Not a match

1590 Words
Evere’s POV Limang missed calls ang nakitang kong nasa cellphone ko ng makarating ako sa restaurant. Alam kong kanina pa tumatawag si Sara at hindi ko iyon sinasagot. Actually, kagabi pa pala siya tumatawag pero hindi ko sinasagot ang calls niya. Hindi ko rin tinitingnan ang mga messages niya. Alam ko naman kasi na sisermonan lang niya ako dahil itinuloy ko pa din ang pag – absent ko kahapon. Pero hindi bale ng magalit siya sa akin. Mas importante sa akin si Raffie at ang magiging resulta ng test. Pinigil ko ang sarili ko na mapaiyak na naman. Magdamag na nga akong umiyak kagabi pero hindi ko na naman mapigil ang sarili ko. Sa malas, hindi kami match ng anak ko. Hindi ako puwedeng maging donor ni Raffie. Nakita ko si Rosie na nagtatanong ang tingin sa akin ng dumating ako. Halatang worried siya para sa akin. Mabilis niya akong sinalubong. "Bakit hindi ka pumasok kahapon? Nagpunta dito 'yung bagong may – ari. Nakakatakot sa sobrang istrikto. Dalawang empleyado ang tinanggal niya. Si Daisy at si Ellen. On the spot dahil late na kahapon tapos ng tingnan ang attendance, ang daming absent. Sobrang seryoso niya na ang sungit." Inayos ko ang apron ko. Itinali ko ang buhok ko at tiningnan ko ang nakasarang pinto ng opisina ni Sara. "Talaga? 'Di ba regular na sila Ellen?" Malakas naman ang loob kahit sabihin na tatanggalin ako dahil absent ako kahapon. May VL form ako at pirmado iyon ng manager. Maganda ang attendance ko. Kung may mga lates naman ako one minute, three. Pinaka - late ko na ang ten minutes. "Good mood ba si Sara?" Tanong ko kay Rose. "Hindi. Kahapon pa rin 'yan tensiyonado. Tapos absent ka pa. Nag - aalala siya na baka pati ikaw matanggal. Grabe ang bagong may - ari nito. Parang berdugo," pero bahagyang ngumiti si Rose. "Guwapong berdugo." Kinunutan ko siya ng noo. "Sobrang guwapo niya. Kahit nagagalit na siya grabe hindi namin maalis ang tingin sa mukha niya," pagkukuwento pa ni Rose. "Basta ang lakas ng dating niya. Makalaglag panty. Tapos kapag seryoso siya para mas lalong lumalakas ang appeal niya.” Magsasalita na lang ako ng bumukas ang pinto ng opisina ni Sara. Kunot ang noo at halatang aburido. Lalong sumeryoso ang mukha ni Sara ng makita ko. "In my office," sabi niya at muling pumasok doon. "Mainit ulo ni manager. Good luck," sabi ni Rose at tinalikuran na ako. Napahinga ako ng malalim at dumiretso sa opisina ni Sara. Naabutan ko siyang nakatayo at may kausap sa telepono. Mukhang problemado at nakahawak pa ang kamay sa ulo. Sinenyasan niya akong umupo. "I understand sir. Yes. I will inform them all. Thank you, sir. I'll see you later," narinig kong sabi niya. Nang maibaba ni Sara ang telepono ay tumingin lang siya sa akin. Hindi man siya magsalita, alam kong disappointed siya sa ginawa ko. "'Di ba sabi ko huwag mo ng ituloy ang leave mo kahapon? Bakit itinuloy mo pa rin? Gusto mo bang magaya kina Ellen at Daisy?" Kahit hindi mataas ang boses ni Sara ay para pa rin iyong pumupunit sa tenga ko. "I am sorry Sara but I need to know the result," bahagya ng nabasag ang boses ko. Alam kong mag - uumpisa na siyang magsermon sa akin. Huminga siya ng malalim. "How was it?" tanong niya. Umiling lang ako at tuluyan ng napaiyak. Napayuko ako sumubsob sa mga palad ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gustong - gusto ko ng bumigay. Naramdaman kong niyakap lang ako ng kaibigan ko. Hindi na niya ako pinagalitan dahil wala ako kahapon. Alam kong alam niya ang pinagdadaanan ko. "I am so sorry to hear that, Evere. I am sorry." Paulit – ulit lang niyang sabi. "Hindi ko na alam ang gagawin ko, Sara. Mahal na mahal ko si Raffie and it pains me everyday na makita siyang ganoon pero wala akong magawa," sa pagitan ng mga hikbi ay sabi ko. "Malalampasan mo din lahat iyan. Gagaling din si Raffie," sabi niya sa akin. "Matatanggal ba ako sa trabaho dahil sa pag - absent ko? Valid naman ang reason ko. If they want to check kung talagang nagpunta ako sa ospital they can check it. Ibibigay ko pa ang number ng doktor ng anak ko," sabi ko ng bahagya akong makahinto sa pag - iyak. Napahinga ng malalim si Sara. "The owner was disappointed kasi parang hindi daw inintindi ang sinabi niya na walang mag - aabsent. I tried to explain everything to him. Huwag mo na munang isipin ang tungkol dito. Huwag mo din munang isipin ang kalagayan ni Raffie. Focus ka muna sa trabaho," sagot niya. Tumango ako at pinahid ko ang mga luha ko. "Why don't you look for