"Lola, kailan po ba tayo babalik ng Pilipinas?" Out of nowhere ay tanong ko kay Lola Fely. Dito ko siya natagpuan sa garden pagkatapos na manggaling ako sa aking kwarto.
Tumingin si Lola Fely sa akin at bahagya niyang itinaas ang kanyang salamin para maaninag akong mabuti.
"Bakit? Gusto mo bang bumalik ng Pilipinas, Fionah? Maganda na ang buhay natin dito sa Amerika, bakit tinatanong mo pa kung babalik tayo ng Pilipinas?" tanong sa akin ni Lola habang inaaninag akong mabuti.
Pinagsalikop ko ang mga palad ko at nahihiyang tumingin sa kanya.
"K-Kasi po, La, sayang naman ang scholarship ko sa Hanzford University. Pinaghirapan ko po 'yon at gusto ko na maka-graduate po roon gaya ng pangako ko sa inyo noon."
"Ayaw mo bang mag-aral dito? Malapit na ang pasukan. Aasikasuhin na namin ang pag-aaral mo rito, apo." Umayos ng upo si Lola at binigay ang buong atensyon sa akin.
Napansin ko na naggagantsilyo siya. Naiinip na marahil siya rito sa bahay dahil bihira lang siya makalabas ng bahay. Malamig sa labas at nirarayuma siya kapag matagal siyang na-exposed sa labas.
"Hindi naman po sa ayaw ko, Lola. Pero nasasayangan po kasi ako sa scholarship na nakuha ko sa Hanzford University. De-kalidad din naman po ang itinuturo nila roon dahil advance learning po sila."
Pinaghirapan kong makuha ang scholarship na 'yon. Nagsunog din ako ng kilay para ma-maintain ang mga grades ko kaya nasasayangan ako na hindi ituloy ang pag-aaral ko sa HU.
Pwede naman siguro akong makiusap sa mga dean doon at kay Ziel na siyang may-ari ng school. Pwede ko pa rin naman siguro ituloy ang scholarship ko kahit isang taon akong natigil sa pag-aaral.
I have valid reasons at hindi naman siguro nila ako basta aalisan ng scholarship. Tutal, na-maintain ko sa uno ang mga grades ko at wala akong masamang record sa school.
Kaya lang, paano ko kakausapin si Ziel kung ganitong masama ang huli naming pag-uusap?
Baka ipilit niya sa akin na nagkaroon kami ng relasyon kahit na wala naman akong natatandaan. Naisip ko, lasing lang siguro siya o kaya naman ay nag-take talaga siya ng drugs kaya kung anu-ano ang nasabi niya sa akin.
"Kakausapin ko ang Lolo mo at ang nobyo mong si Xenon tungkol dito. Wala sa akin ang desisyon apo kaya hintayin natin kung ano ang masasabi nila."
Tumaas ang kilay ko sa sinabi ni Lola. "Bakit kasali po si Xenon sa pagdedesisyon? Nobyo ko lang siya at wala siyang karapatan na panghimasukan ang mga ganitong klase ng desisyon ko." Bakit ba niya nasabi na kailangan malaman din ang desisyon ni Xenon dito? He is not part of our family.
Bestfriend turned boyfriend ko lang siya. Wala pa rin siyang karapatan na pangunahan ang mga desisyon ko.
"Alam ko, Fionah. Pero ilagay mo rin sa utak mo na malaki ang utang na loob namin sa kanya dahil nadugtungan ang buhay mo. Kung hindi dahil sa kanya matagal ka na naming binaon sa lupa."
Hindi na ako nagkomento pa sa sinabi ni Lolo Fely. Wala naman koneksyon iyon sa usapan namin dahil wala naman talagang karapatan si Xenon na panghimasukan ang personal ko na buhay.
Nobyo ko pa lang siya, hindi pa asawa. At kahit asawa ko pa siya, may desisyon ako na hindi niya pwede salungatin lalo na at gusto ko iyong gawin.
"Alam ko po 'yon, Lola. Pero wala pa rin pong karapatan si Xenon na magdesisyon kung anong gusto kong gawin sa buhay ko. Sa Hanzford University ko po gusto magtapos ng pag-aaral. Hayaan po ninyo at kakausapin ko siya pagdating niya rito sa Sabado. Gusto ko pong humabol sa klase tutal last week pa lang naman po nagsimula ang klase roon. Magpapatulong po ako kay Xenon."
"H-Hindi ka pa magaling, Fionah. You're still under taking your medication at alam kong iyan din ang sasabihin sa iyo ni Xenon kapag dumating siya rito."
"No, Lola. I'm okay and you know that. Lahat ng sugat sa katawan ko ay naghilom na. Iyong gamot na lang na isa ang iniinom ko dahil iyon na lang ang nireseta ng doktor sa akin. I know I'm fully healed. Siguro naman hindi ko na rin kakailanganin ang gamot na 'yon."
Nag-iwas ng tingin sa akin si Lola Fely nang muli siyang magsalita. "W-We will ask your doctor about that. In the meantime, you still take your medicines para makatulog ka ng mahimbing sa gabi," aniya sa boses na garalgal.
Napatanga ako sa mukha niya. Is she nervous or what? Nagkamali lang ba ako ng tingin at dinig sa ginawi niya?
Is there something wrong with her words?
"Pero Lola, ayoko na po sanang inumin ang mga 'yon," reklamo ko. Binalewala ko ang nakita kong reaksyon niya. Nag-o-overthink naman ako. Hindi pa rin kasi ako makapaniwala up until now na ganito na sila kabait at kaalaga sa akin.
I still remembered how they treat me bad and it's hard to move on from it.
Sumasakit kasi ng matindi ang ulo ko pagkatapos kong mainom ang gamot at ang dami kong weird na napapanaginipan. Lalo na ang pangalang Zion na lagi kong iniiyakan kapag gumigising ako sa masamang bangungot na 'yon.
I want to tell them about this. Umuurong lang ang dila ko dahil baka isipin nilang hindi pa ako magaling at kailangan ko pang mag-stay dito sa America.
Ayokong mabulok dito dahil pakiramdam ko may malaking kulang sa pagkatao ko na naiwan sa Pilipinas. Kaya hangga't maaari I act normal kahit na gustung-gusto ko na sabihin sa kanila na ayaw ko ng inumin ang gamot na 'yon.
"Why? Reseta ng doktor 'yan sa iyo at kailangan na mainom mo 'yan hanggang sa maubos pa ang isa pang botelya ng gamot na 'yon," aniya sa istriktong tono. Lihim akong napabuga ng hangin.
"Pero kasi Lola, sobrang sakit po kasi ng ulo ko pagkatapos kong makainom ng mga gamot na 'yon," sinabi ko ang totoo. But I won't tell her about my weird dreams. Baka mas lalo pa nilang dagdagan ang dosage ng gamot ko kapag sinabi ko 'to. Ayoko na rin bumalik ng ospital dahil naalibadbaran ako sa lugar na 'yon. Pakiramdam ko nakamasid sa akin si Kamatayan sa lugar na 'yon at handa na akong sunggaban ano mang oras.
"I-It's a sign that you're healing fully," she stammered. Hindi ba siya kumbinsido sa sinabi niya? "Kaya uminom ka lang ng uminom ng gamot na 'yon sa gabi para tuluyan ka ng gumaling. Malay mo, pumayag pa si Xenon na bumalik tayo ng Pilipinas at ipagpatuloy mo ang pag-aaral mo sa Hanzford University."
Sabagay, tama si Lola. Pero wala pa rin karapatan si Xenon sa mga desisyon na gagawin ko.
"Ilang buwan ko pa po bang iinumin iyon? Nagsasawa na rin po kasing uminom ng mga gamot." Pinakaswal ko ang tono ko para wala siyang mapuna na mali sa tanong ko. Ngumiti rin ako para ipakitang normal lang ang tanong ko.
"Kapag naubos mo na ang isa pang botelya, apo. Be patient, tuluyan ka rin na gagaling." Ngumiti si Lola at masaya akong tinapik sa balikat. Pagkatapos ay itinuloy na niya ang ginagawa niya.
Gagaling ba talaga ako? Pakiramdam ko kasi mas lalo akong magkakasakit sa mga gamot na 'yon.
Feeling ko magkakaroon ako ng emotional breakdown dahil palagi akong umiiyak sa umaga habang masakit sa parteng dibdib ko. Feels like I'm longing for something that I can't point out.
Kung ano man iyon. I need to find some answers. Aalamin ko rin kung sino si Zion dahil lagi siyang laman ng mga panaginip ko.
Nagluto ako ng hapunan namin ni Lola nang matapos ko siyang iwanan sa garden kanina. Hindi pa dumarating si Lolo Rico at hindi ko alam kung anong pinagkakaabalahan niya sa labas.
Panay ang labas niya at ginagabi na sa uwi. Alangan naman na nagtatrabaho si Lolo, matanda na siya para magtrabaho pa.
Isa pa, may pera naman silang malaki sa bangko. Idagdag pa ang pension nila na malaki rin at buwan-buwan nila natatanggap.
"Kain na po tayo, La," tawag ko kay Lola Fely na nakaupo sa may sofa sa sala habang nanonood ng balita sa telebisyon.
"Mauna ka na, apo. Hihintayin ko pa ang Lolo mo. Alam mo naman 'yon, 'di na kakain kung 'di ako kasalo sa mesa," saad ni Lola.
"Gugutumin po kayo kapag hinintay pa ninyo si Lolo."
Kadalasan kasi ay mga alas-otso na umuuwi si Lolo. Kung minsan naman ay mas maaga naman kaya nakakasalo pa niya si Lolo Rico sa pagkain. Hindi ko naman mapilit si Lola na saluhan ako dahil gaya nga ng sabi niya. Gusto niya itong hintayin para may kasalo ang matandang lalaki.
"Ayos lang ako, apo. Manonood pa naman ako ng balita kaya ayos lang na hintayin ko siya."
"Kayo po ang bahala, Lola. Maiwan ko na po kayo rito at mauna na akong kumain."
Wala akong nakuhang sagot kay Lola Fely kaya kaagad na akong tumalikod at tinungo ang kusina.
I eat alone and lonely. Parang nasanay ako na may kasabay sa pagkain kaya parang hinahanap ko ang presenya ng mga taong nakakasabay ko sa pagkain.
Hindi ko naman maalala kung sina Lolo at Lola iyon dahil malayo nga ang loob nila sa akin noon.
Napailing ako sa aking naisip. Lately, nagiging weird na yata ako. Kung anu-ano na ang pumapasok sa isipan ko simula nang magkita kami ni Hanziel.
I don't know pero parang nagulo niya ang tahimik kong mundo. Lalo na at hindi pa maalis sa isipan ko ang sinabi niyang may amnesia ako.
Mabilisan ang ginawa kong pagkain. Mawawalan ako ng gana kapag nagdahan-dahan ako sa pagnguya.
Nang matapos ako ay kaagad ko rin hinugasan ang mga pinagkainan ko. Kaagad na akong umakyat sa ikalawang palapag at didiretso na sana sa aking kwarto nang mapatingin ako sa kwarto ni Xenon.
Humakbang ako papunta rito nang makita kong nakabukas ito. Hindi yata niya nai-lock nang umalis siya nang nakaraan at naiwan itong bukas.
Binuksan ko ito at balak na sanang i-lock mula sa loob nang ma-curious ako kung ano ang itsura ng kwarto niya.
Never pa kasi akong nakapasok dito dahil madalas na sa kwarto ko siya pumupunta. Isa pa, nahihiya akong pumasok sa kwarto niya dahil baka kung anong maruming eksena ang pumasok sa kukote ng mga grandparents ko.
Madilim na kwarto ang bumulaga sa akin nang tuluyan na akong makapasok ng kwarto. Kaagad na hinanap ko ang switch button sa pader at ini-on ang ilaw.
Umawang ang bibig ko nang tumambad sa mga mata ko ang 'di ko inaasahang makikita sa kwarto niya.
Natutop ko ang aking bibig habang nanlalaki ang aking mga mata.