.             “Nakaligtas ako! Hindi mo na kami mababalikan pa!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD