EPILOGUE
Not Just an Ordinary Ending
MATAPOS ang isang linggo ay tuluyan ng nakarekober sa mga nangyaring insidente si Emma. Pakiramdam niya ay naging mas payapa siya ngayon dahil alam niyang tuluyan na siyang nakaahon sa bangungot na kanyang pilit na tinatakasan sa matagal na panahon.
Masaya niyang binati ang umagang iyon na puno ng galak sa puso at pagmamahal. Isang espesyal na lugar ang kanyang pupuntahan ngayong araw na tila isang reunion kung kanyang ilalarawan dahil makakasama niyang muli ang kanyang mga kaibigan.
Humarap muna siya sa salamin at tiningnan ang kanyang buong hitsura. Kailangan niyang maging maganda para sa lugar na kanyang pupuntahan. Nagsuot siya ng dress na kulay puti at nag-ayos din ng kanyang buhok.
Narinig niyang biglang tumunog ang kanyang cellphone kaya dali-dali niya iyong kinuha at tiningnan ang nakarehistrong pangalan. Mula ang tawag na iyon kay April.
“Hello,” panimula niya.
“Ayos ka na ba? Dapat bago mag-alas diyes, nandoon na tayo,” paalala ng kaibigan sa kanya. Kasama kasi si April sa espesyal na lugar na kanyang pupuntahan.
“Nakaayos na ako. Aalis na rin ako nito maya-maya.”
“Oh, sige. Paalis na ako. Mauna na ako doon, ah. Ingat ka na lang.”
“Mag-iingat ka rin,” saad niya at saka binaba na ang cellphone. Bumaba na siya mula sa hagdan at tinungo ang sala.
Maaliwalas ang buong bahay ni Emma dahil na rin siguro sa matagal-tagal din itong nagkubli sa liwanag at namuhay lang ng matagal na panahon sa dilim. Minsan ay naaalala niya ang mga panahon na masaya silang nagsasama ni Manuel sa loob ng tahanan. Puro kwentuhan at tawanan ngunit minsan ay may iyakan din pero ang mahalaga, sabay nilang sinusulusyonan ang bawat problema.
Kinuha niya mula sa mesa ang nakapatong na larawan ni Manuel. Hindi niya maiwasan minsan ang mangulila sa presensya ng asawa na siyang dahilan kung bakit siya nabubuhay at lumalaban sa araw-araw.
“Manuel…” sambit niya. Matapos ‘yon ay mahigpit niyang hinagkan ang larawan ng asawa habang umaagos sa magkabila niyang mata ang luha mula sa pangungulila.
Maya-maya’y umalis na si Emma upang makipagkita kay April. Sumakay na siya sa taxi na kanyang pinara at tumungo na sa kanyang destinasyon. Ilang saglit lang ay natunton niya na ang lugar habang nakangiting pinagmamasdan mula sa bintana ang malawak na lupain.
“Nandito na po tayo sa sementeryo,” sabi ng drayber.
Masaya naman siyang sinalubong ni April na may bitbit na bulaklak at kandila sa magkabilang kamay. Nakasuot ito ng puti tulad sa kanilang napag-usapan na susuotin.
“Kanina ka pa namin hinihintay. Halika na,” aya ni April sa kaibigan at sabay nilang tinungo ang magkakatabing labi nina Nadine, Celina, Manuel at Coleen. Ngunit ganoon na lamang ang kanyang pagtataka nang mapansing durog at halos mapulbos ang lapida ni Coleen na animo’y sinadyang sirain.
“Sino naman ang may gawa nito?” nasaad na lamang ni Emma. “Wala namang respeto sa taong patay ang gumawa nito.”
Nagkibit-balikat na lamang si April at nanatiling tahimik upang hindi na maungkat pa ang tungkol sa kanyang ginawa. Isa-isa na nilang tinirikan ng kandila ang bawat lapida at nilapag na rin ang bulaklak na kanilang dala-dala.
“Masaya na kaya sila?” pag-iiba ng tema ni April.
