THE FOURTH b****y MARY: Hide and Seek
“Mamamatay ka! Hindi dapat kinaaawaan ang tulad mo! Hayop! Kaya tulad rin sa hayop ang paraan ko ng pagpatay sa’yo!”
DUMILAT na ang mga mata ni April. Nagtataka siya kung nasaan siya ngayon habang nangungunot ang kanyang noo. Halos puti ang lahat ng mga nakikita niya sa paligid nang iginala niya ang kanyang tingin. Doon lamang niya napansin na nasa kanyang tabi si Nadine na tahimik na nakaupo lang.
“Ayos ka na ba?” tanong kaagad ni Nadine nang mapansing gising na ang kaibigan.
“Nasaan ako?” pagtataka ni April.
“Nasa ospital ka. Naabutan ka kasing walang malay sa isang simbahan malapit sa inyo,” pagpapaliwanag naman nito.
Masakit pa rin ang ulo ni April dahil sa pagkakahimatay. Naalala niya bigla ang babaeng duguan na siyang dahilan ng kanyang pagkakahimatay. Nangatog ang buo niyang katawan nang maalala iyon. Nandoon pa rin ang takot na kanyang naramdaman nang masilayan niya ang babaeng duguan.
“Totoo nga ang sinabi ni Emma tungkol sa pagbabalik ni b****y Mary. Bumalik siya para kunin ang buhay natin,” seryosong sabi ni April.
“Nakita mo rin siya? Akala ko, bangungot lang ‘yong mga nakikita ko. Pero bakit ngayon lang siya bumalik? Isang dekada na ang dumaan,” pagtataka naman ni Nadine. ‘Yan ang gumugulo sa kanilang isipan. Kung kailan maayos na ang kanilang mga buhay ay doon naman ito bumalik upang wakasan ang dapat nitong tinapos noon.
“Hindi ko hahayaang mamatay ako nang ganon-ganon na lang. Magagawa niya akong takutin at saktan pero mananatili akong buhay hanggang sa dulo,” saad naman ni April.
“Pero hahabulin niya tayo kahit saan at kahit kailan. Baka hindi na siya mawala sa sistema natin,” malungkot naman na sabi ni Nadine.Biglang napansin ni Nadine na may kakaibang kinikilos ang kaibigan. “Anong nangyayari sayo?” tanong niya.
“’Y-yong babae…” nangangatog na sabi ni April habang nakatingin sa labas.
“Bakit? Anong mayro’n?!” gulat na tanong niya sa kaibigan.
“N-nandito siya ngayon!” sigaw ni April.
“Nasaan?!” naguguluhan na tanong nito. Itinuro naman ni April ang bintana habang nangangatog. Mahigpit na napakapit sa kanto ng higaan si Nadine habang tinititigan ang babae.
Nasa second floor kasi sila kaya paanong magkakaroon ng babae sa bintana. Napaatras papunta sa pader si Nadine nang makita ang babaeng duguan. Nagsimula ng magpatay-sindi ang ilaw at pasukin nang malakas na hangin ang buong kwarto. Agad na nagtungo sa pintuan si Nadine ngunit ayaw nitong bumukas.
Binalikan ni Nadine ng tingin si April ngunit wala na ito sa kanyang higaan.
Nasaan na kaya iyon? tanong niya sa sarili. Hindi na rin niya makita ang babae na kaninang nasa bintana.
Napansin niya ang isang bed sheet na tumatayo. Pumoporma ito bilang katawan ng isang tao habang dahan-dahan itong lumulutang papalapit sa kanya.
Napaupo na lang sa pintuan si Nadine at nanlalaki-mata niyang tinitigan ang papalapit na bed sheet. Nagkakabakas ang puting tela ng dugo.
“Aaaaaahhhhh!” tili niya. Ipinasok siya nito sa loob ng bed sheet. Maya-maya’y puro sigaw na lang ni Nadine ang umaalingawngaw sa buong kwarto. Nakakahilakbot ang mga palahaw na sigaw na iyon ni Nadine na animo’y nasasaktan.
***
DAHAN-DAHANG pumailalim ng kama si April upang magtago. Itinakip niya ang kanyang mga kamay sa kanyang bibig. Nakita niya ang isang bed sheet na papalapit kay Nadine at nababahiran ng dugo. Naiiyak siya dahil sa wala siyang magawa para tulungan ang kaibigan na nasa bingit na ng kamatayan dahil maski siya ay natatakot na mamatay.
Rinig na rinig niya ang pagmamakaawa ni Nadine na umaalingawngaw sa buong kwarto. Matapos ‘yon ay nakarinig din siya ng pagkabali ng mga buto na akala mo’y mga kawayan na binabali. Lalo pa siyang natakot sa sinapit ng kaibigan. Hindi niya kayang panuorin ang ginagawa sa kanyang kaibigan.
Biglang tumahimik ang buong lugar. Hindi niya na rin nakita pa si Nadine. Lalabas na sana siya mula sa ilalim nang biglang nahulog mula sa itaas ang katawan ni Nadine!
Lasog-lasog ang buo nitong katawan. Tirik din ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Bali ang mga kamay at paa nito na animo’y ginaya sa pagbabali ng mga patpat. Umagos ang napakaraming sariwang dugo mula sa bibig nito.
“Aaaaaahhhhh!” tili niya.
Bigla namang may humatak ng kanyang paa papalabas mula sa ilalim ng kama. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang mukha ng humatak sa kanyang paa. Isang babaeng duguan at itim ang mga mata! Nakangisi ito sa kanya ng nakakaloko habang umaapaw ang malapot na dugo mula sa bibig nito.
Hinawakan siya nito nang mahigpit sa buhok na halos maghiwalay sa kanyang anit. Sobrang sakit ang ngayo’y nararamdaman ni April.
“Bitawan mo ako!” bulyaw niya habang inaalis ang kamay ng babae sa kanyang buhok. Ngunit masyadong malakas ang pwersa ng babae at nagawa pa nitong buhatin si April gamit lang ang paghawak sa buhok niya.Napapahawak naman siya sa kanyang buhok dahil sa pag-aakalang malalagas ang kanyang buhok.
Maya-maya ay biglang inihagis nito ang katawan ni April at tumilapon sa kabilang sulok ng kwarto. Umumpog ang buo niyang mukha sa kongkretong dingding dahilan upang magdugo ang kanyang ilong. Marahas siyang bumagsak sa sahig. Nagpaulit-ulit pa ang ganoong senaryo nang ilang beses.
Halos madurog na ang buong mukha ni April dahil sa sunod-sunod na pag-umpog. Hindi na niya kaya pa ang sakit na nararamdaman. Nagdidilim na rin ang kanyang paningin dahil sa sobrang panghihina.
Sinubukan niyang gumapang papalapit sa katawan ni Nadine ngunit may pwersang dumadagan sa kanyang likod upang hindi makausad.
“Tulungan niyo ako…” pagsusumamo niya.
Isang malakas na halakhak ang umalingawngaw sa buong kwarto. Nakakapanindig-balahibo ang mga tawang iyon.
“Mamamatay ka! Hindi dapat kinaaawaan ang tulad mo! Hayop! Kaya tulad rin sa hayop ang paraan ko ng pagpatay sa’yo!” sigaw ng babae.
Hindi na kinaya pa ni April ang gumapang. Unti-unti na siyang napapapikit nang mga sandaling iyon. Huling nakita na lang niya ang isang babae na puno ng galit ang mga mata habang tumatawa.
***
KASALUKUYANG nanunuod ng telebisyon sina Emma at Manuel sa sala. Gusto kasing libangin ni Emma ang sarili sa panunuod ng mga palabas sa telebisyon. Gusto muna niyang makalimutan ang mga nangyari para na rin makapagpahinga ang kanyang utak pansamantala dahil nakakasigurado siya na kalaunan ay babalikan na naman siya ng kanyang bangungot.
‘BREAKING NEWS: Natagpuan ang sikat na modelo na si April Gutierrez sa Green Valley Hospital na basag ang buong mukha at walang malay habang kasama ang kanyang kaibigan na si Nadine Apostol na natagpuan namang patay dahil sa mga bali-baling parte ng katawan nito. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente upang malaman---‘
Hindi na natapos ni Emma ang balita dahil pinatay na ni Manuel ang telebisyon. Nakaramdam siya ng p*******t ng dibdib nang mga oras na iyon. Siguro ay dahil sa takot.
Napahagulgol na siya ng iyak na kahit hindi pa siya sigurado sa kanyang hinuha, alam niyang may kinalaman ang nakaraan nila dito, ang babaeng duguan. Hindi nito sila titigilan hangga’t hindi nito nababawi ang dapat na kinuha nito sampung taon na ang nakalilipas.
Inakbayan siya ng kanyang asawa at inalo na parang bata upang hindi ito makaramdam ng takot. Sumandal siya sa dibdib nito at doon ibinuhos ang lahat ng sama ng loob kasama na ang takot.
“Nandito lang ako. Huwag ka ng matakot,” sabi ni Manuel sa kanya habang patuloy na hinihimas ang kanyang likod.
“Paanong hindi ako matatakot kung isa-isa na kaming binabalikan ng aming nakaraan?! Hindi ko alam kung gaano pa katagal ang ilalagi ko sa mundo. Malay mo bukas makalawa, wala na ako sa tabi mo!” Hindi niya maatim na ang tulad lang ni b****y Mary ang babawi sa kanyang buhay.
“Ang buhay ko… Isang regalo mula sa Diyos pero kahit kailan ay hindi ko man lang natutunang alagaan. Hindi ko man lang nagawang maging masaya,” dagdag pa niya.
Napailing naman si Manuel sa sinabi niya. “Buo na ang desisyon ko. Bukas na bukas rin ay kailangan na nating pumunta sa Quezon. Magbabaka-sakali tayo na matulungan nila tayo doon,” seryosong sabi ni Manuel
Kahit hindi sigurado ay um-oo na lang si Emma. Wala rin namang mawawala kung hindi nila susubukan. Nakataya na ang buhay niya rito at alam niyang nakahiga na ang isa niyang paa sa kabaong at hinihintay na lang siyang tabunan ng lupa kapag nagkataon.
Kinabukasan ay agad silang nag-impake ng mga gamit na dadalhin sa Quezon. Matagal-tagal din kasi silang mananatili roon kaya kailangan nila ng maraming gamit. Mas maganda na umaga rin silang umalis para hindi nakakatakot ang magiging biyahe para kay Emma. Hindi niya kasi gustong abutin ng gabi sa daan lalo na’t madilim.
“Handa na ba ang lahat?!” tanong sa kanya ni Manuel mula sa labas. Nag-aabang na kasi ‘yong tricycle sa labas ng bahay nila. Ihahatid kasi sila nito hanggang sa bus station.
“Oo!” sigaw niya. Lumabas na siya sa kwarto bitbit ang ilang kagamitan. Inalalayan naman siya ni Manuel at kinuha ang ilan pang gamit.
Sumakay na sila sa tricycle. Pinagmasdan niya mula sa loob ng tricycle ang kanilang bahay.
Nang mapunta ang mga mata niya sa bintana sa ikalawang palapag ng bahay ay ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mata nang makitang nakaway sa kanya si Nadine na duguan. Ang lubos na ikinagulat niya pa ay katabi lang nito ang isang babaeng duguan. Nakatingin ito sa kanya nang matalim habang nakangiti ng nakakaloko.
“Ayos ka lang ba?” tanong sa kanya ni Manuel. Napansin nito siguro na gulat ang mga mata niya at nakatingin lang sa kawalan.
“Ahh…Eh…Wala, wala. Halika na. Sumakay na tayo. Baka gabihin pa tayo sa daan,” pag-iiba niya ng usapan.
Sumakay na sila ni Manuel sa tricycle. Sinulyapan niya ulit ang bintana ngunit nawala na ang mga nakita niya kanina. Nagawa pa niyang kusutin ang mata upang makasiguro ngunit wala talaga.
Guni-guni? sa palagay niya.