Evere’s POV
"Nanay."
Umungol lang ako at tumagilid ng higa. Antok na antok pa ako dahil madaling araw na akong dinalaw ng antok kagabi.
"Nanay, gising ka na."
"Five minutes," paungol na sagot ko at sumubsob pa ako sa kama.
"Nanay may dugo kasi 'yung ilong ko."
Napadilat ako ng mata at mabilis akong bumangon. Nawala yata ang lahat ng antok sa katawan ko ng makita kong nakaupo sa gilid ko si Raffie at yakap ang teddy bear niya tapos ay nakasalo ang kamay sa bandang bibig dahil patuloy ang pag - agos ng dugo mula sa ilong niya.
"T - teka. Sandali lang," natataranta na ako. Kahit madalas mangyari ito ay talagang natataranta ako kapag nakikita kong puno ng dugo ang mukha niya.
Nadampot ko ang kumot ko at iyon ang inilagay ko pantuyo ng dugo.
"Nagharot ka ba? Sabi ko naman sa 'yo 'wag ka munang masyadong magpagod," marahan kong hinahaplos ang buhok ni Raffie.
"Hindi naman ako naglikot, nanay. Magkatabi lang kami ni teddy tapos bigla ulit ganyan. Ang dami 'no?" Inosenteng sagot niya.
Marahan kong tiningnan kung naampat na ang nosebleeding niya. Para akong nakahinga ng maluwag ng wala ng dugong tumulo doon.
Niyakap ko si Raffie at kahit gusto kong umiyak ay pinigil ko ang sarili ko. Ayokong makita ni Raffie na umiiyak ako at nawawalan ng pag - asa. Gusto kong makita niya kung gaano katatag ang nanay niya sa pagsubok na ito para kahit siya ay hindi panghinaan ng loob.
"Okay ka na ba?" Hinahaplos ang mukha ni Raffie. Hindi maganda ang kulay niya. Maputla pa rin. Payat pa.
"Okay na, 'nay. Maglalaro na lang po ulit kami ni teddy. Wala kasi si Nanay Conching nagpunta sa palengke."
"Sige lang. Anong gusto mong breakfast? May uwi akong lasagna kagabi. Gusto mo initin ko?"
"Sige po. Laro na kami ni teddy."
Sinundan ko lang ng tingin si Raffy habang dumiretso siya sa sala at naglaro.
Alam kong nalulungkot din si Raffie sa kalagayan niya. Hindi siya puwedeng makihalubilo sa mga batang naglalaro sa labas dahil madali siyang mapagod. Pero sa sobrang understanding ng anak ko, naiintindihan na niya kung bakit kailangan niyang nandito lang sa bahay at magpahinga.
Kahit alas dos pa ng hapon ang duty ko ay maaga akong pumasok sa restaurant. Nagpaalam din ako kay Raffie na gagabihin ulit dahil dalawa ang event na kailangan namin na asikasuhin ngayong araw. Dalawang birthday ang naka - book sa restaurant. Two years na rin akong nagta – trabaho dito sa Lafayette Kitchen. Isang kilalang Italian restaurant sa BGC. Tinulungan ako ng kaibigan kong si Sara na makapasok dahil isa siya sa mga managers ng restaurant. Bestfriend ko siya noong first year college ako at sa lahat ng mga kaibigan ko, siya lang ang nag – stick sa akin ng maghirap kami. Totoo ang kasabihan na kapag wala ka ng pakinabang sa mga tao, wala ka na ring kaibigan. Wala ng nakakakilala sa iyo. Naramdaman ko iyon nang maghirap si papa dahil lahat ng kaibigan at kakilala niya ay nawala. Sa dami ng utang niyang iniwan, pati ako hinahabol ng mga pinagkakautangan niya.
Napakunot ang noo ko nang papasok pa lang sa loob ay nakita kong naka – kulumpon ang mga kasamahan ko sa harap ng counter. Parang may seryosong meeting. Naroon si Sara na nagsasalita na parang may ipinapaliwanag sa lahat. Nakita kong sinensyasan ako ni Rosie na lumapit sa kanya.
"Anong meron?" tanong ko habang isinusuot ko ang apron ko pero nakatuon ang pansin ko kay Sara. Inayos ko din ang buhok ko para maitali at hindi sagabal sa akin sa trabaho.
"New management daw. Naibenta na pala itong restaurant last month pa," sagot niya sa akin. Tonong problemado. Alam ko kasi ay tulad ko, breadwinner din si Rose at nagpapaaral pa ng kapatid sa kolehiyo. Tumingin ako sa paligid ko at ganoon din ang nasa mukha ng ibang mga empleyado. Bakas ang kaba na baka matanggal kami sa trabaho.
Napalunok ako. Reality sinks in. Naibenta na ang restaurant? New management? Mawawalan na ako ng trabaho? Paano si Raffie?
Gustong – gusto kong itanong iyon. Hindi ko maipaliwanag ang kaba ko. Mahirap maghanap ng trabaho at mag - umpisa muli mula sa ibaba. Saka maayos na ang sweldo ko dito idagdag pa ang mga tips na bigay ng customers. Talagang nakakatulong iyon sa pagpapagamot ni Raffie.
Parang nabasa naman ni Sara ang nasa isip ko.
"According to the new management, every employee is going to stay. Salary will still be the same so as the benefits. Wala namang maiiba so there is no need to worry. There will be some minor changes lang dahil nga new management na but I think everything will be the same. That's all for now. Go back to your work," narinig kong sabi ni Sara.
Isa – isa ng nag – alisan ang mga kasamahan ko ng makita kong sinenyasan ako ni Sara tapos ay itinuro ang office niya. Sumunod na lang ako doon.
Naabutan kong pahilatang nakaupo sa upuan niya si Sara. Para bang problemado.
"Okay ka lang?" Tanong ko sa kanya at naupo ako sa silyang kaharap niya.
"No. Biglang - bigla ito. I didn't expect this. Alam kong may planong ibenta itong resto pero hindi ko akalain na last month pang naibenta. The transition is killing me. Mukhang mahigpit pa naman ang bagong may - ari," sabi ni Sara at hinilot - hilot ang sintido niya.
"Kailangan mo ba ng tulong? Pagtulungan natin. Anong gagawin?" Alam naman ni Sara na kaya ko ang mga clerical jobs dito. Madalas kasi kung may paperworks ay tinutulungan ko siya kaya hindi na siya kumukuha ng secretary niya.
Natawa siya at napailing.
"Kung ganoon nga sana talaga kadali. Alam mo bang hindi pa rin sinasabi sa akin kung sino ang nakabili? Basta Rafa Tolentino daw ang pangalan. Mayaman. Maraming chains of high end reataurants sa mga prime locations like sa Makati. Hindi ko maintindihan kung bakit niya binili 'to. Si Mr. Quan na nga ang nagsabi na maraming utang itong restaurant." Paliwanag ni Sara tapos ay tumingin sa akin at natawa. "Stress is eating me kaya kung ano - ano ang nasabi ko." Napahinga siya ng malalim. "Anyway, how's my Raffie baby?"
"Not good. Kanina dumugo na naman ang ilong. Nataranta ako. Kahit lagi ko siyang nakikitang ganoon hindi ko pa rin alam ang gagawin ko. Buti na lang nakasingit sa schedule sa Thursday. Appointment namin sa ospital. Doon ko malalaman kung match kaming dalawa para sa bone marrow transplant niya. Hopefully match kami ng anak ko," punong - puno ng sagot ko sa kanya.
"Let's pray everything will be fine. Gusto kong gumaling na ang inaanak ko," sagot niya sa akin.
"Sara, ano ba 'tong bagong management na sinasabi mo? Maapektuhan ba nito ang trabaho ko? You know I really need this job," talagang nag - aalala ako.
"Huwag kang mag – worry. Wala naman daw tatanggalin. Iyon daw ang ipinakiusap ni Mr. Quan sa nakabili. Sabi ko nga sino ba ang Rafa Tolentino na iyon. Ni - research ko na pero walang news na lumabas tungkol sa kanya. Basta mayaman lang daw na businessman. Maraming negosyo here and abroad. Pangatlong restaurant na daw itong binili this year sa lugar na ito. Siya na ang may - ari ng Alfredo's at Seaside,"sabi niya sa akin. Mga restaurants iyon na malapit - lapit dito sa amin. "Pupunta siya dito sa Thursday and he wants every employee to meet personally kaya ayaw niya ng may absent sa pagdating niya," sabi pa ni Sara.
Kumunot ang noo ko. Thursday? Hindi puwede. Naka - schedule na akong naka - leave ng Huwebes.
"Sara, naka – leave na ako sa Thursday. Last week ko pa iyon na – file at pinarmahan mo iyon," hindi puwedeng hindi matuloy ang appointment naming mag - ina sa doctor. Importante iyon para kay Raffie.
Nakita kong napangiwi si Sara na parang may malaking problema.
"Iyon nga sana ang sasabihin ko sa iyo. Baka puwede mong reschedule ang appointment mo sa doctor ni Raffie. Ayokong mag – absent ka sa Thursday dahil I know how you need this job. Baka makasira iyon sa first impression ng new owner sa iyo," paliwanag niya sa akin.
"Sa Thursday lang available for appointment ang doctor ni Raffie. Aalis na siya sa Biyernes for a conference sa US," sagot ko. Problema pa pala ito.
"I know Evere and I am sorry. Gusto ko mang pagbigyan ka pero kung hindi ka papasok, baka masira ang record mo. Isipin mong para din naman sa iyo ito. Don't be late on Thursday. Please," sabi pa niya.
Napailing na lang ako at painis na tiningnan ang hawak kong VL form. May magagawa pa ba ako ako dito? Importante ang trabaho ko pero mas importante ang kalagayan ni Raffie.