Tumingin siya rito at saka ngumiti bago sinagot ang kaibigan. “Oo. Masayang-masaya.”
Bumalik sa kanyang alaala kung papaano namaalam na ng tuluyan ang kanyang mga kaibigan sa kanya. Isa na siguro ‘yon sa pinakamasasayang alaala sa kanyang buhay kung kailan bukal sa loob na siyang napatawad ng kanyang kaibigan. Nabawasan ang tinik na nakabaon sa kanyang dibdib.
Gayunpaman, nawala ang sana’y anghel na magbibigay sa kanya ng kaligayahan sa pangalawang pagkakataon. Masakit ang mawala ang matagal-tagal mong inasam at sa maikling segundo lang ay maaari kaagad bawiin sa’yo.
Sa kabutihang-palad bago siya mahimatay ay sinundan pala siya ng mga pulis kung saan siya maaaring pumunta dahil nga sa nangyari sa ospital kung saan tahasang binaril si Manuel. Agad siyang dinala sa ospital upang maisalba ngunit sa kasawiang-palad ay hindi na kinaya ng bata sa kanyang sinapupunan ang kumapit pa kaya madali rin itong namatay.
Nawala man ang mga mahal niya sa buhay, ang kanyang asawa at anak, pero ito naman ang magsisilbing anghel na siyang gagabay sa kanya habambuhay.
Tiningnan niya ang maliit na lapida sa tabi ng hilera ng mga lapida ng kanyang kaibigan na may nakasulat na… Manuel Sheen Jr.
Hinawakan niya ang kanyang tiyan nang mga oras na iyon at pinapakiramdaman pa rin ang t***k ng puso at pagsipa ng kanyang anak. Kahit na sa maikling panahon lang sila nagkasama, marami siyang natutunang leksyon sa buhay.
Natutunan niya ang lumaban para sa mga taong mahal niya kahit buhay niya pa ang maging kapalit at natutunan niyang maging matatag sa panahon na kahit dapang-dapa ka na ay matututunan mo pa ring tumayo sa iyong kinabagsakan at humarap sa pagsubok na maaari pang ibigay sa’yo ng mundo.
“Manuel, ingatan mo sana ang anak natin diyan. H’wag na h’wag mo siyang papabayaan. Iparamdam mo sa kanya kung gaano natin siya kamahal,” aniya at saka lumuha. Niyakap naman siya ng kaibigan upang maibsan ang lungkot na nadarama niya.
“Malay mo, may bagong darating na siyang pupuno sa mga bagay na nawala sa’yo. Mayroon at mayroong ibibigay sa’yo ang Diyos. Hindi ka Niya hahayaang maging malungkot nang nag-iisa.”
Huminga nang malalim si Emma at nagpakawala ng hangin sa kawalan. “Siguro nga,” saad niya sa kaibigan.
“Pero alam mo Manuel, masaya ako dahil napatawad na tayo nila Mama at Papa. Pinapabalik na nila ako sa bahay para magkasama-sama na ulit kami. Sayang lang at hindi tayo nagkaroon ng tiyansa na magkasama nang buo. Pormal ka sana nilang makikilala sa pagkakataong iyon at malalaman nilang ikaw ang tamang tao para sa akin,” aniya habang nagpipigil pa sa maaaring umagos na luha.
“Masaya ako para sa’yo, Emma. Paniguradong masaya din ang mga kaibigan natin para sa’yo at kay Manuel,” sabi nito habang yakap-yakap pa rin ang kaibigan.
“Nadine, Celina at Coleen, minsan dalaw-dalawin niyo rin kami pero huwag na kayo mananakot, ah. Takot ako sa multo, e. Hahahaha,” pabirong sabi ni Emma sa puntod ng mga kaibigan.
Ilang saglit lang ay kailangan na rin nilang umuwi pero bago iyon ay nag-iwan muna sila ng isang panalangin para sa lahat. Matapos iyon ay umihip nang malakas ang hangin.
Pakiramdam ni Emma ay hinagkan siya nang mga sandaling iyon ni Manuel at ng kanyang anak. Napakasarap sa pakiramdam na kung maaari ay ayaw na niyang mawala pa.
Nagpaalam na sila sa mga puntod at nagtungo na palabas ng sementeryo.
“Mauuna na akong umuwi, ah. Paalam na sa’yo, Emma. Sa muli nating pagkikita,” saad ni April at saka kumaway.
“Mag-iingat ka. Paalam na rin,” saad niya at naghintay na lamang ng masasakyan.
Nang makaalis ang sasakyan na lulan ni April, napansin niya ang isang bata sa gilid ng sementeryo habang namumulot ng pagkain sa basurahan. Nilapitan naman ito ni Emma at inalukan ng pagkain na nakatago sa kanyang bag.
“Bata, gusto mo ba ng pagkain?” alok niya sa batang palaboy.
Ngumiti naman sa kanya ang bata dahil sa kabutihan niyang ipinakita. “Maraming salamat po sa pagkain.”
Naging magaan naman ang kanyang loob sa batang palaboy. Pakiramdam niya ay may kakaiba sa bata para siya ay matuwa dito. “Anong pangalan mo?”
Tumingin sa kanya ang bata bago ito nagsalita. “Manuel po.”
Lalong napangiti si Emma nang marinig ang pangalan ng bata. Pakiramdam niya ay may kung anong bagay na nag-iisa sa kanila at ‘yon na siguro ang hinihintay niyang kapalit ng kanyang nawalang anak at asawa.
“Ulila ka na ba? Gusto mo bang sa akin ka na lang tumira?” nakangiti niyang sabi.
Bagkus na sumagot ay lumapit ang bata sa kanya at mahigpit siyang niyakap tulad ng isang anak na nagungulila sa isang ina. Napaluha naman siya dahil sa ginawa ng bata at nangako sa sarili na gagawin niya ang lahat upang maging mabuting ina rito.
“Nakakatuwa ka naman,” masaya niyang sabi habang haplos-haplos ang buhok ng musmos na bata. Natutuwa siyang ispin na dinilig kaagad ng Diyos ang kanyang dasal. Doon lamang niya napagtanto na may panahon na nakalaan sa lahat ng iyong hiling.
“Maraming salamat,” nasaad niya saka tumingin sa malawak na kalangitan.
***
GABI na nang marating ni April ang kanyang bahay dahil may ginawa pa siya sa trabaho. Pagod na pagod siya dahil sa maghapong photoshoot na kanilang ginawa sa Pampanga. Naalala niya tuloy bigla nang muntikan na siyang mahuli ni Emma na siya ang sumira sa lapida ni Coleen. Mabuti na lang ay naiba niya kaagad ang tema ng usapan at hindi na muling naungkat ang sirang lapida ng kaibigan.
Binuksan niya ang suwits ng ilaw ngunit hindi ito bumubukas. Binuksan na lamang niya ang kanyang cellphone at ginamit ang flashlight nito. Inilapag niya muna ang mga bitbit na gamit sa sala bago nagtungo sa kusina upang kumuha ng kandila at posporo.
Sa pagsindi niya ng posporo ay tila may hangin na umihip para mamatay ang apoy nito. Sinubukan na lamang muli ni April ang magsindi ulit at sa pagkakataong iyon ay matagumpay naman niyang nasindihan ang kandila.
Binitbit niya ‘yon upang dalhin sa sala pero may kung anong nasulyapan ang kanyang mata habang naglalakad. Itinapat niya roon ang ilaw ng kandila ngunit nawala rin naman kaagad.
“Ano naman kaya ‘yon?” nasaad niya sa sarili. Naupo siya sa sofa para i-relax muna ang bugbog na katawan.
“Nakakapagod naman ngayong araw,” saad niya saka minasahe ang namimilipit na kanyang ulo. Maya-maya’y naramdaman niya na may kamay na dumidiin sa kanyang ulo at sumasabay sa pagmamasahe. Napabalikwas naman siya ng bangon at agad na napalingon sa kanyang likod. Hindi naman niya sinasadyang masanggi ang mesang pinagpapatungan ng kandila.
