Chapter Two

1605 Words
“Heart, andiyan ka na pala,” sigaw ni Nanay mula sa loob ng bahay “Ace? Naku, Ace buti naman at napadalaw ka.” Nakangiting dagdag ni Nanay nang lumabas siya at tuluyang makita si Ace. Ngumiti si Ace sa kanya at nagmano. “Magandang araw ho, Tita Martha,” nakangiting bati ni Ace. “Magandang araw rin, pumasok muna kayo sa loob habang hinahanda ko ang hapunan. Sumabay ka nang kumain sa amin, Ace,” nakangiting saad ni Nanay. Marahan namang tumango si Ace at ngumisi sa akin. “Sige po, susunod na lang kami ni Heart. May paguusapan lang po kami saglit.” Magalang na sagot ni Ace. Tumango naman si Nanay at nakangiting bumalik sa loob ng bahay. Tumingin sa akin si Ace at ngumisi, “Ano, naalala mo pa?” mahinang tanong niya. Ngumisi naman ako at marahang hinampas ang matikas niyang braso. “Pinagti-tripan mo na naman ata ako eh. Ano ka ba, wala na iyon ‘no.” kinakabahang saad ko. “Siguro para sa ‘yo wala na iyon, well, not for me.” Nagkibit balikat siya at pumasok na sa loob ng bahay namin. Napasinghap ako at nakahinga nang maayos ng mawala na siya sa harapan ko. Mataman akong nakatitig sa bahay nina Ace habang inilalabas ang kanilang mga gamit at isinasakay sa isang malaking truck. Hindi ko alam pero nakakalungkot ang ideyang aalis na sila. “Ba’t nakasimangot ka? Mami-miss mo ‘ko ‘no?” nakangising tanong ni Ace na bigla na lang sumulpot sa tabi ko. Hindi ako sumagot. Tumingin lang ako sa kanya. Sino ba namang hindi malulungkot eh halos sabay na kaming lumaki? Kasalukuyan akong nasa first year high school, at ganoon din siya. Napansin ata ni Ace na ayaw kong sumagot kaya sumeryoso rin ang mukha niya. “Hindi naman por que lilipat na kami ng bahay ay hindi na tayo magkikita. Dito pa rin naman kami sa Tarlac. Atsaka papasok tayo sa iisang eskwelahan.” Nakangiting saad niya. “Kahit na. Iba pa rin kasi kapag andito ka at kasama kong nakatambay lagi kapag walang pasok.” Sagot ko naman sa kanya. “At maglaro ng taguan?” nakangising tanong niya. Ngumisi rin ako at umiling. “Baka kurutin na naman ako ni Nanay. Malaki na raw ako at hindi na dapat makipaglaro.” “Sabi mo eh,” tapos ay seryosong tumingin siya sa kanilang bahay. Pinapanuod ang mga lalaking nagbubuhat ng kanilang mga gamit na isinisilid sa truck. “Sino nang titira riyan?” tanong ko. Saglit na tumingin sa akin si Ace bago umiling. “Binenta na si Mama at Papa. Ayoko nga sana pero ang sabi nila nakabili na sila ng mas maganda,” Marahan naman akong tumango sa sinabi niya. “Darating ang araw na bibilhin ko ulit ito.” Marahan akong humalakhak sa sinabi niya. “Mangarap ka. Ang tamad mo kayang magaral, tapos basagulero ka, tapos lagi mo pa ‘kong iniinis,” sumimangot si Ace sa sinabi ko. “Akala ko ba gusto mo ng badboy type?” kumunot ang noo ko sa sinabi niya. “Nabasa ko iyong kwentong ginagawa mo sa notebook mo.” Sinamaan ko siya ng tingin sa idinagdag niya. “Nobela lang iyon. Atsaka hindi naman ibig sabihin na badboy ang hero ko ibig sabihin ay gusto ko na rin ng badboy. Paano nga pala napunta iyon sayo? Ang tagal kong hinahanap iyon akala ko nawala na.” Ngumisi naman siya. “Naiwanan mo sa desk mo noong grade six tayo. Hindi ba Spade ang pangalan ng Hero sa nobela? Tapos si Diamond ang Heroine. Ayoko sanang isipin pero kahit saang anggulo, tayo ang tinutukoy eh.” Namula ako sa sinabi niya kasi alam ko na totoo. Nanatili lang akong nakatingin sa kanya at hindi makapagsalita. Lumapit si Ace sa akin at marahang iniangat ang mukha ko gamit ang kaliwang kamay niya, “Gusto kita, Heart. Gustong gusto kita. Kaya ako naging ganito dahil sa ‘yo. Kasi akala ko mapapansin mo ‘ko. Pero huwag kang magalala kasi babaguhin ko ulit ang sarili ko. Magsisikap ako para dumating ang araw na maging karapat-dapat ako sa ‘yo. Heart, darating ang araw na liligawan at pakakasalan kita.” “Heart!” Bigla akong bumalik sa reyalidad nang sumigaw si Tatay na nasa harapan ko pala, “Tulala ka riyan. May bisita ka na nsa loob baka nakakalimutan mo? Pumasok ka na, magbihis ng pambahay at kakain na niyan tayo.” Tumango ako at agad na pumasok sa loob. Naabutan ko si Ace na naka upo sa upuan naming gawa sa kawayan na nasa sala, kausap niya si Boyet, ang kapatid ko na nasa fourth year high school pa lang habang nanunuod sila ng basketball. Agad naman akong pumasok sa silid ko at nagpalit ng pambahay, pagkatapos ay lumabas ako at umupo sa tabi ni Boyet. “Ate, ang sikip na dito. Doon ka na tumabi kay kuya Ace,” reklamo ni Boyet habang nagkakamot pa ng ulo. Sinimangutan ko naman siya at umupo sa tabi ni Ace. “Did I just made it awkward for you?” kinakabahang tanong niya. Ngumiti naman ako at umiling. “Uhm, Iyong n-notebook ko nga pala na may k-kwento, n-nasa iyo pa ba?” kinakabahang tanong ko. Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Ace at tumango. “Hindi naman kumpleto ang istorya. If you want I can give it back to you. Basta kumpletuhin mo at ipabasa sa akin, ha?” nagkibit balikat naman ako. “S-Susubukan ko.” Ang tanging naisagot ko. “Nakahanda na ang hapunan,” sigaw ni Nanay kaya agad kaming tumayo at nagpunta sa may kusina. Naabutan namin na nakaupo na sina Nanay at Tatay sa hapag kainan. Umupo naman ako sa harap ni Nanay, si Ace ay umupo sa tabi ko at si Boyet ay umupo sa tabi ni Nanay. “Buti hijo at napadalaw ka?” tanong ni Tatay habang kumakain kami. “Inihatid ko lang ho si Heart, atsaka matagal-tagal na rin po kasi akong hindi nakakapasyal dito.” Sagot naman ni Ace. Tumango si Tatay at ngumiti. “Ano, nililigawan mo na ba ang anak ko?” nakangising tanong ni Tatay. “Tay!” saway ko sa kanya na sinuklian lang niya ng halakhak. “Kung okay lang po sana.” Mahinang sagot naman ni Ace na ikinatindig ng balahibo ko. “Okay lang naman. Atsaka matagal ka nang nagpaalam sa akin ‘di ba?” kunot noong tumingin naman ako kay Tatay, “Nagpa-alam siya bago pa sila umalis dito.” Hindi na ako nagsalita. Hindi ko alam kung dapat na ba akong maniwala kung may gusto sa akin si Ace dahil napakatagal nang panahon iyon. “Siya nga po pala Tito Arnold, baka pwede ko naman pong ipagpa-alam si Heart sa makalawa, birthday ko po kaya magpapahanda si Mama ng maliit na salo salo. Sumama na rin po kayo kung wala kayong gagawin.” Anyaya ni Ace. Nagkatinginan naman sina Nanay at Tatay at ngumiti. “Nako hijo, alam mo naman na madami kaming ginagawa. Si Heart at Boyet na lang ang isama mo.” Nakangiting sagot ni Nanay. May maliit na karinderya si Nanay habang nagta-trabaho naman sa barangay si Tatay bilang isang kagawad. At kapag wala siyang ginagawa ay tinutulungan niya si Nanay para hindi raw masyadong mapagod si Nanay. “Nay, may lakad po ako sa makalawa, gagawa kami ng project sa kabilang kanto kasama ang mga kaklase ko.” Tumingin naman sa akin si Boyet, “Ikaw na lang ate.” Dagdag pa niya. “H-Hindi na lang din siguro. Nakakahiya.” Mahinang sagot ko. “Hindi ‘yan. Atsaka para makita ka ulit nina Mama at Papa, alam mo naman na sobrang gusto ka ng mga iyon noong mga bata pa tayo, hindi ba?” huminga ako ng malalim at marahang tumango. “Sumama ka na Heart, anong oras ba iyon hijo?” si Tatay ang nagtanong. “Pagkatapos po ng klase, tapos gabi na matatapos. Siguro po tapos na rin kayo sa trabaho no’n.” Sagot ni Ace. “Malamang. Kaya lang alam mo naman kung gaano nakakapagod ang trabaho ng Tita Martha mo, kaya kailangan ay maaga kaming nagpapahinga. Ihatid mo na lang si Heart bago mag-alas onse at sabado naman iyon, walang pasok kinabukasan.” Malawak ang ngiting pinakawalan ni Ace at tumango. Pagkatapos kumain ay nagpahinga pa si Ace saglit sa bahay habang nakikipagkwentuhan sa pamilya ko. Nang magpasya na siyang umuwi ay kinuha niya ang numero ko na agad ko namang ibinigay. “Nay magpahinga na po kayo. Ako na ang maglilinis ng pinagkainan,” saad ko kay Nanay nang maka-alis na si Ace. “Mabuti pa nga at pagod ako, isara mo ang pintuan bago ka matulog ha?” tumango ako at ngumiti kay Nanay. Agad ko naman nilinis ang mga pinagkainan namin at pagkatapos ay nagpasyang lumabas upang maisara ang gate. Pagkatapos kong masigurado na sarado na pati ang pintuan ay pumasok na ako sa kwarto ko para makapagpahinga. Saglit akong napatingin sa cellphone ko. Saka ko lang nakita ang mensaheng ipinadala ni Ace. Ace: Nasa bahay na ako. Sa makalawa ha? Napangiti naman ako sa mensaheng ipinadala nito at hindi ko alam kung bakit kaya agad akong nagtipa ng mensahe para sa kanya. Ako: Okay. Ace: Matutulog ka na ba? Ako: Oo. Ace: Sige, Goodnight po mahal ko. Malakas ang kabog ng dibdib ko sa nabasa mula sa kanya. Hindi ko alam kung anong epekto ang meron si Ace sa akin pero kahit simpleng galaw lang niya mula noon ay hanggang ngayon ay apektado ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD