THE TWELFTH b****y MARY: Stories Behind
“Gusto kong makita ang future natin, ten years from now. Gusto kong magkita-kita tayo sa taon na ‘yon ng magkakasama. Sa panahon na ‘yon, gusto ko ay nandoon pa rin ang barkadang minsan nating binuo.”
NAGTUNGO sa sementeryo si Emma kung saan una niyang nakita si b****y Mary. Nakatingala siya sa karatulang nakalagay na bubungad sa harapan ng sementeryo. Naaalala pa niya ang senaryong nangyari sampung taon na ang nakararaan kung saan namatay ang kanilang kaibigan.
Tanging tunog lang ng kuwago at nagliliparang mga paniki ang maririnig sa lugar. Malamig rin ang hangin na halos manuot sa kanyang laman. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib dahil sa sobrang kaba ngunit buo na ang kanyang loob kaya wala ng balikan pa.
“Para ‘to sa mga taong dinamay mo,” buong tapang niyang sabi.
Ganoon pa rin ang itsura ng simbahan. Halatang napaglipasan na rin ng panahon dahil sa mga halamang tumubo na sa mga haligi nito.
Dahan-dahan niyang binubuksan ang pintuan ng simbahan na halos bumigay na dahil sa mga namahay na anay dito at idagdag pa ang katandaan nito. Bumungad sa kanyang pagpasok ang masangsang na amoy nito sa loob.
Amoy patay na daga… o tao.
Isang malakas na kalabog ang kanyang narinig nang biglang marahas na sumara ang pinto ng simbahan. Kinakabahan man ay nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Hindi dapat siya panghinaan ng loob para sa kanyang anak.
“LUMABAS KA! NANDITO NA AKO!” sigaw niya na bumasag sa katahimikan ng lugar. Nakarinig ng isang malakas na halakhak si Emma. Ang sakit sa tainga ng ingay na parang pumupunit ng kanyang tainga. Naitakip niya sa tainga ang kanyang mga kamay habang napapaupo dahil sa sakit.
“Aaaaah!” sigaw niya.
Biglang tumahimik naman ang lugar matapos ang malakas na ingay. Pinakiramdaman lang ni Emma ang paligid at nilibot ng tingin ang kabuuan ng simbahan. Naramdaman niyang bigla na may dumaan sa kanyang likuran dahilan upang siya ay mapatingin.
Isang babae mula sa kadiliman ang dahan-dahang lumalapit sa kanya. Inihahanda na niya ang sarili sa kanilang paghaharap. Ngunit nagulantang siya sa kanyang nakita dahil isang magandang babae na walang sugat ang bumungad sa kanya.
Ngunit ang mas ikinagulat niya nang makilala ang babaeng lumalapit.
“COLEEN?!” bulalas niya. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Naguguluhan na siya nangyayari.
“Nagulat ka ba Emma na makita ako? Hahahaha,” ani Coleen.
“P-pero…”
“Pero ano? Sabihin mo!” galit nitong sabi. Hindi makapaniwala si Emma na mismo ang dati niyang kaibigan ang bumabawi sa kanilang buhay.
Pakiramdam niya ay napakalaki niyang tanga para hindi makilala ang multong pumapatay sa kanila. Pero ang lubos niyang pinagtataka ay kung bakit nito nagawang patayin ang mismo niyang mga kaibigan.
“Bakit?! Paano mo ‘to nagawa?!” hindi niya makapaniwalang sabi.
“Kitang-kita ko ang pag-iwan at pagtakas niyo habang ako? Naghihingalo at nag-iisa! Hindi niyo man lang ako tinulungan! Wala ni isa sa inyo ang tumulong sa akin! Walang sinuman sa inyo ang bumalik para tulungan ako!Simula ng iwan niyo ako, isinumpa ko sa aking pagkamatay na maghihiganti ako sa inyo!” Mahahalata sa boses nito ang poot na nararamdaman. Bigla na lamang umagos ang luha mula sa mata ni Emma dahil sa nalaman.
“Iniwan niyo ako! At hinayaang mamatay!” dagdag pa nito.
“Pero hindi namin sinasadya iyon. Akala talaga namin—“ Hindi na nito pinatapos na magsalita si Emma.
“Akala niyo na ano? Na patay na ako? Kayo ang pumatay sa akin dahil sa pang-iiwan niyo! Hinayaan niyo akong patayin ni b****y Mary!” Bigla na lamang umihip nang malakas ang hangin kasabay ang pagkabasag ng mga bintana. Marahil ay dahil sa dalang galit at paghihiganti ni Coleen.
Naalala ni Emma ang tungkol sa sinabi ni Manong Todyo tungkol sa isa lang ang maaaring kunin ni b****y Mary bilang alay. Ang buong akala nila na si b****y Mary ang napatay ay isa palang malaking kahibangan dahil mismong si Coleen na kaibigan nila ang siyang unti-unti palang umuubos sa kanila.
“Galit na galit ako sa inyo! Lalo na sa iyo!” Nagulat siya sa sinabi nito dahil sa pagdidiin sa kanya. “Alam ko ang dahilan mo kung bakit mo ako hinayaang mamatay ng mag-isa. Dahil sakaling mawala ako, masosolo mo na si Manuel! Malandi ka! Ginamit mo pa ang pagkamatay ko para mapalapit sa kanya! Anong klase kang kaibigan?!”
“Hindi ko siya inagaw sa’yo,” pagtatanggol niya sa sarili. Oo, guilty siya na nagkaroon silang dalawa ng relasyon kahit na alam niyang kasintahan noon ni Coleen si Manuel. Pero ang sabihin nitong hinayaan niyang mamatay ang kaibigan at ang tawagin siyang malandi ay hindi niya matatanggap. Nagkataon lang na si Emma ang naging sandigan ni Manuel nang mamatay si Coleen.
“Mahal niya ako! Hindi ko siya inagaw sa’yo kung alam mo lang,” lakas-loob niyang sabi.
“Wala na siya kaya wala na rin akong pakialam. Kaya ngayon, magsisisi kayong lahat!” galit nitong sabi.
Nanlalaki ang mga mata ni Emma nang biglang bumalik muli sa dating anyo si Coleen, duguan at nakapanhihilakbot. Napuno muli ng sugat ang buong mukha at katawan nito. Naging itim rin ang mga nanlilisik nitong mata. Umapaw muli sa katawan nito ang malapot nitong mga dugo.
Napapaatras siya ng mga sandaling iyon. Hindi niya alam kung ano ang dapat na gawin. Kailangan niyang makawala!
“Hindi ka na makakatakas pa!” Unti-unting lumalapit si Coleen kay Emma habang lumulutang. Punong-puno ng galit at poot ang dibdib nito.
“Paano ako makakaligtas? Paano?” tanong niya sa sarili.
***
ISANG normal lang na kabataan noon sina Emma, Coleen, April, Celina at Nadine bago nangyari ang kahindik-hindik na pagpapakita ni b****y Mary. Sama-sama silang nagkakasiyahan, nagtatawanan, nagagalit, nalulungkot at umiiyak tulad sa isang samahan na inisip nila ay hindi kailanman mabubuwag.
“Guys, have you already heard the news about b****y Mary?” tanong ni Coleen sa kanyang mga kaibigan. Naging matunog kasi ang tungkol sa Urban Legend na ito mula noong may estudyante sa kanilang paaralan ang nagtangkang isagawa ang ritwal.
Kasalukuyan kasi itong nawawala at sinasabing kinuha ni b****y Mary upang isama sa loob ng salamin. Huling namataan ang dalaga sa kwarto nito at hindi na muling nagpakita pa.
Busy sa kanya-kanyang ginagawa ang apat nang lumapit sa kanila si Coleen. Nagkibit-balikat na lamang ang iba dahil wala naman silang ideya sa sinasabi ng kaibigan. Wala rin naman silang alam tungkol sa mga balitang kumakalat sa paaralan.
“Sino naman ‘yan? And why b****y? Is she scary?” maarteng turan naman ni April.
“Hindi kayo nanunuod ng news. Siya ‘yong nagpapakita sa tuwing haharap ka sa salamin sa isang madilim na lugar habang may hawak na kandila at sasambitin ang kanyang pangalan at least 3 times. And I’ve heard na maaari niyang sabihin ang future natin,” paliwanag ni Coleen.
“And so? Anong gusto mong gawin natin?” saad ni Nadine.
“Gusto kong i-try natin para makasiguro na totoo. Wala namang mawawala kung hindi natin susubukan, ‘di ba?” pagpupumilit niya sa mga kasama. “Hey, Emma! Hindi mo ba ako susuportahan?”
Bumalik naman sa ulirat si Emma nang marinig ang kanyang pangalan. “Ha? Oo. Sige sama ako!”
“Thank you! You’re such a good friend. So how about the others? Aren’t you joining? ‘Di ba magkakabarkada tayo? Suportahan niyo naman ako,” paawa ni Coleen upang mapapayag ang iba.
Wala na rin namang nagawa pa ang iba kaya sumang-ayon na lang din sila. Kahit sila ay curious sa sinasabi ng kaibigan dahil gusto rin nilang makita ang hinaharap.
“Gusto kong makita ang future natin, ten years from now. Gusto kong magkita-kita tayo sa taon na ‘yon ng magkakasama. Sa panahon na ‘yon, gusto ko ay nandoon pa rin ang barkadang minsan nating binuo,” masayang turan ni Coleen.
Napagdesisyunan nilang sa malapit na sementeryo nila gagawin ang ritwal. Tama lang kasi ang lugar na iyon para isagawa ang kanilang balak, madilim at nagkalat ang masasamang espirito. Ngunit ang lugar na rin pala na iyon ay lugar kung saan magsisimula ang kanilang magiging kalbaryo.
Namatay roon ang kanilang kaibigan na si Coleen matapos magpakita ni b****y Mary. Natakot sila sa pangyayari kaya hinayaan na lang nila roon ang kaibigan na mag-isa habang sila ay patuloy na tinatakasan ang kanilang bangungot.
Nagkanya-kanya sila matapos ang trahedya. Bumuo sila ng sarili nilang buhay para makalimutan ang bangungot na iyon. Pero nagkamali sila, hindi pala sila titigilan ng kanilang bangungot hanggang sila ay patayin nitong mulat.
***
“COLEEN, nagkita na naman tayo,” saad ni April sa puntod ng kaibigan. Ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat ng nangyayari. Hindi si b****y Mary ang nagpapakita sa kanya o sa kanila kundi ang minamahal nilang kaibigan.
“Bakit mo ‘to nagawa sa amin?! Ha?! Sabihin mo! Wala kaming nagawang mali sa’yo para patayin mo kami!” galit niyang sabi. Hindi na niya kaya pang pigilan ang silakbo ng kanyang puso.
“Ito ang nababagay sa’yo!” Iniangat niya ang masong hawak at malakas na inihampas sa lapida ni Coleen. Pinaulit-ulit niyang inihampas roon ang maso hanggang sa madurog ang lapida. Galit na galit siya sa kaibigan na halos pulbusin na niya ang lapida nito.
Hindi niya gustong makita ang pangalan ng kanyang kaibigan kung maaari. Hindi niya matanggap ang ginagawa nito sa kanila.
“Tigilan mo na kami! Tantanan mo na kami!” naiiyak niyang sabi. Tila nakisabay naman ang ulan sa kanyang ginagawa. Naging maputik at mabasa ang buong lugar.
“Ang dapat sa’yo, pinupulbos din!” Kinuha ni April ang pala at sinimulang hukayin ang kabaong ni Coleen. Umaagos pababa ang tubig mula sa ulan papunta sa kanyang hinuhukay. Makailang saglit lang ay may kung anong bagay na matigas siyang nahukay.
Hinawakan niya ang matigas na bagay na iyon. Nang makumpirma na iyon na ang kabaong ni Coleen ay mabilis niya itong hinukay para mabuksan. Tila isa siyang baliw na nakakita ng kayamanan habang pinagmamasdan ang puting kabaong ni Coleen.
“Nakita rin kita!” saad niya na tila may pananabik sa mga labi. Binuksan niya ang kabaong at bumungad sa kanya ang inuuod na katawan ni Coleen. Halos kalansay na lang ang natira dito dahil pinagpyestahan na rin ang mga laman nito ng iba’t-ibang insekto.
“Ikaw na dapat ang matakot!” babala niya.