Bumagsak sa sahig ang namatay na kandila kaya tila bulag siya sa dilim habang kinakapa ang kandila. Maswerte niyang nakapa ang kandila ngunit isang kamay ang pumaibabaw sa kanyang kamay at kinuha ang kandila.
“Aaaaahhhhh!” tili niya dahil sa pagkabigla. Nangangatog naman siya na napaupo sa gilid ng sofa. Hawak-hawak pa niya ang kanyang kamay na nahawakan kanina.
Pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa sa bahay niya at may isang nilalang ang nagkukubli sa dilim at handa siyang takutin.
Pilit niyang pinapakiramdaman ang madilim na paligid. Hindi niya gaanong maaninag ang kabuuan ng bahay. Nakalimutan rin niya kung saan niya huling nailagay ang kanyang cellphone kaya wala siyang magamit bilang ilaw.
Biglang umihip nang malakas sa loob ng bahay na nagpatayo ng kanyang mga balahibo. Tila umuurong naman ang kanyang dila upang hindi makasigaw. Namamawis na rin ang kanyang mga kamay dahil sa sobrang kaba na kanyang nararamdaman.
“Sino ‘yan?! Magpakita ka!” lakas-loob niyang sabi.
Sumindi bigla ang kandilang kanyang gamit at nang lumiwanag ay bumungad sa kanyang harapan ang isang malaking salamin. Mula sa kanyang repleksyon ay kitang kita niya ang sarili na may hawak na kandila habang isang babaeng kahindik-hindik ang itsura ang nasa kanyang likuran.
Doon na lamang niya napansin na hawak-hawak na niya ang kandila sa hindi maipaliwanag na paraan. Nangangatal ang kanyang mga ngipin habang unti-unti siyang niyayakap ng babae sa kanyang likuran.
Inilapat nito ang kanyang labi sa tainga ni April. Ramdam niya ang mainit na hininga nito na bumubuga sa kanyang tainga.
“Sambitin mo na,” utos nito.
“Tigilan mo na ako, Coleen. Matagal ka ng wala!” sigaw niya ngunit hindi niya maikilos ang kanyang mga binti na tila napako sa kanyang kinatatayuan.
“Sabihin mo na! b****y Mary!” utos muli niya.
Nahihintakutan si April dahil sa maaaring mangyari. Napakalakas ng t***k ng kanyang puso na halos atakihin na siya dahil sa sobrang kaba.
“b****y Mary,” muli pang sabi ni Coleen.
“b****y Mary.”
“b****y Mary.” Sa pagkakataong iyon ay nagkakamalat ang salamin sa gitna na may kung anong pwersa ang bumabasag dito.
“Tama na!” Matapos ‘yon ay biglang nagsitalsikan ang mga bubog mula sa salamin at tumama sa katawan ni April. Nagkaroon ng mga hiwa sa katawan at mukha si April dahil sa nangyari. Nagsusumigaw naman siya dahil sa sakit na kanyang nararamdaman.
Isang malakas na halakhak lang ang umalingawngaw sa buong bahay. Bigla na lamang siya nakaramdam na may kung anong likido na bumabasa sa buo niyang katawan.
“Ano ‘to?” Pero bago pa man niya malaman ang likido na nasa kanyang katawan ay bigla muling sumindi ang hawak-hawak niyang kandila. Kasabay no’n ay ang pagliyab ng kanyang buong katawan dahil sa gasolinang nakabuhos pala sa kanya.
Sobrang init sa pakiramdam ang ngayo’y kalbaryo ni April. Tinutupok nito ang kanyang balat na halos makita na ang kanyang buto. Unti-unti ring kinakalbo nito ang kanyang buhok hanggang sa maubos.
“Aaaaaahhhh!” sigaw niya dahil sa sakit na nararamdaman.
Mariin lang siyang tinititigan ni Coleen habang may mga ngiti sa labi.
“Ngayon palang talaga natatapos ang lahat,” nakangiti nitong sabi.