THE ELEVENTH b****y MARY: Pages That are Unread

1455 Words
THE ELEVENTH b****y MARY: Pages That are Unread   “May mga matang nakatingin sa akin kahit saan ako magpunta, mababagsik at matatalim. Humahanap lang ng tyempo kung kailan ako susunggaban.”               KAILANGANG makausap ni Emma si Manuel sa lalong madaling panahon para na rin maliwanagan siya kung bakit ganoon na lamang kung umasal ang kanyang asawa. Alam niya sa kanyang puso na inosente si Manuel at may kung anong pwersa ang kumokontrol sa kanya upang hindi makatanggi.             “Hindi niya magagawa ‘yon. Ngunit hanggang kailan ko ba kayang lokohin ang mga mata ko? Sapat na ang mga nakita ko pero- Bahala na,” ani Emma sa sarili. Kung ano-ano na kasi ang tumatakbo sa kanyang isipan.             Agad siyang pumara ng sasakyan upang makapunta sa ospital kung saan ngayon ay naka-confine si Manuel. Gusto niyang malaman ang lahat, ang lahat-lahat. Ilang minuto lang ay nakarating na rin siya sa kanyang destinasyon.             Naabutan niya roon ang dalawang pulis na nagbabantay sa labas ng kwarto ni Manuel. Sumenyas ang mga ito na bawal pumasok.             “Ako si Emma Sheen, asawa ni Manuel. Dadalawin ko lang siya,” saad niya upang papasukin. Hindi naman na nagdalawang-isip ang mga pulis na papasukin siya sa loob. Binuksan nila ang pinto at agad na naabutan ng kanyang mata ang nakaratay niyang asawa sa hospital bed.             Nakatulala ito at pinagmamasdan lang ang kisame. Dahan-dahang lumapit si Emma sa kanyang asawa. Pinakikiramdaman niya ang maaaring maging aksyon nito.             “Manuel…” Hindi ito lumilingon sa kanya at nanatili lang sa ganoong posisyon. Nasa kanyang likod ang dalawang pulis upang kung sakaling may gawin sa kanya si Manuel ay may proteksyon siya.             Inamin na rin kasi niya sa pulisya na si Manuel ang pumatay sa mga kaawa-awang nurse at kay Celina. Hindi niya kasi maatim ang guluhin ng kanyang konsensya habang nanatiling tahimik sa nangyaring trahedya.             “Manuel…” pag-uulit niya. Lumapit siya sa tabi nito at saka lumuhod. Naaawa siya sa kalagayan ng kanyang asawa. Pakiramdam niya ay ibang Manuel na ang nasa kanyang harapan. Hindi na ito ang Manuel na kanyang kilala, ang taong minahal niya at nag-aruga sa kanya.             Nakita niyang bumubuka ang bibig nito ngunit walang boses na lumalabas mula rito. Pilit niyang iniintindi ang sinasabi ni Manuel.             “Ma… Ma…” paputol-putol na sabi nito.             “Hindi kita maintindihan,” wika ni Emma.             “Ma…”             “Ma…”             “MAMAMATAY KA!!” malakas nitong sabi. Bigla itong humarap kay Emma habang nanlilisik ang mga mata. Nakakatakot ang itsura nito na animo’y sinaniban ng isang demonyo. Kinikilabutan siya sa kanyang nakikita. Nakakasiguro na siya na hindi si Manuel ang nasa kanyang harapan!             Mas nagulat si Emma sa sumunod na nangyari. Marahas na sinakal ni Manuel ang kanyang leeg. Sa sobrang higpit ng pagkakahawak ay halos hindi na makahinga si Emma. Hindi rin niya magawang makakalas sa kamay ni Manuel. Nauubusan na siya ng hangin.             “M-ma-nuel…” saad niya.             Agad namang rumesponde ang dalawang pulis at pilit inaalis ang mahigpit na pagkakahawak ni Manuel kaso kahit sila ay nahihirapan. Konting-konti na lang ay maaari ng malagutan ng hininga si Emma dahil sa tigas ng kamay ni Manuel.             “H-hindi ko n-na k-kaya.” Hinawakan niya ang mga braso ni Manuel at ibinaon ang kanyang mga kuko ngunit tila mas lalo lamang humihigpit ang pagkakahawak ni Manuel sa kanyang leeg.             Isang malakas na suntok ang lumapat sa mukha ni Manuel dahilan upang mabitawan niya si Emma. Mabuti na lang ay nakakalas na siya sa pagkakasakal bago pa man siya malagutan ng hininga. Habol-hininga siyang napaupo sa sahig dahil sa sakit.             Galit na galit na sinapo ni Manuel ang mukhang tinamaan. Tila may nagbabagang apoy ng paghihiganti ang kanyang mata na halos tumulo pa ang kanyang mga laway. Halos pumutok rin ang mga ugat nito sa leeg dahil sa tindi ng galit. Maya-maya’y biglang gumapang ito papunta sa kabilang bahagi ng kuwarto. Tila isang bituki naman ito na kumapit sa dingding.             “MAMAMATAY KAYO!” sigaw muli nito. Biglang sumunggab ito na tila isang aso na nakakita ng buto na nanamnamin. Mapalad na nakailag si Emma sa pagsunggab ni Manuel ngunit nadali naman ang isang pulis sa kanyang likuran.             Kinagat iyon ni Manuel sa braso na parang isang cannibal na hayok na hayok sa laman. Inilabas naman ng isang pulis ang kanyang b***l mula sa bulsa at itinutok kay Manuel.             “’Wag! ‘Wag mong paputukan ang asawa ko!” pagpipigil ni Emma sa pulis. Hindi na niya namalayan na naluha na pala siya dahil sa sakit na kanyang nakikita, sa awang nararamdaman para sa asawa.             Ngunit bigla na lamang napasigaw ang isang pulis dahil sa sakit kasabay ang pagtalop sa balat nito gawa ng kagat ni Manuel.  Kitang-kita niya ang dugong umaagos mula sa braso nito, maging ang sariwang laman nito.             “Patawarin mo ako sa gagawin ko, Mrs. Sheen,” sabi ng pulis na siyang may hawak ng b***l. Muli niyang itinutok iyon kay Manuel at agad na nagpakawala ng isang bala.             Parang isang gulay na nalanta ang kanyang tuhod sa pagbagsak nito. Napaupo na lamang siya sa sahig at agad na bumuhos ang kanyang mga luha. Nailagay na lamang niya ang kanyang kamay sa bibig dahil sa nasaksihan.             Si Manuel, nakahiga sa sahig, hindi na nahinga, duguan…             “M-ma-manuelll!!!” sigaw niya. Hindi niya akalain na ganito ang kahihinatnan ng lahat. Hindi niya sukat akalain na hahantong sa pagkamatay ang lahat. Dati ay ang mga kaibigan niya lang ang nawala ngunit ngayon ay pati ang kanyang pinakamamahal na asawa at may balak pa siyang kunin ang kanyang anak.             Pakiramdam ni Emma ay hindi na niya kakayanin ang sunod-sunod na trahedya. Mas naiisin pa niyang patayin na kaagad siya kaysa pinahihirapan ng ganito. Para sa kanya ay patay na siya simula ng kunin ang mga taong naging dahilan upang siya ay mabuhay.             “Manuel…” Patuloy lang siya sa pag-iyak. Hindi na maaaring ibalik pa ang buhay ng kanyang asawa. Nangangatog ang kanyang mga kamay dahil sa galit at poot na kinikimkim niya.             “Hindi na ako makapapayag na pati ang anak ko ay kukunin niya. Magkakapatayan muna kami!” Tumayo siya habang pinapahid ang mga luhang umaagos sa kanyang kamay. Babalik siya sa lugar kung saan nagsimula ang lahat.             “Kailangan ko ng tapusin ito.”   ***               HINDI na kaya pa ni April ang takot na kanyang nararamdaman. Pakiramdam niya ay sakit sa puso ang maaari niyang ikamatay. Bawat sulok ng kuwarto ay tinitingnan niya dahil sa pag-iisip na maaaring biglang sumulpot doon ang multo na kanyang kinatatakutan.             “May mga matang nakatingin sa akin kahit saan ako magpunta, mababagsik at matatalim. Humahanap lang ng tyempo kung kailan ako susunggaban,” paglalarawan ni April sa kanyang sitwasyon ngayon.             Sariwa pa rin sa kanya ang itsura ng babaeng duguan at ang lasog-lasog na katawan ni Nadine. Nakakapanindig-balahibo ang itsura ng dalawa na animo’y mga karakter sa palabas na pangkatatakutan, duguan ang buong katawan at may nakakapanhilakbot na hitsura.             Napaisip siya nang maalala ang itsura sa malapitan ng babaeng duguan. Pakiramdam niya ay may mali sa mga nangyayari. Hindi niya lang maunawaan kung ano ba ang bagay na iyon. Isa pa sa nakapagtataka ay ang dalawang pares ng paa na kanyang nakita.             “Sino ba siya?” Pilit inalala ni April nang una niyang makita ang tinutukoy na b****y Mary. Iba ito sa multong nagpapakita sa kanila ngayon kung pagbabasehan sa itsura. Idagdag pa riyan ang kakaiba nitong paraan ng pagpapakita at pagpatay. Ang lubos niya pang pinagtaka ay kung bakit sampung taon bago muling nagpakita sa kanila ito.             Unti-unti niyang pinagtatagpi ang mga ideyang tumatakbo sa kanyang isipan. Pakiramdam niya ay may kakaiba, may mali.             “Hindi kaya…”             Dali-daling tumakas sa ospital si April nang makitang bakante ang daan palabas. Walang gaanong tao ang naglalakad sa hallway. Isinuot niya ang kanyang jacket upang hindi makilala ng mga tao sa ospital. Maswerte naman siyang nakalabas nang walang nakakakita sa kanya.             Pumara siya ng taxi at agad na sumakay doon. Balak niyang puntahan ang isang sementeryo upang makasiguro at kung tama ba ang kanyang iniisip.             “Hindi ako magpapatalo sa kanya! Mabubuhay ako!” sambit niya. Handa niyang suungin ang lahat upang mabuhay. Kakayanin niya ang multong gustong bumawi sa kanyang buhay.             Ilang saglit lang ay nakarating na siya sa kanyang destinasyon. Madilim ang buong paligid at tanging sa buwan lang nanggagaling ang kanyang liwanag. Wala ring nagbabantay kaya magiging madali para sa kanya ang makapasok.             “Sementeryo…” Puro puntod ng mga namayapang tao ang kanyang nadadaanan. Nakakapangilabot ang atmosperang bumabalot sa lugar. Idagdag pa ang tunog ng nagsisiliparang mga paniki at malakas na hampas ng hangin sa mga puno.             Tila bumabalik siya sa panahon kung kailan unang nagpakita sa kanya si b****y Mary. Ganitong-ganito ring senaryo ang gabing iyon. Naiba lang dahil sa ngayon, siya lang mag-isa ang naglakas-loob.             Ilang hakbang pa ay nakita na rin niya ang kanyang hinahanap. Naroon pa ang kandilang kanilang tinirik at ang bulaklak na kanilang inalay sa puntod. Bitbit niya sa magkabilang kamay ang isang pala at maso.             “Coleen…” mahina niyang sambit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD