"Welcome, Sir," tinanguan ni Zinc ang guard pagpasok nito. Nang ginawa niya iyon ay sinigurado pa rin niyang hindi makakawala sa paningin niya ang dalawa.
Pumwesto siya sa pinakamalapit na mesa mula kina Aian at Fate. Nakaupo sila sa tabi ng transparent na pader ng restaurant at sa tapat nila ay ang mesang inuupuan ni Zinc. Malaya niyang makikita ang mga gagawin nila at maririnig ang pinag-uusapan nila. Ang kailangan niya lang gawin ay magkunwari na may ibang ginagawa para akalain nilang hindi siya kahina-hinala.
Nakasuot siya ng navy blue shirt at maong pants. Itim ang kulay ng jacket niya, may cap, at shades.
"Anong gusto mong kainin?"
"Ikaw ang bahala, Ginoo."
Inilabas ni Zinc ang phone niya at nagkalikot. Nilapitan siya ng isang waiter at nagtanong kung may oorderin ba siya. Nang sabihin niya na ang pagkain ay umalis na ang waiter. Kinailangan pa niyang baguhin ang boses niya para lang hindi mahalata ng waiter na siya si Zinc Craig at para hindi siya marinig ng dalawang kanyang minamanmanan.
"So, ahm, kamusta ka? Masaya ka ba?" panimulang tanong ni Aian.
Tss. Syempre ayos lang siya. Wala naman siyang dahilan para hindi maging okay noh.
"Oo, maayos naman ako."
Tama 'yan. Huwag kang sasagot sa mga tanong na magpapahaba ng pag-uusap niyong dalawa.
"Narinig ko na kay Zinc ka daw nakatira ngayon ah. Bakit?" nang marinig ni Zinc ang tanong na iyon ni Aian ay agad itong nagpanic. Hindi niya kasi naisip na maaaring magtanong si Aian ng ganoon at hindi nila napaghandaan.
Sumagot ka ng maayos. Huwag kang magkakamaling sumagot ng hindi tama.
"Magpinsan kami," agad na bumukas ang mga mata ni Zinc. Nakapikit iyon dahil nagdadasal siya na sana ay tama at angkop ang sasabihin ni Fate.
"Talaga? Sa side ng mama mo o papa mo?"
"Sa... mama."
"Oh. Maayos naman bang kasama si Zinc?"
Damn. Ang weird na marinig na ako ang pinag-uusapan nila. Pero mas okay na 'yon kaysa naman iba.
"Hahahaha. Ayos naman ang ugali niya."
"Buti at natitiis mo ang ugali ng pinsan mo ano? Ganun ba talaga siya?"
Ano ba ako?
"Ano ba siya?"
"Kasi... alam mo na... hindi maganda ang ugali niya. Hindi minsan eh, para ngang palagi eh," tinapos ni Aian ang pahayag niya sa isang tawa.
"Ano kayang gagawin niya kapag marinig niya ang sinabi ko, ano? Hahahaha."
Hindi mo lang alam. Baka kapag nagkita tayo, bibigwasan kita.
Natawa si Fate sa sinabi ni Aian. "Medyo nagbago naman na ang ugali ni Zinc. Hindi na katulad ng dati na..."
Na?
"Na sobrang sama talaga. Ngayon, maayos na siya."
"Ah. Mabuti naman. Alam mo kasi, akala ko naging masama lang ang ugali niya dahil inagaw ko sa kanya si Luna. All throughout akala ko ganun talaga. Hindi ko alam na inborn pala ang pagkaganun niya."
Si Luna. Tss.
"Si Luna? Sinong Luna?"
"Si Luna, siya yung babaeng pinag-awayan namin ni Zinc dati. Pero... matagal na 'yon! Hahaha. Pwede bang huwag na nating balikan?"
"Oo nga. Baka nga kaya hindi sakin nakekwento ni Zinc ang tungkol kay Luna ay dahil gusto niya ng makalimutan ang tungkol sa dalaga."
"Anyway, anong sabi ni Zinc? Pumapayag ba siyang ibalik ka ulit sa trabaho mo? Alam mo kasi... hindi ko naman inaasahan na may mangyayaring masama sayo para maging sanhi ng pag-alis mo sa trabahong inalik namin. Sa totoo lang, ikaw na yung perpektong tao na nakuha namin para sa trabahong 'yon. Yung mukha mo, yung hubog ng katawan mo, pati na rin yung ugali. Kaya nung malaman kong nagdesisyon si Zinc na huwag ka ng isama sa trabaho ay nalungkot talaga kami."
"Pero ikaw ba, gusto mo ba talagang umalis o ayaw mo? Napilitan ka lang dahil inutos sayo ni Zinc. Kasi kung sasabihin mong gusto mong bumalik, ibabalik ka talaga namin dahil gaya nga ng sinabi ko kanina, ikaw na ang perpektong tao para doon."
Ngumiwi si Fate.
"Alam mo kasi... hindi ko rin alam ang dahilan ni Zinc bakit niya ako tinanggal sa trabaho. Pagkauwi naman ay galit na galit siya at hindi niya ako hinayaang alamin ang totoo. Pero kung ano man ang naging dahilan niya ay rerespetuhin ko 'yon. Kung ayaw niya... ayaw ko na rin," ani Fate.
Muntik ng mapatayo si Zinc sa kanyang narinig. Sakto pa na kadadating lang ng pagkain niya at pagkain din ng dalawa.
Mabuti naman at sumang-ayon siya sa ginawa ko.
"Sige. Pero kung magbago ang isip mo ay willing kaming tanggapin ka ulit," natahimik muna ang dalawa dahil inaayos nila ang kanilang pagkain.
"Matanong ko lang Fate. Nagkaboyfriend ka na ba?" sa tanong ni Aian ay muntik ng mabulunan si Zinc kaya naman napatingin sa kanya ang dalawa.
"Pare, tubig," sabi sa kanya ni Aian. Tumango-tango lang siya at ininom ang tubig na sinasabi ni Aian. Nagpasalamat siya rito ngunit gamit ang ibang boses. Para maiwala ang atensyon ng dalawa sa kanya ay nagbanyo muna siya. Binilisan niya para hindi rin mawala ang atensyon niya rito.
"Talaga? Wala pa?"
"Oo nga. Hahahaha. Bakit? Hindi ba kapani-paniwala?"
I can't believe it na nagawa ni Aian na itanong sa kanya ang bagay na 'yon. Bakit ako, hindi?
"Wala naman kasing... nagtatangka. At hindi ko naman iniisip iyon."
Talaga?
"Talaga? Akala ko, wala lang umaaligid sayo dahil natatakot sila kay Zinc."
"Halos isang buwan pa lamang akong naninirahan kasama ni Zinc. At wala namang nagpapaalam."
"Pero... gusto mo ba?"
"Hindi ko iyon iniisip, Ginoo."
"I can't believe it. Nakakaya mong mabuhay ng walang inspirasyon? Walang... boyfriend? Jowa? Syota? Kasintahan?"
Nakita ni Zinc ang ngiti sa labi ni Fate. "Sa lugar kasi namin dati, hindi naman mahalaga ang tungkol sa pagkakaroon ng kasintahan."
"Wow. Grabe naman. Kahit boyfriend lang? O manliligaw? O crush? Saan ka bang lugar nanggaling?"
Sa isa na namang pagkakataon ay nagpanic si Zinc.
Anong sasabihin ni Fate? Wala akong sinabi sa kanyang lugar kapag nagtanong sa kanya si Aian. Wala siyang alam na lugar dito kaya wala siyang masasabi kay Aian. I have to do something.
*buuuushhh*
Stupid Zinc. Pero okay na 'to.
"s**t," mahinang pagmumura ni Aian.
"Sorry, sorry, pare! Hindi ko sinasadya! It was my fault. Sorry. Sorry," ani Zinc. Agad na nagsilapitan ang mga waiter at inasikaso ang natapong tubig sa mesa ni Zinc. Sinadya niya kasing itabing ito dahilan para matapunan ang damit ni Aian at pati na rin ang pants niya.
Napansin ni Zinc ang pagtingin ni Aian sa nakatayong si Fate. "Ayos ka lang ba? Masyado bang marami ang parte na nabasa?"
"A-ayos lang ako. Salamat sa pag-aalala," nginitian ni Aian si Fate at saka tumingin kay Zinc.
"Ayos lang. Sana lang at huwag maulit, pare," nang matapos ang paglilinis ay naupo na ang tatlo.
"So ahm, saan nga tayo natapos sa usapan kanina?" ani Aian na nagpatuloy sa pagkain.
"Err... hindi ko na rin matandaan eh," sagot ni Fate. Nakahinga ng maluwag si Zinc sa kanyang narinig.
Marami pang pinag-usapan sina Aian at Fate at nasa tabi lang si Zinc na nakikinig. Marami na nga siyang order na pagkain at binabagalan niya pang kumain para may mapagkaabalahan habang nakikinig sa dalawa.
I didn't know I have to spend lots of money for this. s**t.
Mula sa katahimikan ay nagsalita si Aian. "Ahm Fate...?"
"Hmmm?"
"Masaya ka ba?"
"Oo naman. Mas nakilala kita ng husto," ani Fate.
"Talaga? Ako rin."
"Ahm... pwede bang..." pagputol ni Aian sa kanyang sasabihin.
"Pwedeng?"
"Pwede bang... manligaw? May... magagalit ba? Okay lang... sayo?" kinakabahang tanong ni Aian.
Hindi na hinintay ni Zinc ang sasabihin ng babae at tumayo na siya. Halos patakbo na ang paglapit niya sa kotse niya at kinuha ang phone para tawagan si Aian.
I don't care kung anong isinagot niya basta kailangan niya ng umuwi.
(Hello?) ani Aian.
"Nasaan si Fate?"
(Bakit? Nandito sa harapan ko-)
"Iuwi mo na siya."
(What? Zinc, 10 pa lang. Huwag ka namang killjoy.)
"Kailangan niyang umuwi na. May ibabalita ako sa kanyang mahalaga. Tell her that," pagdidiin ni Zinc.
Hindi pa man tapos ang pagsasalita ni Aian ay ibinaba na ni Zinc ang telepono. Hinintay niya munang makalabas ng restaurant ang dalawa bago paandarin ang sasakyan papuntang unit niya.
Mahigit kalahating oras ang inilagi ni Zinc sa sofa sa paghihintay kay Fate.
"Bakit ang tagal niyo naman yata?"
Samantalang wala pang 10 minuto ang biyahe mula sa pinagkainan nila papunta dito ah.
"Pasensya na. Natagalan kasi si Aian sa pagmamaneho eh."
I won't buy that.
Pumasok si Fate sa kwarto at nagpalit ng damit. "Ang sabi niya, may sasabihin ka daw sakin kaya kailangan kong umuwi kaagad. Ano ba 'yon?"
Para bang naputol ang dila ni Zinc, hindi alam kung anong sasabihin.
"P-pwede ka ng bumalik sa trabaho bukas."
Lumabas si Fate at sinabing, "sige. Iyon lang ba? Inaantok na rin kasi ako."
"Ah. Syempre hindi pa! Ano... kasi... pumayag na akong..."
Oh men. Hindi ko alam na papayag ako dahil lang dito.
"Pumayag na akong i-publish ang huling librong ginawa ko."
Namilog ang mga mata ni Fate at agarang lumapit kay Zinc. "Talaga? Nakakatuwa naman!"
"Oops. Okay na. Iyon lang ang sasabihin ko. Matulog ka na."
"Masaya ako na ibinalita mo 'yan, Ginoong Zinc!"
"Oo na, oo na. Matulog ka na."
"Sige," tinalikuran na ni Fate si Zinc kaso hinarap ulit ito na ikinagulat ng huli.
"O' bakit?"
Nalukot ang noo ni Fate at pinagmasdan ang kabuuan ng suot ni Zinc. "Bakit basa ang pantalon mo?"
Shit. Hindi pa nga pala ako nakakapagpalit! Bwisit!
"A-ano? Ah..."
"Hindi bale, matutulog na ako. Magandang gabi, Ginoong Zinc!"
Haaays.