Looking Back
Evere’s POV
May ngiti ang mga labi ko at may pagmamadali ang bawat hakbang habang papasok ako sa loob ng inuupahan kong apartment. Sigurado akong hinihintay na ako ng anak kong si Raffie. Alam kong hindi siya nakakatulog ng mahimbing hangga't wala ako sa tabi niya kaya araw - araw pinipilit kong makauwi ng maaga. Pay day pa naman ngayon at napakaraming tao sa restaurant na pinapasukan ko kaya malaki – laki ang tip na nakuha namin ng mga kasama ko na nagta – trabaho doon. May maidadagdag pa ako para sa pampapagamot ni Raffie.
Napahinga ako ng malalim ng makapasok ako at maabutan ang anak ko na natutulog sa kama yakap ang paborito niyang teddy bear. Kahit nanghihinayang na hindi ko na siya naabutan na gising ay napangiti ako habang tinitingnan siya. Lumapit ako at inayos ko ang teddy bear para hindi mahulog. Talagang paborito niya ang teddy bear na ito na regalo ko pa sa kanya noong third birthday niya. Kahit gastado na, ito rin ang gusto niyang kasama sa pagtulog. Ngayon ko lang siya nakitang mahimbing at payapa. Hindi katulad ng mga nakakaraang gabi na palagi na lang niyang habol ang hininga niya. Bahagya akong napalunok at napapikit - pikit. Ayoko ng umiyak. Araw – araw ko na lang ginagawa iyon sa patong – patong na problema ko. Kailangan kong maging matatag para sa amin ng anak ko.
"Kakatulog lang niya. Mga ten minutes siguro. Hinihintay ka din kasi saka ang pasalubong mo," narinig kong sabi ng kung sino mula sa likod ko. Si Yaya Conching ang nakita kong nakatayo sa kusina at nagtitimpla ng kape.
"Salamat ho sa pag - aasikaso kay Raffie, Nana. Kung wala kayo hindi ko na alam kung ano ng nangyari sa akin," napayuko ako ng sabihin iyon. Talaga namang malaki ang utang na loob ko kay Nana Conching. Siya na ang tumayong nanay ko mula ng maliit pa ako. Nakita kong parang maiiyak si Nana sa narinig na sinabi ko kaya pinilit kong pasayahin ang boses ko.
"Kumain na ho ba kayo? May dala ho akong lasagna at cake. May nag – birthday kasi sa resto at ipinauwi na lang sa amin ang mga sobra sa handa," sabi ko at dinala ko ang paper bag na may lamang pagkain sa mesa. Isa - isa kong inilabas ang mga plastic containers at inihain sa kanya ang pagkain.
"Kumain na kami ni Raffie kanina. Nagpaluto ng tinolang manok. Nakakatuwa naman at marami - raming nakain. Inip na inip na iyan sa pag – uwi mo," natatawa na siya. Pero maya – maya lang ay napalitan ng pag – aalala ang masayang mukha niya. "Dumugo na naman ang ilong niya kanina. Nataranta nga ako. Akala ko hindi na titigil," sabi niya sa akin. Ipinakita niya sa akin ang isang puting tuwalya na punong - puno ng dugo.
Napalunok ako at napatingin ulit sa anak ko. Napapadalas na naman yata ngayon ang pagdudugo ng ilong niya. Hindi ko na alam kung paano magagawan ng paraan iyon.
"Evere, huwag ka sanang magagalit sa sasabihin ko," alanganing sabi ni Nana Conching.
"Ano ho 'yun Nana?"
"Hanapin mo na kaya siya, Evere. Kailangan niyang malaman ang kalagayan ng anak mo. Hindi mo kakayanin mag - isa ang sakit ni Raffie," sabi niya sa akin.
Hindi agad ako nakasagot sa sinabi ni Nana Conching. Tingin ko sa kanya ay wala na siyang pag - asa at desperado na siya para masabi niya iyon. Alam niyang ayokong makarinig ng kahit na ano tungkol sa taong iyon. Mabilis akong umiling.
"Iha, para naman kay Raffie iyon. Naaawa na ako sa anak mo at naawa na ako sa iyo," at napaiyak na si Nana Conching. "Hirap na hirap na pero wala naman akong maitulong. Kailangan mo ng katuwang para sa kalagayan ni Raffie." Alam kong mahal na mahal niya ang anak ko at nahihirapan din siyang nakikita ang kalagayan ni Raffie.
Napahinga ako ng malalim. Gusto ko na ring umiyak pero pinigil ko ang sarili ko. Bumigay na si Nana Conching kaya ayoko siyang sabayan. Walang mangyayari sa amin kung pareho kaming magmumukmok.
"Nana, kinakaya ko ho ang lahat. Makakaya natin ang lahat. Ang pera, magagawan natin ng paraan 'yan. Tumutulong pa rin ang foundation para sa pagpapagamot ni Raffie," sagot ko sa kanya.
"Pero alam kong napapagod ka na. Ang payat mo na. Maghapon ka sa trabaho tapos pag - uwi mo dito aasikasuhin mo naman ang anak mo. Baka ikaw naman ang magkasakit." Lumapit pa sa akin si Nana Conching at marahang hinaplos ang mukha ko.
"Hindi ko sinasabing makipagbalikan ka sa kanya. Ang sa akin lang, karapatan din niyang malaman na may anak kayo at tumulong siya sa pagpapagamot sa anak ninyo." Paliwanag pa niya.
"Tinalikuran na niya ako, Nana Conching. Pitong taon na. Sigurado akong malalampasan namin ito lahat ni Raffie. Ginagawa ko ho ang lahat ng makakaya ko at hindi natin kailangan ang tulong niya. Hindi ko na rin alam kung saang lupalop ng mundo nandoon ang hayup na iyon." Napahinga ako ng malalim. "Sa Huwebes ko po malalaman ang resulta kung match kami ni Raffie ng bone marrow. Sigurado naman po akong magka – match kami ng anak ko kaya matutulungan ko siya para sa bone marrow transplant niya. Huwag ka ng mag - alala, Nana." Hinawakan ko ang kamay niya. Pilit kong pinatatag ang sarili ko kahit alam ko na walang kasiguraduhan na magka – match kami ni Raffie. Doktor na mismo ang nagsabi sa akin na huwag akong masyadong umasa na magka – match kami pero hindi ako tumitigil sa pagdarasal.
Last year ko lang nalaman na may Aplastic Anemia ang aking si Raffie. Kaya pala madalas noon madali siyang mapagod at laging nahihilo. Medyo maputla din ang kulay niya pero sabi ng isang doctor na pinatingnan ko noon normal lang daw at kulang lang sa vitamins. Nag – worry na ako ng makakita na ako ng mga pasa – pasa sa katawan niya at madalas ng dumugo ang ilong niya.
Noon ko nalaman ang sakit ng anak ko. Iyak ako ng iyak dahil kahit hindi ko maintindihan ang mga ipinapaliwanag ng mga doctor sa akin dahil iisa ang alam ko. Malubha ang sakit niya at maaari siyang mawala sa akin. Kaya mula noon, pabalik – balik na kami sa doctor at ospital. Doble kayod ang ginagawa ko para lang matustusan ang pagpapagamot niya. At mabuti na lang din, isang foundation para sa mga batang maysakit na katulad nito ang tumutulong sa amin. Sa kanila nga galing ang sponsorhip para sa bone marrow transplant operation ni Raffie.
Hindi naman namin dapat problema ang pera. Kilalang negosyante sa Bicol ang pamilya ko. Napakarami naming lupain at mga sakahan. Pero kahit marami kaming pera, mas maraming tao sa lugar namin na ang pagkakakilala sa ama ko ay masamang tao. Wala siyang patawad sa mga taong may utang sa kanya. Hindi siya marunong maawa kahit alam na niyang walang kayang ipambayad ang mga may utang sa kanya, kailangan niyang masingil ang mga iyon. Wala siyang patawad na kahit sofa, lumang radyo o tv ay kukunin niya kahit mahubaran ang sinumang may utang sa kanya.
Itinigil ko na ang pag – iisip kung anong nangyari sa nakaraan ko dahil talagang bumabalik ang taong iyon. Kung mayroon man akong gustong burahin sa buhay ko, iyon ay ang araw na nakita ko siya at ginawa kong parte ng buhay ko. Ayoko ng balikan ang mga bagay na kasama ang lalaking iyon.
“Pasok lang ho ako sa kuwarto Nana. Matulog na din ho kayo. Kailangan 'nyo rin ng pahinga," paalam ko sa matanda at iniwan na siya doon.
Si Nana Conching ang taong walang sawang nag – alaga at tumulong sa akin. Siya na ang nagpalaki sa akin mula ng mamatay si mama nung three years old pa lang ako. Nang mamatay si papa at maubos ang pera namin dahil sa pagwawaldas ng step mother ko at uncle ko, Si Nana Conching ang kumupkop sa akin hanggang sa dalhin niya ako dito sa Maynila ng malaman niyang buntis ako. Hindi na niya ako pinayagan na bumalik pa ng Bicol dahil wala daw maayos na buhay ang naghihintay sa akin doon. Wala na daw akong babalikan dahil lahat ng kabuhayan namin ay naubos na. Lahat ng lupain namin, lahat ng negosyo ay naibenta na sa iba. Pati ang ancestral house doon ay ibinenta din ng uncle ko. At isa pa, maige na rin na itinago ako ni Nana Conching para hindi na rin ako matagpuan ni Jerome.
Sa tuwing maiisip ko ang nangyari ay hindi ko mapigil ang sarili kong magalit kay Papa. Pinabayaan niya ako. Pinabayaan niyang masira ang buhay ko para lang sa kapritso ng babae niya.
At sa taong iyon.
Sa taong pinag - alayan ko ng buhay ko.
Sa taong minahal ko higit pa sa sarili ko.
Sa taong akala ko ay maglalayo sa akin sa piling ni papa.
Sa taong iyon na ipinagpalit ako sa halagang fifty thousand.
Ipinagpalit niya ang pagmamahal ko at ang anak ko sa halagang fifty thousand pesos.