him?" Taka akong tumingin kay Sara. "Kanino? Sino ang hahanapin ko?" "Raffie's dad. Evere, this is too much for you. Hindi mo itong kayang mag - isa. And he might be a match for your daughter." Hindi ako sumagot at umiling lang. "Look, this is not the time para pairalin mo ang pride mo. Think about your daughter." "Sara, this is not about my pride. Tinalikuran niya ako. Ipinagpalit ako sa pera. Kami ng anak ko. At naka - survive kami ng pitong taon na wala siya. Hindi na siya kailangan ni Raffie. Wala siyang puwang sa buhay namin." Matigas na sagot ko. Napailing si Sara. "Kaya namin ito. Kami ni Raffie. Gagawin ko ang lahat para sa kanya pero mamamatay muna ako bago sila magkaharap ng lalaking iyon. Saka wala na akong balita sa kanya. Hindi ko alam kung saan siya dinala ng perang ibinayad sa kanya ng papa ko." "You hate him that much?" "Kung may malalim pang salita sa hate, iyon ang nararamdaman ko sa kanya. Nagmahal ako Sara. Higit sa buhay ko. Kaya kong talikuran ang lahat para sa kanya pero ng dahil sa fifty thousand pesos," natawa ako ng nakakaloko. "Ipinagpalit niya ako doon. Kung alam ko lang na pera lang ang kailangan niya sa akin, sana mas malaki pa ang naibigay ko sa kanya." First time ko itong nag - open kay Sara. Hindi niya alam ang buong detalye kung bakit kami nagkahiwalay ng tatay ni Raffie. "Pero ano ang plano mo ngayon? Kay Raffie?" "Sabi ng doctor niya stem cell therapy would help pero malaki - laking pera. Milyon at wala ako noon. Sa ngayon continue ang meds saka aasa kami na mapili siya sa foundation. Malaki naman ang pag - asa ko na mapili siya. Basta gagaling ang anak ko." Kahit walang kasiguraduhan ay paulit - ulit ko iyong sinasabi sa sarili ko. Ginawa kong busy ang sarili ko maghapon. Inalis ko sa isip ko ang tungkol sa pagkaka - absent ko kahapon. Sabi kasi ni Sara na kakausapin daw ako ng bagong may - ari. Kailangan ko daw magpaliwanag tungkol sa hindi ko pagpasok. Handa naman ako. Valid ang dahilan ko at may form akong ipapakita na pinirmahan iyon ni Sara. "Evere, sama ka mamaya?" Si Rose iyon. "Saan? Anong meron?" Naglilinis na lang kami ng mga gamit doon at nagre - ready ng umuwi. "Wala lang. Konting inom lang. Alam mo na. Sa stress natin sa bagong may - ari baka himatayin na lang tayo." Natawa ako. "Pasensiya na. Pero kailangan kong umuwi ng maaga. Gusto kasi ni Raffie na ilibre ko siya sa Jollibee." "Oo nga. Huwag 'nyo ng kayagin 'yang si Evere. Mas kailangan siya ng anak niya dahil alam natin na 'yung mga ganoong sakit eh hindi nagtatagal." Tiningnan ko ang nagsalita at nakita kong si Angel iyon. Kasamahan ko doon na hindi ko maintindihan kung matindi ba ang insecurity sa akin o inggit lang talaga sa miserable kong buhay. Tumahimik ang lahat ng marinig ang sinabi niya. "Angel, konting preno naman sa pananalita. Nakaka - offend ka," saway ni Rose. Dumampot siya ng basahan at pinunasan ang counter kung saan ako nagpupunas ng baso. "Wala namang masama sa sinabi ko. Totoo lang iyon. Meron kasi akong friend na ganyan ang sakit tulad ng sa anak niya. Buwan nga lang ang itinagal ayun tegi na." Sabi pa nito. Pabagsak kong binitiwan ang hawak kong pamunas at hinubad ang apron ko. "Enjoy your night out," sabi ko kay Rose at tinalikuran ko na sila. Hindi na nga ako dumaan sa office ni Sara para magpaalam. Pagka - time out ko ay diretso uwi na ako. Dumaan lang ako sa Jollibee para bumili ng paborito ni Raffie na chicken joy. Mahigpit na yakap ang salubong niya sa akin ng dumating ako. "Wow! May Jollibee pa ako," bulalas niya ng makita ang bitbit ko. "Siyempre. Halika kumain ka na." Inayos ko ang hapag para makakain siya. Excited na excited si Raffie habang kumakain ng pasalubong niya. Pinagmamasdan ko lang ang anak ko. Payat na payat. Namumutla. Nanlalalim ang mga mata. May mga pasa sa katawan. Wala namang masama sa sinabi ko. Totoo lang iyon. Meron kasi akong friend na ganyan ang sakit tulad ng sa anak niya. Buwan nga lang ang itinagal ayun tegi na Parang naririnig ko pa ang sinasabi ni Angel. Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang luha ko kaya mabilis ko iyong pinahid. Ngumiti ako kay Raffie ng makita kong nakatingin siya sa akin. "Kain ka 'nay," sabi niya. "Sige lang. Kain ka lang ng kain. Okay lang si nanay." Kahit hindi ako okay, pipilitin kong maging okay sa harap ng anak ko. Ayoko siyang mawalan ng pag - asa dahil sa kalagayan niya kahit iyon na ang nararamdaman ko ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD